***Tala***
"YOU'RE hired." Nakangiting sabi ni Ma'am Ciella na syang may ari ng coffee flower shop na pinag apply-an ko online.
"Thank you po, ma'am." Masayang sabi ko. Sa wakas may trabaho na ulit ako.
"Bukas bumalik ka ulit dito ng alas nuebe ng umaga para sa training mo. 6 days ang training mo at otso oras. Magsuot ka lang ng white polo shirt at itim na pants at close shoes. Si Ma'am Pinky mo ang mag ti-training sa'yo. Bayad din ang training mo."
Parang musika sa tenga ko ang sinabi nyang bayad din ang training ko. Mabuti naman kung ganun. Sa huling pinasukan ko kasi ay hindi. Nilingon ko si Ma'am Pinky na syang mag ti-train sa akin bukas. Nakangiti din sya sa akin at nag thumps up. Nagpasalamat ulit ako sa kanila bago nagpaalam.
Malapad ang ngiti ko ng lumabas sa coffee shop. Sa wakas may trabaho na ulit ako at hindi nabakante ng matagal. Ang hirap kasi ng walang trabaho at lalong mahirap kapag walang pera. Kung sana ay anak lang ako ng pinakamayamang tao dito sa Pilipinas eh di sana ay pakuya-kuyakoy lang ako sa bahay. Pero hindi — anak lang ako ng isang mahirap na kung hindi kakayod ay hindi makakakain ng tatlong beses sa isang araw. Pero kung tutuusin rin ay hindi ko mararanasan ang ganitong hirap kung may responsable lang akong magulang.
Nabuntong hininga ako at umiling iling. Ayoko munang mag senti ngayon. Importante ay may trabaho na ulit ako.
Sinilip ko ang oras sa mumurahin kong relo na nabili ko sa online shop. Mag a-alas onse pa lang ng tanghali. Siguradong nakasaing na si lola at paniguradong wala din kaming ulam. Bibili na lang ako sa kanto namin ng lutong ulam. May pera pa naman ako galing sa huli kong sahod sa factory.
Tumayo ako sa gilid ng kalsada at nag abang ng jeep. Agad kong pinara ang paparating na jeep at nakipagunahan sa pagsakay. Sa bandang unahan ako umupo sa tabi ng pinto para diretso baba agad. Dumukot ako ng barya sa bulsa ng bag at inabot sa mga nakasakay sa unahan.
"Bayad po." Sabi ko.
Inabot naman ng isang lalaki ang bayad ko at inabot din sa isang pang pasehero.
"Bayad po ni ganda, manong." Sabi ng isang lalaking huling napag abutan na syang nag abot ng bayad ko kay manong driver. Nagtinginan pa sa akin ang ilang mga pasahero. Kiming nginitian ko lang sila.
Pumara na ako ng tumapat na ang jeep sa tapat ng kanto namin. Dumiretso ako sa karinderya ni Ka Andong at namili ng uulamanin namin ngayong tanghali. Tatlo lang naman kaming kakain. Si Maki na bunso kong kapatid ay sa bahay kumakain ng pananghalian. Malapit lang naman ang public school. Isang kanto mula dito sa kanto namin.
"O saan ang lakad mo, Tala?" Tanong ni Nana Rosing na asawa ni Ka Andong.
"Kauuwi ko lang po. Galing akong Diliman nag apply po ng trabaho." Sabi ko habang tumitingin tingin ng lutong ulam.
"Kamusta naman? Natanggap ka ba?"
"Sa kabutihang palad natanggap naman po." Natatawang sabi ko.
"Kuh, aayaw pa ba sila sa magandang katulad mo." Komento ni Nana Rosing habang inaasikaso ang bumibili.
Isang ginisang upo at tatlong longganisang bawang na lang ang binili ko. Kung magkakarne kasi ay mahal at kulang pa sa aming tatlo. Mamaya ay pupunta akong palengke at bibili ng isda.
"Sabi ko naman sa'yo eh, sa shop ko na lang ikaw magtrabaho. Hindi ka mahihirapan dun. Magbubuhay prinsesa ka pa." Sabi ni Mang Raul na kumakain sa isang lamesa kasama ang dalawang tauhan. Mga nakangisi sila habang pinapasadahan ako ng tingin. Si Mang Raul ay may ari ng isang malaking talyer na katabi lang ng karinderya ni Ka Andong.
Hindi ako sumagot at nagkatinginan lang kami ni Nana Rosing. Inabot ko sa kanya ang isandaan na bayad ko.
Matagal na akong kinukulit ni Mang Raul na pumasok sa shop nya bilang kahera. Pero tigas tanggi ako kahit kailangan na kailangan ko noon ng trabaho. Hindi naman lingid sa kaalaman ko ang reputasyon nya. Walang nagtatagal na kahera sa shop nya dahil laging nagrereklamo ng pamomolestiya sa kanya. Ilang beses na nga syang napapabaranggay pero wala namang nangyayari. Eh pa'no kamag anak nya si kupitan — este kapitan.
Pagkaabot sa akin ni Nana Rosing ng sukli ay nagpaalam na ako sa kanya. Pero hinawakan nya ako sa braso at pasimpleng bumulong.
"Mag iingat ka sa mga yan." Pasimpleng bulong nya sa akin.
Lumunok naman ako at sinulyapan ng isang beses ang mesa nila Mang Raul. Naguusap sila at nagtatawanan sabay tingin sa akin. Hindi ko alam kung ano ang pinag uusapan nila pero malakas ang kutob ko na ako. Bumalik ang tingin ko kay Nana Rosing at tumango.
"Salamat po, Nana Rosing." Sabi ko.
Tumango naman sya. Kahit hindi kami magkaano ano ay concern silang mag asawa sa aming maglola.
Pumasok na ako sa makipot na eskinita. Nangungupahan lang kami sa isang maliit na apartment na malapit sa ilog. Matagal na kaming nangungupahan dito. Hindi pa ako pinapanganak ay dito na kami nakatira. Mura lang kasi ang upa namin dito at mabait pa ang landlord. Kung aalis kami at hahanap ng iba ay wala na kaming mahahap na mura. Mahal na ang mga paupahan ngayon. Kaya kahit binabaha kung minsan ay nag tiya-tiyaga na lang kami.
Napangiti ako ng matanaw na si Lola Puring na nagsasampay ng uniporme ni Maki. Kausap nya si Sol na may dalang mangkok. Malamang ay nagbigay na naman ito ng lutong ulam. Nang makalapit ako sa kanila ay nagmano ako kay lola.
"Ang bilis mo naman yata, apo." Sabi ni lola.
"Kamusta, beh?" Tanong naman ni Sol.
Ngumiti ako sa kanila. "Tanggap ako. Training ko na bukas." Masayang balita ko sa kanila.
"Talaga, apo? Aba'y magandang balita nga yan." Tuwang tuwang wika ni Lola Puring.
"Opo, 'la."
"Congrats, beh. May trabaho ka na ulet." Masayang bati naman sa akin ni Sol at nag apir kami. Kababata ko sya. Magkaklase kami mula elementary hanggang high school. Marami naman akong kaibigan dito sa amin pero sya talaga ang pinaka close ko.
"Salamat, beh. Teka wala kang pasok ngayon?" Tanong ko sa kanya.
Namamasukan kasi sya ngayon sa planta ng yelo bilang kahera. Dapat doon din ako papasok kaya lang ay wala na raw bakante. Naunahan daw akong mag apply ng isang kaibigan ng isa nyang kasamahan.
"Day off ko ngayon. Bukas naman panggabi ako."
"Ate Sol, pabile!" Sigaw ng isang bata sa tapat ng tindahan nila Sol.
"Ay beh, wait lang. Bentahan ko lang yun wala kasing tao sa tindahan. Umalis si nanay."
"O sige, punta na lang ako sa inyo mamaya. Kwentuhan tayo." Sabi ko.
Patakbo na syang bumalik sa bahay nila para bentahan ang batang bumibili. Binalingan ko naman si lola na nagpipiga ng damit.
"La, marami pa ba yan? Ako na dyan." Turan ko at nilapag ang hawak na envelope, bag at plastik na may lamang ulam sa upuang kawayan na nasa labas ng bahay.
"Hindi, ako na. Kaunti na lang 'to. Pumasok ka na lang sa loob at magpalit na ng damit."
"Sigurado po kayo, 'la?" Nagaalalang tanong ko.
Matanda na rin kasi si Lola Puring. Nasa sitenta na mahigit ang edad nya. Bagama't malakas pa ay may iniinda na rin sya.
"Oo naman! Malakas pa ang lola, apo." Natatawang sabi pa nya.
"O sige po kayong bahala. Pasok na po ako sa loob." Paalam ko sa kanya at binitbit na ang mga gamit ko at plastik ng ulam.
Naghubad muna ako ng sapatos bago pumasok sa loob. Nilapag ko sa maliit na lamesita ang envelope at bag ko. Ang ulam naman ay diniretso ko sa kusina na karugtong lang ng maliit naming sala. May nakita akong nakatakip sa lamesa. Binuksan ko ito. Meron akong nakitang isang mangkok na dinuguan na umuusok pa. Malamang ay ito ang binigay kanina ni Sol. Kumuha ako ng dalawang mangkok at sinalin ang binili kong ulam at tinakpan. Umakyat ako sa taas namin para kumuha ng damit na pamalit. Wala namang second floor tong bahay namin. Pinagawa lang namin itong taas para may mapag angatan kami ng gamit kapag bumaha. Pero dito rin ako natutulog sa gabi. Humugot ako ng lumang t-shirt at walking shorts sa drawer.
Pagkatapos kong magbihis ay sumilip ako sa labas ng bahay. Nasa labas pa kasi si lola at hindi pa pumapasok. Malamang ay nakikipaghuntahan na naman sa mga kapitbahay. Tiningnan ko ang oras sa wall clock. Mag a-alas dose na ng tanghali at malapit ng umuwi si Maki. Tumungo ako ng kusina at naghain na. Ilang sandali pa nga ay narinig ko na ang malaking boses ng malusog kong kapatid.
"Ano ulam?" Ang una nyang tanong pagpasok ng bahay. Kasunod na rin nya si lola. Pero bago pa ako nakasagot ay lumapit na sya sa lamesa para tingnan ang ulam.
"Wow! Tatlo ulam natin." Bulalas nya.
"Maghugas ka na ng kamay Maki nang makakain na tayo. La, maupo na po kayo." Nilapagan ko sila ng plato sa tapat ng inuupuan nila at pinagsandok ng kanin. Humirit pa nga si Maki na damihan ko ang kanin nya. Malakas kasi syang kumain kaya malusog. Kaya rin hindi halatang hikahos kami sa buhay dahil malusog sya. Sadyang hindi lang sya mapili sa pagkain at kung ano ang nasa mesa ay kinakain nya. Yun naman ang ikinakatuwa ko sa kapatid ko dahil hindi sya mahirap pakainin.
Magana naming pinagsaluhan ang pagkain sa mesa. Kahit payak lang ang pamumuhay namin at salat kung minsan ay masaya naman kami. Nasanay na kaming tatlo na laging magkasama dito sa bahay. Ulila na kami ni Maki sa ina dahil namatay si mama sa panganganak sa kanya siyam na taon na ang nakakaraan. Si papa naman ay sumama sa ibang babae noong pinagbubuntis pa lang ni mama si Maki. Kaya kaming tatlo na talaga ang magkakasama mula noon. Si Lola Puring na ang bumubuhay sa amin mula ng mawalan kami ng magulang. May pension syang natatanggap buwan buwan at yun lang ang pinagkakasya namin sa loob ng isang buwan. Nagluluto pa noon si lola ng meryenda at ilalako para may pambaon ako at panggatas si Maki. Mag abot man kasi si papa ay napakabihira naman at palima-limangdaan lang. Kaya noong nag aaral ako ng two years vocational course ay nag apply ako sa isang fast food chain na tumatanggap ng estudyante. Kaya naitawid ko ang pag aaral ko. Gusto ko sana ng four years course kaya lang ay hindi na talaga kaya.
"Ate, may barya ka dyan?" Tanong sa akin ni Maki. Pabalik na sya ngayon sa school. Nasa ikaapat na baitang na sya sa elementarya.
"Ubos na baon mo?" Taas kilay na tanong ko. Binibigyan ko kasi sya ng thirty pesos pambaon nya.
Nagkamot sya sa ulo at ngumuso. "Bumili ako kanina ng spaghetti sa canteen saka gulaman. Eh kinse ang isang order ng spaghetti tapos sampo ang gulaman. Kaya limampiso na lang ang natira sa akin."
Bumuntong hininga ako at lumapit sa bag kong nakasabit. Binuksan ko ang bulsa ng bag ko at kinuha ang barya. Meron pa akong 45 pesos na barya. Binigay ko sa kanya ang bente pesos. Malapad ang ngiting kinuha nya ito at nagpaalam na papasok na.
Kaya hindi talaga ako pwedeng mawalan ng trabaho dahil merong umaasa sa akin. Wala naman kasing aasahan ang kapatid ko sa ama namin. Bibihira na nga lang syang mag abot dahil mas priority nya ang pangalawa nyang pamilya.
Pagsapit ng gabi ay hinanda ko na ang susuotin ko kinabukasan para sa training.
*****