***Tala***
MATAMAN akong nakikinig kay Ma'am Pinky habang sinasabi nya sa akin ang rules and regulations dito sa coffee shop. Tinandaan ko naman yun para hindi ako magkamali. Ayaw kong pumalpak sa trabaho para hindi ako mapulaan ng employer. Tinuruan ako ni Ma'am Pinky sa pag operate ng pos machine. Hindi naman ako hirap doon at madali ko lang nakuha dahil dati na rin akong kahera sa isang gasolinahan. Tinuruan din nya ako kung paano magtimpla ng kape. Just in case na kulang kami sa barista ay at least kaya kong gumawa ng kape. Pero ang pinaka trabaho ko talaga ang pagkuha ng order ng mga customer.
First day ko pa lang sa training ay halos kasundo ko na ang mga crew na kasama ko. Mababait naman sila at magaan kasama. Mababait din ang mag ina na si Ma'am Criselda at Ma'am Ciella na syang may ari ng coffee flower shop. Pati na rin si Ma'am Pinky na kasosyo din nila at manager namin.
"Basta kapag may nagtaray sa'yong customer nginitian mo lang kahit nakakabwisit." Bilin sa akin ni Ethel na isa ring crew at gaya ko ring sa customer service nakatoka.
Nakangiting tumango tango naman ako. Hindi naman mahirap ang trabaho. Yun nga lang ay kailangan mo ng mahabang pasensya para sa mga customer na makukulit gaya ng tatlong estudyanteng lalaki na nasa harapan ko ngayon.
"Bago ka lang dito, 'te?" Nakangiting tanong sa akin ng estudyanteng kulot ang buhok.
Nakangiting tumango lang ako habang hinihintay ang order nila.
"Anong pangalan mo 'te?" Tanong din ng isa pang estudyante na medyo chubby na maputi pero cute. Binatukan pa sya ng kasama nyang tisoyin na maputi at may katangkaran.
"Tangna naman neto o! Batok ng batok." Reklamo ng chubby na estudyante.
"Ako kasi unang nakakita kay ate tapos uunahan mo pa akong magtanong ng pangalan."
"Eh bakit ba? Ang bagal mo eh!"
Tumikhim ako. "Ah mga sir, kung hindi pa po kayo o-order pwede po bang gumilid muna kayo para po maka-order naman ang iba pang customer." Mahinahong kausap ko sa tatlong estudyante. May dalawang customer kasi na nakapila sa likuran nila.
"O-Order na kami, 'te. Huy! Umayos na kasi kayo. Baka mainis si ate palabasin tayo eh." Saway ni kulot sa dalawa nyang kaibigan na nagbabardagulan sa likuran nya.
Ngumiti naman ako at tumango. Mukha naman silang mababait pero halatang makukulit.
Kanya kanya na nga sila ng order ng bubble tea. Nagpipindot naman ako sa pos machine. Nang makuha na ang order nila ay kinuha ko naman ang mga pangalan nila. Si kulot ay Nathan ang pangalan, yung chubby naman ay Jimmy at yung payat na tisoy ay Omar. Inulit ko sa kanila ang order nila at nagtanong kung may ipapadagdag pa ba sila sa order nila. Pero umiling na sila at nag abot na ng bayad. Sinabihan ko naman silang tatawagin na lang kapag nandyan na ang order nila. Nagpacute pa sila sa akin bago umalis. Hindi ko na lang sila pinansin at kinuha na ang order ng mga sumunod na customer.
"First day mo pa lang sa training kotang kota ka na sa customer, ah." Ani Ethel habang nag bi-break kami. Wala na kasing masyadong customer at paisa isa na lang ang pumapasok kaya pinag break muna kami ni Ma'am Pinky.
"Oo nga, eh. Naaligaga ako kanina. Buti na lang nandyan ka. Salamat ha." Sabi ko at sumubo ng palabok. May libreng meryenda kaya hindi na kami bibili ng pagkain namin.
"Wala yun. Ganyan din naman ako nung first day ko pa lang sa training. Hindi nga lang ako pinagkakaguluhan ng mga customer gaya mo. Iba talaga kapag maganda, eh."
Natawa ako sa sinabi nya. "Exaggerated naman sa pinagkakaguluhan."
"Eh totoo naman. Kita mo nga kanina, sayo lahat nakapila ang mga customer kahit available naman ang kabilang counter."
"Natutuwa lang siguro sila sa akin dahil bago ako dito."
"Natutuwa sila sayo dahil maganda ka. Sanaol maganda."
Ngumisi na lang ako at hindi na nagkomento pa. Tinuloy ko na lang ang pagkain ko.
Aminado naman akong agaw atensyon ang hitsura ko. Isa nga ito sa advantage ko kaya agad akong natatanggap sa trabaho. Masaya naman na may magandang mukha pero parang sumpa din kung minsan dahil lapitin din ng mga bastos gaya ni Mang Raul. Kaya naman nag iingat ako lalo na sa mga lalaki. Sa totoo lang ay may trust issue ako sa mga lalaki dahil na rin sa ama ko. Kaya nga hanggang ngayon ay wala pa rin akong boyfriend.
"Kamusta ang training ng bago nating crew?"
Napalingon kami ni Ethel kay Ma'am Pinky na lumapit sa amin. May ngiti sa kanyang labi kaya hindi nakakailang.
Tumikhim muna ako para alisin ang bara sa lalamunan ko.
"Ayos lang po, ma'am. Medyo gamay ko na po ang pagkuha ng order ng mga customer." Sabi ko.
"Oo nga, nakikita ko. First day mo pa lang dito sa coffee shop pero pinipilahan ka na, ha. Hindi nga kami nagkamali sa pag-hire sayo. Good job, Sinagtala!" Ani Ma'am Pinky.
Nakangiwing ngumiti naman ako. "Thank you po, ma'am. Uhm, Tala na lang po sana ang itawag nyo sa akin."
"Okay, Tala! Enjoy kayo sa meryenda nyo." Saad ni Ma'am Pinky at tumalikod na.
"Salamat po, ma'am." Sabay naming wika ni Ethel at napangiti.
"Bakit kasi Sinagtala ang pangalan mo? Masyadong makaluma." Natatawang sabi ni Ethel.
Nagkibit balikat ako at ngumisi. "May pagkamakata kasi si mama noong nabubuhay pa. Yung bunso ko ngang kapatid ang pangalan nya Makisig pero bochog yun."
"Pero bagay naman sayo ang pangalan mo. Maputi ka tapos maganda pa."
Napangiti ako sa sinabi ni Ethel. Yun din kasi ang sinasabi sa akin noon ni mama nung tinanong ko kung bakit Sinagtala ang ipinangalan nya sa akin.
Matapos ang thirty minutes break ay bumalik na kami sa counter. Sunod sunod nang nagpasukan ang mga customer na karamihan ay mga estudyante. Mag a-alas kwatro na kasi yun ng hapon at karaniwang oras ng labasan ng mga estudyante mula sa school. Ang location kasi ng coffee shop ay malapit sa isang private university at isang public high school. Napapaligiran din ito ng mga building mapa-private man o public kaya hindi lang mga estudyante ang karaniwang customer namin kundi pati mga office workers.
Sabi pa nga ni Ethel bago kami mag closing sa gabi ay puro mga taga bpo naman ang mga customer namin. Pangkarga nila ng energy ang kape para sa magdamagang duty. Meron din namang ibang mga coffee shop dito sa lugar. Yung nasa tapat nga namin na nasa kabilang kalsada ay coffee shop din. Marami rami din ang customer na pumapasok doon. Depende na lang siguro sa mga customer kung saan nila bet bumili ng kape. Malaki itong coffee shop namin at pwede kang tumambay habang nagkakape dahil may mga table din dito. Bukod din kasi sa kape at ibang beverages ay meron din kaming pastries. Karugtong naman nitong coffee shop ay ang flower shop na pag aari din ni Ma'am Ciella at Ma'am Pinky. Mabenta din ang flower shop at magaganda pa ang mga bulaklak.
Nangingiti ako habang kinukuha ang order ng isang grupo ng mga estudyanteng babae. Bigla ko kasing namiss ang buhay estudyante ko noon. Hindi nga lang ako pumapasok sa mga coffee shop dahil wala naman akong pambili. Hanggang 3in1 lang ang kaya ko. Minsan nga itim na kape lang. Kung hindi lang kami hikahos sa buhay at may pera lang ay mag aaral ulit ako. Pero sa ngayon priority ko muna ang kumayod.
"Good afternoon, ma'am. Welcome to Haven La Fluer Cafe. What would you like to order, ma'am?" Magiliw na tanong ko sa babaeng customer na nakapang opisina na suot. Naka umang na ang mga daliri ko sa screen ng pos machine.
Sinabi naman nito ang order na kape pati na rin ang size sabay abot ng bayad. Hiningi ko naman ang pangalan nya bago sya umalis sa pila.
.
.
Pagbaba ko ng jeep ay saktong pumatak ang ulan. Patakbo akong pumasok sa eskenita at ginawa kong pandong ang bag.
"Naku, apo. Naabutan ka na ng ulan." Turan ni Lola Puring ng mag mano ako sa kanya.
"Oo nga po, 'la. Mabuti na lang at pumatak ang ulan pagbaba ko ng jeep." Sabi ko habang nagtatanggal ng sapatos.
"Magdala ka na ng payong araw araw. Tag ulan na at bigla bigla na lang bumabagsak yan ng walang pasabi."
"Opo, 'la." Nilagay ko sa rack na nasa gilid ng pinto ang sapatos ko.
"Kamusta naman ang training mo, apo?"
"Ayos naman po, 'la. Kering keri naman." Nakangising sabi ko at pumasok na sa loob ng bahay.
Mag aalas singko na ako nakauwi dito sa bahay dahil medyo naipit pa ako sa trapik kanina. Eight hours lang ang training ko sa isang araw pero kapag tapos na ang training ay 12 hours na ang pasok ko. Binigay naman sa akin ni Ma'am Pinky ang bayad ng training ko sa araw na ito kaya may ibibigay akong pambaon ni Maki bukas.
"Si Maki po, 'la?" Hanap ko sa kapatid.
"Nasa bahay nila Teptep nakikigamit ng cellphone. Uuwi din yun pag nalaman na nandito ka na. O, nandyan na pala. Naamoy ka na."
"Ate!"
Nilingon ko si Maki na pumasok na ng bahay na may malapad na ngiti sa labi. Lumapit sya sa akin at yumakap. Napangiti naman ako at ginulo ang buhok nyang mamasa masa pa dahil naulanan. Pinagalitan ko naman sya.
"Pengeng barya, 'te. Bibili ako ng fishball." Nakangusong ungot nya sabay lahad ng kamay.
Dumukot naman ako sa bulsa ng bag ko. Thirty pesos ang nadukot ko. Pamasahe ko na sana sa jeep yun bukas pero binigay ko na sa kapatid.
"O, binili mo na rin kami ni lola. Kikiam ang akin, ha."
Lalong lumapad ang ngiti nya. "Saka pahiram ako ng cellphone mamaya 'te, ah."
"Oo na. Magpayong ka paglabas."
"Opo!" Aniya at nagmamadali ng lumabas ng bahay.
Umakyat na ako sa taas para magbihis. Si Lola Puring naman ay nagaasikaso na sa kusina para magsaing.
Halos mabingi ako nang bumagsak na nga ang malakas na ulan sa bubungan. Walang kisame itong bahay namin kaya dinig na dinig talaga sa loob ng bahay ang bawat patak ng ulan sa yerong bubong. Sana umulan din mamayang gabi para masarap ang tulog ko.
Matapos magbihis ay bumaba na ako bitbit ang mga hinubaran ko. Agad ko na yung lalabhan para maisuot ulit sa susunod na araw. Dalawa naman ang polo shirt kong puti kaya salitan ang suot ko nun.
Mayamaya pa ay bumalik na si Maki na may bitbit na dalawang cup na may lamang fishball at kikiam. Pinagsaluhan na naming tatlo yun.
.
.
NAPAPALINGON kami kay Ma'am Pinky na nasa flower shop dahil parang kinikiliti sya kung makahagikgik. Kausap nya ang boyfriend nyang isang hepe ng pulisya. Gwapo ang boyfriend ni Ma'am Pinky. Matangkad at matipuno ang katawan. Yun nga lang ay seryoso ang mukha pero mukha namang mabait at sweet pa kay Ma'am Pinky.
"Sanaol may Sir Cedric. Swerte talaga ni Ma'am Pinky. May boyfriend na hot na pulis." Wika ni Ethel.
Mahina naman akong tumawa. "Eh di mag boyfriend ka rin ng pulis." Sabi ko habang pinupunasan ng malinis na basahan ang counter. Wala pang pumapasok na customer kaya libre kaming mag-chikahan.
"Basta ba kagaya ni Sir Cedric ayos lang. Ayoko sa mga pulis na nauuna pa ang tiyan."
"Pihikan ka rin pala."
"Of course! Kahit hindi ako kagandahan may karapatan pa rin akong maging pihikan dahil hindi ako isang babae lang." Palaban na turan nya.
Napangisi naman ako. Pero may point sya.
"Hi miss."
Napapitlag ako nang biglang may nagsalita sa harapan ko. May customer na palang pumasok. Agad kong pinlaster ang ngiti sa labi.
"Good afternoon, sir. Welcome to Haven La Fleur Cafe." Bati ko sa customer.
Ngumiti naman sya sa akin at sinabi na ang order nyang iced coffee. Pero habang nagsasalita ay titig na titig sya sa mukha ko. Nakaramdam naman ako ng pagkaasiwa dahil kakaiba ang titig nya. Para akong kinikilabutan na hindi ko maintindihan.
*****