BIGLA akong napapitlag ng magsalita ang secretary ko. "Sir, ayos lang po ba kayo? Kanina pa kayo tinatanong ni Mr. Luburchi." Lihim akong napalunok. Nagpakawala ng buntong hininga. Simula 'ata kagabi hindi na ako makatulog sa kakaisip na ngayon ang unang araw na pagpasok ni Sofie sa kompanya ng ama nito. Kung ako lang ang tatanungin, hindi na nito kailangan pang magtrabaho. Pero sa ngayon wala pa akong magagawa lalo na't kinukuha ko pa lang ang loob nito. Iniisip ko pa lang na ang daming mga matang nakatitig sa dalaga, naninikip na ang dibdib ko. Sa kabila na 'di ito interesado, at naniniwala naman ako sa bagay na iyon, nandoon pa rin ang kaba sa dibdib ko. Ang selos! Para nga akong tanga na nakakaramdam ng selos kahit wala naman dapat ikaselos. Lalo 't kilala kong matino si Sofie.

