Hindi ko alam kung ano talaga ang pinag-uusapan nina Nanay at Don Lario.
Nakapagtataka lang na pagkaalis ni Don Lario ay wala na akong narinig na mga pagdududa at mga negatibong komento mula kay Nanay para rito.
"Sabi ni Don Lario ay sa bahay ka na nila pansamantalang titira habang nagtatrabaho sa kanya."
"Pumayag po kayo?" maang kong tanong.
"Bakit naman hindi? Maganda naman ang intensiyon no'ng tao. Gusto lang talaga niya tayong tulungan."
Ako na ngayon iyong nagdududang napatitig kay Nanay dahil sa biglaang pagbaliktad ng simoy ng hangin.
"Magtapat po kayo, Nay. Anong pinag-uusapan ni'yo ni Don Lario?"di ko mapigilang usisa.
"W-wala," medyo nautal niyang sagot sabay iwas ng tingin kaya lalong lumakas ang naramdaman kong pagdududa. "Ipinaliwanag niya lang sa'kin kung ano ang magiging trabaho mo sa kanya. Sinabi niya sa'kin na intensiyon niya lang talagang tulungan tayo," mahinahon niyang dugtong.
"Iyon lang po?" pangungulit ko.
"Mayroon pa ba kaming dapat pag-usapan?" kunot-noo niyang balik-tanong sa'kin.
"Aba malay ko, baka kasi niligawan kayo no'ng matanda."
Isang kurot sa tagiliran ang natanggap ko mula kay Nanay na ikinaaray ko.
"Umayos kang bata ka, baka may makarinig," nandidilat niyang saway sa'kin.
"Sino makarinig? Si Ate Weng? Tulog iyan eh," natatawa kong saad.
Nginitian lang ako ni Nanay sabay halos ng pisngi ko. Lumambot ang mukha nito habang pinag-aralan ang buo kong mukha.
Itong si Nanay, parang ngayon lang ako natitigang mabuti kung makatingin. Araw-araw kaya kaming magkasama.
"Alagaan mo roon ang sarili mo, ha. Makinig ka kay Don Lario, huwag mong pasakitin ang ulo niya... matanda na iyon," mahinahon niyang bilin sa'kin.
"Nay, magtatrabaho kang po ako roon at hindi mag-a-abroad, isang sakay ng jeep lang iyon sa bahay natin," natatawa kong sabi.
"Medyo malayo iyong lilipatan nating bahay," aniya.
Sa isang subdivision kami nakatakdang tumira kapag nakalabas na si Ate Weng sa hospital at hindi na sa squater area. Makabubuti raw sa pagpapagaling ni Ate ang preskong kapaligiran doon.
"Alam ni'yo, Nay. Napag-isip-isip ko ngayon, tama po kayo... nakakaduda ang kabaitan ni Don Lario sa'tin."
"Mali ako ng akala. Mabait talaga si Don Lario," pagtatanggol niya rito.
Parang kailan lang ay siya itong basher pero ngayon ay bigla siyang naging solid supporter.
"Magtapat kayo sa'kin, Nay. Tumanggap ba kayo ng datung kay Don Lario kaya biglang nagbago ang isip ni'yo?"
"Isang tanong mo pa, Lolita, at sasamain ka na sa'kin," may pagbabanta niyang sabi at inambaan ako ng kurot.
"Nagtatanong lang," natatawa kong tugon.
"Simula bukas ay magbabago na ang buhay mo... buhay natin," bigla ay seryosong wika ni Nanay. "Kumapit na sa'kin iyong masamang reputasyon pero masaya ako at makakawala kayo ni Weng sa anino kong iyon. Hindi mo na kailangang pumasok sa mababang trabahong iyon kahit kailan, " madamdaming pagtatapos ni Nanay. "Patawarin mo si Nanay, 'nak."
"Bakit ang drama ni'yo ngayon?" pabiro kong tanong sa kanya.
"Masama bang ma-miss kita dahil malalayo ka sa'min ni Ate Weng mo?"
"Ay sus, si Nanay talaga. Dadalaw pa rin naman ako sa inyo at doon pa rin ako uuwi pagkatapos ng kontrata ko kay Don Lario dahil kayo iyong pamilya ko," sagot ko.
"At, hihintayin ka namin, 'nak. Anumang mangyari ay ikaw pa rin iyong bunso ko. Ang makulit kong bunso na laging pinapasakit ulo ko."
"Aray naman, 'Nay! Hindi naman palagi."
Anumang hugot ng Nanay ko ngayong araw ay idinaan ko lahat sa biro pero deep inside ay ramdam ko iyon.
Mahal na mahal ko ang nanay kong ito na buong puso akong kinupkop at inaalagaan.
Sa sobrang pagmamahal niya sa'kin ay ni minsan hindi ko hinanap ang pag-aruga ng totoo kong mga magulang.
Wala akong ibang buhay na hinangad kundi ang buhay kasama silang dalawa ni Ate Weng.
Sa susunod kong buhay kung papipiliin ako ng ina ay walang pagdadalawang-isip na pipiliin ko si Nanay Berna.
Hindi man siya huwarang ina sa mga mata ng ibang tao ay siya naman ang pinaka-the-best nanay para sa'min ni Ate Weng.
"Susunduin ka bukas ng tauhan ni Don Lario sa bahay natin. Hindi kita matutulungang mag-empaki dahil ayokong nakikita kang aalis," may bikig sa lalamunang wika ni Nanay kapagkuwan.
Nilapitan ko siya at naglalambing na yumakap sa kanya. Magtatrabaho lang naman ako pero itong nanay ko kung makapagdrama parang di na ako babalik sa'min.
"Si Nanay talaga, oh. Dadalaw naman ako araw-araw sa inyo," tumatawa kong sabi.
Gusto ko rin siyang matawa dahil kitang-kita ko na para siyang naiiyak.
"Nay, babalik pa naman ako," patuloy kong pagpapalubag sa loob niya.
"Hindi lang siguro ako sanay na hindi ka makakasamang kumain at hindi ka na makikitang binabaliktad ang buong bahay natin para sa mga wirdo mong interior design."
"Nay, hindi po wirdo iyon. Gano'n po talaga ang mga designer."
"Anak, suportado naman kita sa pagiging frustrated interior designer mo kahit Business Ad iyong kurso mo pero iyong gawing parang may lamay araw-araw iyong bahay natin ay hindi talaga iyon maganda."
"Ang pangit mo ka-bonding, 'Nay. May kandila lang , may lamay agad. Pang-sosyal iyong design ng candle holder na ginamit ko."
Nakasimangot akong bumitiw sa kanya. Nakakatampo minsan dahil lagi siyang may nasasabi sa fashion sense ko pagdating sa interior designing.
"Gano'n din iyong gamit sa mga funeral homes, Lolita... Idagdag mo pa iyong mga binibili mong malalaking banga na inaasahan kong may lalabas na halimaw mula sa mga iyon isa sa mga araw na ito."
"Antique ang mga iyon, Nay."
"May antique bang nabibili sa tabi-tabi? At utang na loob, alisin mo sa banyo iyong lumang salamin na binili mo sa kung saan. Kinikilabutan ako kapag biglang napapaharap doon. Hindi natin dadalhin iyong mga antique mo sa lilipatan nating bahay"
Napakamot na lang ako sa litaniya ni Nanay. Ayaw na ayaw niya talaga sa pagiging stylist ko kahit tuwang-tuwa naman doon si Ate Weng.
"Mabuti na lang lilipat na tayo dahil parang pinamugaran na ng multo iyong bahay natin dahil sa mga kung anu-anong pinagdadala mo roon."
"Saan ko po ililipat iyong mga antique ko?" namomroblema kong tanong.
Halos gumulong ako sa pakikipagtawaran sa mga iyon sa antique shop ng kakilala ko kaya hindi ko pwedeng basta-basta na lang itatapon ang mga iyon.
Pakiramdam ko nga ay iyon ang nagdadala ng swerte sa'kin.
"Dalhin mo na lang kaya iyon sa bahay ni Don Lario."
Napatango-tango ako sa suhestiyon ni Nanay.
Tama siya, akin naman ang mga iyon kaya kung nasaan ako ay dapat naroon din sila dahil lucky charms ko ang mga iyon!