“Gising ka pala!” sabi ko habang umiinit ang mukha ko sa hiya. Mahina siyang natawa, iyong tawa na mababa at nakakakiliti sa tenga. Hindi pa rin siya tuluyang bumabangon sa pagkakahiga niya sa sofa, pero nakatingin lang siya sa akin na parang aliw na aliw pa! “Kanina pa,” sabi niya. Nakapikit lang siguro siya kaya akala ko naman nakatulog siya. “Kanina pa?!” mas lumaki ang mga mata ko. “So narinig mo lahat?” gulat kong tanong sa kanya. “Depende. Saang part ba ang gusto mong itanggi?” tanong niya habang unti-unting bumangon at sumandal sa sofa. Pero nakatingin pa rin siya sa akin. “Wala akong itinatanggi.” Mas lalo akong nahiya. “Talaga?” Natatawa niyang sabi. “Kasi may narinig akong ‘ang gwapo no?’ tapos may analysis pa tungkol sa ilong at kilay ko.” Inirapan ko siya. “Anton!”

