Kabanata 6- 1995, Pagkumpronta Kay Leandro

1148 Words
“Lo, saan po tayo pupunta?” “Dadalawin natin ang Tita Wela mo.” Ikinatuwa ni Coreen na dadalawin nila ang kanyang Tita. Habang nasa byahe pa lang ay ini-imagine na niya ang kanilang paglalaro. Nag-iisip na siya ng meryendang kanyang ire-request. Nangingimi siyang kausapin pa ang kanyang lolo dahil sa wari nito ay seryoso at galit ang matanda. Narating nila ang isang boarding house. “Gov, dito po tumutuloy si Ma`am Wela.” Napatingala si Coreen pagkababa ng kotse. Matayog na ang tatlong palapag na boarding house para sa kanyang liit. Bahagya niyang itinakip ang mumunti niyang mga kamay sa mga mata dahil nasisilaw siya sa sikat na araw. Sinundan lamang niya ang kanyang lolo na umakyat ng hagdan. Mabilis na nagsipagsara ng bintana at pinto ang ibang umuupa sa apartment. Nagtaka si Coreen dahil mistulang natatakot ang mga tao doon. Malumanay na kumatok sa pinto ang gobernador. Tinawag nito ang pangalan ng kanyang pamangkin. Walang sumasagot. Maiksi ang pasensya ni Leandro sa mga ganitong sitwasyon. Inutusan niya ang kanyang bodyguard upang siya ang kumatok sa pinto. “Madam Wela, pakiusap po. Buksan niyo ang pinto. Baka makatawag ng atensyon ang presensya ni Gob dito.” Saka lang binuksan ni Wela ang pinto. Natuon sa mga inosenteng mata ni Coreen ang kanyang tingin. Pilit ang ngiti nitong nang niyakap siya ng pamangkin. “Sundo ka namin, Tita Wela. Mamamasyal po tayo.” Nangingilid ang mga luha nitong tumingin sa tiyuhin. Walang magagawa ang balak niyang pagtanggi dahil natakot na ito agad sa maotoridad na mga titig ng gobernador. “Bakit kailangang isama niyo pa si Coreen?” Hindi ito pinansin ng matanda. Bagkus ay tumingin ito sa kanyang relo. “Sumama ka nang mahinahon. Ayokong magkaroon pa ng eksena dito.” Tumalikod na ang matanda saka naglakad papalayo. Naiwan ang dalawang guwardiya at si Coreen sa harapan ng pinto. “Tita, wait po kita. Magready ka na dali. Ililibre tayo ni Lolo.” Napansin ni Coreen na naluluha si Wela. “Nakakaiyak po ba `yong excitement?” Pinahid ni Wela ang mga luha niya saka umiling. “Napuwing lang ako, Beh. Teka lang kukunin ko lang ang bag ko.” Alam ni Wela na hindi na niya mababago ang isip ng kanyang tiyuhin. Tumatak sa isip niya ang laging sinasabi ng kanyang mga magulang. Pinapangalagaan lang daw diumano ng gobarnador ang kanilang pangalan kaya tinanggalan sila ng karapatang magmahal ng hindi nila kapantay ng estado sa lipunan. Para kay Gobernador Leandro, kailangang makapag-asawa ng maykaya ang mga nakababatang Trinidad upang mas lumawig ang kanilang kapangyarihan sa probinsiya. --- “Lo, bakit po nasa clinic tayo?” tanong ni Coreen. “Bakit iisa lang ang doctor dito?” Sa isang clinic na pagmamay-ari ni Dr. Santiago sila nagtungo. Hindi na nagulat ang doctor nang makita ang gobernador. Ang ikinabahala niya ay ang makita ang dalawang inosenteng matang nakatitig sa kanya. “Ano na naman ba ito, kumpadre? Bakit isinama mo pa itong apo mo?” “Alam mo na ang mga kabataan ngayon. Mapupusok,” tanging sagot ng gobernador. Bumaling siya kay Wela. “Sumunod ka sa kanya. Lahat ng mga kailangan mo sa pagpapagaling ay dadalhin dito ng mga bodyguards.” “Sa susunod, huwag kang magdadala ng inosente dito. Patawarin ka nawa ng Diyos.” “Patawarin nawa tayo ng, Panginoon,” nang-uuyam pang sagot ni Leandro. “Ano pang hinihintay natin dito? Halika apo. Gagamutin ni doc ang Tita Wela mo.” --- “Tapos po, Lola. Nilagay sa parang lalagyan ng stick-o po `yong tinanggal kay Tita Wela. Siguro magaling na po si Tita. Cancer daw po `yon sabi ni Lolo e.” Lalong nag-alala si Regina sa mga nasaksihan ni Coreen. Nagpupuyos ang kanyang puso sa kasamaan ng kanyang asawa. “Huwag mong ikukwento sa iba iyong mga nakita mo ha?” “Bakit po?” “Dahil hindi magandang ikwento ang ganung mga bagay.” Ginagap ni Regina ang magkabilang pisngi ni Coreen. “Dalawin natin ang Tita Wela mo next time. Magpahinga ka na muna.” “Gusto ko pong maglaro. Puntahan ko po si Ellen, Lola.” Hindi na hinintay ni Coreen na pumayag ang kanyang lola. Dali-dali itong tumakbo palabas ng kwarto. Sinundan lamang siya ng tingin ni Regina. “Mahabaging Diyos. Please guide our little Angel. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa aking asawa.” --- Malalim na ang gabi. Inabangan ni Regina ang asawa sa may sala. Nagkaroon agad sila ng matinding argumento. . “Bakit pinanghihimasukan mo ang buhay ng mga pamangkin mo? Wala ba silang magulang para disiplinahin sila? Saka, hindi tama ang ginagawa mo Leandro! Por Diyos, Por Santo! Malaking kasalanan sa mata ng Panginoon!” “Humingi lang ng tulong sa akin si Wilfredo.” Ang tinutukoy niya ay ang pinsan niya. Papausbong pa lamang ang karera nito sa pulitika. Malaking dahilan ang impluwensya ni Leandro sa pagkapanalo nito. “Hindi naman masamang tumulong hindi `ba?” “Pagtulong pa ba ang pagsira mo sa kinabukasan ng mga bata? Pati si Coreen, idinadamay mo. Wala na bang natitirang konsensya sa puso mo?” “She’s a Trinidad. Kailangan niyang maging matatag. Mauunawaan din niya sa paglaki niya.” “Mauunawaan niya kung gaano ka kasama? Kung paano mo kontrolin ang buhay ng mga kamag-anak mo? Ganoon ba?!” Hindi naman lingid sa kaalaman niya na pinapabugbog o kaya ay ginigipit ni Leandro ang mga nanliligaw sa kanyang mga anak kung hindi niya tipo ang mga ito. Walang lugar kay Leandro ang pag-ibig. Pera at estado sa lipunan lamang ang kanyarang batayan para maging karapat-dapat na mapabilang sa kanilang pamilya. “Kinabukasan ng mga bata ang pinag-uusapan dito. Gusto mo bang magdildil sila ng asin ha, Regina?” panunumbat pa ni Leandro. “Nasa posisyon ako para gawin mas maganda ang buhay nila. Nakasandal silang lahat sa akin, ayokong mawala ako ay mawala rin ang lahat sa kanila.” “Nag-aalala ka ba talaga sa mga bata o sa sarili mo lang?” pang-uusig ni Regina sa asawa. “Binago ka ng pulitika, Leandro. Tanggap ko nang marami kang naging babae at mga anak pero sumosobra ka na!” “Stay out of this, Regina. Ang asikasuhin mo ay kung paano pababanguhin ang pangalan mo para manalo ka sa eleksyon. Ayokong magmukhang katawa-tawa sa publiko.” Dismayado sa asawa, hindi na napigilan ni Regina ang sarili. Isang malakas na sampal ang pinakawalan niya. “Napakasakim mo! Hindi na nakakapagtaka kung balang araw ay wala ni isa sa mga anak mo ang magmamahal sa`yo!” Hindi natinag si Leandro. Walang emosyon itong nakatingin sa asawa. Hindi na siya apektado sa mga sinasabi ng kaharap. Para sa kanya ay wala nang bawian sa mga hakbang niya upang makamit ang kanyang minimithi, ang magkaroon ng koneksyon sa mga maimpluwensyang personalidad sa bansa. Sa ganoong paraan ay maari pang tumaas ang kanyang posisyon sa gobyerno.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD