“Sino ba yan?!” nababanas na tanong ni Kanor ng padaskal na buksan ang pinto ng kanyang bahay dahil sa sunod-sunod na katok.
“Magandang umaga po, Mang Kanor,” pagpapakilala ng isang lalaki na ang suot ay lumang-luma na long sleeve na hindi malaman kung ano ba talaga ang tunay na kulay ng tela dahil sa kalumaan habang ganun din ang suot nitong pantalon na napupuno na ng pinagsamang alikabok at putik. Ang tsinelas na sapin sa paa ay may alambre at pudpod na pudpod na
“Anong maganda sa umaga kung na istorbo mo na ang mahimbing kong pagtulog?” walang prenong sagot ni Kanor gayong kung tutuusin ay kanina pa talaga putok na putok ang araw dahil pasado alas dies na rin ng umaga.
“Pagpasensyahan niyo na po kung naabala ko ho pala kayo,” paghingi agad ng pasensiya ng lalaki na napayuko pa sa pagkapahiya.
“Ano pa nga ba ang magagawa ko kung naistorbo mo na ako? At ano bang kailangan mo at sino ka ba?” padaskol pa rin na tanong ni Kanor na para bang hindi alam kung ano ang kabutihang asal.
Inalis ng lalaki ang kanyang lumang salakot na tumakakip sa ulo.
“Mang Kanor, ang pangalan ko po ay Ipe at narito po ako dahil nabalitaan kong naghahanap kayo ng maglilinis sa inyong bakuran at utusan na rin,” pagpapakilala at pahayag ni Ipe.
Mula ulo hanggang paa at paa hanggang ulo ay naka arko ang kanang kilay ni Kanor na pinagmasdan ang lalaking nagpakilala Ipe at nag-a-apply para magtrabaho sa kanya.
“Sanay ho ako sa gawain bahay at sa mga gawain pa ho sa bukid. Kaya naman po nakikiusap ako na ako na sana ang kunin niyo para magkaroon ako ng trabaho lalo pa at may isa akong anak na binubuhay,” ang pakiusap pa ni Ipe at saka pa ulit yumuko na parang nagmamakaawa pa.
“Totoong naghahanap ako ng makakasama sa lupain ko lalo pa at maraming nawawala sa mga pananim at mga hayop ko. Pero ang nais ko sana ay medyo bata-bata dahil nga kailangan niyang mahuli ang mga pesteng magnanakaw na ilang ulit na akong ninakawan. Kaya paano kita tatanggapin kung mas uugod-ugod ka pa sa akin?” muling pang iinsulto ni Kanor dahil may edad na nga rin kung tutuusin si Ipe.
“Kaya ko pa hong habulin ang mga magnanakaw na yan kapag nahuli ko, Mang Kanor. Gagawin ko ang lahat mahabol lang sila at mahuli para maparusahan niyo. Pakiusap, ako na sana ang kunin niyo. Kahit subukan niyo lang kakayahan ko. Kahit isang linggo lang. Kapag hindi niyo nagustuhan ay paalisin niyo ako,” giit pa rin ni Ipe sa kabila ng pagpapakita ng tahasang pagtanggi ni Kanor.
“Paano kong hindi ko nga nagustuhan ang performance mo sa loob ng isang linggo?” ani na naman ni Kanor.
“Paalisin niyo ho ako,” malamlam na sagot ni Ipe.
“Bukod sa paalisin kita ay hindi kita sasahuran ni kusing. Tama ng na libre ka sa pagkain,” dagdag kondisyon pa ni Kanor.
Bahadyang hindi nakahuma si Ipe sa narinig nguniy sabay lunok na lamang.
“Opo, Mang Kanor. Pumapayag ako na walang sahurin kapag hindi mo nagustuhan ang pagtatrabaho ko,” matabang na pagsang-ayon ni Ipe.
Ngumisi si Kanor na nasiyahan sa pagsang-ayon ng kausap.
“Kung gagawin mo namang ang best mo ay natural lang na magugustuha ko ang pagtatatrabaho mo. Ayoko naman talaga ng kasama ngunit nananakawan ako ng mga patay-gutom na mga kapitbahay kaya nangailangan ako ng kahit isang tauhan na maiiwan sa buong rancho ko lalo na kung wala ako,” paliwanag ni Kanor habang nakikinig lang si Ipe.
“Kung payag ko naman na talaga sa kundisyon ko ay kahit ngayon araw ay mag-umpisa ka na. Nakikita mo naman siguro ang kubo na iyon,” sabay turo pa ni Kanor sa maliit at lumang kubo na halos bumagsak na kung iihip lang ang malakas na hangin.
“Doon ka maninirahan habang narito ka sa rancho ko.”
Tumango na lang ulit si Ipe kahit pa ang sinasabing kubo kung saan siya maninirahan ay maiikumpara na sa kulungan ng mga hayop.
“Kumpleto naman ang kubong yan. May isang maliit na silid, kusina at may palikuran din. Ikaw na lang ang bahalang mag-ayos kung gusto mo,” sabi pa ni Kanor.
“Salamat po, Mang Kanor. Ngunit may isa pa po ako sanang ipapakiusap.”
Nangunot ulit ang noo ni Kanor sa narinig.
“At ano na naman? Huwag mong sabihin na babale ka ng agad ng pera? Baka nakakalimutan mong isang linggo ko pang titingnan ang trabaho mo at kapag hindi ko nagustuhan ay aalis ka at wala kang matatanggap ni kusing,” pagpapaalala ni Kanor sa usapan nila ni Ipe.
“Hindi ko po nakakalimutan, Mang Kanor. Ang ipapakiusap ko lang po ay isasama ko po ang anak ko rito sa trabaho dahil wala naman na akong asawa na mag-aalaga sa bulag kong anak,” paliwanag na ni Ipe sa nais niyang ipakiusap.
“Isasama mo ang anak mong bulag? Baka naman maging pabigat pa yan sayo? Sa halip na makapagtrabaho ka ng maayos ay hindi mo maiwanan ang anak mo dahil bulag pa pala,” sermon agad ni Kanor.
“Hindi ho, Mang Kanor. Ang totoo ay napakasipag nga ng anak kong iyon sa kabila ng kanyang kapansanan. Wala na ho talaga akong kamag anak na mapag iiwanan sa kanya kaya nakikiusap ako sa inyo na sana payagan niyo siyang maisama ko dito sa rancho niyo. Pinapangako ko na hindi siya magiging pabigat o sagabal sa trabaho ko,” pakiusap na naman ni Ipe na halos manikluhod na sa harap ni Kanor na nagdadalawang isip ng tanggapin siya sa trabaho.
“O siya, siya, siya, siguraduhin mo lang talaga na hindi magiging sagabal yang anak mong bulag sa mga trabaho mo na ipapagawa ko at iuutos ko. At aalis kayo kapag hindi ko nagustuhan ang mga trabaho mo sa rancho ko. At isa pa, hati lang kayo ng anak mong bulag sa mga pagkain na ibibigay mo mula sa almusal hanggang hapunan.”
Sunod-sunod na naman na tumango si Ipe na nabigyan na ng pag-asa dahil payag na ang bagong amo na hindi naman nalalayo ang edad niya. Sadyang maayos lang tingnan si Kanor dahil hindi ito hirap sa buhay ngunit nakakasiguro si Ipe na hindi nagkakalayo ang edad nila na nasa kalagitnaan na ng edad kwarenta.