KABANATA 17

4897 Words
Ngiti Nagmadali akong umuwi sa bahay. Muntik pa akong makita ni Sir Shaun kanina kaya napa-upo akong wala sa oras para magtago sa mga babaeng mistulang fans niya. Ang weirdo nga yata nang itsura ko dahil napapatingin mga nakakasalubong ko sa akin. Dumiretso agad ako sa kusina para makainom ng malamig na malamig na tubig nang mahimasmasan. Anong ginagawa ng Shaun Rizaldo sa isang mahirap na komunidad?! Nakailang kurap na ako pero totoong siya iyon, e. Kanina sa byahe, gusto ko na humilata sa kama dahil sa pagod, pero dahil nga nandito na siya, hindi na ako mapakali at paikot-ikot na ako sa buong bahay. Iritado, dinukot ko sa bulsa ng aking pantalon ang cellphone at tinawagan si Jean para ipaalam ang lahat. Isinandal ko ang likod ko sa may gilid ng pintuan, nakatingin sa paupahan ni Sir Shaun na 'di kalayuan. Nandoon pa rin ang truck. "Jean! Jean! Jean!" Literal kong sigaw pagkasagot ni Jean ng tawag. Ang bilis pa ng kabog ng dibdib ko, kabado sa kung anong dahilan. "Ano ba?! Hindi ako bingi pero mukhang malapit na. Ano ba kasi?!" Iritadong sabi niya. Huminga akong malalim at naupo na. "May bagong lipat dito!" "Oh? Tapos?" Napahilamos akong palad. "Si Sir Shaun! Si Sir Shaun 'yung bagong lipat! Kapitbahay ko na siya! Kabarangay na natin!" Tuloy-tuloy kong tili na tila malalagutan na akong hininga. Ilang segundo muna ang lumipas bago nakapagsalita si Jean. "Ano?! Si... Si Sir Shaun?! Teka nga... Teka... Hindi kaya napa-praning ka na? Milyonaryo 'yon... Ay hindi, bilyonaryo pala. Anong gagawin no'n sa mabaho, madumi at magulong barangay natin?" "Aba malay ko. Sigurado akong siya nga 'yon. Ewan ko rin ha. Ewan ko kung ano bang tumatakbo sa isip no'n." "Hmm, nag-usap ba kayo kanina? 'Di ba nagkita kayo? Hindi kita tinanong kanina kasi alam kong nagdadamdam ka pa, pero aminin mo nga sa akin..." "Wala, Jean," agarang sagot ko. "Hindi kami nag-usap, ni hindi ko nga rin tinignan, e. 'Yung pekeng Shaun na si Xenon Rizaldo pala ang nakausap ko. Siya lang at hindi rin naman ako nakarinig ng kahit ano kay Sir Shaun," "Baka iyon ang dahilan? Hindi mo kasi siya pinansin?" "Hindi naman siguro. Ang babaw naman kung gano'n 'di ba? Ipagpalit ba niya 'yung mansyon sa mainit na bahay dahil lang hindi ko siya pinansin? At saka, ano bang expected niya? Ako 'yung magso-sorry sa kanya kasi nabuking ko siya? Hindi ba dapat siya ang unang kumausap o pumansin kasi siya naman 'yung nanloko?" "Oh, kalma, Emery Joule! Kalma ba tayo diyan?" Panguuyam ni Jean. Bumuntong hininga ako. "Sige na, tumawag lang ako para ibalita sa'yo." Ibinaba ko na ang tawag at nag-asikaso na sa bahay. Plano ko sanang maglaba pero ipinagpaliban ko na. Tiyak na magkakakitaan kaming dalawa ni Sir Shaun 'pag nagkataon. Nagluto na muna akong hapunan habang nag-aaral para sa major class bukas. Madalas pa naman magkaroon ng surprise quiz tuwing unang araw ng klase sa buong week.  Patapos na akong kumain at nagliligpit na nang marinig ko ang padabog na bukas ng gate. Hindi naman ako kinabahan dahil may kutob na ako kung sino at tama nga ako, si Jean. Butil butil ang pawis sa noo at mamula-mula ang pisngi. Ibinaba ko muna ang hawak na pinggan para salubungin siyang naka-pamaywang.  "Pinuntahan mo 'no?" paratang ko.  Nilampasan niya lang ako para uminom ng tubig sa baso ko, pinaypay ang sarili gamit ng isang palad.  "Sinilip ko lang naman!" proud pa niyang sabi. "Ang gwapo niya talaga! Kilig ako!" sabay tili.  Umirap ako sa hangin at nagpatuloy sa paglilinis ng lamesa. Hinugasan ko na diretso ang mga pinggan.  "Hoy, Emery, hindi ko naman basta basta makakalimutan 'yung feelings ko kay Sir Shaun. Sa'yo pa rin ang boto ko, hehe." "Alam ko naman 'yon. Patay na patay ka roon, e."  "Pero mali pa rin naman 'yung ginawa niya pero... ang gwapo niya kasi talaga 'teh! Ang gwapo! Sobrang gwapo! Ang muscles... hay... sobra!" Nakangiwi lang ako habang nakikinig sa pantasya niya. Oo na, gwapo. Sobrang gwapo. Mala-prince charming sa gwapo. 'Yung mukha niya 'yung nai-imagine ko sa mga librong nababasa ko, ganoon siya ka-gwapo na lahat ay magkakagusto sa kanya.  "Bakit ka pala nandito? Para silipin kung totoo sinabi ko?" hinakot ko na mga libro ko sa lamesa papunta sa kwarto.  Si Jean naman ay nandoon sa may bintana, patagong sinisilip si Sir Shaun. Ayos din talaga 'yung pwesto ng tinitirhan niya. Kitang-kita ako at kitang-kita ko rin siya. Kasama na naman ba 'to sa plano niya? "Oo, siyempre, sinisigurado ko lang na hindi na naman naghahalo 'yang pantasya mo sa libro sa reality. Iuumpog sana kita sa pader kaso nakita ko si Sir, e." Sinamaan ko siya ng tingin. Hinatak ko ang damit niya paupo para tigilan ang pagdungaw kay Sir Shaun. Hindi pa rin pala tapos ang paghahakot nila ng gamit. Anong oras na ha. Gaano ba kadami ang dala niya? Mamahalin ang mga iyon malamang. Delikado 'yan sa lugar namin. Marami pa namang akyat bahay dito. Baka sa mga oras na 'to nagpa-plano na sila kung paano nanakawan si Sir Shaun! Paano kung magkataong nandoon si Sir Shaun at manlaban? Baka mapano siya o ano. Ano ba naman kasing pumasok sa isip niya, e! Kung wala siya, edi sana hindi ko naiisip ang mga 'to! Pero bakit ko ba kasi iniisip pa ang kalagayan niya? Malaki na 'yon, Emery! Ginusto niya 'yan kaya bahala siya! "Ano kayang ginagawa niya rito?" tanong ni Jean sa akin, may paratang ang tingin. Kinunot ko ang noo ko, natatawa. "Trip." "Ang lakas ng trip!" "Oo, nakaka-badtrip!" "O baka sinusundan ka?" Napabuntong hininga na lang ako at dismayadong napailing. Nag-init ang ulo ko bigla. "Joke lang! Ito naman asar talo, e! Pero aminin... Naisip mo rin 'yon 'no? Tama ako 'no?" Nakangisi siyang parang bata at parang alon ang kilay sa paggalaw. Napasapo akong noo. "Ewan ko sa'yo. Umuwi ka na nga!" Hinatak ko si Jean palabas. Walang awat ang pang-iinis niya. Isa pa 'tong si Jean sa nagpapasakit sa ulo ko. Ang sabi niya, 'wag akong magpantasya tungkol sa amin ni Sir Shaun pero siya pa 'tong pumupukpok sa isip ko ng mga ideya. "Ewan ko ha, baka kasi tama ako... Baka in love tal--" "Tse!" Sinarado ko na ang pinto. Patawa-tawa pa si Jean. Ang gulo rin niya. Parehas sila ni Sir Shaun na hindi ko maintindihan ang takbo ng isip. Idinaan ko na lang sa pahinga ang lahat. Kinabukasan, nahuli ako sa klase dahil late na akong nagising. Ang sarap pa ng tulog ko kung hindi lang ako nagising sa tawag ni Kuya. Pagkakita ko sa oras, para na akong lumilipad sa sobrang bilis. Hindi ko na nasuklay nang maayos ang buhok ko at basang basa ang uniporme ko. Nang magkita kami ni Jean sa room, nagulat din siya dahil akala niya nauna na ako. Galing pala siya sa bahay pero walang nasagot. Paano ako makakasagot, tulog pa ako? Umabot naman ako sa surprise quiz pero nasa number 10 na sila at up to 20 lang. Tama naman sagot ko kaya pasang awa pa rin kahit papaano. Pero hindi iyon okay! Kailangan kong i-maintain grado ko para sa scholarship. Kahit na kasing kintab ng diyamante ang sahig sa hotel sa paglilinis ko, mawawala at mawawala ang scholarship ko kung hindi ako mag-aayos! Paano ba naman kasi, hindi rin ako nakadaan agad papunta sa sakayan dahil sinisigurado kong wala si Sir Shaun doon. Nakakainis! "Sayang, perfect mo sana iyon, e." Ani Jayzza. "Right. Why are you late ba? You were never late, an'yare?" Si Misha naman.  Kaming tatlo ang magkasama ngayon papunta sa gym. May audition si Jayzza sa Silakbo, dance troupe ng department namin at kailangan daw niya ng support. May inasikaso lang si Jean kaya susunod na lang.  Nagkibit akong balikat. "Late akong nagising." "Nagpuyat ka ba?" tanong ni Misha.  "Hindi 'no. Hindi lang ako nakatulog agad." "Baka nago-overthink ka lang sa mga bagay-bagay?"  Nagkibit na lang ulit akong balikat. Ganon nga talaga ang nangyayari sa akin. Ayaw ko naman talagang mag-isip sadyang ayaw lang makinig ng isip ko sa akin.  Pagdating namin na gym, may mga nauna nang nag-audition. Naupo kami ni Misha sa bleachers habang kinuha na ni Jayzza ang number niya at dumiretso sa stage. Marami din ang nag-a-audition. Nag-kwentuhan muna kami ni Misha, madalas hindi ako maka-relate sa kwento niya dahil hindi ko naman alam mga tinutukoy niya.  Madalas tungkol sa travels niya, nag-eenjoy din naman ako dahil nai-imagine ko kung gaano kaganda iyon. Ang sosyal lang din kasi ng mga napupuntahan niya kaya pinapaliwanag pa niya kung ano mga iyon.  Nang malapit na sumayaw si Jayzza, huminto na kami at nagcheer. Kabado rin ako kahit 'di naman ako magsasayaw sa harap. Grabe, bigla ko tuloy namiss kumanta sa resto bar at magperform sa harap ng maraming tao. Nag-improve naman ang tiwala ko sa sarili dahil doon. At ngayon, miss ko na talaga. Nakakaba pero ang saya kasi may napapasaya kang iba.  Todo cheer kami nang magsimula si Jayzza, sobrang galing niyang sumayaw. Hindi ako pamilyar sa style ng sayaw niya basta ang galing! Hataw kung hataw kaya hindi na nakakapagtaka bakit napatayo at napapalakpak members ng Silakbo. Ang galing!  On the spot, tanggap na si Jayzza bilang member ng Silakbo. Naghintay lang kami ni Misha sa bleachers. Nagtatakbo si Jayzza palapit sa amin pagtapos siyang kausapin ng mga members.  "Congrats, Jay! Ang galing galing mo kanina!" nagtatalon-talon kaming tatlo paglapit niya. "Huy, we need to celebrate your achievement! Bar tayo!" aya ni Misha.  Palabas na kami ng gym. Ngumuso ako at nagkunot ng noo. Gustuhin ko man, parang hindi ako nababagay sa ganoong lugar. Maraming mayaman doon at wala rin akong magandang damit na pwedeng suotin. Paano ko naman matatangihan ang aya nila? Dapat talagang i-celebrate ang ganitong achievement lalo na't kaibigan ko si Jayzza.  Excited silang dalawa at nagtawag na ng iba pa naming kaibigan. Isa pa sa kinakatakot ko, iniiwas ko lang talaga sarili kong maramdaman kung gaano kalayo ang agwat ng buhay ko sa kanila. Maswerte ako dahil mababait mga kaibigan ko, maliban sa kanila, minamata na kami ng studyante rito sa tuwing nalalamang hindi naman kami mayaman ni Jean.  Sanay naman na ako sa panlalait sa akin pero may mga oras na nasasaktan pa rin ako. Nakakapanliit pa rin.  Nasalubong namin si Jean na pathway, hingal sa pagtakbo. Ang layo kasi ng gym sa department building namin, kailangan talagang sumakay sa eco jeep. Ginamit kasi ni Jayzza ang sasasakyan niya kaya 'di na namin naranasan ang mahabang lakaran. "Sorry, Jayza! Wala na kasing dumaang eco jeep, badtrip!" "It's okay! Tanggap naman na ako!" Tili ni Jayzza. Napatalon din sa tuwa si Jean. Ngingiti-ngiti ako sa gilid nila, naglalakad na kami pabalik sa parking space sa likod ng gym. Inaya nila si Jean pero tulad ko, mukhang nag-aalangan din. Nagkatinginan kaming dalawa. Napakibit akong balikat. "Nako, wala kaming damit para sa bar. Ganda lang ang meron kami ni MJ, e." Sabi ni Jean sabay tawa. Sa likod kami ni Jean ng kotse naupo. Iisang subdivision lang ang tinitirahan nila Jayzza at Misha kaya madalas silang magsabay pauwi. Originally, taga Cavite talaga si Misha pero lumipat dito sa Manila para mag-aral kaya siya lang mag-isa sa bahay, walang kamag-anak, puro kasambahay. "Don't worry! I have clothes 'no! Sige na, minsan lang," paawa ni Jayzza. Hindi ako sumagot. Nag-iiwas din akong tingin, nahihiya akong tumanggi. "Plus size ako 'te!" Biro ni Jean. "That's not a problem! Meron akong mga damit din for you. Ano? Sasama na kayo?" "Mmmmm..." Binalingan akong tingin ni Jean. Ngumiti ako. Tama, minsan lang din naman. At saka, hindi naman kami pababayaan doon ni Jayzza. Wala namang masamang mangyayari, e. Bar lang iyon. Ano bang pwedeng mangyari sa bar? "Yehey! Finally, makukumpleto rin ang barkada! I called our friends, nagpa-reserve na sila ng VIP room sa Seven. I'm so excited!" Si Misha na abot tainga ang ngiti. Ang alam ko, madalas sila mag bar. Hindi ako sumasama noon dahil busy ako sa trabaho sa resto bar, wala naman silang ideya roon kaya hindi rin napapabisita roon. Sana pala nabanggit ko rin noon, ang saya sana 'yon. Talagang kino-consider nila kami ni Jean na parte ng barkada o kaibigan kahit naiiba kami, nakakataba ng puso. Pagdating namin sa subdivision nila, gate pa lang ng bahay, alam mong mayayaman lang ang nakatira. Baka may mga artista rin yata na nakatira rito, e. Bawat bahay na nadadaanan namin, ang lalayo ng agwat. Kung lalakarin ko, baka nasa lima o sampung minuto ang layo. Sa bahay na nila Jayzza kami nagpunta. May dalawang guard sa bahay nila na nagbukas ng pinto. Nasa Singapore ang parents ni Jayzza at mga kapatid niya lang ang narito at pinsan. Wala pa siguro sila rito. Kumikinang sa linis ang marmol sa sahig. Ang ganda ng bahay, gaya sa mga pelikula. Excited sila Jayzza at Misha mamili ng damit namin ni Jean. Nakaupo kami ni Jean sa sofa sa loob ng walk in closet na pink ang tema. Sobrang liwanag sa loob ng walk in closet sa dami ng ilaw sa bawat kanto ng silid, may malaking chandelier pa sa gitna. May dalawang klase ng damit na binigay ni Jayzza. Isang black bodycon na silk dress at black puff sleeve na pinares sa black leather skirt na may slit sa gilid. Sinukat ko parehas. Ang ganda ng sukat sa katawan ko at ang haba lalo tignan ng legs ko pero 'yung may skirt ang pinili ko. Mas kumportable kasi siya suotin, mas okay na rin ito kaysa sa damit na pinapasuot ni Misha. Ang halay na masyado, e. "You look gorgeous! Mukha ka talagang model, Emery! Ayaw mo i-try? May mga kilala akong scouts!" Ineenganyo pa ako ni Jayzza pero wala akong hilig doon. "Wala akong talent, Jayzza, sa ganoon." Ang awkward ko nga sa lahat ng pictures ko. Baka mapahiya pa si Jayzza sa kakilala niyang iyon. Huminga akong malalim. Medyo hapit sa dibdib ko ang damit. May kaonting cleavage na kita. Nakakailang din pala ang ganitong klase ng damit. "You have bigger boobs than mine, medyo masikip ba? Palitan natin?" Umiling ako. "H-hindi na... Okay na 'to. Thank you." "Sure!" Gusto ko sana. Nga lang, mga deep v-neck na iba niyang damit. Mas nakakatakot isuot iyon kumpara sa silk dress kanina. Si Misha ang nag-style ng isusuot kay Jean, black na bodycon dress. Ang ganda! Lumabas tuloy ang kurba niya sa katawan. Natuwa naman ako dahil masaya si Jean. First time namin magsuot ng magagarang damit. Hindi lang basta magara, branded at mamahalin pa! Sanay kasi kami na ukay lang, ang saya pala. Kaya siguro madalas mag shopping mga babae, ang saya magsuot ng magagandang damit. Nakakawalang stress. Inayusan nila kaming dalawa. Wala masyadong nilagay sa mukha ko si Jayzza pero kinapalan niya ang eyeshadow ko, mas maganda raw iyon. Para akong ibang tao pagtingin ko sa sarili ko sa salamin. Nakaka-boost ng confidence ang suot at ayos ko, feeling ko ang ganda ganda ko ngayon! Pinahiran na rin ako ni Jayzza ng heels. Masasabi kong ang ganda ko na talaga. Siguradong ganoon din ang nararamdaman ni Jean, para na kasing mapupunit ang gilid ng labi niya sa malapad niyang ngiti. "Perfect! Let's go na. Nandoon na sila."  Habang nasa byahe kami, lumalakas na ang kabog ng dibdib ko. Kinakabahan ako kahit hindi naman dapat. Ano bang nakakakaba sa pagpunta sa bar? Ewan ko ba! Kumapit ako sa braso ni Jean bilang suporta. Hirap pa ako sa paglalakad gamit heels. 3 inch lang naman 'to pero parang nanginginig na rin yata tuhod ko. Panay ang sulyap ko kay Jean, excited na excited pa. "Jean, anong oras tayo uuwi?" Kinalabit ko siya. "Papasok pa lang tayo uwi agad nasa isip mo?" Ngiwi niya. "Girls, ano? Nandoon na sila," nilingon na kami ni Misha. Napalunok ako nang malampasan ang bouncer at makapasok sa loob. Ibang-iba ito sa mga napapanuod ko sa TV. Sobrang sosyal ng buong paligid pati na rin mga tao. Lahat sila ang gagara ng suot. May nahagip din ang mata ko na mga modelo at artista! Kinakabahan at masaya ako. May mga nagsasayaw na sa dance floor habang may hawak na baso na may lamang alak. Kinagat ko ang pangibabang labi ko at nagpatuloy sa paglalakad. Umakyat kami sa second floor kung nasaan ang VIP room na pina-reserve nila. Napahinto pa ako sa paglalakad nang dumaan si Daniel Matsunaga sa harapan ko. Literal akong napanganga at natulala sa kagwapuhan niya. Mas gwapo siya sa personal at ang tangkad! "MJ, ano na?" Hinataw ako ni Jean. Tinampal ko siya sa balikat. "Tangik, hindi mo nakita?!" Gulat kong sabi. "Si Daniel Matsunaga dumaan sa harapan natin! 'Yung crush natin sa PBB!" Hiyak ko. Inawat ko lang si Jean na bababa na para hagilapin si Daniel Matsunaga. Naalala ko tuloy kung gaano namin kinabaliwan si Daniel Matasunaga, tumakas pa ako sa bahay noon para lang pumunta sa PBB big night! Tawa akong tawa sa itsura ni Jean na nalugi. Ako na ang naghatak sa kanya papunta sa room na pinasukan nila Jayzza. Buong akala ko, isang kwarto na may apat na sulok ang loob ng VIP room, maling-mali ako! Parang may bar pa mismo sa loob! Ang lawak at may sarili pang bartender at counter! Nakakabilib. Sobrang yaman siguro ng may-ari ng bar na 'to. Dinadayo pa kasi talaga ng mga kilala at mayayamang tao. "Ang tagal niyo!" Bungad ni Scarlett at bumeso sa amin. May hawak siyang wine glass na may puting alak na laman. Naka-pony tail siya at pulang dress. Siya talaga 'yung tipo ng tao na hindi pala-kaibigan pero sobrang sweet. Iginaya niya kami sa couch. Bukod sa amin, may ibang grupo pa ng kaibigan din si Jayzza na bumabati sa kanya. Nilingon ko si Jean na akala ko nasa tabi ko pa, pero nandoon na pala sa bar counter at may kausap na lalaking nakasuot ng salamin, nagtatawanan. Ang bilis ah? Nakamasid ako sa bawat tao sa paligid. Nagkakasiyahan ang lahat. Panay ang bati ng lahat kay Jayzza kaya naging abala siya sa page-entertain sa kanila. Bukod sa mga kaibigan ko, wala na akong ibang kakilala. Nasa higit sampu kaming narito sa VIP room at mukhang may dumarating pa. Kumakaway at pinapalapit ako nila Jayzza at Misha roon pero hindi ko magawang tumayo. Ang sakit ng paa ko, may paltos na yata. Nginingitian ko na lang sila at sumisenyas na susunod ako. Huminga akong malalim at pagbugha ko no'n ay nadama ko ang paglubog ng upuan sa gilid ko, nagulat akong bahagya kaya napatingin ako roon gamit ang nanlalaki kong mata. "Kristoff?!" Bulalas ko at napakurap-kurap. "Anong ginagawa mo rito?" Mahinahon ko nang tanong. Ngumisi siya. "Hmm, surprised?" Umismid ako at umusog ng upuan. "Ehem... Uh, hindi. Nagtataka lang." Nanatili ang ngisi niya. "Ah, hindi ba nabanggit ni Jayzza sa'yo?" Naningkit ang mata ko. "We're cousins, living in one house. I heard galing kayo sa bahay kanina," tinignan niya ang suot ko. Na-conscious ako bigla, napasarado akong binti at nilagay ko ang isa kong kamay sa aking dibdib. Tumikhim ako. "Bagay sa'yo, Emery. Kaya lang... masyadong..." "Kuya! Her name's Emery, do you know her?" Lumapit na sa amin si Jayzza. Tumayo na ako. Inalalayan pa ako ni Kristoff, nanlaki at makahulugan ang tingin ni tingin niya. Nailang akong ngumiti at lumapit na kay Jayzza. Sandali siyang natulala, tikom ang bibig. Tumikhim ako at saka siya natauhan. "M-may... Uh, nakakagulo ba ako?" Ang inosente ng tanong niya, bahagyang aalis na. Hinatak ko siya sa braso. "Hindi!" "Actually... Yes." Mabilis akong napalingon kay Kristoff. Anong pinagsasabi nito?! Pilyo siyang ngumiti sabay kindat. Inirapan ko siya. Malamang nakita iyon ni Jayzza! Nakakainis naman itong si Kristoff. Nangiinis masyado! Hinaplos ni Jayzza ang kamay ko at inalis sa braso niya. Tinignan ko siya. Pakiramdam ko may pagkakaunawaan na sila ni Kristoff sa mga nangyayari, e. Iba na ang ngiti at tingin niya sa amin. "Really? Sayang naman gusto ka pa naman makilala ng ibang friends ko," humagikgik siya at tumingin kay Kristoff. "Ikaw na bahala sa kanya, Kuya ha? Don't take your eyes off her, I think everyone's eyeing on her the moment we got here. Andaming umaaligid." Nalaglag ang panga ko. Nadama ko ang kamay ni Kristoff sa magkabilang balikat ko. Nilingon ko siya. Maaliwalas ang mukha niya, maamo pero bad boy ang dating. Mabait siya pero hindi ko siya gustong kasama. "Let's go." "Ha?!" Nagsalubong ang kilay ko. "We'll dance!" "A-ayaw ko! Hindi ako marunong, Kristo-" nagkatinginan kami ni Jean, tinawag ko siya para huminging tulong pero nag peace sign lang siya at nagpatuloy sa pakikipagkwentuhan sa lalaking nakasalamin. Napasapo akong noo. Ang sakit na ng paa ko, hinatak pa ako nitong si Kristoff sa dance floor. Nagyuko akong ulo, tinitignan ang paa ko. Napatingin ako sa suot ni Kristoff habang nag angat ng tingin. Itim na pantalon at itim na longsleeves na naka-unbutton ang suot niya. Hindi naman sumasayaw dahil tinitiklop niya ang sleeves niya. Napalunok ako nang makita ang muscle niya sa dibdib bago siya tiningala. Nag-iwas akong tingin nang makita ko siyang hinuhuli ang mata ko. Lumalakas na ang musika at dumarami na ang taong nagsasayaw. Nababangga na nga ako at naitutulak palapit kay Kristoff. Mukhang enjoy naman nitong lalaki na ito. Iniiwas kong mapatingin sa kanya pero kinuha niya ang dalawa kong kamay at pinatong sa kanyang dibdib. Mabilis akong napakurap sa ginawa niya, nandoon ang pag-iingat sa kilos niya. Nginitian niya ako nang hindi ko inalis ang kamay ko sa kanya. Napalunok ako. Sa liwanag at mga ilaw na sumasabay sa musika, bawat anggulo pala ng mukha niya ay maganda at perpekto. Nakatayo lamang kami sa gitna, nagtitigan. Bumuntong hininga akong malalim. Party ni Jayzza ang pinunta ko pero nandito ako, nagsasayaw kasama ng pinsan niyang si Kristoff pala. "Hindi na kita nakikita sa school lately... And I came to visit you sa resto pero wala ka na raw..." "P-pumunta ka roon? Matagal na akong nag-resign, e." "Yes, last night. Nagtanong ako sa bartender, kaso hindi naman ako sinagot. Sinamaan pa akong tingin. Good thing, sinagot naman ako nung isang ka-work niya." "Ah..." Tingin ko si Ate ang tinutukoy niyang sinamaan siyang tingin. Tumango-tango ako't ngumisi. Nahuli iyon ni Kristoff kaya umiwas akong tingin. "Ha! Anong nginingiti-ngiti mo?" Hinabol niya ang mata ko. Mariin akong napapikit, nakangisi pa rin. Tinampal ko siya at bahagyang tinulak palayo sa akin. Humalakhak si Kristoff at hinatak ang kamay ko palapit sa kanya. Humalakhak na rin ako. Sa mga oras na 'to, nawala ang iniisip ko at hinayaan ang sariling mag-enjoy ngayong gabi. Nawala na nga rin sa isip kong masakit ang paa ko. Magkahawak ang kamay naming dalawa at tumatalon habang sumasayaw, tawang-tawa ako sa mala-jologs na sayaw ni Kristoff. Pinagtitinginan na nga kami dahil kakaiba ang sayaw namin sa kanila. Kalaunan, tumigil kami at nagtawanan. Sa dagat ng taong nakapaligid sa amin, nahagip ng mata ko ang pamilyar na mukha. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa malalamig na titig niya sa akin. Nakatayo si Sir Shaun sa bar counter, may hawak na alak. Saglit na napukaw ang atensyon ko nang may kumausap sa kanyang babae. Tumatango siya sa sinasabi nito pero ang mata niya'y nasa akin. Pamilyar din ang mukha ng babae... Si Blanca Pereira! "You look so beautiful tonight, Emery." Dinig kong bulong ni Kristoff. Binalingan ko siyang tingin, napangiti pero alam ko sa sarili kong pilit. Pakiramdam ko may tumarak na palaso sa puso ko at inikot-ikot hanggang sa madurog. Ang sakit... Ang sakit... Paano ko nakalimutan ang katotohanang ikakasal na si Sir Shaun kay Blanca?! Ang tanga tanga mo, Emery! Ang gaga mo! Ang ilusyonada mo, Emery Joule! Nawala sa isip ko iyon. Pinagtagpi-tagpi ko ang lahat. Kaya ba niya ako niloloko para lubusin na ang pagiging buhay binata niya? Ikakasal na siya sa oras na magtapos sa kolehiyo si Blanca at malapit na iyon! Hindi na dapat ako nag-iisip pa ng sagot sa mga tanong ko kasi nasa harapan ko na, e. Matagal ko nang alam kaso masakit talaga. Inaamin kong nasasaktan na talaga ako. "Are you okay? Does your feet hurt?" Alala niyang tanong. Umiling ako at pilit na ngumiti para 'di na mag-alala. "O-okay lang... Pagod na-" hindi ko na natapos pa ang sasabihin nang may bumangga muli sa likuran ko dahilan para tumalsik ako palapit kay Kristoff at maglapat ang labi namin. Matangkad siya sa akin pero nagyuko siyang ulo para siguraduhing ayos lang ako kaya nangyari iyon. Namilog ang mata ko at itinulak siya palayo. Tila nahinto ang t***k ng puso ko at namula sa kahihiyan. Pati si Kristoff ay namilog din ang mga mata, tulala. Nilingon ko ang mga tao sa likod ko na nagsasayaw pa rin, malabong malaman kung sino ang nakatulak sa akin. Nag-init ang mga mata ko at naramdaman kong nanuyot ang lalamunan. Paglingon ko, naramdaman ko mainit na luha sa pisngi ko. Kung dahil ba iyon sa nahalikan ko si Kristoff ko sa katotohanang pinaglaruan na ako ni Sir Shaun at ikakasal na... Ano bang mas masakit? "I'm so sorry, Emery. It's not my intention to... I'm sorry," guilty-ing-guilty siya kahit na wala naman siyang mali. Aksidente iyon pero hindi ko siya magawang tignan pa. Nag martsa na ako paalis at pinunasan na ang luha. Walang tigil ang luha ko at nababangga ko na ang ibang tao sa nanlalabo kong mata. Nanginginig ang balikat ko. Walang dumaraang taxi sa labas ng Seven dahil lahat naman ng narito ay disasakyan. Iyak pa rin ako nang iyak hanggang sa marinig ko ang boses ni Kristoff, hinahanap ako. Nilingon ko siya. Concern ang mga titig niya at guilty. Nagtiim ang bagang niya nang makalapit sa akin. "I'll take you home... Again, I'm really sorry, Emery." Wala na rin akong nagawa pa at napatango na lang. Hindi ako makakauwi dahil wala rin pala akong dalang wallet, nandoon sa kotse ni Jayzza. Pinagbuksan akong pintuan ni Kristoff. Panay ang sulyap niya sa akin sa byahe sa pananahimik ko. Hindi na rin siya nagsalita pa o huminging tawad. Mas okay na rin iyon, maiirita lamang ako kung sakali gayong wala naman talaga siyang dapat ihinging pasensya. Ako pa nga ang dapat mag-sorry sa pagiging lampa ko. Nakatitig ako sa mga nadadaanang ilaw ng poste sa kalsada, nagsasalita lang para ituro ang daan papunta sa amin. Ayaw ko na sana. Nakakahiya. Ayaw kong makita niya kung anong itsura ng lugar saan ako nakatira. Hindi ko kinakahiya kung saan ako lumaki o anong pinanggalingan ko, ayaw ko lang na may makakitang kapitbahay sa amin, lalo na't magara ang sasakyang dala niya. Matalim ang dila ng mga tao sa lugar namin, ginagawa nilang pampalipas oras at pulutan ang buhay ng ibang tao at ayoko nang mapabilang doon. Nagpababa ako sa may sakayan. Tulad ng sinabi ko noon kay Sir Shaun, masikip ang daan at hindi kakasya ang sasakyan niya. At tulad ni Sir Shaun, nagpresinta siyang ihahatid pa rin ako. Tumanggi ako at nirespeto niya rin naman. Natanaw kong saka umalis ang sasakyan niya pag-alis ng tricycle na sinasakyan ko. Lahat ng gamit ko ay nasa sasakyan ni Jayzza kaya 'di ko rin matatawagan ang kuya para mangamusta. Naiyak ako bigla pag-upo ko sa kama habang tinatanggal ang suot na heels. Nagdurugo pala ang likod ng paa ko at namamaga ang bawat gilid. Hindi ko namalayan. Nagbihis na akong damit at naghilamos, patuloy pa rin ang pagluha. Hinang-hina na ako at hirap sa paglalakad, pinoproblema ko pa paano ako makakapag trabahong maayos kung ganito sitwasyon ng paa ko, at paano ko haharapin muli si Sir Shaun sa kabila ng nakita ko. Mukhang wala naman din siyang pakealam, e. Wala naman talaga siyang pakealam kasi pinaglaruan nga ako 'di ba?! Naiyak akong muli sa naisip kong iyon. Pahiga na ako sa kama nang may kumatok sa aming gate. Sinilip ko kung sino iyon pero hindi ko maaninag dahil sira na naman ang ilaw sa poste sa tapat ng bahay namin. Na naman. Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang dalawa kong kamay. Tinanggal ko na ang suot kong lens, madilim naman kaya 'di naman makikita. Huminga ako at binuksan ang ilaw sa sala, kumakatok pa rin 'yung tao sa gate. Tinignan ko ang wall clock at 10 PM na. Sino ba iyon? Sinilip ko ulit ang tao sa labas para sa kaligtasan ko rin. Kumakatok pa rin kaya nilabas ko na. May dumaang malamig na hangin, niyakap ko ang sarili. "Sino po sila?" Kalahati lang ang bukas ko. Hindi sumagot 'yung tao. Madilim, pero naaninag ko ang anino nito. Matangkad na lalaki. Kinabahan ako. Si Kristoff?! Napalunok ako at ambang isasara na ang pinto nang hawakan nito ang pintuan, pinigil ang pagsara. Kumalabog ang dibdib ko sa kaba. Buong pwersa kong sinara ang pinto, pinigil pa rin nito gamit lang ang isang kamay. "Ano ba?! Sisigaw ako!" Singhal ko at saktong bumukas ang ilaw ng poste sa tapat namin, imahe ni Sir Shaun ang bumungad sa akin. Napatitig akong mariin, 'di alam ang gagawin. 'Yung titig na sinukli sa akin ni Sir Shaun, 'yon 'yung titig na palagi kong nakikita sa kanya sa tuwing papalapit na ako sa kinauupuan niya sa resto bar at sa tuwing nahuhuli kong nakatitig sa akin, manghang titig at nangungulila. Ngumiti si Sir Shaun. Sa isang iglap, naglaho lahat ng nararamdaman kong bigat at sakit. Sa isang ngiti niya lang. "Kamusta ka na?" Malungkot niyang sabi. Sa isang ngiti niya lang alam kong nahulog na naman akong muli.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD