Artista
Kanina pa ako nakatitig sa kape kong nasa lamesa hanggang sa lumamig na. Abala si Kuya sa pag-aayos ulit ng electric fan ko sa kwarto. Sabi ko naman na bibili na lang akong bago dahil may ipon naman ako mula rin sa mga bigay niya, pero ayaw niya. Siya na raw ang bibili kapag hindi na talaga nadaan sa kumpuni.
Maaga akong nagising, halos hindi rin naman ako nakatulog. Pinikit ko lang ang mata ko pero hindi talaga tumitigil ang utak ko kakaisip sa mga bagay-bagay, tulad ng kung paano ko haharapin si Sir Shaun. Andaming tanong sa isip ko na gusto kong malaman ang sagot mula sa kanya pero ayoko siyang makausap.
Paano ko ba siya kakausapin? At kung kakausapin pa ba niya rin ako matapos ko siyang mabuko.
Kasi wala nang dahilan, tapos na 'yung thrill, e. Wala nang challenge kaya boring na, ano pa bang mapapala niya sa akin? 'Di ba si Shaun Rizaldo ay matinik sa babae at palipat-lipat na akala mo naglilipat lang ng channel sa telebisyon. Ano bang pinagkaiba ko sa mga babaeng iyon?
Bakit kahit na ako 'yung inagrabyado, parang wala pa rin akong karapatang magalit. Parang kasalanan ko. Kasalanan ko ba talaga lahat?
Nasaulian lang ako sa malalim na pag-iisip sa sunod-sunod na malakas na kalabog mula sa gate namin. Sinilip ko si Kuya sa kwarto pero masyado siyang abala para puntahan pa 'yon. Huminga akong malalim at tamad na tumayo dahil sa malalakas na katok. Alas nuebe pa lang ng umaga pero kung maka-katok akala mo kamag-anak namin. Ang alam ko bayad na kami sa renta noong isang linggo pa at wala naman kaming inaasahang bisita.
"Sandali lang!" Malakas kong sabi habang binubuksan ang gate, patuloy pa rin kasi sa paghampas ng gate. Sobrang nakaka-eskandalo.
"Ano 'yon?" Sabi ko pagbukas ng pinto. Napakurap-kurap akong mabilis nang makita ko kung sino ang nasa harapan ko.
Si Celestial Briana Montes 'yon, ang amo ni Kuya at kalaban sa negosyo ng mga Rizaldo. Hindi na ako nakapagsalita pa, parang umurong ang dila ko sa kaba sa sobrang lakas ng prisensya niya. Pinandidilatan niya akong mata habang sinusuri ako mula ulo hanggang paa. Paulit-ulit na parang nangiinsulto na. Kahit kabado, hindi ko pa rin maiwasang humanga sa ganda niya.
Ang ganda ganda niya sa telebisyon at magazine, pero mas maganda siya sa personal. Suot niya ang signature look niyang cat eyeliner at butterfly shades niyang chanel na ginawa niya lang headband sa ulo. Puno siya ng makikinang sa diamante sa leeg, pulso at daliri. Beige ang kulay ng coat at suot niyang bodysuit, itim na flare slacks at stilletos. Perpekto rin ang pagkakakulot ng dulo ng buhok niya na lalong nagpa-angat sa symmetrical niyang mukha.
"And who the hell are you?" May tono ng panlalait sa boses niya, kung tutuusin parang pandidiri na nga.
Napalunok ako, nabigla. "Ahh..."
"Well, I don't care. Nasaan ba si Elias?"
Hindi ko pa nga nasasagot ang una niyang tanong, pinutol niya agad ako. Ano bang problema nito? Napakunot na ang noo ko. Ganito rin ba niya tratuhin ang kuya? Mas mataas siya sa akin ng kaonti dahil naka-suot siyang takong pero tingin ko magkasing taas lang kami. Tinaasan niya akong kilay at humalukipkip.
"Hey, you heard me? Are you dumb or stupid?" sabi niya na parang wala lang.
Nag-init ang ulo ko at nagtiim bagang. Kung ganito nga niya tratuhin ang kuya, mas maganda nang mag-resign na lang siya! Ang sama ng tabas ng dila niya. Mas matalas pa yata sa bagong hasa na kutsilyo. Bago pa ako makapagsalita sa amo ni Kuya, lumabas siya at inakbayan ako bago niya makita kung sino ang nasa harapan ko.
"O, Emery, sino ba y--" nahinto agad ang Kuya.
"Ohhhh, so siya! Siya si Emery?!" Sarkastikong sabi ng amo ni Kuya sabay ngisi.
"Anong ginagawa mo rito?" Biglang naging matigas ang boses ni Kuya kaya napatingin ako sa kanya, masama ang itsura niya at iritado ang tingin sa amo.
Pagak na natawa 'yung amo ni kuya. "Anong ginagawa ko rito? Baka nakakalimutan mong ako ang amo mo," mataray nitong sabi, taas na taas ang kilay.
"At baka nakakalimutan mong day-off ko."
Seryoso ba 'tong naririnig ko? Sinasagot-sagot niya ang amo niyang ganito? Teka... ano bang meron sa kanila?
Humalakhak na 'yung babae. "Hindi ko alam na nakikipag bahay-bahayan ka na sa Emery mo. Ang sabi ko, I need you to take me to Batangas, but here you are!"
Hindi ba nila alam na nandito ako at ganito sila magbangayan?
"Kapatid ko si Emery, natural na magkasama kami sa iisang bahay."
"Kapatid?!" napasigaw sa gulat niyang sabi.
Napaatras tuloy ako sa reaksyon niya. Nakita kong ilang beses siyang napalunok at inalis ang shades sa ulo niya para isabit sa dibdib niya bago muling tumingin sa akin. Iba na 'yung tingin niya kung ikukumpara kanina, guilty at nahihiyang tingin iyon. Kinunot niya ang ilong habang nakatingin sa akin at hinaplos ako sa balikat.
"Kaya pala hawig kayo... kapatid ka pala? You should've told me earlier, ikaw kasi... kung ano tuloy nasabi ko kanina..." malambing niyang sabi, nahihiya.
Napangisi na lang ako.
"Umuwi ka na, Cebby," sabi ni Kuya at umalis na, papasok uli sa bahay.
Nanlaki ang mata ng amo niya at nginitian ako bago ako lampasan para pumasok sa bahay. Naiwan akong naka-tanga sa kinatatayuan, gulat at lito. Cebby ang tawag ni Kuya sa amo niya, huh? Hindi Ma'am, Miss, Boss, Celestial, kundi nickname. Ang alam ko, nabanggit niya na rin sa akin 'yon pero parang ang weird na harap-harapan kong marinig.
Nang pumasok na ako sa bahay, nasa upuan lang ang amo ni kuya. Nginitian niya agad ako pagtama ng mata namin. Ngumiti ako pabalik kahit medyo nakaka-ilang. Pinuntahan ko si Kuya sa kwarto na abala pa rin sa pag-aayos ng electric fan.
"Kuya? Bakit nandito ang amo mo?" tanong ko pag-upo ko sa kama.
Tumayo si Kuya para isaksak ang fan. Gumana na ulit iyon.
"Ewan ko."
"Day off mo ba talaga o nag AWOL ka?"
Masama ang tinging ibinato ni kuya sa akin.
"So-sorry na. Kausapin mo kaya siya? Amo mo siya 'di ba? Buti hindi ka niya sini-sesante kahit na ang sama ng mga sagot mo sa kanya," ngumuso ako.
Hindi na nagsalita pa si kuya. Lumabas na siya, bitbit ang electric fan para hindi siguro mainitan ang amo niya. At dahil ayaw kong maka-istorbo sa kung anong gagawin nila, maaga akong nag-asikaso para umalis sa bahay at puntahan si Jean sa kanila. Doon siguro muna ako, o kaya sa resto bar kung sakaling wala si Jean sa kanila.
Pagkatapos ko mag ayos ng sarili, lumabas na ako sa kwarto. Nandoon pa rin ang amo ni kuya, tahimik na nakaupo at ganoon din si Kuya na nasa tapat niya.
"Uh, alis muna ako, Kuya... May gagawin lang kami ni Jean..."
Naningkit ang mata ni Kuya at humingang malalim, ayaw yata akong paalisin.
"Umuwi ka kaagad, Emery."
Tumango ako sa kanya. Binalingan ko ng tingin ang amo ni Kuya at ngumiti itong matamis, tinanguan ko na rin siya at saka ako umalis.
Tanghali na kaya tirik na ang araw. Nilakad ko lang ang daan papunta kila Jean dahil malapit lang din naman. Pinagpapawisan na ako pero 'yung mga nakaksalubong kong batang nagtatakbuhan ay mukhang walang kapaguran. Humakbang ako paakyat sa gutter dahil dumarami na ang mga tricycle na dumadaan.
Dumaan ako sa masikip na eskinita para shortcut at para na rin maiwasan 'yung mga manginginom sa kanto malapit kila Jean. Mababait naman sila kaso nga lang ay makukulit. Nakita ko na agad si Jean sa maliit na bakuran nila, nagsasampay ng mga bagong labang damit. Napatigil ako saglit. Kinakabahan akong makita si Jean ngayon, nahihiya ako.
Kasi tama siya simula pa lang sa umpisa pero hindi ako nakinig. Huminga akong malalim at ipinikit ang mata. Hindi ako huhusgahan ni Jean. Bestfriend mo 'yan, Emery! Tanggap ka niyan kahit tanga ka!
Nagpatuloy na ako sa paglalakad at nasulyapan agad ako ni Jean at kumaway. Kumaway ako pabalik at patakbong naglakad. Magulo ang pagkakatali ng buhok niya at nakasuot ng sobrang laking t-shirt sa kanya na mistulang dress na.
"Kamusta?" bati niya pagpasok ko sa plywood nilang pintuan.
Ngumiwi ako at bumuntong hininga. "Nahinga pa naman."
"So anong plano mo?"
Hindi uso ang paligoy-ligoy kay Jean. Alam ko iyon pero hindi ko napag-handaan. Ano nga ba? Sumunod ako papasok sa loob ng bahay nila Jean. Walang pinagkaiba ang itsura ng bahay namin sa kanila. Parehas ng laki at walang pintura, ang pinagkaiba lang ay mas maraming gamit sa kanila. Marami sila sa bahay, siksikan, pero lagi namang wala dahil nasa sugalan, inuman o lansangan.
Tinulungan kong magbitbit ng pagkain palabas si Jean. Bitbit ko 'yung isang supot na may lamang pandesal at sakanya naman ay 'yung dalawang baso na may mainit na milo. Wala pa rin naman akong ganang kumain pero sige.
May mahabang kahoy na upuan sa bakuran nila kaya doon kami laging natambay para makatipid na rin sa kuryente, hindi naman mainit sa pwesto namin dahil may malaking puno ng mangga sa kapitbahay nila kaya natatabunan ang sikat ng araw.
Sa ganitong paraan kami naglalabas ng sama ng loob. Umiinom ng milo, (mainit man o malamig ang panahon) nag-uusap tungkol sa problema namin na hindi na binabalutan ng magagandang salita pampalubag loob.
"Dapat ko pa bang isipin?" sabi ko pagkatapos humigop ng milo.
"Para ready ka na. Grabe... 'Yung cru-- Si... Sir Shaun pala 'yung nanliligaw sa'yo?" mangha niyang sabi.
"Hindi naman nanligaw. Hindi kami umabot sa ganon."
"Bakit parang biglang naglasang bitter 'tong milo ko?"
Sinamaan ko siyang tingin. Ngumisi lang siya.
"Seryoso ako, Jean. Siguro parang ligaw na rin pero... wala, e. Wala siyang sinabi, hindi niya ako tinanong." dipensa ko.
Nalukot ang mukha niya. "Sus, e, bakit parang hurt na hurt ka? Dahil ba... gusto mo rin na ligawan ka niya? Na kung sana sinabi niyang nanligaw o manliligaw siya sa'yo, may karapatan ka nang magalit sa kanya dahil pinag-trip-an ka niya?"
Lumunok ako at napaisip. Ang sakit talaga masampal ng katotohanan.
"Nakakadismaya kasi. First time ko, e. Tapos biglang ganito... nakakalungkot lang. Masakit. May kirot, e..." nababasak na ang boses ko kaya hindi na ako nagsalita at uminom na lang.
Humingan malalim si Jean at kumagat sa hawak na pandesal. "Alam mo, MJ, kahit na patay na patay ako sa mga Rizaldo at pinaglalawayan sila, hindi ako umaasa o pinapaniwala ang sarili ko na magkakagusto sila sa akin."
Binalingan ko siyang tingin.
"Alam mo kung bakit?" tanong niya sabay baling din sa akin. "Kasi walang ganon. Hindi ko pinapaniwala ang sarili ko sa mga bagay na hindi naman totoo. Lagi lang nakatapak ang paa ko sa lupa, nasa katotohanan. Kung ano 'yung nakikita ko, iyon ang totoo. Hindi na ako lilingon pa sa bagay na hindi ko naman din makikita."
"Pero... wala namang masama na maniwala?"
"Wala? Ano sa tingin mo sagot diyan?"
Hindi na ako nakapagsalita pa sa huli niyang tanong. Pinagisipan kong maiigi iyon. Nanatili lamang ako sa bahay nila Jean, tumulong na rin ako sa paglilinis niya sa buong bahay. Wala rin naman akong natatanggap na text mula kay Kuya kaya baka hindi pa sila tapos sa pag-uusap nila.
Hindi ko na binanggit pa iyon kay Jean kahit na tanong siya nang tanong kung bakit hindi pa ako umuuwi. May plano nga rin talaga kami ni Kuya pero hindi ko siya natanong kagabi. Siguro baka mamamasyal lang kami pagkatapos naming magsimba at dumalaw kila Nanay at mga Ate.
Kahit na abala ako, naiisip ko pa rin si Sir Shaun. Ang weird lang sa pakiramdam na naiinis ako sa ginawa niya, nasasaktan ako, pero bakit hinahanap siya ng sistema ko? Bakit nae-excite pa rin akong sumapit ang gabi dahil alam kong magkikita na kami.
Nasanay na talaga akong nandiyan siya. Na sa dulo ng araw ko, mukha at boses niya ang huling alaala ko. Kailangan ko yatang iumpog ang sarili ko sa pader para matauhan! Nangyayari na nga ang kinakatakot ko.
Sa huli, hindi na ako napakali at napagdesisyonan kong pumunta sa resto bar para mag-resign. Isinama ko si Jean, nakakalungkot lang na una at huli na niyang punta iyon dahil aalis na rin naman ako.
"Sigurado ka na ba riyan? Ha? Peksman, mamatay man? Period. No erase?! Sureness?"
Nakapangalumbaba si Ate Chadria sa lamesa, nakatingin lang sa akin. Sa tabi ko naman si Jean na walang imik.
"Oo nga. Sure na nga ako, Ate."
"Final answer??"
Pilit akong pinapa-amin ni Ate kung anong dahilan ko bakit gusto ko nang umalis sa trabaho. Siguro naman alam na niya ang dahilan pero hindi siya tulad ni Jean na hindi na kailangan ng paliwanag. Ang gusto niya ay 'yung sasabihin sa kanya para hindi magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Nakipag-kwentuhan muna ako sa mga tao roon habang hinihintay dumating si Boss Wong. Nalulungkot din naman ako na umalis, hindi pa naman ako ganoong katagal pero pamilya ang turingan namin dito kaya na-enjoy ko rin talaga na halos hindi ko na naramdaman ang pagod.
Pwede ko pa naman din akong pumunta para kamustahin sila, e. Mas maganda na ring ganito. Kasi kung nagta-trabaho pa rin ako rito, baka hindi ko mapigilan ang sarili kong hanap-hanapin na naman si Sha-- Sir Shaun.
Ngayon pa nga lang, habang tinitignan ko ang paligid, naalala ko siya. 'Yung excitement na nararamdaman ko sa tuwing patapos na ang trabaho ko at nandiyan siya para sunduin at ihatid ako sa bahay at tanungin kung kamusta ang araw ko.
Pagdating ni Boss Wong ay pinuntahan ko agad siya sa opisina. Pinaupo niya ako sa berdeng upuan sa tapat ng lamesa niya.
"Sigurado ka na, Emery? Sayang, pakilala sana kita sa anak ko," umiling-iling pa siya habang inaabot ang sobre, laman ang huli kong sahod.
Tumawa na lamang ako at nagpasalamat bago umalis. Huminga ako malalim habang naglalakad pabalik sa counter. Abala na ang lahat dahil dumarami na mga costumer. Nagpupunas ng shot glass si Ate nang mapatingin sa akin, ismid ang mukha. Iniling niya lang ang kanyang ulo at nagpatuloy na sa trabaho.
Kumaway na lang ako kila Kuya Benjo na nasa stage na para magpaalam. Napabuntong hininga ako pagtapak ko palabas ng resto bar. Binati ako ng mga nakasalubong na regular costumers. Inakbayan ako ni Jean, pauwi na kami. Wala na akong gana pang mgasalita at ni-respeto naman iyon ni Jean. Tahimik kami sa jeep hanggang sa maghiwalay kami ng daan pauwi.
Pag-uwi, wala nang tao sa bahay. Pagtingin ko sa lamesa, may sulat doon ang kuya na uuwi ulit siya sa Linggo, next week. Wala rin namang text si Kuya, ano kayang nangyari doon? Bahala na nga sila sa mga problema nila o kung ano mang meron sa kanila.
Makalipas ng isang Linggo, hindi rin naman umuwi si Kuya sa bahay. Tumawag lang siya at sinabing babawi na lang. Nakakapanibago lang na hindi na siya masyadong nagku-kwento sa akin, tumatawag para mangamusta. Maganda na rin kung ganon. Tatlong taon niyang ginugol ang panahon niya para sa akin. Kung masaya naman siya, bakit ko pipigilan iyon. Hiling ko lang na sana 'wag siyang matulad sa akin.
Sa loob ng isang linggo na iyon, hindi ko na rin nakita pa 'yung pekeng Sir Shaun. Nahihiwagaan pa rin ako kung sino siya. Pinigilan ko ang sarili kong i-search ang pangalan niya sa google kaya wala pa rin talaga akong ideya. Ang kwento ni Sir Shaun sa akin noong nagpapanggap pa, may dalawa siyang kapatid at nag-iisang pinsan na babae.
At si Ma'am Tori 'yung tinutukoy niya. Ang galing lang kasi, e. Iniisip ko kung saan at paano nagsimula 'yung panloloko niya. Una ko siyang nakita noong hinabol ko 'yung snatcher at siya ang tumisod doon. Sigurado akong iyon din ang unang beses niya akong nakita. At 'di ba niligtas niya ako kay Sir Alfie noon? Hindi ko tuloy mapigilang ibalik 'yung nangyaring iyon.
Paano rin ba niya nalaman na nandoon ako sa loob ng kwarto ni Sir Alfie gayong soundproof din naman ang kwarto? Ano 'yon? Nahulaan niya lang? Or... kasabwat siya? Pero imposible! Kung gusto niya akong utuin at pagkautangan siya ng loob, edi sana umpisa pa lang nagpakilala na siya. 'Di ba? Ang gulo!
"Papunta ka na sa penthouse?"
"Ah, oo..." sagot ko kay Ate Sam.
Kakabalik lang niya galing cafeteria kasama sila Ate Jenny. Walang alam si Ate Sam sa mga nangyari at mas mabuti na rin iyon. Nakakaramdam akong hiya. Hindi nga niya alam pero hindi ko maiwasan manliit lalo sa kwento ko kung gaano ako kasaya dahil kay Sir Shaun.
"Huwag ka na kayang pumunta. Ako na lang! After one week, magkikita na ulit kayo," hinarangan ni Jean ang daan ko papasok ng elevator.
Suminghap ako. "Anong magagawa ko? Trabaho ko 'to. Paaral nila tayo at boss natin sila." Mapakla kong sabi.
Ano nga ba 'di ba? Ayaw kong isaalang-ala ang scholarship ko dahil sa nararamdaman ko na 'to! Hindi dapat ako magpahalatang apektado!
"Sabihin mo may LBM ka o nagsusuka ka. Ganon! Ano? Gusto mo ba talagang makita 'yung dalawang taong pinaglaruan ka?" Mataas na ang timbre ng boses niya at kumapit na rin sa cart para hatakin palapit sa kanya.
Kumunot ang noo ko. "D-dalawa?"
"Oo! 'Yung isa, si Sir Shaun at 'yung isa, si pekeng Sir Shaun!"
"Paano mo nalaman na 'yung pekeng Shaun 'yung nandoon?"
Ang lala ng pag-ikot ng mga mata niya. "Kasi nakasalubong ko si Sir Shaun! May kasamang isang lalaki pero hindi ko nakita, e. Basta malapad ang balikat."
Tama! 'Yung pekeng Shaun nga iyon! Naninibago pa rin ako na dahil sa ginawa ni Shaun sa akin, parang nawala na rin ang paghanga ni Jean sa kanya. Hindi tulad noon na halos ikahimatay niya kahit na pagbanggit lang ng pangalan ni Sir Shaun ang ginagawa niya.
Kahit na anong pagpipigil ni Jean sa akin, wala na rin siyang nagawa pa. Hinanda ko na sarili ko sa mga posibleng mangyari.
Kabado ako habang nakatitig sa malaking pintuan ng penthouse. Kaya mo 'yan, Emery! Sabi ko sa sarili ko. May choice ba ako? Kung makita nilang dalawa na apektado ako, edi mas lalong lala ang tingin nila sa sarili nila.
Hindi ko ibibigay 'yung satisfaction na kayang-kaya nilang magpa-ikot at paglaruan ang mga tao. Mariin kong ipinikit ang mata ko at suminghap nang malalim. Nanginginig pa nga ang kamay ko habang binubuksan ang pintuan. Kinlaro ko ang isip ko para mawala ang kaba.
Pagpasok na pagpasok ko, mabigat na agad ang hanging nasinghap ko na halos hindi na ako makahingang maayos. Nakatingin lang ako sa sahig, patuloy na naglalakad tulak ang cart.
"Good afternoon po," magalang kong bati.
Naaninag kong dalawa nga sila at magkaharapang nakaupo sa sofa. Napalunok na lang ako. Iniwan ko na ang cart sa may pintuan at binitbit ang mga pamunas papunta sa kitchen area. Wala namang ibang daan kundi ang dumaan sa gilid nila, pakiramdam ko bigla na lang bibigay ang tuhod ko sa paglalakad kaya binilisan ko.
Hindi ko na masabi kung ano ang nararamdaman ko, e. Naiiyak ba o ano, kumikirot kasi ang puso ko, literal, na parang may dumudurog doon at halos umikot ang sikmura ko. Hinabol ko agad ang hininga ko nang makalagpas sa kanila.
Si Shaun nga talaga iyon! Hindi ko man nakita ang mukha niya, tandang-tanda ko naman 'yung amoy niya! Napakapit ako sa dibdib ko para damahin ang t***k ng puso ko. Sobrang lala na nito. Nanlalamig din ang mga palad ko.
Inabala ko na ang sarili sa paglilinis. Wala naman akong naririnig na nagsasalita sa kanilang dalawa, nararamdaman din ba nila 'yung tensyon? Lalo na si Sir Shaun? Ano nga bang nararamdaman niya?
"Emery,"
Muntik ko na mabitawan 'yung cleaning spray na hawak nang marinig ko ang pangalan ko. Si Pekeng Shaun iyon dahil malalim at strikto ang boses nito, kumpara sa totoong Shaun na malambing ang tono sa tuwing kausap ako.
Hindi agad ako nakakilos sa bigla, nagdadalawang isip din. Nang tawagin ulit ang pangalan ko, doon na ako nataranta at 'di na inisip kung anong mukha ang maihaharap ko.
"P-po? S-Sir..." Natigilan na ako.
Nakatingin ako sa Pekeng Shaun at mas tumindi pa ang kabog ng dibdib ko. Umahon siya sa pagkakasandal sa sofa, tumingin muna kay Sir Shaun bago dahan-dahang tumingin sa akin. Wala akong mapuna sa ekspresyon niya, ganon pa rin. Walang interes sa kahit anong bagay.
"Xenon," sabi niya.
Napakurap ako. Xenon?
Napansin niya atang hindi ko nakukuha ang ibig niyang sabihin. Tumuyo siya habang bumuntong hininga at tamad na naglahad ng kamay.
"Xenon Rizaldo. Shaun Rizaldo's younger brother." Malamig niyang pakilala na mas nagpabigat ng hangin sa paligid.
Iba pala kapag kumpirmado mo mismo ang totoo. Sabi ko handa ako sa mga mangyayari pero parang hindi pala...
Dama kong nakatingin si Sir Shaun sa amin o... Sa akin. Nakatitig ako sa kamay ni Xenon at napalunok. Kilala ko siya sa pangalan pero ang isiping siya si Xenon at nagpapanggap na Shaun... Bakit? Ang dami kong bakit na hanggang bakit lang.
"Uhhh, m-madumi po ang kamay ko, Sir. Humawak po ako sa basahan."
Bumuntong hininga na naman siya at ibinulsa na lang ang dalawang kamay, iritado yata.
"Alright."
Naiwan kaming dalawa ni Sir Shaun. Naestatwa ako habang pinapanuod si Xenon Rizaldo na umaakyat sa hagdang marmol. Hindi ko na tuloy alam kung saan ako lulugar lalo't kaming dalawa na lang. Dama ko pa rin ang mata niya kaya pinilit kong maglakad palayo at magpatuloy sa trabaho.
Kung tama pa ba 'tong ginagawa kong paglilinis, hindi ko na rin alam. Basta punas na lang ako sa kung saan, vacuum at ano pa. Nandoon pa rin siya, e. Tahimik at walang kibo. Naiiyak ako na ewan. Nalulungkot ako. Naiinis.
Pakiramdam ko sobrang bagal ng oras na dati namang mabilis sa tuwing kasama siya. Pagtapos kong malinisan ang living room, kung saan nandoon pa rin si Shaun, nag asikaso na akong gamit. Bitbit ko ang trash bag at cleaning spray, bigla akong tinawag ni Shaun.
Akala ko imahinasyon ko lang, e. Pero...
"Nakalimutan mo," maingat niyang sabi.
Tinignan ko ang nasa lamesa, iniiwasan ang mata niya. May isang lukot na papel doon. Kinuha ko iyon diretso, walang imik. Nanunuyot na ang lalamunan ko pero pinilit kong magsalita.
"Alis na po ako, Sir Shaun." Namangha rin ako sa sarili ko na nasabi ko iyong diretso kahit na sa loob ko ay sasabog na ako. Ni isang sulyap sa mukha niya hindi ko nagawa.
Hanggang pagbanggit lang ng pangalan niya ang kaya ko. Baka bigla pang bumuhos ang emosyon ko sa oras na makita ko na naman ang mata niyang laging nakatitig sa akin na para bang ako lang ang nakikita niya.
Nakabantay naman agad si Jean sa pagbalik ko sa locker room. Hinang-hina akong naupo roon. Naubos lahat ng meron ako sa pagkikita namin uli. Parang ayaw ko na nang ganito, hindi ko pala talaga kaya pang makita siya...
"Si Xenon Rizaldo?!" Bulalas si Jean, napatakip siya ng labi at napalingon para makasiguradong walang nakarinig.
Pauwi na kami at naglalakad papuntang sakayan. Nauna na si Ate Sam dahil may date sila ng boyfriend niya. Nangamusta pa nga siya sa kung ano nang nangyari sa lovelife ko, kung kami na ba. Natawa na lang ako.
"Oo, Jean. Grabe... pati pamilya niya kasabwat..." Napakagat akong labi.
Ngayon mas nagsi-sink in sa akin 'yung nangyari. Ganito ba talaga silang mga Rizaldo? Basta para sa laro, kahit na mali, magsasabwatan? Hindi ba nila alam na masakit? Siguro sa ibang babaeng niloloko nila, wala lang dahil game sila, pero paano naman ang mga katulad ko?
Nirespeto ni Jean ang pananahimik ko at hinayaan akong magmukmok sa kahabaan ng byahe. Kakaiba 'yung pagod na nararamdaman ko ngayong araw, parang pang isang linggo na. Gusto ko na agad makauwi at humiga na sa kama. Sana nga pwedeng idaan sa tulog ang ganito, pero pati sa pagtulog ko dinadalaw ako ng alaala ni Shaun.
Hilaw ang ngiti ko nang maghiwalay na kami ni Jean ng daan. Huminga akong malalim at hinawi ang mahaba kong buhok papunta sa kaliwang balikat ko. Ang tagal ko ring tumunganga sa kalsada hanggang sa maisipan ko nang ihakbang ang mga paa ko.
Dumidilim na pero kalat pa rin ang mga batang naglalarong habulan sa kalye at mga nanay na nagku-kwentuhan sa mga gate nila.
May nadaanan pa akong bagong tayong ihawan kaya halos mabulag ako sa usok no'n. Paglagpas ko roon ay malapit na rin ang bahay namin. Naagaw ang atensyon ko nang mapansin ang iilang kapitbahay ko na nagkukumpulan sa isang bahay, tatlong bahay lang ang pagitan sa amin.
Sa tapat ng bahay ay may truck na puno ng gamit pang-bahay ang laman, may tatlong lalaki roon na nagtutulungang maibaba lahat iyon. Natatandaan kong paupahan din iyon at pagmamay-ari din ng land lady namin. Sino naman kaya ang bagong titira doon?
Halos mga babae ang mga nandoon, mga kabataan at may edad na, kulang na nga lang maging 'sing haba ng giraffe mga ulo nila kakasilip sa bagong lipat.
"Ihhhh! Ang gwapo ng bagong lipat! Shet!" Tili ng dalagita pagdaan ko.
"Tae, dadanan na talaga ako lagi rito! Tangina ang gwapo, feeling ko daks 'yan!"
Umasim ang mukha ko at nagpatuloy lang sa lakad. Hindi pa man ako nakakalayo ay narinig ko na naman 'yung halinghing ng mga babaeng nadaanan.
Sa hindi ko malamang dahilan, napalingon din ako sa direksyong tinitignan nila. Sa gulat ko, luluwa na yata ang mga mata ko at babagsak na ang panga ko sa lupa.
Si Sir Shaun ang bagong lipat sa lugar namin?! Anong kalokohan 'to?! Totoo ba 'to?! Kasi kung sa libro lang nangyayari 'to, sobrang cliche naman... pero...
Naliligo sa pawis si Sir Shaun dahilan para bumakat ang hubog ng kanyang katawan at muscles. Kaya naman pala halos maglaway ang mga tao rito dahil sa itsura niya! Hindi ba niya alam na sobrang distracting ng dating niya?!
Napanguso ako at nangunot ang noo, naiirita. Gusto kong pingutin mga babaeng narito sa pagpapantasya nila kay Sir Shaun. Pero mas inis ako kay Sir Shaun dahil mukhang natutuwa pa siya sa atensyon dahil todo ngiti pa sa mga naroon, maypa-kaway-kaway pa! Ano ka artista?!