Tahimik na bumangon si Jenny mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama. Pulang-pula ang mga mata, nanginginig ang mga labi, pero pinilit niyang maging matatag. Hinaplos niya ang kamay kong wala nang kapit sa kanya.
“Salamat, David… kahit masakit. At kahit kailan, hindi ko pagsisisihan na minahal kita.”
Hindi ko siya magawang sagutin. Lumuha lang ako, tahimik, habang pinagmamasdan ang mabigat niyang pagtalikod. Dahan-dahan siyang naglakad palabas ng kwarto, at bawat hakbang niya ay parang tunog ng pira-pirasong puso kong bumabagsak sa sahig.
Paglapit niya sa pintuan, saglit siyang lumingon—isang tingin na puno ng sakit, pero may bahid na pagtanggap. Saka siya tuluyang naglaho sa pasilyo.
Natira ako kasama sina Mama at Papa. Tahimik ang lahat. Wala ni isa sa amin ang agad nakapagsalita. Para bang nilulunok pa namin ang bigat ng nangyari.
Si Mama ang unang bumasag ng katahimikan. “Anak… mabigat man sa amin, pero alam naming hindi madali ang desisyong ‘yon. Basta, sana sigurado ka sa gagawin mo.”
Tumingin ako sa kanila. Ramdam ko ang pagod sa mga mata nila, at higit sa lahat, ang lungkot. Pero sa ilalim ng lungkot na iyon, may nakita akong kakaibang liwanag: pagtanggap.
Huminga ako nang malalim. “Ma, Pa… may isang tao na gusto kong makilala ninyo.”
Nagkatinginan sila, halatang nagtataka. Tumango si Mama at agad lumabas ng kwarto. Ilang minuto lang, bumalik siya kasama si Adrian.
Nakatayo si Adrian sa may pinto, parang nahihiya. Hindi siya makatingin nang diretso, pero ramdam ko ang kaba sa bawat galaw niya. Lumapit siya, at kahit pilit na kalmado, halata sa mukha niya ang tanong: Handa ka na ba?
Tumango ako.
“Mama, Papa…” ngumiti ako nang pilit, “si Adrian po. Kaibigan ko… matagal ko na pong kasama.”
Tumango si Papa, tumingin kay Adrian at inabot ang kamay. “Salamat, iho, sa pag-aalaga sa anak namin.”
Pero bago ko pa napigilan ang sarili ko, bumulwak ang lahat ng damdamin ko.
“Hindi lang siya basta kaibigan, Pa… Ma… si Adrian ang taong mahalaga sa buhay ko. Alam kong naiintindihan ninyo ang ibig kong sabihin.”
Tumigil ang oras. Walang nagsalita. Ramdam ko ang kaba sa dibdib ko, ang takot na baka madurog ang lahat. Pero sa halip na galit o pagtutol, nakita ko ang mabigat na buntong-hininga ni Mama, at ang malalim na tingin ni Papa.
“Anak…” basag ang boses ni Mama, “mula pagkabata, ikaw na ang lakas ng pamilya. Hindi kami magbubulag-bulagan na ang dami mo nang isinakripisyo para sa amin. Kung saan ka magiging masaya, hindi namin kayang pigilan.”
Napaluha ako. Si Papa naman, marahan pero matatag na nagsalita. “David, hindi madaling tanggapin para sa amin bilang mga magulang… pero hindi rin namin hahadlangan ang anak naming nagmahal ng totoo. Adrian…” nilingon niya si Adrian, “alagaan mo ang anak ko. Hindi siya mahina, pero kapag nasaktan siya, wala nang mas masakit pa para sa amin.”
Halos di makapagsalita si Adrian. Tumango lang siya, nangingilid ang luha. “Opo, Sir. Opo, Ma’am. Hindi ko siya pababayaan. Hinding-hindi.”
Nagpaalam na rin sina Mama at Papa. Nagkusa si Adrian na ihatid sila palabas, pero tumanggi sila.
“May mag-aasikaso na sa amin dito sa Crame,” sabi ni Papa. “At may susundo na rin pauwi ng Pampanga. Hindi mo na kailangang mahirapan.”
Lumapit si Mama, hinaplos ang pisngi ko. “Magpahinga ka, anak. At huwag mong kalimutan—mahal ka namin, kahit ano pa man.”
Nang tuluyan silang lumabas, bumigat lalo ang katahimikan sa kwarto. Si Adrian, nanatiling nakatayo sa tabi ko, hindi rin makapagsalita agad.
Pero sa kabila ng lahat ng sugat at bigat, alam kong may liwanag na sa gitna ng dilim. At sa wakas, hindi ko na kailangang itago kung sino ang mahal ko.
Itutuloy...