“No! Irereklamo kita sa HR sir Val!” asik ko sa boss ko na ngayon ay nakikiusap ang mga mata habang nakatingin sa akin. Kinukumbinse niya akong pumayag sa kalokohan ng Walter na iyon!
“Loraine, ano ka ba? Ako na ang nakikiusap sayo! Mahalaga ang deal na ito! Bibigyan kita ng parte sa commission, I promise!” pakiusap pa rin sa akin ni sir Val.
Sa gilid ng mga mata ko ay napansin ko ang pag-ngisi ni Walter na sigurado akong nakikinig sa usapan namin. At mukhang nasisiyahan pa siya! Naikuyom ko ang kamao at tiningnan siya ng masama pero tinaasan lang niya ako ng kilay.
Ayaw kong mawalan ng trabaho. Kailangan ko ito at ng pamilya ko. Isa pa, umaasa ako sa pangako nitong si sir Val na bibigyan ako ng komisyon kapag nakuha niya ang deal na ito.
“I'm fine with her declining to be one of the models. Hindi naman ito sapilitan—”
“Pumapayag na siya, Mr. Werner!” bulalas ng boss ko kahit wala pa akong sinasabi.
“Ano sir?” gigil na tanong ko. Binigyan ako ni sir Val ng nakamamatay na tingin.
“Madali lang naman ang gagawin mo. Ayon lang oh! Ipo-promote mo lang ang—”
“Oh sige!” aniko at pumwesto ako sa tabi ng sasakyan ni Walter. “Paanong pag-model ba ang gusto mo?” inis na tanong ko kay Walter. Binigyan naman ako ng warning look ni sir Val.
Bahagyang tumaas ang kilay ni Walter. “So, pumapayag ka na nga?” tila hindi makapaniwalang tanong niya.
“Ano pa nga ba? Ano ba ang gagawin ko? Magtatawag na ba ako ng mga tao para pagkagulohan itong pangit mong sasakyan?”
Napansin kong nagdilim ang mukha ni Walter pagkarinig sa sinabi kong pangit ang sasakyan niya.
“Viny, may nakuha na ako ditong kapalit ni Yessa. Give her Yessa’s outfit instead,” walang anuman na baling niya sa babaeng kausap niya kanina. Tumalikod na siya at naglakad na palayo. Nanlaki ang mga mata ko sa narinig.
Outfit daw? Sinulyapan ko ang suot ng dalawang babaeng modelo.
“Hoy! S-Sandali lang! Wala sa usapan—”
“Have you change your mind? I have something to do, please don’t waste my time. Kung ayaw mo naman sa kondisyon ko, you are free to leave,” iritado nang baling niya sa akin. Kunot na kunot ang noo niya sa inis.
Ang walanghiyang ito! Matapos niya kagabi magpasasa sa katawan ko!
Hindi na ako nakasagot nang mapatingin ako sa boss kong nakikiusap ang mga mata. Galit na hinablot ko ang damit na inaabot sa akin ng babae na tinawag ni Walter na Viny. Sinamahan naman ako ng babae sa isang room para magpalit ng damit.
“T-Teka, parang mas revealing yata ito kesa doon sa suot noong dalawang model?” baling ko sa babae.
“Ahh, eh kasi kay Miss Yesa sana ‘yan. Iyong sikat na modelo. Kilala mo ba?” sagot ni Viny.
Napabuga ako ng hangin saka tumango. Ang impaktong Walter na iyon! Kapag lang hindi siya tumupad sa usapan, ako mismo ang tatapos sa buhay niya!
“Lalagyan na kita ng make up, miss?” tanong sa akin ni Viny.
“Kailangan pa ba?”
“Oo naman! Para mas litaw na litaw ang ganda mo. Mabuti na lang at magkasing-katawan kayo ni Miss Yesa. Mas matangkad ka pa nga yata ng konti sa kaniya.”
Totoo namang pang-modelo ang katawan ko at madami na ring nagsabing maganda ako. Kung tutuusin, mas maganda ako sa Mary na iyon! Katunayan, madami ang nanghihikayat sa akin na sumali sa mga beauty pageant noon pa, pero hindi ko naman iyon nakahiligan.
“Oh, ayan miss. Tapos na,” baling sa akin ni Viny matapos ang ilang minuto. Maging ako ay nagulat sa repleksyon ko sa salamin.
Ang ganda ko nga! Sh*it!
Natawa ako sa naisip kaya nagtataka akong minasdan ni Viny. “Naisip ko lang na ang ganda ko pala,” aniko na ikinatawa din niya.
“Salamat at dumating ka. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ni sir Walter kung hindi ka dumating. Pasaway kasi ang Yessa na ‘yon! Bibigyan na lang kita ng fee para sa gagawin mo.”
Namilog ang mga mata ko sa narinig. “T-Talaga?”
Ang totoo ay malaki talaga ang pangangailangan ko. Ako lang ang inaasahan ng mga magulang ko sa probinsya at ng panganay kong kapatid na lalaki na saksakan ng tamad.
“Oo naman! Huwag ka na lang maingay kay sir Walter,” aniya.
Nagtungo na kami sa labas. Parang gusto ko nang mag-back out nang pagtinginan kami ng mga tao sa paligid. Titig na titig sa akin ang mga kalalakihang nakakasalubong ko. Ang ilan ay tahasang napapakagat-labi pa sa harapan ko.
Kahit saan may mga manyak talaga!
Napangiwi naman ako pagkakita sa suot ko. I never imagined myself wearing something like this! Huwag talaga akong magkakamali ng pwesto kundi ay makikita ang underwear ko sa iksi ng skirt na suot ko. Naroon pa rin si sir Val na apologetic na tumingin sa akin.
Ang galing lang! Matapos niya akong pilitin dito kunwari ay guilty siya!
“Hindi na bale, ang ganda mo naman today!” pambobola pa niya sa akin. Hindi ako sumagot at inirapan ko lang siya.
Siya pa talaga ang nagkumbinse sa aking gawin ito! Siya dapat itong unang tututol!
May ilan na nagtatanong sa amin ng tungkol sa sasakyan ni Walter at nakakahiyang wala akong maisagot sa kanila. Ni hindi ko nga alam ang modelo nito eh! Mabuti na lang at wala si Walter sa paligid.
“Uy, dito tayo! May magandang sasakyan dito!” makahulogang kantyawan ng kalalakihan na dumating.
“Miss, anong modelo nito?” baling sa akin ng isang lalaki. Kaedad ko lang siguro siya at mukha namang disente.
“Ahh, 250 GXO po,” aniko dahil iyon ang narinig kong isinasagot noong dalawa kong kasamahan.
Kitang kita ko nang mangislap ang mga mata ng kaharap ko. “Sabi ko na nga ba! Grabe meron pala niyan dito sa Pinas! Those are some of the most sought-after old cars out there! Very classic and rare!” bulalas niya. Napangiti naman ako sa nakitang reaksyon niya. Mukhang interesado talaga siya sa sasakyan at hindi sa mga babaeng naka-display dito. Umikot pa siya ng pwesto at panay ang picture niya sa sasakyan.
“This car's owner is obviously very rich!” sabi niya habang pinapasadahan ng tingin ang bawat detalye ng sasakyan.
“H-Hindi ko alam kung sino eh,” sagot ko.
Totoo namang wala akong alam sa Walter na ‘yon! At malay ko ba kung siya nga ang may-ari ng sasakyan na ito! Baka ume-epal lang din siya dito. Nasa ganoon akong pag-iisip nang mamataan ko siya sa isang tabi. Nakabalik na pala siya sa kung saan man siya nagpunta. Napakunot ang noo ko nang mapansing titig na titig siya sa akin. Noon ko lang napagtantong halos wala na nga pala akong itago sa suot ko. Inirapan ko na lang siya at binalingan ulit ang lalaking kausap.
“Uhm, can I take a selfie with you?” parang nahihiyang tanong ng lalaki na ikinagulat ko naman. At dahil nakikinig si Walter ay hindi ako tatanggi. Baka magalit pa at makahanap ng butas.
“S-Sure,” nakangiting sagot ko.
Tumabi sa akin ang lalaki at napansin ko pang naging maingat siyang hindi magdikit ang aming katawan. Ngumiti naman ako sa camera kahit pa naiilang na ako kay Walter na nakahalukipkip habang nakamasid sa amin.
“Thank you,” baling sa akin ng lalaki bago nagpaalam.
Nagulat pa ako nang biglang lumapit sa akin si Walter. “Change your clothes and get out of here,” seryosong utos niya.
Napamaang ako sa kaniya gayun din ang dalawang car show models na kasama ko. Halos wala pa akong trenta minuto dito. “A-Ano? May usapan tayo—”
“Hand me the proposal, my secretary will call you tomorrow,” mabilis niyang putol sa sinasabi ko.
Nagtataka pa rin akong nakatingin sa kaniya kaya muli siyang nagsalita. “I realized you were destroying their image,” aniya na sumulyap sa dalawang modelong katabi ko at kay Viny. “They are a well-known agency that carefully selects their models.”
Napasinghap ako sa narinig. Anong ibig niyang sabihin? Na pangit ako ganoon ba? Na hindi ako pasado sa standards ng mga model ni Viny? Sa tingin ko, sa aming tatlong nandito ay ako ang higit na nakakaagaw ng pansin sa mga tao! Kaya ayaw ko man ay nasaktan ang ego ko sa sinabi ni Walter. Pero mas mabuti na rin iyon at ng makapagpalit na ako ng damit! Hindi ko naman gusto itong ipinapagawa niya. Hindi lang talaga maiwasang masaktan ako dahil harap-harapan niyang ipinamukha sa akin na pangit ako.
Walang imik na humakbang ako palayo. Nilampasan ko siya at iniwasan nang tingnan. Sumunod naman agad sa akin si Viny at tinulongan akong magbihis.
Napakawalanghiya talaga ng Walter na iyon! Bakit ba may mga lalaking tulad niya!
“Here’s the fee I promised you,” baling sa akin ni Viny. Apologetic din ang tingin niya sa akin. “At baka interesado ka din mag-extra sa amin, here’s my calling card. Contrary to what Sir Walter said, Miss Loraine, you have a lot of potential as a model.”
Nagulat ako sa sinabi niya. Wala akong planong sumabak sa ganoong trabaho. Pero tinanggap ko na rin ang calling card niya. Pagbalik ko sa pwesto nila Walter ay namataan kong kausap niya si sir Val. Sinulyapan niya ako kaya agad akong nag-iwas ng tingin. At kung pwede nga lang sana ay hindi ko na siya makasalamuha pa kahit kaylan!
“As we agreed, we will buy the equipment and motors from you. I will communicate with you regarding the process,” narinig kong sinabi ni Walter. Mabuti naman at marunong tumupad sa usapan!
Bigla naman akong hinila ni sir Val. “Okay sir Werner. Loraine is actually my secretary. Kita mo naman, she is very reliable at kung may tanong ka ay pwede mo din siyang tawagan sa opisina in case na wala ako.”
Napansin kong tinitigan ako ni Walter saka parang naiinis na nagbuntong-hininga. “Okay, but it would be better if I could talk to you instead of her if I had a question,” tahasan niyang sinabi.
Nagulat man si sir Val ay hindi na nagsalita. Kinagat ko na lang din ang labi para mapigilan ang mga gusto kong sabihin sa kaharap. Anong ibig niyang sabihin? Ayaw niya akong makausap kahit tungkol sa trabaho? Kung hindi lang sa boss ko na kaharap namin ngayon ay nasampal ko na ang lalaking ito!