Chapter 12 – Starting to fall

1979 Words
PINANUOD ko si Walter habang kinokolekta niya ang mga gamit sa kaniyang table. Namataan ko ang susi ng sasakyan na dinampot niya buhat sa drawer. Nakatungo siya at nagkaroon ako ng pagkakataon na malaya siyang pagmasdan. He is a stunningly attractive and sexy man. He stands at a good height, which makes him intimidating. I can tell by the way he acts and speaks that he is the type of man who knows exactly what he wants. Siya lang din ang lalaking nakapagbaluktot ng mga paniniwala ko. Buong akala ko ay matino akong babae. Pero ang namagitan sa amin ngayon ay patunay na mali ako sa pagkakakilala sa sarili ko. At ang higit na nakakatakot ay ang mumunting damdamin na sumisibol sa aking puso habang pinagmamasdan ko siya ngayon. Bigla siyang lumingon sa akin at agad akong nag-iwas ng tingin. “Fix yourself,” utos niya matapos akong lingunin. “H-Huwag mo na akong ihatid. Naghihintay kasi ang company driver namin sa labas,” tanggi ko sa alok niya dahil hindi ko nagugustuhan ang hindi normal na t***k ng puso ko ngayon. “Then ask him to leave. Hindi ka na naman babalik sa office n’yo cause it’s past four in the afternoon,” walang anuman na sabi niya. Narinig ko ang mga hakbang niya papalapit sa akin. Nang nasa tapat ko na siya ay hinawakan niya ang baba ko at inangat iyon para magtama ang aming mga mata. Agad kong iniwas ang tingin at hindi naman siya nagkomento sa ginawi ko. Pinagmasdan lang niya ang mukha ko pagkatapos ay binitiwan ako at tumalikod na. Napakunot naman ang noo ko sa naging kilos niya. “Let’s go,” mayamaya ay akit na niya sa akin. Nagtataka man ay hindi na ako nagtanong at sumunod na sa paglabas niya. Ramdam ko ang tinginan ng mga tauhan ni Walter sa amin habang magkasabay kaming naglalakad. I hate myself for feeling and appearing so guilty. Hindi na ako magtataka kung mahulaan nila ang namagitan sa amin ng boss nila. Pagdating sa labas ay agad sumalubong sa akin ang aming company driver. Nag-uutos naman ang mga mata ni Walter nang lingunin ako at wala akong nagawa kundi sundin ang sinabi niya kanina. “Sir, tatawagan ko na lang si Sir Val. M-May lakad pa kasi ako, kahit hindi mo na ako ihatid,” paliwanag ko sa driver. Umaasa ako na hindi siya mag-isip ng masama sa akin. Ang tagal ko pa namang iningatan ang reputasyon ko sa opisina. Bigla kong naalala ang mga ipinapakalat ni Mary na kwento sa opisina. Siguradong lalo iyong madaragdagan sa pagsama ko kay Walter ngayon. “Ah, ganoon po ba? Mabuti po para maaga din akong makauwi. Ihahatid ko na lang itong sasakyan sa opisina. Mag-ingat po kayo,” sagot naman ng driver. “Salamat po,” aniko. Inalis ko na lang sa isip ang pag-aalala sa maaari niyang isipin. Nang lingunin ko si Walter ay bakas ang kasiyahan sa kaniyang mukha. Kung bakit kasi sumusunod ako sa mga utos ng Walter na ito? Pagkaalis ng company driver namin ay agad pumarada sa tapat ko ang isang luxury car. Umibis buhat doon ang driver ni Walter. Umikot ito sa gawi ko at pinagbuksan ako ng pintuan habang si Walter naman ay naupo na sa driver’s seat. Nahihiya man ay napilitan na akong sumakay. Batid ko ang makahulogang sulyapan ng mga tauhan ni Walter kung kaya iniwasan ko na lang silang tingnan. “Tell me your address?” utos ni Walter noong nakaupo na siya sa driver’s seat. Sinabi ko sa kaniya ang address ng apartment namin ni Jean. Nagsimulang umandar ang sinasakyan namin at halos tumalon ang puso ko nang maramdaman ang bilis ng takbo niyon. Kaskasero pa yata ang Walter na ito! Mahigpit akong napahawak sa unahan ng sasakyan at napansin kong natawa si Walter dahil doon. “A-Ayaw ko pang mamatay,” hindi ko na napigilang magkomento. Kung alam ko lang na ganito siya magmaneho, sana ay nagpahatid na lang ako sa company driver pauwi! “Bakit ka naman mamamatay?” nakakalokong tanong niya. Gusto kong sabihin na kaskasero kasi siyang mag-drive pero pinigil ko ang bibig. Baka magalit pa siya kapag pinuna ko ang pagmamaneho niya. Naalala ko pa kung paano siyang nagalit noong pinintasan ko ang sasakyan niya. Baka kung ano na namang iganti niya sa akin. Hindi ko na namalayan kung paano kami nakarating sa tapat ng apartment building ko nang hindi ako inaatake sa puso. Nanginginig pa ang tuhod ko nang bumaba ako sa sasakyan. “Goodbye, Loraine,” usal niya bago ako tuloyang makababa. Bigla akong natigilan at nakadama ng lungkot sa sinabi niya. Hindi ko na lang iyon pinagtuunan ng pansin. Alam kong walang ibig sabihin ang namagitan sa amin ngayon. Lalo na para sa kaniya. Nauunawaan kong may ibig sabihin ang pagpapaalam niya sa aking iyon. Tumango lang ako saka tumalikod na. Pinagmasdan ko na lang ang sasakyan niya habang papalayo iyon. “Bruha! Sino ‘yon ha?” Halos mapatalon ako sa pagkabigla pagkarinig sa boses ni Jean sa likod ko. Nakauwi na pala siya at nakita ang pagbaba ko sa sasakyan ni Walter. “B-Bakit ang aga mo nakauwi?” tanong ko. “Nag-field ako! May ini-install kasi kaming CCTV, ‘yong tanong ko ang sagutin mo!” “S-Si…ano,” utal na sagot ko dahil hindi ako makaisip ng palusot. “Huwag kang magkakamaling magsinungaling sa akin!” banta niya. “Si Mr. Werner,” amin ko. “You mean, si Walter?” namimilog ang mga matang tanong ni Jean. Bigla din ang paglapad ng ngiti niya. “Anong meron sa inyo ha?” tudyo niya. “Wala!” mabilis na sagot ko at napansin kong lalong nagduda ang mga tingin niya sa akin. “You look so guilty, bruha! Eh, bakit ka pa inihatid dito?” “May pupuntahan kasi siyang malapit dito. M-May nilinaw siya sa k-kontrata kaya magkasama kami.” “Akala ko ba magkaaway kayo?” hindi pa rin naniniwalang tanong niya. “Hindi ko alam! Sabi niya ihahatid niya ako, eh! Sino ba naman ako para tumanggi? Eh nagtitipid nga ako kasi tumawag na naman si Nanay kanina. Na-hospital ang anak ni kuya,” sagot ko para ibahin na ang usapan. “Oh, ano na naman daw? Ikaw ang magbabayad ng bills?” Mukhang effective naman ang ginawa kong pag-iiba ng usapan. Sabay na kaming naglakad patungo sa ikalawang palapag ng gusali kung saan naroon ang unit namin. “Natural ako ang aasahan nila,” sagot ko. “Ipinanganak bang walang buto ‘yang kapatid mo? Hindi marunong dumiskarte ng kaniya eh!” gigil na sagot ni Jean. “Sinabi ko ‘yan kay Nanay kanina. Ayon, nagtampo na naman sa akin,” malungkot na sagot ko. “Alam mo ‘yang si mother ang nag-tolerate diyan sa kuya mo, eh! Mabuti hindi ka katulad ng kuya mong ‘yon!” “Hayaan na natin, maha-highblood ka lang. Wala na naman akong magagawa sa sitwasyon. Heto, back to zero na naman ang savings ko. Ubos na naman ang inipon ko ng ilang buwan.” Narinig ko ang marahas na pagbuntong-hininga ni Jean. “Paano kapag ikaw ang nangailangan, Loraine? Tutulongan ka ba ng pamilya mo? Mag-isip ka din girl! Hindi puwedeng ibuhos mo sa kanila lahat.” Naiintindihan ko ang sinasabi ni Jean kaya pinipilit kong mag-ipon ng para sa sarili. Sa edad kong ito na bente kwatro, hindi ko pa naranasan ang makapag-bakasyon sa magagandang lugar o kumain man lang sa mamahaling restaurant. Aaminin kong naiinggit ako sa ilang kaibigan ko kung minsan. May mga pagkakataon na gusto ko ding gumastos para sa sarili, pero sa tuwina ay nakakaramdam ako ng guilt. Para bang kasalanan ang gumastos para sa sarili dahil alam kong may pamilyang umaasa sa akin. Matapos magbihis ay magkatulong kami ni Jean na nagluto ng hapunan namin. Inalis ko muna sa isip ang naganap sa amin ni Walter kahit pa nga natutulala ako kanina habang nagbibihis. Ayaw kong makahalata siya sa akin. Maliit lang ang unit na inuupahan namin at mabilis niyang mapapansin kung may bumabagabag sa akin. Isa lang ang kwarto ng unit namin at magkasama na kami doon. Iisa lang din ang kama at ako ay naglalatag lang ng foam sa sahig kapag matutulog na. Karamihan sa gamit namin ay si Jean ang bumili dahil hindi na niya ako hinihingan ng ambag. Maayos ang samahan namin at sa lahat ng pinagdaanan ko ay naka-suporta siya sa akin. Alam na alam na rin niya lahat ng mga problema ko maging sa pamilya man, sa katrabaho o kina Gio at Mary. “Magpa-file ako ng three days leave next week,” pagbibigay-alam sa akin ni Jean habang kumakain kami. “Bakit? Saan ka naman pupunta?” nagtatakang tanong ko. “Uuwi sa probinsya namin. Ipapakilala ko si Eddie sa parents ko syempre!” excited na sagot niya. “Mukhang seryosohan na iyan ah?” komento ko. “Syempre naman! Ikaw lang ang kontra nang kontra eh! Gusto mo bang sumama sa amin?” “Hindi papayag si Sir Val kung tatlong araw akong mawawala. Isa pa ay sayang din kung a-absent ko,” tanggi ko. “May vacation leave ka naman ah?” “Hay naku! Ayaw ko nang maka-istorbo sa inyo ni Eddie. Isa mo pa akong intindihin kung sasama ako. Ituon mo na lang ang atensyon mo sa boyfriend mo. Bakasyon n’yo ‘yon eh!” tanggi ko ulit. “Okay, sabi mo eh! Next week pa naman iyon, pero ipinapaalam ko na sa ‘yo,” aniya. “Solo ka dito.” Inirapan ko siya sa huli niyang sinabi. “As if naman hindi ako sanay na solo dito! Nakakagulat nga na nandito ka ngayon eh!” Humalakhak si Jean sa sagot ko. Mula kasi noong maging kasintahan niya si Eddie ay halos hindi na siya pumirmi sa apartment namin. Kulang na lang ay layasan na niya ako dito dahil palagi siyang nandoon sa condo ng lalaki. “Kapag ikaw nabuntis na bruha ka!” pananakot ko. “Ehdi mabuti!” aniya na ngumisi pa. Pinandilatan ko siya pero hindi naman niya iyon alintana. Bagkus ay lalo pa siyang ngumisi. Mukhang in love na in love talaga ang kaibigan kong ito kay Eddie. Ngumiti na lang ako at napailing. Sana lang ay huwag silang matulad sa amin ni Gio. Napasimangot ako pagkaalala sa dating nobyo. Dati ay hindi ko maamin ngunit ang totoo ay nasasaktan ako at umaasang magiging magkaibigan pa kami. Sa ngayon ay wala akong maramdaman sa kaniya kundi galit. Lalo pa sa mga sinabi niya sa akin kanina. Paanong nawala ang dating Gio na mapagmahal? Iyong lalaking hinahangaan ko. Kakatwa namang biglang lumitaw ang pigura ni Walter sa aking isipan. Nakagat ko ang labi pagkaisip sa lalaki at sa mga nangyari sa pagitan namin. “Girl, anong iniisip mo at napapakagat-labi ka diyan?” tanong ni Jean na nagpabalik sa lumilipad kong isip. “Ha? Wala naman. S-Sila nanay lang,” pagsisinungaling ko. Nagdududang tiningnan ako ni Jean pero hindi na siya nagkomento pa. Matapos naming kumain ay ilang oras pa kaming nagkwentuhan saka pumasok sa kwarto. Nakahiga na kami noon at abala sa kani-kaniyang cellphone nang bigla kong maalala si Walter. Ano na kaya ang ginagawa niya ngayon? Naiisip man lang ba niya ako? Siyempre hindi! kontra ng matinong bahagi ng aking utak. Alam kong madaming babae ang nagkakandarapa sa kaniya. At napakadali lang para sa kaniya ang humanap ng babae na higit na maganda, sexy, at higit sa lahat ay katulad niyang mayaman. Siya na rin ang nagsabi na hindi siya naghahanap ng karelasyon. Maaaring ang namagitan sa amin ay normal na lang para sa kaniya. Pero kahit pa hindi ko pagtuunan ng pansin, alam ko na may nagbago sa akin ngayon. Alam ko na sa maliit na bahagi ng utak ko ay nasasabik ako na makikita siyang muli…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD