Dorcas Vega

2803 Words
Nangingiting ini-log off ni Dorcas ang kanyang Skype account. Katatapos lang nilang mag-usap ng kaniyang ate na si Daphne na kasalukuyang nasa Spain kasama ng kabiyak nito na si Stefano. Masayang ibinalita ng kaniyang ate ang tungkol sa malusog na sanggol na nasa sinapupunan nito. Ngunit kaakibat ng kaligayahan nilang magkapatid sa biyayang handog ng Diyos ay ang kalungkutan dahil sa suliraning pinagdadaanan ng kanilang pamilya ngayon. Nang malaman ng kanilang ama na si mayor Rodante na sumama si Daphne kay Stefano ilang buwan na ang nakakaraan ay inatake ito sa puso dahil sa matinding galit at pagdaramdam. Kasunod noon ay sumailalim ang kanilang ama sa isang maselang operasyon. Bagama’t tagumpay ang ginawang heart surgery kay mayor Rodante ay pinaalalahanan sila ng doktor na hindi pa lubusang magaling ang pasyente. Anomang oras ay puwede uli itong atakehin at magiging delikado na ang susunod. Kung kaya dobleng pag-iingat ang ginagawa nila ng kaniyang mommy Elaine sa pag-aalaga dito. Binantayan nila ang diet ni Rodante, ang tamang oras ng pag-inom ng gamot at hangga’t maaari ay ang pag-iwas na bigyan ito ng problema o anumang makasasakit sa damdamin nito. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Dorcas. Oo nga at tahimik at masaya na ang ate Daphne niya sa ibang bansa kasama nang pinakamamahal nitong lalaki. Ngunit hindi siya. Nahaharap siya ngayon sa matinding problemang pinansyal. Dahil sa operasyon at patuloy na gamutan sa ama ng kanilang tahanan ay halos maubos ang lahat nilang naipundar. Sumabay pa ang demandang graft and corruption na isinampa ng mga Mondego dito na lalong nakadagdag sa kanilang gastos. Kung bakit naman kahit nag-aalok ng tulong si Daphne at Stefano ay matigas itong tinatanggihan ni Rodante. Mabuti na lang at kahit papaano ay malapit na siyang ma-permanent bilang instructor sa Pontevedra State University dahil natapos na niya ang dalawang taong masteral studies bilang requirement ng pinakamalaking pamantasan na ito sa kanilang lalawigan. Dahil sa may kalakihan din naman ang sinusuweldo niya ay natutugunan niya kahit papaano ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang malaking problema nga lang nila bukod sa pagpapagamot ng kaniyang daddy ay ang attorney’s fee dahil sa mga kasong hinaharap nito. Ang totoo ay unti-unti na nilang naibebenta ang mga naipundar ng kanilang pamilya. Kung tutuusin ay mas masuwerte ang kaniyang ate Daphne dahil tahimik na itong namumuhay kasama ni Stefano sa ibang bansa. Samantalang naiwan sa kaniya ang pagpasan sa napakalaking responsibilidad ng pagtataguyod sa kanilang pamilya. Kung bakit sa kabila ng hindi pantay na pagtrato noon ng kanilang ama sa kanilang magkapatid ay mas pinili pa rin niyang maging isang mabuting anak. Marahil ay nais rin niyang patunayan sa kaniyang daddy na kahit hindi siya kasingganda at kasingtalino ni Daphne ay kaya niyang ibigay dito ang respeto at pag-aaruga na hindi naibigay ng paborito nitong anak. Kesehodang nahihirapan siya at minsan ay halos i-give up na niya ang lahat maging ang kalayaan niya bilang isang dalaga. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang pumasok sa faculty room ang best friend niyang si Talitha Zaldriaga, bunsong kapatid ni Misty na kaibigang matalik naman ng ate niya na si Daphne. Katulad ni Misty ay maganda rin ito. Isa rin itong instructor sa PSU. Kapwa sila nagtapos sa pamantasang ito at pareho ding na-hire bilang mga instructor pagka-graduate nila. Sa tourism department napapunta si Talitha samantalang siya naman ay sa hotel and restaurant department. “Tapos na ang break, friendship. Klase na uli,” wika ni Talitha sabay baba ng hawak na mug na may lamang mainit na kape sa kanyang table. Kasisimula pa lang ng first semester kung kaya medyo maluwag pa ang kani-kanilang schedule. Napangiti si Dorcas sa pagiging maalalahanin nang matalik na kaibigan. “Sis, you know I no longer drink coffee. Nagkaroon ako ng acid reflux one month ago at natatakot ako na umulit iyon.” Ngumiti rin si Talitha. “Sorry na, nakalimutan ko,” sabi nito sabay dampot uli sa tasa ng kape. “Alam mo ba’ng isa sa mga dahilan ng acid reflux ay stress? Sobra mo kasing dinidibdib ang mga nangyayari ngayon sa inyong pamilya.” “I know,” matipid niyang sagot. Umupo si Talitha sa ibabaw ng kanyang table at nag-cross legs, dahilan upang lumabas ang mapuputi at makikinis nitong hita. Sanay na siya sa burarang kilos ng kaibigan. “Maiba ako, friendship. Alam mo na ba ang latest?” Napakunot-noo siya. “About what?” “About PSU. Natuloy na ang pagse-semi private nito few weeks ago. Nagkaroon na ng board of directors ang mga investors.” “Which means?” “Which means we have a new university president. Abogado raw, bata pa at guwapo. Pero hanggang ngayon, hindi pa alam ng mga nasa level natin ang name niya.” Nagkibit lang ng balikat si Dorcas sa narinig. “Ganoon ba? Iyan ang mahirap sa malaking pamantasan tulad ng PSU. Hindi tayo masyadong updated sa latest issues. Ni hindi na napapansin ang tulad natin na nasa ibaba. For sure, mame-meet lang natin siya sa commencement exercises sa isang taon.” “Ano pa?” Tumawa si Talitha. “Not unless, tututukan niya talaga ang pagpapatakbo ng PSU at hindi ipapaubaya lang sa mga vice presidents, college deans at department heads ang operation nito. Pero kung negosyante siyang ubod ng busy dahil marami pa siyang negosyo, for sure, ni hindi natin siya mararamdaman,” umirap pa si Talitha pagkatapos magsalita. “Hayaan mo na lang. Hindi naman tayo apektado kahit hindi na natin ma-meet ang bagong university president,” kaswal na sabi niya. “Kungsabagay. By the way, highway, tuloy ba ang plano natin mamaya?” tanong ni Talitha upang ibahin na ang usapan. “Remember, we will be promoted as assistant professor in just few days dahil nga natapos na natin ang masteral studies natin. We deserve a celebration kahit tayong dalawa lang.” Muling napabuntong-hininga si Dorcas. “We are not yet sure about it. Alam mong kapapasa lang natin ng documents para sa reranking sabay pagpapalit naman ng university president which means hindi pa napipirmahan ng bagong president ang promotion paper natin.” Pumiksi si Talitha na parang bata. “Doon na rin ang punta noon. O, ano? Tuloy tayo mamaya kahit tayong dalawa lang?” Napangiti siya sa kakulitan ng kaibigan. “Yes. Tayong dalawa lang. Not unless may gusto kang imbitahan.” “Siyempre, wala.” Mahinang tumawa si Talitha. “Ano ka ba? Alam mo namang pareho tayong loveless. Ewan ko nga ba kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa natin mahanap ang ating forever.” “Hay naku, alam ko na ang patutunguhan ng usapang ito. Diyan ka na at late na ako sa klase ko.” Mabilis na tumayo si Dorcas sabay dampot sa mga aklat na nasa ibabaw ng mesa. Tuloy-tuloy na siyang lumabas ng faculty room. Naiwan ang walang nagawang kaibigan. Habang naglalakad sa hallway ay napapailing na lamang siya. Nagtutumining sa utak niya ang ilang katagang binitawan ni Talitha. Alam niyang para kay Talitha ay madaling humanap ng boyfriend. Maganda ito, matalino at sweet kumpara sa kanya na salat sa lahat ng katangian na nabanggit. Kung bakit hindi man lang niya nakuha ang mga katangian ng ate Daphne niya. Hindi rin siya palaayos. Konting pulbos at manipis na lip stick lang ang inilalagay niya sa mukha at mga labi. Ipinupusod lang niya ang kaniyang mahaba at medyo kulot na buhok. At hindi rin siya fashionista kung kaya kapag kasama niya ang ate Daphne niya ay nagmumukha siyang mas matanda rito o kung hindi naman ay alalay. Maganda raw naman siya. Well, sabi iyon ng mommy Elaine niya at mga kaibigan. Pero kung bakit ayaw niyang maniwala ay hindi niya alam. At kung totoo man iyon ay ayaw niyang i-enhance ang diumano ay ganda niya. Ayaw niya kasing napapansin siya ng mga tao lalo na ng mga lalaki. Wala siyang panahon para sa mga ito. Lalo na ngayon na nahaharap siya sa matinding problemang pinansyal kung kaya isasantabi muna niya ang lahat maging ang sariling kaligayahan. Pinakamahalaga pa rin para sa kanya ang kanyang pamilya. Pagkatapos ng mga eskandalo at trahedyang kinasangkutan ng pamilya niya, tila lalong umiral ang takot niyang makipagrelasyon sa isang lalaki. Kung kaya kahit ano’ng kulit noon ni Errol Mondego upang magkaroon ng komunikasyon sa kaniya ay binalewala niya ito sa kabila ng katotohanang may nararamdaman din naman siyang atraksyon para sa lalaki. Dumating pa nga sa punto na kinailangan niyang magpalit ng cell phone number at i-block ang lalaki sa f******k. At hindi naman niya pinagsisihan ang ginawa niyang iyon dahil makaraan ang ilang buwan pagkatapos umupo ng lolo Simoun ni Errol bilang gobernador ng Pontevedra at ng daddy Raul nito bilang mayor ng Zaragosa ay ilang kaso ng graft and corruption ang agad na isinampa ng mga ito laban sa kanyang ama. Kung kaya inisip niyang tama lang na putulin niya ang anumang nag-uugnay sa kaniya sa kanino mang Mondego. Inari niya na laban din niya ang laban ng kaniyang ama at kaaway din niya ang kaaway ng kaniyang pamilya. At naniniwala siyang hindi niya dapat bigyan ng puwang ang sino mang kaaway sa kanyang buhay. Maingay at madilim sa loob ng Lightning resto bar na pinuntahan nina Dorcas at Talitha. Pagkatapos ng klase ay pinalitan lang nilang dalawa ang suot na uniform ng shirt at jeans at dumiretso na sila rito. Ngunit ilang minuto pa lang sila sa lugar na ito ay nakaramdam na agad si Dorcas ng pagkailang. Hindi siya sanay sa mga ganoon kaingay at kagulong lugar. Maya-maya pa ay nagyaya na siya sa kaibigan na lumipat na lang sila ng ibang hang out. “Ano ba, friendship,” inis na sabi ni Talitha. Hindi pa tayo nag-eenjoy, aalis na agad tayo?” “You know I hate places like this,” paliwanag niya. “Ang usapan natin ay kakain lang tayo, di ba? Wala sa usapan na mag- iinom tayo at sa ganitong lugar pa.” “We have something to celebrate, di ba? And besides, magbo-boy watching tayo dito. Maraming boys dito. Malay mo, dito natin makita ang future prince charming natin.” “Puwede ba?” Tumaas na ang boses niya. “Hindi ako naghahanap. Ang gusto ko ay ako ang hinahanap.” “Hay naku, paano ba tayo magkaka-boyfriend kung ganyan ang katuwiran mo? Napaka-naïve mo. Ano, tatanda na lang ba tayong dalaga?” “Big deal ba sa iyo kung wala tayong boyfriend? Hindi ba tayo mabubuhay kung walang lalaki sa buhay natin? And besides, hindi pa naman tayo matanda, di ba? We’re both twenty-three.” “Hindi naman,” tila nagdadabog na tugon ni Talitha. “Kaya lang, napapagkamalan tayong dalawa na ano…” “Na ano?” Tumaas ang kilay niya. “Na lesbian. Hindi naman kaila sa iyo ang kumakalat na tsimis sa campus tungkol sa atin, di ba? Some of our colleagues are thinking that we are lesbian. Kasi naman mula pa ng high school, magkaibigan na tayo at kahit kailan ay hindi tayo nagka- boyfriend. Kaya alam mo naman ang mga tao, may masabi lang.” “Iyon na nga. May masabi lang. Eh, bakit mo naman sila papansinin? May mga tao talaga na mapanghusga at hindi natin kailangang magpaliwanag kanino man. Basta alam natin pareho ang totoo.” “At ano’ng totoo, aber?” namilog ang mga mata ni Talitha. “Na magkaibigan lang tayo. At hindi basta magkaibigan, mag-best friend pa. And correction, hindi ako tibo, ha? At lalo ka na. Ang dami mong ka-fling kaya?” pagdidiin pa niya. Malakas na tumawa si Talitha. Napatawa na rin siya. “You’re right. Fling ko lang sila. In short, nakikipaglandian lang ako. No string attached, kungbaga. Pero siyempre, alam naman natin na kailangan din nating magka-lovelife, ano?” Napabuntong-hininga siya. “Ikaw, oo. Pero sa ngayon ay hindi ko pa iniisip ang bagay na iyan. Sa dami ng pagsubok na pinagdadaanan ng pamilya ko ngayon ay wala na akong oras para pagtuunan pa ang mga lalaki.” “Kaya ka ba umiiwas sa kanila? Madami namang nagkakagusto sa iyo, ah. Kahit na…” “Kahit na ano?” “Kahit na simple ka lang.” “Alam ko naman ang gusto mong sabihin, Talitha. Kahit na hindi ako maganda.” “Ano ka ba, friendship?” Tila nag-aalalang ginagap ni Talitha ang isang kamay niya na nakapatong sa ibabaw ng table. “Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Maganda ka, iyon nga lang hindi masyadong pansinin dahil hindi ka palaayos. Pero akong kaibigan mo ang makapagpapatunay na maganda ka sa loob at sa labas.” Umingos si Dorcas. “Sus, binola mo pa ako. Alam ko naman na hindi ako kasingganda ng ate ko at tanggap ko iyon. Ngayon, puwede bang ubusin mo na lang iyang iniinom mo at pagkatapos ay umuwi na tayo? May pasok pa tayo bukas.” “Sigurado kang ayaw mo talagang uminom?” “Ano bang tanong ‘yan? Alam mong ayaw na ayaw ko ng lasa ng alak at ayaw na ayaw ko sa babaeng umiinom at sa ganitong klase pa ng lugar.” “Bakit kasi napaka-conservative mo?” “At kung bakit kasi napaka-liberated mo,” inis na balik-tanong niya sa kaibigan. Humagikhik si Talitha. “We’re poles apart but we became friends. In fact, more than just friends. Nakapagtatakang nagkasundo ang tulad nating magkaiba ang ugali at hilig. Ops, siyangapala, we’re not exactly different to each other. We forget that we still have one thing in common.” “Ano ‘yun?” Tumaas ang kilay ni Dorcas. “We’re both neglected by our family. Hindi ka masyadong pinapansin ng daddy mo noon dahil ang paborito ay ang ate mong si Daphne. Nang magalit siya kay Daphne ay idinamay ka pa dahil sa ginawa mong pagtulong sa ate mo noon.” Napabuntong-hininga siya. May hatid na kirot sa dibdib ang sinabi ng kaibigan. “Tapos na iyon, Talitha. At naiintindihan ko kung bakit ganoon ang naging trato sa akin ng daddy ko ngayon.” “But it’s unfair, friendship. You don’t deserve it, to think na ikaw pa ngayon ang solong pumapasan ng mga problemang pinansyal ng inyong pamilya.” “It’s alright, Talitha. Wala naman kasing ibang aasahan sina daddy at mommy. Dadalawa lang kasi kami ni ate Daphne.” “Kung bakit kasi sobrang ma-pride ang daddy mo. Bagsak na pero patuloy pa ring tinatanggihan ang iniaalok na tulong ng ate mo.” “Naiintindihan ko siya, Talitha, kung paanong pilit mo ring inuunawa ang pagka-insensitive ng daddy mo.” Napangiwi si Talitha sa narinig. “Hay naku, sanay na ako sa kanya. Mula pa pagkabata ay ganoon na ang turing niya sa akin. Kesyo malas daw ako dahil namatay sa panganganak sa akin si mommy at kesyo nalugi daw ang kanyang negosyo ng dahil din sa akin. Lahat na lang ng kamalasan niya ay sa akin niya ibinunton samantalang puro papuri naman siya kay ate Misty.” Mahinang tumawa si Dorcas. “So, we’re on the same boat. Ramdam natin ang pinagdadaanan ng bawat isa. Ang hindi ko lang talaga kayang sakyan ay ang pagiging liberated mo. Ang mga damit na isinusuot mo, ang pagme-make up mo, ang mga lugar na pinupuntahan mo…” “You’re right. Liberated na kung liberated. Pero nakalimutan mong bangitin na pagdating sa lalaki ay conservative din akong katulad mo. Hindi ako pumapatol basta-basta kung kani-kanino. Fling lang talaga. Walang pisikal na atsutsu. Namimili ako just like you. Kaya heto, hanggang ngayon, loveless pa rin kahit ang ganda-ganda ko. Kung bakit naubos na yata ang lahat ng good boys sa planetang ito. Para bang ang hirap-hirap nilang hanapin.” Napalakas tuloy ang tawa niya dahil sa mga sinabi ni Talitha. Iyon ang isang bagay na gustong-gusto niya sa kaibigan. Ang sense of humor nito. Napapagaan nito ang kaniyang pakiramdam kahit ito man ay may sarili ring problema. Hindi biro ang maging neglected child. Alam na alam niya iyon. Marahil ang pagpunta ni Talitha sa mga ganitong lugar ang isa sa mga escape nito at wala siyang magawa kundi samahan ito. Nang bigla siyang mapalingon sa isang grupo ng mga lalaki na nakaupo ilang metro mula sa kinauupuan nila. Tatlo ang mga ito at masusi silang tinitingnan ni Talitha. Sa tantiya niya ay halos kasing-edad nila ang mga ito. Agad niyang binawi ang tingin dahil nakaramdam siya ng pagkailang sa makahulugang titig ng mga ito. Ngunit nahuli niya na nakikipagngitian sa isa sa mga ito si Talitha. Nakaramdam si Dorcas ng inis sa inasal na iyon ng kaibigan. Iyon ang isang ugali ng kaibigan na inaayawan niya. Ang tila pagbibigay nito ng motibo basta’t guwapo ang lalaking kaharap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD