Nagising si Dorcas dahil sa hindi magandang pakiramdam ng kanyang lalamunan at bibig. Masakit na masakit ang mga parteng ito at umaabot pa sa loob ng kanyang tenga. Alam niyang sumusumpong na naman ang kanyang acid reflux at nangangahulugan na naman ito ng dalawang linggong gamutan ng Omeprazole.
Alas-sais na ng umaga. Kahit tinatamad ay pinilit niyang bumangon upang kunin mula sa kanyang sling bag ang kanyang cell phone. Plano niyang i-text si Talitha at ang kaniyang department head upang sabihin na hindi siya makakapasok sa PSU ngayong araw.
Pagkatapos i-send ang message ay ibinalik na niya ang cell phone sa loob ng bag. Plano niyang bumalik muli sa pagtulog sa dahilang alas dose na ng hatinggabi siya nakauwi matapos ihatid si Talitha sa bahay nito. Mabuti na lang at kapwa tulog na ang kaniyang mga magulang kung kaya hindi namalayan ng mga ito ang kaniyang pag-uwi. Siguradong magtataka ang mga ito dahil hindi naman niya ugaling lumabas at umuwi ng gabing-gabi.
Kung bakit kasi nagpadala siya sa paanyaya ni Talitha na pumunta sa bar na iyon. First time niyang pumunta sa ganoong lugar at nangyari pa ang eskandalong ni sa imahinasyon ay hindi niya inaasahang maaari niyang kasangkutan. Napapikit siya nang maalala ang mga nangyari kagabi lalong-lalo na si Richmond Zapanta. Para tuloy lalong sumasama ang pakiramdam niya.
Alam ni Dorcas na may kasunod pa ang mga naganap kagabi at lahat ng iyon ay negatibo. At wala siyang magagawa kung hindi ang maghintay. Pero sa ngayon ay kinakailangan muna niyang harapin ang sariling laban na nauukol sa kaniyang kalusugan.
Hinalughog niya ang loob ng kaniyang medicine kit. Napailing siya nang hindi makita ang gamot na hinahanap. Eksakto namang nakarinig siya ng mahihinang katok sa pinto ng kanyang bedroom.
Si mommy Elaine ang kumatok. Nakangiti ito nang mabungaran niya. “Good morning, iha. Your dad is waiting for you. Gusto raw niyang makasabay ka sa breakfast,” mahinahong sabi nito.
Bagamat nagtataka ay pinilit pa ring ngumiti ni Dorcas. Hindi ugali ng kaniyang daddy na hintayin siya sa breakfast. Mas gusto nitong kasabay sa pagkain noon ang kaniyang ate Daphne. Well, maliban na lang kung meron itong gustong ipakiusap sa kaniya.
Nakaupo na si Rodante sa harap ng dining table. May umuusok na kape sa harap nito habang nagbabasa ng paborito nitong local newspaper. Malaki na ang ibinagsak ng katawan nito mula nang magkasakit. Pumayat at mas lalo itong tumanda kesa sa tunay na edad. Sa dami ng mga problemang pinagdaanan at kinakaharap nito ngayon, hindi nakapagtatakang tumanda agad ang itsura nito. Ngunit taglay pa rin nito ang mapang-uring mga mata. Kinatatakutan pa rin niya ang tikom na mga labi nito na oras na bumuka ay naglalabas nang makapangyarihan at minsan ay masasakit na mga salita. Naaalala pa ni Dorcas ang matatalim na mga salita nitong sumugat sa kaniyang pagkatao noong bata pa siya kapag nakakagawa siya ng kahit munting kasalanan.
Tandang-tanda pa niya nang magalit ang kanyang ama sa kanyang ate Daphne ilang buwan na ang nakalilipas nang mahuling nakikipagrelasyon pala ito sa isang Mondego. Hindi kayang lunukin ng sinomang anak ang masasakit na mga salitang lumabas mula sa bibig ng kinatatakutang ama. Maging siya ay hindi niya kakayaning tanggapin ang mga iyon pero kinaya ni Daphne. Pero kungsabagay, iba talaga si Daphne kumpara sa kanya, sa panlabas na kaanyuan at sa tibay ng loob.
“Good morning, dad.” Pilit ang ngiti ni Dorcas. Ayaw niyang ipahalata sa ama ang iniindang sakit. Ni hindi nga niya nababanggit ang pagkakaroon ng acid reflux sa mga magulang. Para sa kanya ay sapat nang isipin ng mga ito na isa lamang ang may karamdaman sa kanilang pamilya.
Bahagyang tumango si Rodante pagkakita sa kanya. Ni hindi ito nagpakita ng pagkagiliw. Sanay na siya sa matabang na pakikitungo ng ama. Mula pagkabata, kahit minsan ay hindi naging malambing ito sa kanya taliwas sa ipinakita nito noon kay Daphne. Kahit sa murang edad ay napansin na niya iyon at ninais din niyang malaman ang dahilan kung bakit magkaibang-magkaiba ang trato nito sa kanilang magkapatid. Alam naman niyang maraming katangian si Daphne na posibleng dahilan kung bakit mas mahal ni Rodante ito kaysa sa kanya kung kaya ganoon na lang ang sakit at galit na naramdaman nito nang diumano ay nakagawa ng matinding kasalanan ang kanyang kapatid. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ni Daphne ang kapatawaran ng kanilang ama. Singtigas ng bato ang puso ni Rodante.
Tahimik na umupo si Dorcas sa silyang katabi ng inuupuan ng ama. Inihain naman ni manang Eloisa ang tasa nang mainit na kape, sinangag na kanin at tapang baka sa kanya ngunit magalang niyang tinanggihan ang kape kahit naglalaway siya sa itsura nito. Iyon ang isa sa mga witness niya. Mainit na kape na maraming creamer. Pero sa ngayon ay kailangan muna niyang magpigil sa sarili sa dahilang ayon sa kaniyang doktor ay isa ang kape sa nagiging dahilan ng acid reflux.
“Tubig na lang muna, manang Eloy,” magalang niyang sabi sa kasambahay. Nagtataka man ay kinuha ng kasambahay ang tasa ng kape at lumabas ng dining area upang kumuha ng tubig.
Umupo naman sa bandang kaliwa ni Rodante si mommy Elaine. Naging abala ito sa pagdudulot ng mga kailangan ng asawa. Saksi si Dorcas sa napakahabang panahon ng pagsisilbi ng kaniyang ina sa ama ng kanilang tahanan. Lahat ng utos ni Rodante ay pikit matang sinusunod ni mommy Elaine. Gusto tuloy niyang malaman kung ganito rin kaya ang sitwasyon nina Daphne at Stefano sa ngayon bilang mag-asawa? At kung ganito rin ang kaniyang magiging kalagayan sa piling ng future husband niya.
Napailing si Dorcas. Ano ba itong naiisip niya? Bakit bigla siyang nag-iisip ng tungkol sa pag-aasawa gayong ang dami niyang suliranin na kinakaharap. Una, ang pinansyal na katayuan ng pamilya niya, ikalawa ay ang kalusugan ng kaniyang ama ganoon din ang sariling kalusugan, at ikatlo ay ang krimeng kinasangkutan nila ni Talitha kagabi. Alinman sa mga iyon ay hindi niya puwedeng isatinig sa harap ng mga magulang. Desidido siyang sarilinin na lamang ang mga iyon hangga’t kaya niya.
“Ipinatawag kita dahil may gusto akong sabihin sa iyo, Dorcas,” walang emosyong simula ni Rodante matapos ilagay sa gilid ng dining table ang hawak na diyaryo.
Alam ko. Hindi mo naman ako papansinin kung wala kang sasabihin sa akin, sabi ng utak ni Dorcas, ngunit mas minabuti niyang lumagok na lang ng tubig na idinulot ni manang Eloy kesa isatinig ang nasa isip. “Nakikinig po ako, daddy,” magalang niyang tugon.
“Nais kong mag-resign ka na sa pagtuturo sa PSU at tanggapin ang posisyong iniaalok ng aking kaibigang si Mr. Li. Alam mo naman na noon ka pa niya gustong bigyan ng managerial position sa kaniyang resort sa Singapore. Mas malaki ang suweldo at may tsansa kang makapanirahan sa ibang bansa.”
“Daddy?” Napamaang si Dorcas sa narinig. Noon pa niya alam ang alok na iyon ng kaibigan ng daddy niya pero hindi niya inaasahan na lantaran na itong makikialam sa career niya ngayon. Unti-unting nabubuhay ang paghihimagsik sa dibdib niya ngunit pinilit niyang huwag iyong ipahalata sa iginagalang na magulang.
“Ano’ng nakagugulat doon, Dorcas? Graduate ka ng HRM at may masteral degree. You deserve a higher and more decent position.” Walang anomang sabi ni Rodante sabay higop sa tasa nang mainit na kape.
Humugot muna nang malalim na hininga si Dorcas bago tumugon sa ama. Pinigil niya ang sarili na makapagsalita ng hindi magugustuhan nito. “My job as a teacher is already a decent job, dad. Isa pa, alam ninyo noon pa na gustong-gusto kong maging isang guro pero tumutol kayo na kumuha ako ng education kaya bumagsak ako sa Hotel and Restaurant Management.’
“That’s it!” Mabilis na ibinaba ni Rodante ang tasa ng kape na para bang bigla itong napaso. “Ayokong maging teacher ka kaya hindi kita pinayagan na kumuha ng education pero ipinilit mo pa rin ang gusto. Hindi ka nga kumuha ng education pero pagka-graduate ay nag–apply ka naman para makapagturo sa PSU. Kung bakit lagi mong pinapairal ang katigasan ng ulo mo to the point na sinusuway mo lahat ng kagustuhan ko.”
Nag-aalalang sumali na sa usapan ang kanina pa nakikinig na si mommy Elaine. “Rudy, ang puso mo. Alam mong bawal sa iyo ang magalit.”
“Talagang ginagalit ako ng anak mong ito, Elaine. Baka akala niya ay nalimutan ko na ang pakikipagsabwatan niya noon kay Daphne at ang pagtulong niya rito para makatakas kasama si Stefano.” Mataas na ang tinig ng kaniyang ama.
“Rudy, puwede ba? Tapos na iyon. Huwag mo nang isali sa usapan si Daphne. Hindi ba mas makabubuting kalimutan na natin ang lahat at magsimula tayong muli?”
“Paano ko malilimutan ang ginawa ng anak mo, Elaine? Hanggang ngayon ay narito pa rin ang sakit at kahihiyan na idinulot niya sa pamilyang ito? Siya ang dahilan kung bakit napilitan akong iurong ang aking kandidatura bilang mayor ng bayang ito. Siya rin ang dahilan kung bakit nakatali ako sa wheelchair ngayon. Siya rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala akong mukhang maiharap sa lahat ng tao sa buong Zaragosa.”
It’s not about Daphne, dad. It’s about your pride and ego. Sigaw ng utak ni Dorcas ngunit mas pinili niya ang manahimik sa takot na siya ang mapagbalingan ng galit ng ama.
At hindi nga siya nagkamali. Muli siyang hinarap ni Rodante. “I’m totally disappointed with the two of you, Dorcas. Pero may pagkakataon ka pa na bumawi. Patunayan mo na hindi kasing-tigas ng ulo ni Daphne ang ulo mo. Sundin mo ang iniuutos ko. Mag-resign ka sa pagtuturo at tanggapin mo ang iniaalok ng aking kaibigan.”
“Dad,” maluha-luhang simula ni Dorcas. “Few days from now ay matatanggap ko na ang promotion na inaasam ko. I’m just waiting for the signature of the new university president. Mahigit dalawang taon kong inasam at pinaghirapan ito, dad.”
“Iyan pa ang isang dahilan kung bakit gusto kong umalis ka na sa pamantasang iyan,” singhal ni Rodante.
“Dad?” Hindi makapaniwalang tanong ni Dorcas. May mas malalim bang dahilan kung bakit gusto ng kanyang ama na mag-resign siya sa PSU? Kung meron man ay bakit ayaw nitong sabihin sa kanya upang makumbinsi siya na sundin ito.
Binawi ni Rodante ang tingin sa kanya na tila ba may itinatago ito. “I will call Mr.Li. I will tell him that you are accepting
his offer.”
Nabitiwan ni mommy Elaine ang hawak na kubyertos sa pagkabigla. “Rudy, stop being unfair to your daughter. Hindi pa siya pumapayag sa gusto mo. Hayaan mo muna siyang mag-isip.”
Nang-uuyam na tumitig si Rody sa asawa. Makahulugan ang binitawan nitong mga salita. “My daughter?”
“Rudy…” tila may bikig ang lalamunan na hindi na naituloy ni mommy Elaine ang sasabihin.
Nagpalipat-lipat naman ang tingin ni Dorcas sa mga magulang. Maging siya ay nalilito sa ikinikilos ng mga ito.
“Tapos na ang usapan. Ako pa rin ang ama sa tahanang ito. Ang salita ko pa rin ang masusunod.” Pagkasabi noon ay pinaikot ni Rodante ang gulong ng wheelchair upang makaalis na sa harap ng dining table. “Manang Eloy, dalhin mo ang aking almusal sa hardin. Doon ako kakain,” utos nito sa kanina pa nakikinig na kasambahay.
Tuluyan nang pumatak ang luha ni Dorcas. Sanay na siya sa dominanteng ugaling iyon ni Rodante ngunit ang pambabalewala nito ngayon sa kanyang sariling pangarap ay isa na namang hagupit sa kanyang damdamin bilang isang anak na kailanman ay hindi nakaranas ng pagmamahal mula sa isang ama.
Mahigpit na pinisil naman ni mommy Elaine ang isang kamay niya. Napatungo na lamang siya upang itago sa ina ang sakit na nararamdaman. Ngunit sa pagtungo niya ay saktong tumama ang kaniyang paningin sa headline ng local newspaper na nasa ibabaw
ng mesa.
Kahit nanlalabo sa luha ang mga paningin ay malinaw niyang nabasa ang nakasulat sa diyaryo. At halos sumabog ang kanyang utak nang maunawaan ito.
Richmond Zapanta, the mining magnate’s son, killed last night.