Kawawang Cathy!

1603 Words
Iinat-inat na  bumangon sa kama si Cathy at matamlay na naglakad palabas ng kuwarto. Nagpalinga-linga siya sa loob ng bahay pero hindi niya makita ang lola niya. Kaya bumaba siya para hanapin ito sa buong bakuran pero ang binatang si Gio lang ang naabutan niyang nagsisibak ng kahoy sa ibaba. "Ano'ng ginagawa mo rito? Nasaan ang lola ko?" nakataas ang isang kilay na tanong niya. "Kasama mo sa bahay. Hindi mo alam kung nasaan? Ganoon ba kahimbing ang tulog mo at natatakasan ka ng hindi mo alam?” "Puwede ba? Tinatanong kita nang maayos. Nasaan ang lola ko?" kunot ang noong singhal niya rito. Tumigil naman ito sa ginagawa at humarap sa kanya. "Bakit maayos naman ang sagot ko, ah? Nasa Manila si Lola kasama ni Ninong Mulong." Napakunot ang noo niya. "Imposible 'yang sinasabi mo! Bakit hindi nila ko sinama o ginising man lang?" “Kung hindi ka naniniwala. Eh, di hanapin mo.” anito atsaka kinuha ang sinibak na kahoy at iniabot sa kanya. "Aanhin ko 'to?" kunot ang noong tanong niya habang yapos ang punggos ng sinibak na kahoy na inabot sa kanya ng binata. "Magluto ka ng pagkain mo. Balita ko magbabakasyon daw sa inyo ang lola mo at mukhang matatagalan bago siya bumalik,” nakangisi pang sabi nito. "Hindi ako naniniwala sa'yo. Hindi nila ko iiwanang mag-isa rito," asar na binagsak niya ang mga hawak na kahoy sa mismong paanan ng binata kaya napuruhan ang paa nito at nagtatarang ito sa sakit. "Salbahe ka, ha! Sige tingnan natin kung balikan ka pa nila. Huwag na huwag kang hihingi ng tulong sa  akin, ha?" madilim ang mukhang iniwan siya nito. Naiwang nakaawang ang mga labi ng dalaga. "Hmp! Akala niya siguro maniniwala ako sa mga pinagsasabi niya," nakasimagot na bulong niya.  Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na pinagti-tripan lang siya ng binata at hindi totoo ang mga sinasabi nito. Kaya muli siyang umakyat ng bahay at doon niya na lang hinintay ang lola niya.   Mag-aalas dos na ng hapon pero  hindi pa rin bumabalik ang lola niya. Halos nagwawala na rin ang mga alaga niya sa tiyan. Wala pa namang naiwang pagkain sa ref. Muli siyang bumaba at maluha-luhang pinulot niya isa-isa ang mga nagkalat na panggatong na ibinagsak niya kanina sa paa ng binata. At pagkatapos ay nagsimula na siyang magpaapoy. Pero halos maubos na niya ang posporo ay hindi niya pa rin mapaliyab ang kalan na gawa sa bato. Mula sa kinatatayuan sa balcony ng kuwarto. Tanaw na tanaw ni Gio ang ginagawa ng dalaga. Maya't maya ang pagsindi nito ng posporo na agad din namang namamatay dala ng malakas na hangin. Napapailing na lang siya sa nakikitang paghihirap ng dalaga para lang makabuo ng apoy. Nakaramdam siya ng awa sa dalaga kaya nagmamadaling bumaba siya at kumuha ng pagkain sa kusina atsaka siya tumawid sa kabila. "Oh," bungad niya habang iniaabot sa nakaupong dalaga ang tupperware ng kanin at ulam. Pawisan na ito at halos mapuno nang uling ang mukha. Marahil dahil sa kakapahid nito ng pawis habang pilit nagpapaliyab ng kalan. Saglit lang itong nagtaas ng paningin at muling nagpatuloy sa ginagawa. "Look, huwag ka nang mag-inarte diyan, okay? Alam kong gutom na gutom ka na kanina pa. Kaya pwede ba kunin mo na 'to?" Kinuha niya ang kamay ng dalaga atsaka niya inabot dito ang pagkain niyang dala. Pilit pinipigilan ng dalaga ang mga luhang nag-uunahang maglandas sa makinis niyang mukha. Pakiramdam niya kasi masyado siyang kinawawa. Agad niyang pinahid ang luha sa pisngi niya kaya mas lalo pang kumalat ang uling sa mukha niya. Bahagya namang napangiti ang binata. “Anong tinatawa-tawa mo diyan?” angil niya rito. “Sige na. Kainin mo na ‘yan. Ibinilin ka sa akin ng daddy mo. Malalagot ako do’n kapag nagkasakit ka," nangingiting sabi nito atsaka siya sinabayan papunta sa bilog na mesa na nasa ilalim ng puno ng mangga. "I can't believe na magagawa sa akin ni Dad 'to. This is too much! Pinagmumukha niya akong pulubi rito na wala man lang makain," Hindi niya mapigilan na maglabas ng sama ng loob kay Gio. Napakagat labi naman ang binata na tila pinipigilang matawa. "Ano ba'ng nakakatawa, ha?" naasar na tanong niya nang mapansin niya ito. Kasalukuyan na niya noong binubuksan ang baunang dala nito. "Iyong sinabi mo na pinagmumukha ka nilang pulubi. Actually, hindi ka naman mukhang pulubi. Mas mukha ka kasing taong grasa,” natatawang sabi nito. Tingnan mo 'yang mukha mo, puro na uling. Lalo lang kumakalat habang umiiyak ka. Ang panget mo pala kapag maitim ka, noh? Mabuti na lang  tisay ka," natatawang naglabas ito ang panyo at dahan- dahang pinunasan ang mauling niyang mukha. Natigilan siya sa ginawa ng binata. Hindi niya akalaing may itinatago rin pala itong bait. Tahimik lang siya habang nililinis nito ang mukha niya. "Salamat," mahinang sabi niya. "Wow! Bait, ah.” Natawa pa ito. “Kumain ka na,” anito na noo’y pumunta na sa kalan at pinag-apoy ang gatong. Hindi na niya pinansin ang pambubuwisit ng binata dahil gutom na gutom na siya noon. Habang kumakain siya inayos ni Gio ang kalan at nang masigurong hindi na mamatay ang apoy nagpaalam na rin ito sa kanya.  “Babalik na ko sa bahay. Bantayan mo 'yang niluluto mo baka masunog," bilin ng  binata bago tuluyang umalis. Nakaramdam  siya ng kaba nang iwanan siya ni Gio. "My God! What I’m gonna do? I can't live here alone!" Halos maiyak na siya sa isiping mamumuhay siya ng mag-isa sa bahay ng lola niya.   Naglakas- loob siyang tawagin ang kapitbahay niyang si  Gio para humiram ng telepono. Natanaw na niya kasi ito sa itaas habang nagpapahangin sa balcony. "Hoy! Puwede bang makahiram ng cell phone mo?" nakatingalang sigaw niya rito. Pero hindi siya pinansin ng binata na noo’y seryoso ang mukha habang nakatanaw sa bukid. "Hoy! Bingi ka ba, ha? Hindi mo ba ko naririnig? Ang sabi ko pahiram ako ng cell phone mo!" lalo niya pang nilakasan ang boses niya at tagumpay naman niyang nakuha ang atensyon nito. "Ako ba ang kinakausap mo?" kunot ang noong tanong ng binata. "Oo,  Ikaw nga. May iba ka pa bang taong nakikita rito?” nakatingalang sagot niya. "Gio ang pangalan ko hindi Hoy," naaasar na sagot nito. "Okay, fine! Gio, puwede bang mahiram ang cell phone mo?" nakikiusap na ang tono ng boses niya. "Hindi puwede. Wala akong load.” "May pera ako. Ako na lang ang magpapa-load," muling hirit niya. "Walang naglo-load dito.” "Sige na naman, oh. Pakiusap, magte-text lang ako sa daddy ko. Nawawala kasi 'yung cell phone ko, eh,” muling pakiusap niya. Pero tiningnan lang siya ng binata at pumasok na rin ito sa kuwarto. Patuloy pa rin siya sa  pagsigaw mula sa ibaba hanggang sa bigla na lang sumulpot sa harapan niya ang binata. "Bakit ba ang kulit mo?" Hindi na niya namalayan ang bilis ng pagbaba nito at pagtawid  sa kanya. "Ite-text ko lang naman ang daddy ko para makasunod na ko do’n kay Lola.” "Look, hindi mo pa rin ba gets, ha? Sinadya nilang iwan kang mag-isa rito kaya hindi ka nila ginising para magpaalam.” anito na hinawakan pa siya sa magkabilang balikat. Hindi siya agad nakaimik. May point kasi ang sinasabi nito. Lalo’t nawawala pati ang cell phone niya na katabi niya lang naman sa pagtulog. Nangilid ang luha niya. Hindi niya kasi maintindihan kung bakit kailangan siyang iwan doon mag-isa. At hindi man lang nag-aalala ang mga ito para sa kanya. "Gets ko na sinadya nila akong iwang mag-isa. Ang hindi ko lang gets ay kung bakit kailangan kong pagdaanan lahat ng 'to. I did not know this place. I did not even know the people around here. How can they expect me to survive here alone? How can they cast me away?!" Nag-uunahan nang dumaloy ang mga luha sa mga mata niya. Hindi na niya napigilan pa ang pagbuhos ng kanyang emosyon. "Puwede ba itigil mo nga 'yang pag-iyak mo. Naaalibadbaran ako, eh," anito na dumiretso sa niluluto niya. "Oh. Nasunog na 'tong kanin mo. Okay na 'to," sabi nito na noo’y inalis na ang kaldero sa apoy. "Bato ka ba? Nakikita mo na ngang masama ang loob ko. Wala ka man lang pakialam diyan?" asar na sigaw niya kay Gio. "Ms. Catherine Iguico Roberto, close ba tayo? Hindi ba sa'yo na rin  nanggaling na hindi tayo close?  Bakit mo inaasahang makikisimpatya ako sa ka-dramahan ng buhay mo?” Napailing pa ito. “Kung nagpakatino ka lang doon sa Manila hindi ka sana mapupunta rito at maghihirap nang ganyan ngayon. Kung tuusin, hindi ka naman nila pinahihirapan, eh. Wala ka lang talagang alam gawin sa buhay.  Kaya hirap na hirap ka kahit sa mga simpleng bagay. Saka puwede ba? Huwag mo akong taray-tarayan at sigaw-sigawan diyan. Dahil kung hindi lang dahil kay Ninong Mulong hindi kita aalalayan dito. Kaya huwag kang feeling!" naniningkit pa ang mga matang sabi nito. "Hmp, hambog ka talaga!" mabigat ang hakbang  na umakyat siya ng bahay at iniwan ang nagliliyab na kalan. "Hoy! Bumalik ka nga rito. Patayin mo itong apoy mo!" narinig niyang sigaw ng binata pero hindi na niya ito pinansin at nagpatuloy na siya sa pag-akyat. Napailing na lang si Gio. Hindi na binalikan pa ng dalaga ang kalan kaya siya na ang nagpatay ng apoy. Muli siyang bumalik sa sariling bahay at tahimik na nagmasid lang sa dalaga. Mula sa bintana ng kuwarto niya ay tanaw niya rin naman ang dalaga. Magkatapat na magkatapat kasi ang kuwarto nito at ang kuwarto niya. At halos magkarugtong rin. Maaari nga siyang lumipat sa kuwarto nito mula sa balcony ng kuwarto niya.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD