1
“ANONG oras ide-deliver ang inorder nating organza?” tanong ni Jenna sa assistant niyang si Noemi.
“Anytime daw, Ma’am. Tumawag na po ako sa textile warehouse. Umalis na daw po doon iyong van.”
“Mabuti. Sina Gardo at Boyet, nasaan? Baka hindi na naman mahagilap ang dalawang iyon pagdating ng delivery? Kausapin mo silang dalawa. Napapansin ko nagiging bulakbol. Dapat pag oras ng trabaho, trabaho muna.”
“Don’t worry, Ma’am. Alam na po nilang mag-aayos tayo ng showroom. Nandiyan lang po sila sa likod, inaayos na nga po iyong mga gagamitin.”
Tumango siya. “Mabuti naman. Siyangapala, baka makalimutan mong tawagan ang mga wedding girls. May meeting kami sa Saturday.”
“Natawagan ko na rin po, Ma’am. Ire-remind ko na lang sila uli before Saturday.”
Napangiti siya. “Maaasahan ka talaga, Noemi. I’m so lucky to have you. Sige, doon na muna ako sa office. Tawagin mo na lang ako kung kailangan.” Tumalikod na siya at nagtungo sa maliit niyang private office.
Nang maupo siya ay saglit niyang ipinahinga ang katawan bagaman may mga trabahong naghihintay sa kanya. Hindi pa marahil humuhupa sa damdamin niya ang kaligayahang naabot na niya ang kanyang pangarap. Matagumpay na siya sa larangang pinasok niya.
Salamat kay Eve ng Romantic Events.
Dati siyang secretary/assistant ni Eve Olivares, ang may-ari ng one-stop wedding shop/planning and coordination firm na Romantic Events. Ilang taon din siyang nagsilbi dito at doon niya natutunan ang mga pasikot-sikot sa wedding planning.
Dumating sa kanya ang pagkakataong magtayo ng sariling kumpanya nang mag-lie low si Eve sa trabahong iyon. Palibhasa ay priority ni Eve ang pamilya, isinantabi nito ang Romantic Events nang kailanganing mamalagi sa abroad ang asawa nitong si Ryan para sa family business ng mga ito. Hindi naman pumayag si Eve na maiwan kaya buong pamilya ang mga ito na nagtungo sa abroad.
Ang ilang mabibiting kontrata ay ipinasa ni Eve sa kanya. Pagkatapos niyon ay nag-usap sila. Sinabi niya kay Eve na sayang naman ang client base nila. Nagpaalam siya kay Eve na kung maaari ay itutuloy niya ang negosyo.
Hindi naman siya nahirapang kumbinsihin si Eve. Tinulungan pa nga siya nito upang mairehistro ng legal ang bagong kumpanya. Mula Romantic Events, ang mababasa na ngayong karatula sa opisinang iyon ay Perfect Wedding.
Mula nang mauso ang event planning ay naging pinakamalakas na pagkakitaan ang tungkol sa kasal. Marami sa nagpapakasal ngayon ang ayaw nang maabala pa sa kung anu-anong mga detalye. Mas gusto ng mga ito na magbayad na lang at huwag nang mamroblema pa nang husto. Pabor naman iyon sa kagaya niya sapagkat bagaman mahirap at mabusisi, nag-e-enjoy naman siya nang husto sa trabaho niya.
Narinig niyang tumunog ang private line niya kaya naman agad siyang kumilos. Personal na tawag iyon sapagkat kung kliyente iyon o supplier, dadaan muna ang tawag kay Noemi.
“Perfect Wedding, hello!”
“Kumusta ang bagong boss?” bati ng nasa kabilang linya.
“Ma’am Eve!” tuwang sabi niya nang mabosesan ito.
“Ma’am ka riyan,” natatawang sagot nito. “Pareho na tayong business-owner ngayon. Kumusta ka at ang bagong business?”
“Ako, okay naman kahit na ngarag sa trabaho. Ang business, okay din. Naisip ko nga, parang kailan lang noong nagsisimula ako, mag-iisang taon na pala ang Perfect Wedding.”
“Of course. Mag-iisang taon na rin kami dito sa New York.”
“Kumusta kayo?”
“Heto, mommy’ng-mommy. Nag-aalaga ng dalawang tsikiting!” At bakas niya sa tinig ng kausap na maligaya naman ito.
“Hindi ninyo nami-miss ang wedding planning?”
“Ano bang hindi? Siyempre nami-miss din. Until now, nagsu-subscribe ako sa Martha Stewart at Bride Magazine. Maya’t maya rin akong bumibisita sa website ng Wedding Channel.”
“Wala kayong balak na magbuo diyan ng Romantic Events?”
“Hello, this is New York. Lalamunin ako ng buong-buo ng malalaking event planning firm. Athough challenge din sa akin iyon but for now, it’s not my priority. Masaya na akong asikasuhin si Ryan at ang mga bata. Sa kanila lang, parang kulang na kulang ang oras ko. Ako ang naghahatid-sundo sa mga bata sa school.”
“Kunsabagay, mukha namang masaya kayo.”
“Sobra.” At tumawa ito nang mataginting. “Oo nga pala, I’ll send you these magazines. Saka may mga books akong nabili. Tamang-tama for wedding planning. Nabasa ko na so ipapadala ko na sa iyo. Marami kang makukuhang ideas. At reference na rin ng mga kliyente para mas lalo silang ma-confuse.”
Sabay silang nagkatawanan. Alam na alam nilang mientras madaming pinagpipilian ang kanilang mga kliyente ay mas lalong hindi makapagdesisyon.
“Thank you, Ma’am.” Until now, hindi pa rin niya magawang tawagin si Eve sa first name nito. Mas nangingibabaw ang respeto niya dito bilang dating amo at mentor na rin.
“Kumusta ang mga wedding girls?”
“Well, kagaya ninyo ay pawang mga kuntento na yatang maging homemakers. Hindi na sila gaya ng dati na palaging on call kumbaga sa doktor. Si Lorelle na lang yata ang palaging available though pinakilala na rin niya sa akin ang isa niyang pinsan na alahera din. Baka daw kasi mawala sila ni Zach ng ilang buwan. Mag-a-African safari yata silang mag-asawa.”
“Baka magmimina sila ng diamonds doon?”
“Iyon nga rin ang biro ko.”
“Meron na rin akong mga bagong suppliers, Ma’am. Nag-advertise ako. Last week, nag-present sila sa akin ng product at services nila. Nagustuhan ko iyong iba. Siyempre, kailangan ng Perfect Wedding iyong the best, di ba?”
“Ano bang mga iyan? Member ng third s*x, single women or married?”
“Parang sa Romantic Events din noon. Mga single ladies pa.”
“Hmmm,” usal lang ni Eve. “May naisip tuloy akong bigla.”
“What?”
“Hindi mo ba naisip? Nang mag-asawa ako ay sunod-sunod na ring nagsipag-asawa ang mga wedding girls ko. Baka mangyari din iyon sa iyo. Which is not bad anyway. Lahat naman tayo, sooner or later ay naiiba ang estado.”
“Ma’am, I’m already thirty. Walang boyfriend, ni fling man lang. I have no love life at all for the past five years.”
“Romantic Events made some sort of miracles to wedding girls. Malay mo, ganoong din ang Perfect Wedding sa iyo at sa wedding girls mo?”
“I don’t oppose to marriage, Ma’am. Kung may darating ay salamat. Kung wala, okay lang. Ayoko lang magpakasal kung hindi rin lang pag-ibig ang dahilan.”
“Dapat lang! Paano, baka naabala na kita nang husto? Good luck to your Perfect Wedding, Jenna. It feels great seeing your success. Happy anniversary to your Perfect Wedding team. I’m so proud of you.”
“Thank you, Ma’am. Kumusta na lang din sa mga bata at sa husband ninyo. Bye.”
“MA’AM, dumating na po ang organza,” saad ni Noemi.
“Okay. Simulan na natin ang pag-aayos.”
Tinawag niya ang dalawang lalaking assistant din niya sa shop at ipinakita sa mga ito ang sketch niya. Every season ay pinapalitan niya ang display sa showroon. Inaayon niya iyon sa kung ano ang panahon. Kagaya ngayong papasok ang summer, pinabaklas niya ang mga naunang display sa showroom. Pati suot na wedding gown ng mannequin ay pinapalitan niya.
Beach wedding ang theme ng showroom niya ngayon. Bagaman nasa Manila ang opisina niya, naisip niyang tama lang na iyon ang maging tema niya ngayon sapagkat mayroon ding mga nagpapakasal na interesado sa beach wedding kahit na nga ba lubhang mahal iyon kaysa sa traditional wedding.
Habang inaayos ng mga tauhan niya ang showroon ay nakatutok naman siya sa pagbibihis sa mannequin. Hiniram niya sa kanyang supplier ang wedding gown na inaayos niya ngayon. Simple lang ang gown. Kung sa malayo ay animo tapis lang iyon. Hindi rin gaanong mahaba para maging ideyal sa paglalakad sa buhangin. Tamang-tama naman na marami ding inquiries for beach wedding. Meron ding handang gumastos sukdulang dumayo pa sila sa napili nitong isla.
Sa isang sulok ay abala naman si Noemi sa pag-aayos ng bulaklak. Pawang summer flowers iyon na artipisyal. Maganda sana kung fresh flowers ang idi-display niya subalit hindi iyon practical lalo at tatagal ng dalawang buwan ang showroom. Magastos kung maya’t maya ay magpapalit siya ng bulaklak.
“Siyangpala, Ma’am, tumawag dito si Mary Grace. Yung client ninyo po for June wedding.”
“Yeah, I remember her. Bakit daw?”
“Nag-iimbita po sa inyo ng isang dinner. Next Saturday daw po, kung available kayo. This Saturday nga po sana pero sinabi ko sa kanya na may meeting kayo sa mga suppliers ninyo. Iko-confirm ko po ba sa kanya na dadalo kayo sa invitation niya?”
“Kung walang conflict sa ibang schedule, sige. Saan ba?”
“Sa condo daw po niya sa Pasig.”
“Okay. Paalala mo lang uli sa akin kapag malapit na.” Tinapos na rin niya ang paglalagay ng headdress sa mannequin at tinawag na ang isang assistant. “Boyet, buhatin mo na nga ito. I-puwesto mo diyan sa gawing kaliwa.”
Nagmamando pa siya sa dalawang lalaki ng mga dapat pagpuwestuhan ng mga inilalagay niya sa bagong showrrom nang muling tawagin ni Noemi ang pansin niya.
“May tao po, prospective client yata,” wika nito sa kanya.
Pagpihit pa lang niya ay mayroon na kaagad na nakapagkit na matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Alam niyang isa iyon sa elementong hindi niya dapat kalimutan. Ang maging magiliw sa potensyal na kliyente.
Subalit hindi isang excited na bride-to-be ang nabalingan niya. Nag-iisa ang lalaking tila inip na saludarin niya. Tikom ang mga labi nito at tila iniinspeksyon ang bawat bagay na nakikita sa loob ng kayang shop. Wala siyang makita katiting mang appreciation sa mga mata nito. Kahit ang malago at ipon nitong kilay ay tila nagpipigil na mangunot lamang ang noo.
Isang tingin lamang ni Jenna, alam niyang malayong maging potensyal niyang kliyente ang matangkad na lalaking dumating.
Pero isang tingin lang din niya, alam niyang hindi basta-basta ang lalaki. Iba ang taglay na personalidad nito. Iba rin ang dating ng tindig. At bulag lang ang magsasabing hindi ito guwapo. Guwapo na obvious na suplado. Guwapo na mukhang masama ang gising.
Isinantabi niya ang personal na opinyon.
“Good morning, sir. What can I do for you?” nakangiti pa ring saludar niya pero nabawasan na ang tamis sa ngiting iyon. Mas mahihimigan na rin sa kanyang tono ang pagiging business-like.
“Ikaw ba si Jenna Enriquez?” pormal na tanong nito.
“Yes,” tugon niya. Ang ngiti sa mga labi ay unti-unti na ring nabubura.
“Then you are the owner of this… this business,” tila may pagdududang wika nito.
Tuluyan nang nabura ang ngiti niya. Ang tono ng lalaki ay walang iniwan sa pinagdududahan ang kakayahan niya at maging ang mismong negosyo niya. Nagbabanta nang malukot ang noo ni Jenna. She never engaged in any monkey business—na para bang ganoon nga ang tingin ng lalaki sa shop niya.
Hindi na niya nakikita ngayon kung gaano man kasimpatiko ang lalaking kaharap. Isang kaaway na ang tingin niya dito. Gusto na niyang bawiin ang impresyon na guwapo ang lalaki. Isang monster na ito para sa kanya.
“I’m sure, you know Mary Grace Plamenco,” sabi ulit nito.
“Yes,” walang iniwan sa nagliligis ng mga letra ang tinig niya. “What do you have to do with my client?”
“She’s my younger sister. My only sister,” diin pa nito. “I want you to dissolve any of her wedding plans,” tila hari na utos nito sa isang alipin.
Napaunat ang likod niya. “We organize weddings. We never disorganize any of them,” mas matapang na sagot ni Jenna.