Chapter 7: Doing Everything
Lumapit si Zac sa nakahigang Leyo at hinawakan ang isang paa nito. Ginamitan ng mana ng binata ang kamay niya para mas lalo pa itong lumakas tiyaka hinila paatras ang hawak na paa at bumwelo na wari'y ihahagis ang katawan ni Leyo. Nang makita niya sa malayo ang namumuong hangin ay ginamit niya ang buong lakas at inihagis sa direksiyon ng papalapi na hangin ang katawan ni Leyo.
Mabilis ang papalapit na hangin sa kinaroroonan ni Zac at saktong papalapit din sa hangin ang katawan ni Leyo kaya nakapabilis nagsalubong ng mga ito. Nang tumama ang katawan ni Leyo sa hangin ay ilang daang metro ang layo nito kay Zac. Kinontrol ng binata ang katawan ni Leyo at pinasabog ang rank 5 na mana core nito.
Malakas na pagsabog ang naganap na nagpahina ng kaunti sa malakas na hangin. Nang makita ang resulta ay agad na may kinuhang dalawang bagay ang binata sa kaniyang storage space. Binalot niya ang mga ito ng yelo at malakas na inihagis sa papalapit na hangin.
Nang tumama sa hangin ang dalawang bagay na binalot sa yelo ay bigla itong sumabog kagaya ng katawan ni Leyo nung sumabog ang kaniyang mana core. Tama, ang dalawang bagay na kinuha ni Zac sa kaniyang storage space ay ang dalawang rank 5 na mga mana core na nakuha niya kanina sa mga kapatid ni Leyo. Binalutan niya ito ng mana para maging posible ang pagpapasabog nito sa nais na distansiya.
Dahil sa tatlong sunod-sunod na pagsabog ng mga rank 5 na mana core ay malaki ang inihina ng mapangwasak na hangin. Pero kahit na humina ng konsiderable ay kailangan pa rin niyang gamitin ang buong lakas para harapin ang malakas na atake ng hangin.
Binalot ni Zac ng makapal na itim na barrier ang sarili. Pinatibay niya ito ng pinatibay hanggang sa halos maubos na ang lahat ng mana niya sa katawan. Kahit na rank 5 Pinnacle stage na siya sa normal na anyo, gamit ang Evil form ay hindi pa rin umangat sa rank 6 ang taglay niyang lakas, mas lumakas at lumaki lang ang mana na pwede niyang gamitin. Pero ang taglay niyang lakas ay maihahalintulad na sa mga Quasi rank 6 na imposibleng matalo ng kahit na sinong rank 5.
Nang tumama ang malakas na hangin ay kagaya ng kanina na namuo ang malakas na pwersang kumalat sa paligid. Kitang-kita niya kung paanong magliparan ng malakas ang mga lupa sa paligid niya na tumakip sa tanawin.
Makalipas ang ilang segundong pagtutulak ng malakas na hangin sa barrier ay unti-unti na itong nagkakaroon ng maliit na bitak, pero kagaya ng barrier ay humihina rin naman ang taglay na lakas ng hangin.
"Kahit ang barrier na ito ay mawawasak?" Hindi makapaniwalang saad ng binata. Kahit na alam niyang posibleng mawasak ito ay hindi pa rin siya makapaniwala sapagkat ramdam na ramdam niya ang kapal ng manang nailagay na bumabalot sa barrier, at mukhang imposible itong mawasak.
Bawat segundong lumilipas ay lumalaki ang mga bitak sa barrier hanggang sa tuluyan na nga itong nawasak. Kahit na nakita niya kung paano nawasak ay hindi agad siya nakareak sa sobrang bilis ng hangin na tumama sa katawan niya.
Tumama ang bayolenteng malakas na hangin sa kaniya at bigla siyang nawalan ng lakas, nawalan na siya ng kontrol sa kaniyang katawan na tila nabali bigla ang lahat ng buto niya. Habang nasa ere ay itinulak ng itinulak ng hangin palayo ang katawan niya hanggang sa halos ilang daang metro na ang layo niya sa kaninang kinatatayuan.
'Nasa ere pa rin ako?' isip ng binata. Kung magtutuloy ito habang wala siyang kalakas-lakas at mana sa katawan ay puwede siyang mamatay kapag tumama siya sa isang bagay, kagaya ng bato, pero dahil disyerto ito, maliit ang tiyansa na tumama siya sa gan'on.
'Kailangang gumaling agad ang katawan ko. Bakit parang ang bagal gumaling ng mga buto ko?' Tuwing ginagamit niya ang kaniyang Evil form ay hindi masiyadong epektibo ang abilidad ng kaniyang Undying body, kailangan ay ituon niya ang kaniyang buong atensiyon sa sugat bago ito tuluyang gumaling. Ito ang kahinaan ng Evil form niya na hindi gaanong binigyan ng pansin nung nakipaglaban siya kay Red at sa leader ng mga langgam na bandido.
Hindi nababawasan ang lakas ng hangin at kung tutuusin ay parang lalo pa itong lumalakas dahil sa iba pang hangin sa paligid. 'Pag nagkataon ay habang buhay siyang tatangayin ng hangin dito sa walang katapusan na disyerto dahil kahit gumaling siya ay hindi magiging sapat ang lakas niya para makawala.
Habang nililipad ay biglang nagliwanag ang mga mata ni Zac nang maalala niya ang isang bagay. 'Ang Rank 6 healing potion.' itinuon ng binata ang abilidad ng kaniyang undying body sa braso niya. Makalipas ang ilang sandali ay napagtanto niyang mas mahirap gumaling ang katawan kapag malala ang natamong mga sugat 'pag gamit ang evil form.
Patas ang mundo, lahat ng bagay ay may kahinaan. Kung gamit niya ang kaniyang normal na anyo ay gagana ng maayos ang kaniyang regeneration dahil walang magiging problemang paglalaban sa mga dugo niya, sa madaling salita, pinapahina ng Evil form ang regeneration ng Undying body.
'Hindi ako pwedeng bumalik sa anyong tao.' wika ni Zac dahil alam niyang sa oras na gamitin ang normal na anyo ay wawasakin ng hangin ang buong katawan niya at lalo lang siyang mapupunta sa mas mapanganib na sitwasyon.
Kahit na napahina ng evil form ang regeneration ng undying body, hindi maikakaila na mas marami ang mga benepisyo nito, dahil awtomatikong mas pinalakas ng Undying body niya ang pisikal na katawan ng Evil form, ibig sabihin ay nasa pinaka malakas na kalagayan siya, pisikal man o laki ng mana na kayang gamitin 'pag gamit ang Evil form.
Ilang minuto ang nakalipas ay palakas na ng palakas ang hangin.
'Sa wakas!' masayang isip ni Zac nang maramdaman niya ang paggaling ng kaniyang kanang braso. Kinuha niya ang rank 6 healing potion sa storage space at prinotektahan ito gamit ang kaniyang kamay.
Hindi niya na pinansin pa kung bakit hindi siya bumalik palabas kagaya nung una na awtomatiko siyang na teleport palabas dahil sa paggaling ng katawan niya. Masiyadong okupado ng kagustuhan at determinasyon niyang matapos ang pagsubok na ito.
Nanginginig niyang pilit na itinaas ang kamay papunta sa bibig, pakiramdam niya ay mababali ito kapag tumagal pa ng kahit ilang sandali sa lakas ng hangin na tumatama. Nang madikit na niya ang kamay ay pinilit niyang ipinasok sa bibig ang rank 6 healing potion dahil hindi niya magalaw ang panga para buksan ang bibig.
Nabali ang kanang braso ni Zac at tumalsik ito palayo ng kaunti sa kaniya. Pero nalunok na niya ang laman ng healing potion na mabilis kumalat sa katawan niya. Gumaling ang bawat sugat at bumalik din siya sa pinaka malakas niyang kalagayan ng makuha ang malaking mana na taglay ng rank 6 healing potion.
"Frigid Qi!" Pasigaw na sabi ni Zac at maraming pader na yelo ang namuo sa harapan nila. Binalot ni Zac ng barrier ang sarili at bawat pagtama niya at ng hangin sa mga pader na yelo ay itong ikinahihina ng malakas na hangin.
Pinagpatuloy niya ang paggawa ng yelong pader hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak sa lupa.
"Nakaligtas ako." Hinihingal na sabi niya sa sarili. Lumiwanag ang buong katawan niya at nateleport ulit siya sa harap ng pintuang pinasok kanina.
May maliit na liwanag ang namuo sa harapan ng bandang tiyan ni Zac. Itinapat niya ang palad dito at nang mawala ang liwanag ay may isang maliit na bote ang bumagsak sa palad niya. Itinaas pa ni Zac ang tingin niya ng makita ang isang kakaibang bagay, sa harap niya ay may mahabang salitang naka-ukit sa hangin, ramdam ang mana sa mga ito na lalong nagpamangha kay Zac. Kahit na patay na ang naggawa ng Trial na ito ay nananatili pa rin ang mga inihanda niya dahil sa kaniyang mana, hindi alam ni Zac kung paano ito naging posible pero alam niya sa sarili na makakaya niya rin ito sa oras na matamo niya ang sapat na rank.
Binasa niya ang mahabang mga salitang naka-ukit sa hangin at nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Napatingin siya sa singsing niya at nagwika, "Kaya pala. Isa pala itong rank 6 na singsing na kayang magtago ng aura at presensiya." At napatingin siya sa isa pang gamit na nakita at napatango siya sa gamit na ito.
"Gagana lang din ang paraan na luumabas sa Trial kapag hindi determinado ang Adventurer na tappusin ang pagsubok?" Naalala niya ang ginawang pag-inom ng rank 6 healing potion at napagtantong hindi nga siya nateleport palabas ng disyerto kanina.
....
Hinanap niya ang isang silid na nabanggit sa mga salitang nabasa. Doon ay simulan niyang mag-meditate.
Ang loob ng silid na ito ay parang normal lang at walang mapapansing kakaiba. Kung pumasok dito si Zac ng walang nalalamang impormasyon ay siguradong ganoon din ang kaniyang iisipin, isa lang itong ordinaryong silid na walang ibang epekto.
Nang ilabas ni Zac ang nakuha niyang rank 6 na pure mana pill ay sinimulan niyang absorbahin ang mana nito ng ilang beses na mas mabilis kumpara sa dating rank 5 mid grade pure mana pill na inabsorba niya. Kahit na hindi niya alam kung anong grade ito ay hindi niya na iyon pinagtuunan ng pansin dahil wala rin namang mababago kahit alam niya.
In-absorba niya ng in-absorba ang mana hanggang sa hindi niya namamalayang halos isang araw na pala siyang gising. Pero ang bilis ng kaniyang pag-absorba ay talagang napakabilis, sa loob lang ng isang araw ay halos dalawampung porsiyento na nito ang kaniyang na-absorba.
Napaka bilis ng pag-absorba niya dahil sa dalawang bagay.
Una ay ang kaniyang rank bilang isa sa Evil Clan ay tumaas sa Mid rank, kaya nilang mga miyembro ng Evil Clan na umabsorba ng mana core kaya naman posible ring pwede niyang biglain ang pure mana pill at inumin ito ng isang beses para direktang makuha ang lahat ng mana dito. Pero dahil nag-iingat ang binata ay mas pinili niyang huwag biglain ang pag-absorba at gamitin nalang ang advantage na nakuha sa pagiging Evil na nagpapabilis lalo ng pag-absorba niya sa mana. Mas mabilis ang pag-absorba ng mana ng mga Evil.
----------
[Author's NOTE: Simula ngayon ay tatawagin ko na itong Evil clan at hindi na Evil Race, pero Evil pa rin ang race nila.]
----------
Pangalawa ay ang silid na ito, mukha mang normal at walang kakaiba ay may nakatayong formation dito na hanggang ngayon ay gumagana pa rin. Ang formation ay tinatawag na [Absorption] kung saan mapapabilis ng maraming beses ang pag-absorba sa mga manang nasa loob ng silid, gaya ng mga pure mana pill.
Hindi naman nagkakaroon ng mana sa loob ng silid kahit na may mga mana sa paligid ng buong kuweba dahil sa hinaharangan ng formation para pigilang pumasok sa loob ng silid ang mga mana, kaya naman magkakasilbi lang ang silid kapag may ginamit na mana pill o mana core sa loob nito. Ito rin ang nag-iisang dahilan kung bakit walang kakaiba at tila normal lamang ang silid.
Nanatiling gising ang binata habang ina-absorba ang mana. Dalawang araw ulit ang nakalipas at gising pa siya at masiglang naga-absorba ng mana. Sa ika-apat na araw siya natulog para maipahinga ang katawan.
Umaga ng ika-anim na araw ay tuluyan na niyang na-absorba ang lahat ng mana sa Rank 6 Pure mana pill at hindi siya makapaniwala sa naging resulta. Pinasok ni Zac ang ilang silid sa tunnel na pinasok niyang pagsubok para sa rank 5 at rank 6 na trial. Tinapos niya ang rank 5 trial ng walang kahirap-hirap ngunit sa huli ay wala siyang natanggap na kahit ano, patunay na may mas nauna sa kaniyang tumapos sa rank 5 trial.
Ginamit ni Zac ang abilidad ng rank 6 concealment ring na kayang itago ang kaniyang totoong aura sa kahit na kagaya niyang rank 6. Puwede niya ring ibahin ang aura na ipapakita sa iba para hindi nila malaman ang tunay na antas ng lakas niya. Pero kung ang kaharap niya ay rank 7, kahit anong lakas ng epekto ng singsing ay hindi siya makakawala sa matalim na pandama ng mga rank 7.
Diretsong dalawang araw na gising ang binata pero kung titignan siya ay buhay na buhay ito na tila kakagising lang niya sa maghapong tulog. Lumabas siya ng tunnel na pinasok at bumalik siya sa harap ng dalawang tunnel na pwedeng pasukan, ang kanan ay napasok niya kung saan pwede niyang subukan ang rank 5 at rank 6 na trial, at sa kaliwa naman ay ang rank 7 at rank 8 na trial.
"Kung posible ay tatapusin ko sa mas maikling panahon ang lahat ng trial. Kapag naging rank 8 ako ay siguradong hindi na nila ako basta-basta magagalaw, lalo na ng Mayor." Marahang wika ni Zac. Hindi siya inutil kaya alam niya kung bakit siya pinakawalan ng Mayor noong may pagkakataon na siyang hulihin ang binata. Parang seed ang turing niya sa binata, hinihintay niyang tumubo ito para mas matamo niya ang lakas na hinahangad niyang makuha sa binata. Gusto niyang lumakas pang lalo si Zac bago niya simulan ang plano sa binata.
"Kaya niyang tignan ang mangyayari sa hinaharap kaya siguradong alam niya ang tungkol sa sikretong pagiging isa ko sa mga Evil clan." Isa lang ang posibleng dahilan kung bakit tinatarget ng Mayor si Zac, ang kaniyang katawan, siguro ay nais nitong palakasin pa ang binata bago niya kuhanin ang katawan nitong galing sa dating pinaka malakas na Clan.
Pero kahit alam niya na ito ang plano ng Mayor, ano naman? Magpapalakas siya ng magpapalakas at lalaban sa Mayor hanggang sa makawala siya sa mga kamay nito, hanggang sa makontrol niya ang sarili niyang tadhana at matamo ang kalayaan.
"Kung mamamatay rin ako sa huli ay mas maigi na ito, hindi ako magsisisi dahil ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko bago pumalya." Ani niya.
Pumasok si Zac sa kaliwang daanan. Nakaka-ilang hakbang palang siya ng may maramdaman siyang enerhiya na nagpatalsik sa katawan niya palayo.
"Ha?" Bumangon si Zac at nagtungo ulit sa kaliwang daanan. Nang maka-ilang hakbang na siya ay huminto rin agad siya ng makita ang distansiya nang pinagtalsikan niya kanina. Lumikha si Zac ng maliit na apoy at inilapit ito sa pader.
"Mukhang kakailanganin ko talagang magtungo sa Mortal Defying Sect para sa kanilang proteksyon." Wika ni Zac nang mabasa ang naka-ukit na salita sa pader. Nalaman niyang imposibleng masimulan ang rank 7 na trial gamit ang kasalukuyang antas ng lakas at kahit na maging rank 7 man siya ay hindi ito magiging madali. Pero hindi naman siya masiyadong dismayado dahil sa inaasahan naman na niyang hindi magiging madali ang pagtapos sa Rank 8 trial.