Chapter 8

2520 Words
Chapter 8: Assassin Isang taon at halos isang buwan palang siya sa mundong ito pero nakamit na agad niya ang antas ng lakas na hindi matatamo ng karamihan sa Miraven Kingdom kahit na buong buhay pa silang magsanay at magpalakas. Siguradong kung malalaman ng iba ang kaniyang nakamit, magkakandarapa ang tatlong pinakamalakas at makapangyarihang faction na imbitahin siyang sumali sa kanilang grupo. Kahit ang Royal Clan ay gagawin ang lahat ng makakaya nila para imbitahan siya. Pero walang duda na hindi magiging maganda ang hangarin nila. Susubukan nilang alamin ang sikreto ng binata at baka sa huli ay tapusin pa siya ng kukuha sa kaniya para wala ng iba pang makakaalam sa sikretong posibleng matuklasan nila. Kaya naman napakalaking tulong ng kaniyang nakuhang rank 6 concealment ring na magtatago sa totoo niyang antas ng lakas. Kahit na limitado sa mga adventurer na rank 6 pababa ang abilidad nito ay kailangan niya nalang gawin ang lahat ng makakaya para hindi makasalubong ng isang rank 7. Halos wala rin namang tiyansa na may makasalubong siyang isa dahil malalaking tao ang mga ganito kalakas na tao at hindi basta-basta lumalabas sa publiko. Kahit na tapos na ang mga dapat gawin at hindi pa sapat ang lakas niya para subukan ang rank 7 na trial ay nanatili pa rin siya sa loob ng apat na araw. Pumasok siya sa silid ng rank 6 trial at doon ay sinanay niya ang pagkontrol sa bago niyang taglay na lakas. At sa loob nga lang ng apat na araw ay natutunan niya nang kontrolin ang bagong lakas, kahit na hindi ganoon kabilis ay masasabing disente pa rin naman ang naging resulta ng pagsasanay niya. Sa pang labing-isang araw niya ay lumabas na siya ng kuweba. Paglabas niya ay ang nakakasilaw na araw ang sumalubong sa mukha niya. Sumakto ang maliit na parteng hindi natatakpan ng mga puno para madapuan ng sinag ng araw ang kaniyang mukha. Ang suot ngayon ni Zac ay isang asul na short na hanggang tuhod niya at sandong kulay puti kaya kitang-kita ang kaniyang mala-niyebeng kutis. Mukha siyang ordinaryong mamamayan at wala pa siyang nilalabas na aura dahil sa rank 6 concealment na singsing. Kung may rank 5 adventurer naman na magpopokus at papakiramdaman ng maigi ang aura niya ay may mararamdaman silang rank 5 na aura sa kaniya. Kalmadong lumakad ang binata palabas ng gubat. Medyo malayo ang tinayuan ng Mortal Defying Sect kaya mas maganda kung maglalakad siya at hindi masiyadong magsasayang ng enerhiya, hindi kasi siya isang daang porsiyentong sigurado kung magiging madali at ligtas ba ang mga gagawin para makapasok sa Sect. Mabilis siyang nakalabas ng gubat. Sa gilid niya medyo malayo ay makikita ang nagtataasang pader ng Danger City. Dumiretso ng lakad ang binata at nang halos isang kilometro na ang nalakad niya ay nakita niya na ang isang kalsada na gawa sa semento. Kahit isang gasgas ng espada o ano mang uri ng puwersa na puwedeng tumama mula sa laban ay walang makikita dito na tila mga sasakyan lang ang nagsisidaanan dito. Ang tanawin sa paligid ay isang malawak na puro maliliit na damo lang ang makikita at napaka-preskong hangin. Nang makita niya ang kalsada ay alam niyang ito na ang daan na magdadala sa kaniya sa Mortal Defying Sect. Nilakad niya ang kalsadang padiretso sa Sect at taimtim na pinagmasdan ang mapayapang paligid niya. Nagtuloy ng walong oras ang paglalakad at nagulat siya sa natuklasan na may mga ilang baryo na nakatayo, bawat isa sa mga nadadaanan niyang baryo ay puno ng mga normal na tao. Matiwasay siyang naglalakad ng bigla siyang may naramdamang presensiya na mabilis na lumalapit sa direksiyon niya. Agad siyang lumingon at bumungad ang halos dalawang metrong laking jaguar at may nakasakay sa likod nitong tao. Nakasuot ng magarang roba ang binata pero puno ito ng mga butas na isang tingin palang ay malalamang galing sa hiwa ng matatalim na armas ang iba rito. Subalit kahit butas at maraming hiwa ay natatakpan pa rin nito ang buong katawan niya kasama ang ulo. Senyales din ito na siya ay napasabak sa matinding laban. "Rank 5?" Naramdaman niya ang aura ng jaguar at binata ay nagulat siya ng kaunti. Nasulyapan niya ang mukha nito at nalamang ka-edaran niya lang ang binata at nakamit na agad nito ang antas ng lakas na rank 5. Mabilis na papalapit ng papalapit ang jaguar kay Zac. Nang makita ng binata ang nakatayong si Zac na nakatingin sa kaniya ay nakaramdam siya ng konsensiya sa loob niya. Ilang daang metro ang layo sa jaguar ay may tatlo namang nakasuot ng itim na roba ang natatakpan ng itim na maskara ang mga mukha, bawat isa sa mga ito ay naglalabas ng pagkahayok sa dugo na animo'y hindi na nila ito itinatago pa habang humahabol sa jaguar. Dalawang araw na nilang hinahabol ang binata upang wakasan ang buhay nito. "Ginoo sumakay ka sa jaguar! Siguradong idadamay ka nila at kapag hindi ka nakawala ay tatapusin ka rin nila." Sigaw ng binatang nakasakay sa jaguar. Nang marinig ito ni Zac ay naguluhan siya pero sa huli, ginawa pa rin niya ang sinabi nito. Tumalon si Zac sa likod ng Jaguar. "Anong nangyayari?" Pagsakay ni Zac sa jaguar ay tinanong niya agad ang binata. Nararamdaman niyang may tatlong rank 5 mid stage ang humahabol sa binata at rank 5 early stage lang ang nilalabas na aura nito kaya mas mahina siya ng sobra sa mga humahabol. "Ang tatlong humahabol sa akin ay mga assassin. Dalawang araw na nila akong hinahabol at may ilan akong nakasalubong sa pagtakas na hindi ko kakilala pero dinamay pa rin nila at pinagpapatay. Lahat ng nakakasalubong nila ay tinatapos nila kahit na mahina o rank 5 pa ang mga ito." Paliwanag ng binata na puno ng konsensiya ang mukha. Dahil sa kaniya ay maraming inosente ang nadamay, pero kagustuhan mang ipagtanggol ang ibang nakasalubong dati o ipaghiganti sila ay wala rin namang mangyayari kahit na mamatay pa siya na may dangal, sa huli, mamamatay lang din siya na walang magagawa. "Pero huwag kang mag-alala, Ginoo. Patungo ako ngayon sa Mortal Defying sect para kumuha ng proteksyon nila at doon magpapalakas ako ng magpapalakas." Dagdag pa ng binata. Hinubad niya ang parte ng roba sa ulo at ipinakita ang kabuuan ng mukha kay Zac para ipakita ang sinseridad niya. Kayumanggi ang kutis nito. Ang kaniyang buhok ay kulay itim na bagsak na aabot hanggang sa taas ng kilay niya, mapungay na itim na mga mata at matangos din ang ilong niya. Masasabing maganda ang panglabas na anyo niya. "Ako nga pala si Neil. Galing ako sa Capital at may mga taong gusto akong ipapatay kaya kailangan kong magtungo sa Mortal Defying sect. Pasensiya na at nadawit kapa sa problema ko." Paumanhin ni Neil pero hindi naman siya ganoon masiyadong nakokonsensiya dahil sa kung nandito sa lugar na ito ang binata ay isa lang ang puwedeng lokasyon na pupuntahan niya at sigurado siya rito, ang Mortal Defying sect. "Walang problema. Paano mo napa-amo ang rank 5 jaguar na 'to?" Tanong ni Zac sa kaniya. Kakayanin din naman ni Zac kumuha ng sariling halimaw na alaga pero kakailanganin niyang gamitin ang Evil puppet at isa lang ang puwede niyang makontrol sa kasalukuyan. Natahimik saglit ang binata at ibinalik sa harap ang kaniyang tingin. Ang totoo ay hinahabol siya ng tatlong assassin dahil sa mapanganib nitong taglay na pagpapa-amo sa mga halimaw. Kaya naman naalala niya ang malagim na pinagdaanan sa Capital na nagpadilim sa mukha niya. "Pasensiya na pero hindi ko puwedeng sabihin sa iba ang sikretong ito." Malungkot na saad ni Neil at mapapansing bumagsak ng kaunti ang balikat niya. "Walang problema." Wika naman ni Zac na hindi makikitaan ng inis o galit na nagpagaan ng loob ng binata. "Mn?" Lumingon si Zac nang maramdaman niyang lumiliit na ang agwat nila sa tatlong humahabol na mga assassin. Itinapat ni Zac ang kaniyang palad sa tatlong assassin at may daan-daang yelong patalim ang namuo nalang sa paligid nila. Lumamig ang paligid na gumulo ng kaunti sa jaguar dahil sa biglaang pag-iba ng temperatura. Nang mabilis na umabante ang isang patalim na yelo na parang bala ng baril na ipinutok papunta sa tatlong assassin ay mabilis namang sumunod ang iba na nagtataglay ng kaparehas na bilis. Sakto lang ang ginamit niyang lakas para kahit rank 5 mid stage ay magkakaproblema kapag hindi nila ito sineryoso. Nang tumumbad sa harap nila ang daan-daang yelo ay napahinto sila at mabilis na umilag ng umilag. Sa dami ng patalim na yelo ay hindi nila nagawang ilagan ang lahat, at bawat hindi nila naiilagang patalim na yelo ay binabalot nila ng barrier ang kanilang mga sarili kaya hindi rin nalagay sa panganib ang buhay nila, pero dahil sa ilang minutong ginawang mga pag-ilag at paghinto ay lumayo na ng lumayo ang agwat nila sa kanilang target. .... Mabilis na nakalayo ang dalawa dahil sa ilang minutong paghinto ng mga assassin matapos tanggapin ang mga pinakawalang atake ni Zac. Base sa kanilang distansiya ngayon, imposible na ang makahabol sila at puwedeng-puwede ulit silang atakihin ni Zac na magpapahinto ulit sa kanila, lalo na at naka-pokus ang kanilang lakas at mga pagsasanay sa opensa kaya natural na mahina silang mga assassin pagdating sa depensa. "Maraming salamat sa pagtulong. Nadamay na kita sa kapahamakan pero sa huli ay ikaw pa ang nagligtas sa'kin." Iniyuko ni Neil ang ulo niya at sinserong nagpasalamat kay Zac. "Wala 'yon." Wika ni Zac at pinagmasdan nalang ang paligid. Mas mabilis ang kaniyang magiging biyahe kung nakasakay siya sa jaguar na ito kumpara sa paglalakad niya para tipirin ang enerhiya at mana. Kaya naman walang problema sa kaniya ang ginawang pagtulong dahil mayroon naman siyang benepisyong matatanggap. Nagpatuloy ng ilang araw ang kanilang biyahe sa malawak na lupaing napupuno ng mga maliliit na damo. Marami pa silang nadaanan na mga baryo at kagaya ng mga nauna ay mga ordinaryong tao lang ang nakatira sa mga ito, bagay na ipinagtataka ni Zac. Kung narito sa teritoryo ng sect ang mga baryo ay ibig sabihin lang nito na kontrolado ng Mortal Defying sect ang mga baryong ito. At ano naman ang benepisyong makukuha nila sa pagtatayo ng mga baryo rito? Sa ikatlong araw ng biyahe nila ay narating na nga nila ang kanilang destinasyon. Nasa tapat sila ng nagtataasang mga pader na gawa sa bato, at mararamdaman pa ang kakaibang bagay sa paligid nito na siguradong formation ang dahilan. Sa likod ng nagtataasang mga pader ilang daang metro ang layo ay makikita ang isang bundok na abot langit ang taas, nababalot ito ng makapal na usok na mukhang napaka delikado. Sa harapan ng nagtataasang mga pader ay isang malaking tarangkahan na aabot dalawampung metro ang taas at sampong metro ang laki ang, gawa sa pilak ang tarangkahan at may naka-ukit ditong tao na parang lumalaban sa isang Hari. Sa gitna ng bukas na tarangkahang ito ay nakatayo ang isang matandang lalaking may mahabang buhok na kagaya ng sa mga babae. Matiwasay siyang nakatingin sa dalawang binatang nakasakay sa jaguar. Lumapit ang jaguar sa harap ng matandang lalaki at umupo ito. Bumaba ang dalawang binata sa jaguar at yumuko sila sa harap ng matanda para magbigay ng respeto. "Ikinagagalak po namin ang makita kayo." Magalang na bati nilang dalawa sa matanda. "Ikinagagalak ko rin ang makita kayo. Ako si Li, isa sa limang Outer Elder ng Mortal Defying sect na naatasang magbantay ngayon sa tarangkahan. Nais niyo bang maging disciple ng sect?" Direktang tanong ng matanda at mapapansin sa ekspresyon nito na maganda ang tingin niya sa kanila dahil sa respetong ipinakita nila sa kaniya. "Opo. Nais po naming pumasok sa sect." Magalang na tugon ni Neil. "Kung gayon ay sumunod kayo sa'kin sa loob." Wika ni Outer Elder Li at pumasok siya sa loob ng sect. Bago pumasok ay nilapitan muna ni Neil ang kaniyang jaguar na alaga. Nagpaalam siya at may mga sinabi siya dito tiyaka naman biglang lumakad palayo ang jaguar. Sinenyasan niya ang isang lalaking nakasuot ng armor na mukhang guwardiya na magbantay sa labas, kahit ang guwardiya na ito ay may taglay na lakas na hindi magagalaw ng mga normal na rank 5. Ang loob ng sect na pinasukan nila ay isang parang malawak lang na lungsod. Pero ang mga gusaling nakatayo ay nagtataasan at mas mukhang naka-ayos ang mga ito kumpara sa ibang lungsod. Bawat gusali rin ay may mga espasyo na naglalayo sa mga ito ilang metro ang layo sa isa't isa. Lumakad ang tatlo at habang naglalakad ay nagpakilala ang dalawang binata sa matanda, patuloy pa rin sila sa paglalakad sa gilid ng kalsada hanggang sa makapunta sila sa harap ng dalawang palapag na gusali. Pumasok si Outer Elder Li kaya sumunod naman ang dalawa sa loob. Pagpasok nila ay nakita nilang nakatayo lang ang matanda sa harap nila. "Huwag kayong mag-alala. Ang mga kailangan para makapasok sa sect ay tatlo at madali lang." Wika ni tandang Li at may inilabas siyang hawak na itim na bolang crystal. Nagliwanag ang bola at biglang lumiwanag ang buong sahig ng gusali na tinatapakan nila. "Ang una ay ang inyong antas ng lakas, para makasali ay kailangang rank 5 na kayo, at base sa aura na nararamdaman ko sa inyo, pasado naman na kayo." Tumatangong saad ni tandang Li. "Ang pangalawa ay ang inyong elementong kayang manipulahin, Kapag mayroon kayong tatlo pataas na elementong kayang manipulahin ay makakapasa na kayo sa pangalawa." Lumapit siya at ini-abot ang hawak na bolang crystal kay Neil. "Kapag nagliwanag iyan ng isang kulay ay ibig sabihin na isa lang ang kaya mong manipulahin ngayon o posibleng elemento na makakaya mong manipulahin sa hinaharap." Sabi ni tandang Li at mukhang malaki naman ang tiyansa na makapasa sila sapagkat kahit ang mga elementong hindi pa nila kayang gamitin ngayon o hindi pa natutuklasan na kaya palang gamitin ay madadagdag naman sa bilang. Gayunpaman, kinakabahang hinawakan ni Neil ang bolang crystal. Dalawa lang ang alam niyang kayang gamitin na elemento, ang apoy at lupa. Kapag itong dalawang elemento lang ang kaya niyang gamitin ay babagsak siya sa requirements at mapipilitan siyang umalis dito. Kapag nangyari iyon ay wala na siyang magagawa kun'di ang tanggapin ang kaniyang masamang tadhana. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at taimtim na nanalanging sana ay maging tatlo pataas ang kayang gamiting elemento ng katawan niya. "Ohh? Apat? Hindi na masama. Karamihan sa mga Outer Disciple ngayon ay may tatlong elemento lang." Tumatangong papuri ni Outer Elder Li. Makokonsiderang mas mataas sa ordinaryo ang bilang ng mga elemento na kaya niyang kontrolin. "Mabuti naman at pasado." Napakuyom ng kamao si Neil nang makita ang apat na magkakaibang liwanag. Tumingala siya at masayang pumikit ulit na tila mapapatalon pa siya sa tuwa. "Ikaw naman Zac." Inabot ni Neil kay Zac ang bolang crystal. Nang mahawakan ito ni Zac ay kalmado lang siyang nakatingin dito hindi kagaya ng balisang si Neil. Makalipas ang ilang sandali ay bigla itong nagliwanag. At nang makita ito ni Outer Elder Li ay halos bumagsak sa sahig ang panga niya sa gulat. Kahit sa kaniyang napakahabang panahon na pananatili sa sect bilang miyembro nito ay hindi pa siya nakakita ng ganitong resulta.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD