Hindi ko napigilan ang pagngiti. Mahilig talaga si Riss sa mga surpresa. Nagpalakpakan ang mga empleyado, nagsikuha na ng mga pwesto at ini-on ni Cardo ang karaoke na nasa gilid. Nang tawagin na nila ako ay nakangiti akong kumilos. Naglakad at nang mapansin na wala nang ibang bakanteng upuan maliban sa gitna ni Cai at Riss ay napatigil ako. Nagdalawang isip kung doon uupo o kukuha na lang ako ng bagong upuan at pupuwesto sa gilid sa tabi ni Mathilda. "Siediti, Lili! (sit down, Lili!)" Napakamot ako sa aking pisngi at tumalima na nang mapatingin na silang lahat sa akin. Wala na akong nagawa. Pakiramdam ko tuloy ay ipit ako. Para rin akong idinikit sa aking upuan at hindi gumagalaw. "Let's get it on!" sigaw ni Cardo at Miguel. Sila talaga ang makukulit dito. Nagsimula na ang kasiyahan.

