Simula
Hindi na naman ako kilala ng asawa ko pero suot ko pa rin ang singsing na ibinigay niya.
Nakaupo si Lucas sa gilid ng kama, hawak ang ulo na tila ba may mabigat na tanong sa isip niya na hindi niya kayang matanong.
“Magandang gabi,” sabi ko at pilit na pinakalma ang sarili.
Agad akong tiningnan ni Lucas na may pagtataka at panlalamig. Parang ito ang unang beses pa lang niya akong nakita.
“Sino ka?” naguguluhan na tanong ni Lucas.
Parang may humigpit sa dibdib ko, pero nanatili akong nakangiti sa kanya.
Sanay na ako.
“Ako si Mira.”
Hindi ko mapigilang hawakan iyon para humugot ng lakas sa paulit ulit na eksena namin ni Lucas kapag hindi niya ako naaalala.
Dumapo ang mata ni Lucas sa kamay ko nang hindi ko siya sagutin.
“Bakit may singsing ka?” pagtatakang tanong ni Lucas sabay tingin din sa kaliwa niyang kamay na may singsing.
“Dahil asawa mo ako,” sagot ko bago pa siya muling makapagsalita.
“At sa loob ng pitong araw… makakalimutan mo ulit ako.”
Labis ang pagtataka sa mukha ni Lucas. Halo ang ekspresyon na makikita sa kanyang mukha ngunit banayad na hindi siya naniniwala sa aking sinasabi.
Malalim akong napabungtong hiningi. “A-alam kong hindi mo ulit ako nakikilala pero asawa mo ako…” turo ko sa aking sarili bago muling magsalita. “Tatlong taon na tayong-”
“Asawa kita pero hindi kita kilala?” pagputol ni Lucas sa paliwanag ko.
Gusto kong umiyak pero mas gusto kong manatili na gising dahil alam ko na kapag umiyak ko, baka tuluyan akong gumuho.
“Alam kong naguguluhan ka pero nandito ako para handang magpaliwanag sayo, Lucas.”
“Pasensya ka na. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Hindi kita kilala.”
Hindi na dapat ako magulat sa kanyang sagot. Matagal na ganito ang kanyang sagot sa tuwing hindi bumabalik ang alaala niya.
Kasabay ng malamig na hangin galing sa bintana ang lamig na titig ni Lucas sa akin.
Marahil naramdaman niya ang lamig kaya dumiresto siya sa bintana. Inuna niyang isara ang kurtina sa may banda ko, bago ang sarili niya.
Lumitaw sa aking mga labi ang mapait na saya dahil kahit hindi ako kilala ng asawa ko, alam pa rin niya kung paano ako ingatan.
At mas masakit ‘yon kaysa sa tanong niya kanina.
“S-sige na, magpahinga ka na muna at wag mo nang pilitin ang sarili mo. Babalik na rin ako sa aking kwarto,” mahinahong sabi kahit pa gusto ko siyang makatabi sa isang kama.
Ayoko lamang magulat siya ulit kapag nagising siya kinabukasan na katabi ako tulad ng dati.
Akma na akong tatalikod para umalis nang bigla siyang magsalita. “S-salamat.”
“Salamat para saan?”
“Hindi ko alam pero pakiramdam ko dapat kong sabihin ‘yon. Hindi ko alam kung totoong asawa kita pero…” saglit na sinulyapan ni Lucas ang singsing ko bag tumingin muli sa aking mga mata. “Alam kong hindi ka masamang tao.”
“Kung gusto mong maging komportable, pwede mo akong ituring na kaibigan kahit hindi asawa para hindi mabigat sa iyong isipan.”
“Mira…”
Ngumiti ako at hindi na sumagot pa bago umalis.
Tumakas ang luha sa aking mata na agad ko ring inalis.
Kinaumagahan, inihanda ko ang kape para kay Lucas. Walang asukal at kaunting gatas ang timplado ko sa kanyang kape. Pagkatapos ay inabot ko ang tasa.
Walang pag-aalinlangan niya itong ininom at napapikit sandali.
“Masarap,” sabi ni Lucas. “Ganito ba ang gusto kong timpla?”
“Oo,” sagot ko agad.
Ngumiti siya na pagod pero totoo.
“Salamat.”
May mga sandaling gusto kong sabihin ang lahat pero pinili kong manahimik. Ayokong sakit ang unang alaala niya sa akin.
Hindi naman ako nahirapan na yayain siyang pumunta ng clinic. Umupo siya sa tabi ko. Tahimik, pero alerto. Kapag may lalapit sa kanya, pansin na bahagyang gumagalaw ang katawan niya na tila handang tumayo.
“May sakit ba ako?” bigla niyang tanong.
“Oo,” sagot ko. “Pero ginagamot na.”
“Gagaling ba ako?”
Nag-isip ako saglit bago sumagot. “Oo. May mga gamot na… gumagana.”
Marahil totoo ‘yon pero hindi ko sinabing may mga bagay na hindi na niya kayang maibalik.
Tumitig siya sa akin na tila may nais pa siyang sabihin pero tinawag na ang pangalan niya. Tumayo siya at nilingon ako.
“Pwede bang sumama ka?” tanong ni Lucas sa akin.
Ngumiti ako at agad na tumayo, “Oo naman.”
“Mas kampante ako kapag nariyan ka,” sabi niya na parang wala lang.
Na tila ba kilala niya talaga ako.
Hindi niya alam kung bakit.
Pero ako, alam ko.
Natapos ang kanyang check up sa clinic, wala pa rin namang pinagbago tulad nung nakaraan pagpunta namin. Tulad pa rin ng sabi ng doctor niya, hindi dapat siyang ma-stress ng sobra at dapat dahan-dahan ang proseso para matulungan siyang makaalala kahit na maliit ang chance na mangyari yon.
Hanggang makauwi kami sa bahay, hindi pa rin siya nagsasalita at nakatingin lamang sa kawalan. Tumabi ako sa kanya sa sofa pero hindi niya pansin ang presensya ko.
Pansin ko na pilit siyang nag-iisip dahil sa pagsalubong ng dalawa niyang kilay.
“‘Wag kang masyadong mag-isip. Alam mong hindi yan makakabuti sayo, Lucas.”
“Alam ko,” mahina niyang tugon.
Tumango lamang ako sa kanya.
“Pwede ba akong magtanong?”
“Oo.”
“May nararamdaman ba ako sa’yo?” deresto niyang tanong.
Hindi ako agad sumagot.
“Hindi ko maalala,” dagdag ni pa ni Lucas. “Pero dito…” turo niya sa kanyang dibdib, “pakiramdan na importante ka.”
Huminga ako nang malalim.
“Oo. Mayroon,” sa wakas ay nasabi ko rin.
Tumango siya, parang sapat na iyon sa kanya.
“Gusto ko ‘yon.”
At doon ko naramdaman ang bigat.
Dahil gusto niya pero hindi naman niya alam kung bakit.
Nagpaalam akong pumasok sa banya at doon ko lamang binuhos ang lahat na bigat na nararamdaman ko. Tahimik akong umiyak.
Pigil.
Mabilis.
Sa salamin, nakita ko ang singsing sa daliri ko. Simple lamang ito na may maliit na diamond ngunit pansin ko ang gasgas at pagkaluma nito.
Hinawakan ko ang tiyan ko ng marahan na halos hindi maramdaman.
“Hindi niya alam pero nandito tayo,” bulong ko.
Kaagad kong inayos ang sarili ko at pinakalma ang sarili.
Paglabas ko, nagulat ako na nakaabang siya sa labas ng banyo, mariin ang titig sa akin.
“Mira, okay ka lang ba?” maingat ang tono ng kanyang boses. “Nahihirapan ka na ba?”
Mabilis akong umiling.
“Hinding-hindi,” sagot.
At alam kong nagsinungaling ako.
Mas masakit mahalin ang lalaking buhay pero wala na ang alaala mo.