CHAPTER 1
THIRD PERSON POV
February 11, 2010, 6:15 PM
Umaliwalas ang mukha ni Ernell nang makitang naglalakad palapit sa kanya at mga kasamang kaibigan ang High School classmate nilang si Kisses. Kabilang din ito sa kanilang barkada at matagal na rin niyang hinahangaan dahil sa angkin nitong kagandahan.
Ernell: Uy, Kisses. Buti naman dumating ka. Ang akala namin ay magba-back out ka na.
Naroon sila ng ilan sa kanyang mga barkada sa harap ng malaking gate ng kanilang school para tunghayan ang pagtupad ni Kisses sa nabunot nitong dare mula sa kanyang mga inihandang hamon para sa mga kaibigan.
Isang matamis na ngiti ang iginawad kay Ernell ng bagong dating.
Kisses: Of course, it would be unfair for our other friends kapag hindi ko ginawa ang dare. Besides, mapapatunayan ko sa inyo na hindi lang ako matalino, kundi matapang din.
Sa sinabing iyon ng kanyang babaeng hinahangaan ay narinig niyang sinagot ito ng kaibigang si Colton.
Colton: Hey, you may be smart, pero mas matalino pa rin ako sa iyo, Miss Delariza. Lagi mong tatandaan iyan.
Pumalatak naman ang kaibigan ni Ernell na si Naomi at nakita niyang itinulak nito ang madalas na makaalitang si Colton.
Naomi: Ang taas naman ng tingin mo sa sarili mo, Colton na may apat na mata. Eh, hindi naman nagkakalayo ang scores natin sa exams.
Narinig niyang tumawa ang kanyang gay friend na si Miles at ang best friend na si Wyatt dahil sa itinawag ni Naomi sa kaibigan nilang nakasuot ng eyeglasses.
Nakita niyang inayos ni Colton ang suot nitong salamin habang naniningkit ang mga matang nakatitig sa babaeng katunggali nito sa pagiging Valedictorian ng kanilang batch. Alam ni Ernell kung gaano kabilis itong mapikon pagdating sa karibal sa pinakamataas na karangalan.
Colton: Oo, hindi nagkakalayo. Pero never naging pantay ang mga grado natin. Ito ka.
Tumuwad ang kanyang achiever na kaibigan at inilapat ang kaliwang palad sa lupa para ipakita kung saan ang level ng katalinuhan ng kaibigan nilang si Naomi.
Colton: Ito naman ako. Huge gap, isn’t it?
Ngayon naman ay nakaangat na parang may inaabot sa itaas ang kanang kamay ng kaibigan ni Ernell na si Colton habang nakatingkayad ito.
Madalas nitong ipinamumukha sa kanilang barkada kung gaano ito katalino. Hindi na iyon bago sa kanya.
Inakbayan ito ng matalik niyang kaibigan na si Wyatt at napansin niyang mahigpit ang kapit ng kanang kamay ng kanyang best friend sa kanang balikat ni Colton.
Wyatt: Pwede mamaya ka na magpasikat, Colton? Oras ni Kisses ngayon. Siya muna ang focus natin. Mamaya dumating pa ang manyakis na Dwight na iyon, matakot pa siyang gawin ang dare.
Sa pagbanggit ng most trusted friend ni Ernell sa pangalan ng College student na madalas nakaabang sa labas ng kanilang school tuwing oras ng uwian ay sabay na tumili na parang nandidiri ang mga kaibigan niyang sina Miles at Stacy.
Miles: Ewww. Nakakasuya talaga ang mukha ng Dwight na iyon. So creepy. Obvious naman na si Kisses ang inaabangan niya sa labas ng gate. Pero alam naman natin kung sino ang type ni Kisses, eh. Si---
Napatingin silang lahat kay Miles para abangan ang sasabihin nitong pangalan.
Maarte itong nakapameywang habang naka-pout na nakatitig kay Kisses. Nang tingnan niya ang magandang kaibigan ay nakita niyang parang namula ang magkabilang pisngi nito at parang nahihiya.
Stacy: Si Mister Tremujillo ba?
Napakunot ang noo ni Ernell nang marinig ang pangalan ng kanilang Math teacher.
Ernell: Ha? Hindi ba may asawa na iyon?
Nang tingnan niya ang mukha ni Stacy ay nakita niyang parang kinikilig ito matapos banggitin ang pangalan ng isa sa kanilang mga guro.
Stacy: Okay lang naman iyon. Crush lang naman. Crush means paghanga. Parang itong si Autumn, hinahangaan niya si Joseph. Ang kaso ay si Emery ang type ni Joseph.
Isang malakas na sigaw mula sa kaibigan nilang si Autumn ang umalingawngaw sa katahimikan ng gabi dahil sa panunuksong iyon ni Stacy.
Mula sa kaibigan nilang si Miles ay nalipat ang kanilang atensyon sa kabarkada nilang parang gustong bulabugin ang buong Santa Belinda dahil sa malakas nitong pagsasalita.
Autumn: Hoy! Ang kapal mo naman, Stacy! Anong crush ko si Joseph?! Yuck! Kadiri! Bakit naman ako magkakagusto sa mayabang na iyan?!
Halos mabasag ang ear drums ni Ernell dahil sa high-pitched na tono ng boses ng kaibigan nilang si Autumn habang dinuduro pa nito si Joseph.
Joseph: Sus. Kunwari ka pa. Ilang beses ko nang nararamdamang nakatitig ka sa akin. Hindi ko na lang sinasabi para hindi ka mailang.
Mula sa malamlam na ilaw ng maliit na poste ay kitang-kita ni Ernell ang panlalaki ng mga butas ng ilong ni Autumn dahil sa sinabing iyon ng medyo may pagkamayabang nilang kaibigan.
Autumn: Napaka-feeling mo, Mister Malenzano! Huwag kang ngumisi-ngisi riyan!
Maya-maya pa ay pinagmamasdan na nilang magkakaibigan kung paanong hinahabol ni Autumn ang kaibigan nilang si Joseph para subukang hampasin ang lalaki.
Naririnig pa niya ang malakas na pagtawa ng best friend niyang si Wyatt.
Miles: Stop in the name of love!
Napansin niyang awtomatikong tumigil sa paghabol kay Joseph ang kaibigang si Autumn at lahat sila ay bumalik ang atensyon sa kaibigan nilang nakataas pa ang isang kilay.
Miles: Hindi niyo ba gustong malaman kung sino ang type nitong si Kisses?
Nang muling tingnan ni Ernell si Kisses ay nakita niyang parang umiiling ito sa kanilang kaibigan na may pusong babae habang nakakapit ang kanang kamay sa isang strap ng dala nitong backpack.
Miles: Okay lang namang malaman nila, friend.
Nakita niya ang pag-aalinlangan mula sa mga mata ni Kisses habang ang mga pisngi nito ay mas lalong namula sa ilalim ng malamlam na ilaw.
Colton: Based on my observation, I think Kisses likes the new school janitor.
Sa sinabi ng matalino nilang kaibigan ay narinig ni Ernell ang sunud-sunod na pagsinghap mula sa kanyang mga kaibigan.
Miles: Wait. Alam mo?
Nagkibit-balikat lamang ang kaibigan niyang si Colton habang nakataas ang kilay na nakahalukipkip sa harapan nito ang kaibigan nilang si Miles.
Nabaling ang atensyon nilang lahat kay Kisses nang bigla na lamang itong kumaripas ng takbo patungo sa abandoned road ng Santa Belinda.
Iyon ang kalsadang bihira na lamang daanan ng mga tao at halos wala nang sasakyang dumaraan. Puno ng matataas na talahib ang magkabilang gilid ng abandonadong kalsadang iyon.
Stacy: Wait, Kisses! Confirm mo muna kung type mo si Kuya Rocco! May live-in partner iyon, hindi ba?! Hoy!
Ngunit hindi man lamang lumilingon sa kanila si Kisses habang patakbong tinatahak nito ang daan patungo sa liblib na bahagi ng Santa Belinda.
Naomi: I guess sinimulan na niya ang dare mo, Ernell.
Muling pumasok sa isip ni Ernell ang dare na nabunot ni Kisses mula sa tinatawag niyang “mangkok ng kapalaran”.
Nakasaad sa maliit na papel na nakuha nito na kailangang lakarin ni Kisses ang madilim na abandonadong kalsadang iyon ng Santa Belinda patungo sa lumang waiting shed. Fifteen minutes ang itatagal kung maglalakad mula sa kanilang school patungo sa destinasyong nakasaad sa hamon.
Kilala sa pagiging haunted ang lugar na iyon kaya walang gaanong tao ang naglalakas-loob na pumunta roon. Alam nilang magkakaibigan na likas na matatakutin si Kisses kaya walang duda sa kanilang isip na magiging hamon para rito ang gagawin.
Kisses: Hey! See you on the other side!
Nagulat siya pati ang kanyang mga kaibigan nang biglang lumingon sa kanilang direksyon ang matatakuting kaibigan at nakangiti pa itong kumaway bago tuluyang nawala sa kanilang paningin.
Wyatt: Himala. Bakit imbes na matakot si Kisses ay parang excited pa ito?
Napakunot ang noo ni Ernell dahil iba sa kanyang inaasahan ang nakitang ekspresyon sa mukha ng kaibigang si Kisses.
Ang akala nilang lahat ay manginginig ang mga tuhod nito sa takot bago sumuong sa kalsadang halos disyerto na ang turing ng ilan sa mga tao sa kanilang lugar.
Malalim na nag-iisip si Ernell hanggang sa napansin niyang siya na lamang at ang best friend na si Wyatt ang naiwan sa harap ng tarangkahan ng kanilang paaralan.
Ernell: Nasaan na sila?
Narinig niya pang tumawa ang kanyang matalik na kaibigan bago sinagot ang kanyang tanong.
Wyatt: Nagulat ka pa talaga, eh, alam mong gabi na.
Pagkatapos sabihin iyon ay tinapik siya nito sa kanyang kanang balikat.
Wyatt: Mauna na rin ako sa iyo, mahal kong kaibigan. Alam mo namang ikaw lang itong excited sa resulta ng mga ipinapagawa mo sa amin. Wait mo na lang tawag ng girlfriend mo kung nakarating na sa waiting shed si Kisses.
Ilang saglit pa ay hinahatid na ng tanaw ni Ernell ang kanyang kaibigan habang naglalakad itong palayo sa kanyang kinatatayuan.
----------
February 11, 2010, 7:35 PM
Kanina pa nagtataka si Ernell kung bakit nakalipas na ang isang oras ay wala pa rin siyang natatanggap mula sa kanyang girlfriend. Dapat ay naroon na si Kisses sa lumang waiting shed sa mga oras na iyon.
Bahagya pa siyang nagulat nang marinig ang pagtunog ng kanyang phone. Kaagad niyang kinuha iyon mula sa loob ng bulsa ng suot niyang jogging pants.
Nabasa niya ang pangalan ng kanyang girlfriend na si Parker sa screen ng hawak na aparato.
Ernell: Hello, babe. Bakit ngayon ka lang tumawag? Lagpas isang oras na.
Narinig niya ang isang buntung-hininga mula sa kabilang linya.
Parker: Hay naku, babe. Kanina pa dapat ako tatawag. Kasi gusto ko na ring umuwi. Iniwan na ako rito nila Hazel. Magdi-date pa raw sila ni Isaac. Si Emery naman, hindi na kinaya ng kaartehan ang creepiness dito.
Narinig pa niyang tumawa ang kasintahan na ikinangiti ni Ernell.
Parker: Tapos si Genesis, hayun, bored na naman. Alam mo naman iyong nemesis mo na iyon, hindi napipirmi sa isang lugar basta may choice siya.
Napa-eye-roll siya nang marinig ang pangalan ng kaibigang madalas niyang hindi makasundo sa maraming bagay.
Parker: Pero umasa pa rin akong tatapusin ni Kisses ang dare kaya naghintay ako nang isang oras. Eh, kaso nagte-text na si Mama. Pinapauwi na ako. Tapos wala pa ring Kisses na lumilitaw dito sa waiting shed.
Isang malalim na buntung-hininga ang kanyang pinakawalan.
Ngayon ay alam na ni Ernell kung bakit wala siyang takot na nakita sa mukha ni Kisses habang binabagtas nito ang abandonadong daanan. Iyon ay dahil wala itong balak na tapusin ang dare na napunta rito.
Napailing na lamang siya sa hangin.
Ernell: Paniguradong nag-back out na iyon, babe. Sige, uwi na tayo. Nandito pa ako sa tapat ng school. Gusto mo bang puntahan kita riyan?
Ilang sandaling katahimikan ang namagitan bago sumagot ang kanyang girlfriend.
Parker: Hindi na, babe. Dadaan na lang ako sa shortcut sa abandoned road para mas madaling makarating sa bahay.
Alam ni Ernell kung gaano kadelikado maglakad sa deserted road na iyon ng Santa Belinda kaya hindi siya sigurado kung tamang hindi niya samahan ang kanyang kasintahan sa paglalakad sa madilim na lugar na iyon.
Ernell: Gabi na, babe. Madilim doon. Sasamahan na lang---
Bago pa niya matapos ang kanyang sasabihin ay muli na namang nagsalita ang kanyang girlfriend.
Parker: No need, babe. Kaya kong umuwi mag-isa. Parang hindi mo naman kilala ang girlfriend mo. Matapang yata ito.
Sinundan pa nito ng tawa ang sinabi kaya kahit may pag-aalinlangan siyang nararamdaman ay mas pinaniwalaan na lamang niya ang sinabi ng kanyang girlfriend.
Ernell: Sige, babe. Mukhang hindi na kita maaawat. Uuwi na rin ako. I love you.
Ilang segundo ang lumipas bago muling narinig ni Ernell ang tinig ng boses mula sa kabilang linya.
Parker: Okay, babe. Love you too.
Nang matapos ang tawag ay muling niyang hinayon ng tanaw ang madilim na abandoned road.
Ni anino ay walang maaninag si Ernell mula roon.
----------
February 12, 2010, 5:00 PM
Sabay-sabay na naglalakad sa kalsada pauwi ng kanya-kanyang bahay ang barkada ni Ernell maliban kay Kisses. Lumiban ito sa kanilang mga klase nang araw na iyon.
Nagulat siya nang biglang umakbay sa kanya ang kaibigang madalas maka-argumento na si Genesis.
Genesis: Pre, proud ka ba sa ginawa mong dare? Tingnan mo naman. Sa sobrang takot ay um-absent na si Kisses.
Sa totoo lang ay malayo sa pagiging proud ang nararamdaman ni Ernell sa mga oras na iyon.
Kaninang umaga pa siya nababahala kung bakit hindi pumasok sa school ang kaibigan nilang si Kisses matapos niya itong huling makitang naglalakad sa kalsadang hindi na dinadaanan ng sasakyan maliban na lamang kung sasadyain.
Huminto siya sa paglalakad at inalis ang bisig ni Genesis mula sa pagkakaakbay sa kanyang balikat. Tiningnan pa niya ito ng masama bago siya humarap sa kanyang mga kaibigan para agawin ang atensyon ng mga ito.
Ernell: Guys, hindi ba kayo nagtataka kung bakit absent si Kisses ngayon? Hindi naman niya ugali ang lumiban sa klase. At kung oo man, nagsasabi siya sa isa sa atin kung hindi makakapasok.
Nasilip niya mula sa mga mata ng ilang miyembro ng kanilang barkada ang kuryosidad tungkol sa nais niyang ipahiwatig.
Ngunit napansin niyang ang iba sa kanyang mga kaibigan ay hindi napakinggan ang kanyang mga sinabi. Katulad na lamang ng magkasintahang Isaac at Hazel na naglalambingan habang nag-uusap.
Malakas siyang tumikhim para kuhain ang atensyon ng dalawang kaibigan niyang naghaharutan. Nang tumingin sa kanya si Hazel ay para pa itong nahiya.
Hazel: Sorry, Ernell. May sinasabi ka ba?
Bago pa muling makapagsalita si Ernell ay sumingit na si Emery.
Emery: I think we should go to Kisses’ house para malaman na rin natin if she got scared kaya hindi niya natapos ang dare. For all we know, baka nahihiya lang siyang magpakita sa atin because among us, siya lang ang hindi nakagawa ng dare.
Gusto sana niyang sumang-ayon sa sinabi ng anak-mayaman niyang kaibigan ngunit iba ang sinasabi ng kanyang puso.
Ernell: Okay. Puntahan natin ang house nila Kisses. Hopefully ay nandoon siya.
----------
February 12, 2010, 5:30 PM
Kitang-kita ni Ernell ang pinaghalong pagtataka at pagkagulat mula sa mukha ng kanyang mga kaibigan nang sabihin sa kanila ng ina ni Kisses na si Leren na nagpaalam daw ang anak nito kahapon na may gagawing school project kasama silang mga kaibigan nito at mag-o-overnight sa bahay ng isa sa kanila.
Kaya hindi raw nag-expect ang ina ng kanilang kaibigan na uuwi si Kisses sa tahanan ng mga ito kagabi dahil ang akala nito ay makikitulog ang anak nito sa isa sa kanilang magkakaibigan.
Nalaman din ni Ernell mula sa ginang na may dalang damit-pantulog si Kisses sa loob ng isang bag nang umalis ito ng bahay kagabi.
Ang inaasahan ng ina ni Kisses ay uuwi ang anak nito pagkagaling sa eskwelahan dahil ang paalam daw nito kahapon ay isang gabi lamang gagawin ang proyekto.
Ngunit alam nilang magkakaibigan na wala silang school project na ginawa at lalong walang Kisses ang nagpakita sa kanilang paaralan nang araw na iyon.
Napaisip si Ernell kung bakit nagsinungaling si Kisses sa ina nito.
Bigla niyang naalala ang dalang malaking backpack ng kaibigan kahapon. Isang tanong ang namuo sa kanyang isipan.
May balak bang maglayas si Kisses at ginamit lamang ang dare para makatakas?
Leren: Bakit, hijo? May problema ba?
Nakatitig siya sa mukha ng ina ni Kisses at doon ay nakita niya ang unti-unting nabubuhay na pag-aalala para sa anak nito.
Gustuhin man niyang pagaanin ang loob ng ginang ay hindi niya magawa dahil may isang bahagi ng kanyang utak ang nagsasabing may mali sa mga nangyayari.
----------
February 12, 2010, 5:45 PM
Mabilis ang pintig ng puso ni Ernell habang tinutulungan siya ng kanyang mga kaibigan na hanapin ang kaibigan nilang si Kisses sa abandoned road.
Nang matuklasan nilang nagsinungaling ang kanilang kaibigan sa ina nito at pagkatapos ay hindi rin ito umuwi sa bahay nilang mag-ina matapos hindi um-attend sa kanilang mga klase ay nagkaroon na silang magkakaibigan ng hinala na may kakaibang nangyayari.
Ang ilan sa mga kaibigan ni Ernell ay iniisip na pinlano ni Kisses ang umalis mula sa poder ng ina nito. Ngunit ang ipinagtataka lamang nila ay kung naglayas nga ito ay bakit isang pares lamang ng kasuotan ang dinala nito.
Isa pa ay hindi si Kisses ang kilala nilang klase ng estudyanteng basta na lamang liliban sa klase unless may nangyaring hindi maganda rito.
At ang ibinubulong ng puso ni Ernell ay may nangyaring hindi maganda sa kanyang kaibigan.
Kaya naman naroon siya at ang buong barkada sa lugar kung saan nila huling nakita si Kisses.
“Kisses!”
“Kisses, nandito ka ba?”
“Hey, Kisses! Please answer if you’re here!”
Ilang minuto silang naghanap sa bawat sulok ng pinabayaang kalsada ngunit walang presensya ni Kisses ang nagparamdam.
Hanggang sa marinig ni Ernell ang sinabi ng kaibigang si Isaac.
Isaac: What if nandoon si Kisses sa paborito niyang tambayan? Doon sa may cell tower.
----------
February 12, 2010, 6:30 PM
Bahagya pang hinihingal si Ernell nang maabot niya at ng kanyang mga kaibigan ang malawak na lugar kung saan naroon ang ipinagawang cell tower ng ama ng kanyang matalik na kaibigang si Wyatt.
Si Juancho Tabernillo.
Mayroong nakapaligid na mataas na bakod sa palibot ng industrial infrastructure. May mga poste ring nagbibigay tanglaw sa madilim na gabi.
Hindi iyon open for public pero dahil kaibigan nila si Wyatt kaya minsan ay nakapupunta sila roon ngunit hanggang doon lamang sila sa labas ng mataas na fence.
At sa tuwing pumupunta silang magkakaibigan doon ay si Kisses ang pinakanatutuwa.
Kaagad na inilibot ni Ernell ang kanyang paningin sa paligid. Napakaraming puno ang nagkalat sa paligid ng malawak na lupain ng mga Tabernillo.
Colton: And where exactly do you think should we look for Kisses here? This is a private property.
Nilingon niya ang kanyang mga kasama at nakita niya sa mukha ng mga ito ang kalituhan.
Naomi: Sigurado ba tayong dito pupunta si Kisses?
Kahit siya ay hindi sigurado kung naroon ang kaibigang lumiban sa paaralan ngunit nagbabaka-sakali si Ernell.
Ernell: Wala namang masama kung susubukan nating maghanap dito. Imagine, guys, Kisses lied to her mother. Hindi niya tinapos ang dare kagabi. At hindi siya pumasok sa school kanina. What if may nangyaring masama sa kanya?
Narinig niya ang isinagot ng madalas na sumasalungat sa kanyang mga opinyon na si Genesis.
Genesis: Paano kung wala naman palang masamang nangyari? Paano kung nag-aalala tayo para sa wala?
Akmang sasagot si Ernell dito nang isang bagay ang napansin niyang kumukislap sa di-kalayuan.
Napakunot ang kanyang noo ngunit kaagad ding bumangon ang kaba sa kanyang dibdib nang mapansing parang may kamay na nakahawak sa kumikinang na bagay.
Para siyang naestatwa sa kanyang kinatatayuan. Hindi na niya nakuhang magsalita nang tawagin ng kaibigang si Hazel ang kanyang atensyon.
Hazel: Ernell? Anong nangyayari sa iyo?
Naririnig niya ang mabilis na pagpintig ng kanyang puso habang pinag-iisipan kung dapat na lapitan ang kanyang naaaninag na pagkislap sa gitna ng kadilimang bumabalot sa lugar na iyon.
Ngunit sa huli ay nangibabaw ang kuryosidad sa kanyang isip at pinili pa rin niyang lapitan ang natatanaw sa likod ng isang malaking puno.
Isaac: Ernell, saan ka pupunta?
Naramdaman niyang nakasunod sa kanyang paglalakad ang mga kaibigan.
Wyatt: Guys, dalian lang natin. Baka mamaya may tao na si Daddy na pumunta rito?
Pero parang walang naririnig si Ernell at patuloy lamang ang kanyang paglalakad patungo sa likod ng isang malaking puno ng acacia.
Nang huminto ang kanyang mga paa ay ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang tumambad sa kanyang harapan ang isang kumikinang na matulis na bagay.
Ang kagamitang iyon ay hawak ng isang taong nakahandusay sa lupa. At nang matitigan niya ang mukha ng babaeng nakahiga sa lupa ay parang humiwalay sa katawan niya ang kanyang kaluluwa.
Kilalang-kilala ni Ernell ang babae.
Magkakasunod na pagsinghap ang kanyang narinig mula sa kanyang mga kaibigan habang siya ay naninigas ang katawan.
Hindi niya alam kung ano ang unang gagawin. Nararamdaman niya ang panginginig ng kanyang buong katawan.
Hanggang sa isang sigaw ang pumunit sa katahimikan ng gabi.
“Kisses!”
----------
to be continued...