Chapter 1 - Unexpected Circumstances

1538 Words
“OH, NO! I can’t believe this! Hindi ako naniniwalang gagawin ito ni Vivienne! Mahal na mahal niya kaya si Railey,” nagpapadyak na wika ni Khrysstyna. “Pero iyon naman ang sinasabi nila, eh. Kahit ako man ay hindi makapaniwala sa nangyari,” katwiran din ni Kaye. “No! Hindi ako naniniwala sa kanila! Imposible ito. Kailangang mahanap natin si Vivienne. Baka may ibang dahilan kaya hindi siya nakarating.” Marahas na napailing si Khrysstyna. Tumaas ang kilay ni Kaye. “Ano naman ang dahilan niya? Pinakaimportanteng araw kaya ito ng buhay niya,” hindi makapaniwalang sambit ni Kaye. “Kailangang gumawa tayo ng paraan. Kailangan natin siyang hanapin,” biglang sabi ni Khrysstyna. Namilog ang mga mata ni Kaye. “Sigurado ka? Saan naman natin siya hahanapin? Wala nga raw siya sa hotel, eh.” Pinandilatan siya ni Khrysstyna. “Hindi ka ba nag-aalala sa kanya? Baka may masamang nangyari sa kanya kaya hindi siya nakarating.” “Ano? Paano mo naman naisip iyan?” hindi makapaniwalang tanong ni Kaye. “Ah, basta hahanapin ko siya. Bahala ka diyan kung ayaw mong maniwala.” Pagkasabi nito’y nagmamadaling iniwan siya ni Khrysstyna. “Hoy, teka lang! Hintayin mo nga ako!” sigaw ni Kaye kay Khrysstyna. Pilit niyang sinundan ang kaibigan. Nakasuot siya ng three-inch heels stiletto bukod pa sa may kahabaan ang kanyang gown kaya nahirapan siya sa paglalakad. Sa pagmamadali ay hindi niya napansin ang taong makakasalubong niya. Bigla na lang siyang may nabangga. Napasinghap siya nang maramdaman ang malamig na likidong tumapon sa damit niya. “Oh, s**t!” Napamura siya nang wala sa oras nang mapansin na nabasa ang bahaging malapit sa mismong dibdib niya. “That’s your fault! Hindi mo tinitingnan ang dinadaanan mo! Natapon tuloy ang wine ko!” nangagagalaiting wika ng isang tinig. Agad na nag-angat ng tingin si Kaye. Tumambad sa paningin niya ang isang babae na bagama’t maganda at matangkad ay nanlilisik naman ang mga mata habang nakatitig sa kanya. “So, ako pa ngayon ang may kasalanan? Ako na nga itong nabasa,” naiinis din na sambit ni Kaye at pilit na tinatapatan ang masamang titig ng babae. “Because you are stupid!” Akmang hahablutin ng babae ang buhok niya ngunit may kamay na pumigil dito. “Stop it, honey!” awat ng lalaking lumapit dito. “Huwag kang mag-eskandalo dito. Nakakahiya sa mga tao,” mahinahong wika pa nito habang nakahawak sa kamay ng babae. “It’s her fault. Binangga niya ako kaya natapon ang wine ko. Tapos ako raw ang may kasalanan,” katwiran ng babae. Akmang magsasalita din sana si Kaye ngunit nakulong sa lalamunan niya ang anumang sasabihin nang mapatingin sa kanya ang lalaki. “I’m sorry, Miss, for what happen to your gown. Pareho lang kayong may kasalanan ng girlfriend ko. Mag-sorry na lang kayo sa isa’t isa,” napapailing na wika ng lalaki nang mapatingin sa gown ni Kaye. Napakurap ng ilang beses si Kaye. Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. Parang hindi gumagana ang utak niya habang nakatingin sa guwapong mukha ng lalaki. Kahawig nito ang groom. Siguradong isa ito sa mga triplets. “Bakit ako magso-sorry? Hindi naman ako ang may kasalanan. Siya dapat ang mag-sorry dahil natapon ang wine ko,” nakaismid na sambit ng babae. Nagpanting ang tainga ni Kaye. Magso-sorry na nga rin sana siya ngunit nagsusungit pa rin ang babae. May balak pa nga itong sabunutan siya. Mabuti na lang at dumating ang boyfriend nito na kapatid pala ni Railey. “Fine. Kung ayaw mong mag-sorry, umalis na lang tayo.” Hinila ng lalaki ang babae. Bago ito tumalikod ay binalingan pa siya nito. “Pasensiya na, Miss,” malumanay nitong sabi bago tuluyang inilayo ang babae na halatang nagagalit pa rin. Sinundan na lang ng tingin ni Kaye ang dalawa. Ang malas naman ng kapatid ni Railey. Maganda nga ang girlfriend nito pero ang sama naman ng ugali. Hindi sila bagay. Mukhang mas bagay kami. Agawin ko na lang kaya siya sa girlfriend niya? Huh? May gano’n kang ambisyon, Kaye? Kailan ka pa naging desperado sa isang lalaki? Maghunos-dili ka nga! Gustong kutusan ni Kaye ang sarili. Kung ano-anong ideya ang pumapasok sa isip niya. Iyon yata ang nangyayari sa mga single na uma-attend ng mga kasalan. Naiinggit sa mga ikinakasal. “Kaye, ano ba? Kanina pa kita hinihintay!” bulyaw ni Khrysstyna na hindi niya namalayang naglalakad na palapit sa kanya. “Akala ko ba umalis ka na?” nagtatakang tanong niya. Nagpaalam na kasi ito kanina. Sinundan nga niya ito pero nabangga naman niya iyong babae kaya akala niya ay iniwan na siya ng kaibigan. “Paano ako makakaalis? Ang sabi mo ay hintayin kita. Namuti na nga ang mga mata ko sa kahihintay sa iyo. Kaya binalikan na kita dito. Ano ba kasing nangyari sa iyo?” kunot-noong tanong ni Khrysstyna. “Ah, kasi iyong babae kanina…” Hindi na natapos ni Kaye ang sinasabi niya dahil biglang sumabad si Khrysstyna. “Anong nangyari diyan sa suot mo?” usisa ng kaibigan nang salatin nito ang parte ng gown niya na nabasa ng alak. Ikinuwento ni Kaye ang nangyari sa kanya kanina pati na ang pagsulpot ng lalaking kahawig ni Railey. “Baka nga isa iyon sa dalawang kapatid ni Railey. Triplets sila, eh. Nabanggit na noon ni Vivienne ang mga pangalan nila pero nakalimutan ko lang,” wika ni Khrysstyna matapos nitong marinig ang kuwento niya. “Ay, sayang naman! Gusto ko pa man din na malaman ang pangalan niya. Ang guwapo niya, ha? Sayang ang lahi niya, napunta lang sa maling babae,” napapailing na sambit ni Kaye. “Huh? Anong sinabi mo? Interesado ka doon sa kapatid ni Railey? May lihim ka bang pagtingin sa nobyo ni Vivienne?” namimilog ang mga matang tanong ni Khrysstyna. “Hoy, grabe ka naman, Khryss! Wala akong sinabing gano’n. Ang sabi ko lang naman ay guwapo ang kapatid ni Railey. Pero, susme! Wala akong gusto sa boyfriend ng kaibigan natin,” nagkakamot ang ulong saad ni Kaye. “Huh? Kung wala kang gusto kay Railey, bakit ka nanghihinayang sa kapatid niya? Sa paraan ng pananalita mo, lumalabas na parang gusto mong ikaw na lang sana ang girlfriend ng lalaking iyon. Tama ba ako?” Nagsalubong ang kilay ni Khrysstyna habang nakatingin sa kanya. Napa-buntonghininga si Kaye. “Oo na, inaamin ko na attracted ako doon sa kapatid ni Railey. Pero hindi naman ibig sabihin na may gusto rin ako kay Railey mismo. Ang layo naman ng naisip mo,” katwiran niya. Tinaasan siya ng kilay ni Khrysstyna. “Sigurado ka sa sinasabi mo? Triplets sila kaya magkapareho sila ng mukha. Kaya ko naisip na may gusto ka rin kay Railey,” depensa nito. Pinaikot ni Kaye ang mga mata. “Hindi naman ibig sabihin na kapag magkamukha ang dalawang tao ay magkakagusto ka rin sa kanilang pareho. Wala akong nararamdamang kahit ano kay Railey kahit ilang beses ko na siyang nakaharap at nakausap,” paliwanag niya. “Pero noong makita ko iyong kapatid niya kanina, grabe ang lakas ng pintig ng puso ko. Pati ang utak ko mukhang naparalisa kasi hindi ako makapag-isip nang sasabihin sa kanya. Kahit siguro maghapon ko siyang titigan, hindi ako magsasawa sa mukha niya,” napangiting wika pa ni Kaye. “Kung puwede ko lang sana na landiin siya, ginawa ko na. Pero nakakainis kasi may girlfriend na siya.” Napasimangot siya nang muling maisip ang bagay na iyon. May batas ba siyang malalabag kapag aagawin niya ang lalaking iyon sa girlfriend nito? “Hey, may sakit ka ba, Kaye?” Sinalat ni Khrysstyna ang noo niya pati na ang kanyang leeg. “Anong bang ginagawa mo?” naguguluhang tanong ni Kaye na bahagya pang napaatras dahil sa ginawa ng kaibigan. Napaismid si Khrysstyna. “Sinisiguro ko lang naman kung may sakit ka kasi kung ano-ano ang lumalabas sa bunganga mo. Ngayon lang kasi kita narinig na halos ipangalandakan mo na may gusto ka sa isang lalaki. Nasaan na ang mahinhin kong kaibigan? Itinapon mo na rin ba sa hangin tulad nang ginawa ni Vivienne sa sarili niya nang ma-inlove siya kay Railey?” Napanguso si Kaye sa sinabi ni Khrysstyna. Nakaramdam siya ng inis dito. Ngunit biglang naglaho ang nararamdaman niya nang mapansin ang pagbabago sa ekspresyon ng mukha ng kaibigan. Nakadilat ang mga mat anito habang nakatakip ang isang kamay sa bibig nito. “Anong nangyari sa iyo?” nagtatakang usisa ni Kaye dito. “Si Vivienne! Kailangan pala natin siyang hanapin! Nakalimutan ko na siya. Ikaw kasi kung ano-anong ikinukuwento mo,” saad ni Khrysstyna. Bigla na lang nitong hinila ang kamay niya. “Oops! Teka lang naman. Magdahan-dahan ka sa paglalakad. Baka matapilok ako sa ginagawa mo,” protesta ni Kaye. “Kasalanan mo ito! Kung hindi ka sana nagtsismis, kanina pa tayo nakaalis!” singhal ni Khrysstyna sa kanya. Napabuga ng hangin si Kaye. Hindi na siya umimik. Nagi-guilty na naman siya. Umaga pa lang pero dalawang beses na siyang nasabihan na kasalanan niya ang mga nangyari ngayong araw na ito. Sana naman hindi na ito madagdagan pa hanggang mamaya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD