Chapter 2

1872 Words
"Mommy, ayos lang kayo?" Nag-aalalang tanong ni Rio sa ina. Kasalukuyan silang nag-aagahan nang tila nahirapan itong huminga. Hawak ang dibdib nang tumayo mula sa hapag. Hindi pa nakakalayo mula sa mesa ay parang matutumba na ito. Mabuti na lamang at maagap si Nana Berta, isa sa kanilang kasambahay. "Aay...maam!" Bahagya pa itong napatili. "Mommy!" Sabay silang magkakapatid na lumapit dito. "Tawagan mo ang daddy!" Aniya sa kapatid. Kahit hindi ito natutuwa sa utos mula sa kaniya ay wala itong nagawa kung hindi sundin siya. "Nana Berta tumawag ka ng ambulansya!" Baling niya sa kasambahay. "O-opo ma'am," natatarantang sagot nito at patakbong tinungo ang telepono. "Mommy!" si Leo, kasama niyang naka-alalay sa ina. Ipinahiga nila ito sa sofa at itinaas ang nang bahagya ang mga paa sa armrest ng upuan. Natutunan niya iyon nang minsang um-attend siya sa isang first aid seminar sa school nila. "I-i'm fine," anang mommy nila nang makaramdam ng ginhawa. Pinilit nitong tumayo ngunit pinigilan ito ng magkapatid. "Stay, just relax and take rest," aniya rito. "Yeah, just...stay there mom," sa wakas ay narinig niyang sumang-ayon sa kaniya ang dalawang kapatid. "Male-late na kayo sa school," sabi naman nitong nag-aalala pa rin sa kanila. Dapat ay ihahatid sana sila nito sa eskwela dahil wala itong pasok ngayong umaga sa opisina nito. "Mom!-" halos chorus nilang tugon dito bilang protesta. "I'm really okay, I'm fine! Nahilo lang ang mommy," pagbibigay assurance pa ng ina sa kanila. Pero hindi na ito nakatanggi pa nang halos sabay na dumating ang kanilang ama at ng ambulansya na ipinatawag niya kay Nana Berta. Pagkatapos masigurong ligtas na ang ina at kasama na nito ang ama papunta sa ospital ay nagpasya siyang pumasok na sa eskwela. Nag-tricycle na lamang siya para hindi mahuli. Iisa kasi ang driver nila at uunahin nitong ihatid ang kambal, kung sasabay siya ay mahuhuli na siya, medyo malayo rin kasi ang school niya sa school ng mga ito, Isa pa, susunod pa ito sa hospital para sunduin naman ang mommy at daddy nila, baka nga bumalik pa sa opisina ang kanilang ama kapag nasigurong ligtas na ang mommy nila. Habang sakay ng tricycle ay nadaanan nila ang isang itim na kotse. Hindi siya maaaring magkamali, si Mel ang sakay niyon. Nilingon pa niya ito kahit na lumagpas na ang sinasakyan niyang tricycle. Tulad ng dati ay para itong adik. May hikaw sa may kilay, puno ng malalaking silver chain ang leeg nito at hindi mawawala ang usok mula sa bibig nito. Hindi pa niya ito nakita na hindi naninigarilyo. Ewan ba niya kung ano ang nakita ni Lizel dito at bakit crush na crush niya ito. Nang makalayo ang sinasakyan niyang tricycle ay nawala na rin ito sa paningin niya. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang sinabi ni Lizel na sumakay sa kotseng iyon si Joana. Tumawag kasi siya sa tiyahin ni Joana at sinabi nitong nakausap na nito ang pamangkin. Lumuwas raw ito ng Maynila at hindi na nakapagpaalam pa. Hindi na rin siya nag-usisa pa dahil tila panatag naman ang tiyahin ni Joana. Pero hindi pa rin siya makampante, masama ang kutob niya. Hindi basta na lang aalis ang kaibigan nang walang pasabi sa kaniya. Para na silang magkapatid at wala silang lihim sa isa't isa. Kung natatawagan niya ang tiyahin bakit hindi man lamang tumawag sa kaniya? Isa pa, graduation na nila two weeks from now at next week na ang finals. Hanggang makarating sa eskwelahan ay ito ang gumugulo sa isip niya. "Miss del Fierro?" Tawag sa kaniya ng isa sa kanilang mga guro, si Miss Gener. Katatapos lamang niyang mananghalian sa canteen ng eskwelahan at tamang napadaan siya sa faculty. "Maam!" Aniyang medyo nagulat. Malalim kasi ang iniisip niya at basta na lamang itong sumulpot sa harapan niya. "Ay! Sorry po maam, nagulat lang ako," aniyang napakamot sa noo. "Sorry, pasensya na Miss. del Fierro, may balita ka na ba sa kaibigan mo? Si Miss Dela Cruz?" Sabi nito. "Wala pa po maam, pero tumawag po ako sa tiyahin niya at nasa Maynila raw ho si Joana," tugon niyang alangan din sa impormasyong sinasabi niya. "Ganoon ba? Hindi pa kasi siya nakapag-submit ng project niya for fourth quarter, finals na ninyo sa isang linggo," nasa boses nito ang pag-aalala. Matalino rin kasi si Joana at alam ng guro na hahabol ito sa with honors kung makukumpleto ang mga projects at exams. "Hindi ko rin po alam maam, hindi rin kasi ako tinawagan ni Joana. Nagtataka nga po ako, dapat kinontak na ako ng babaeng 'yun," hindi rin mapigilang himutok niya. "Tell her to settle her projects before the exam, Miss. del Fierro, sayang naman. Nasa ranking pa naman siya," sabi nito. "Opo maam, salamat po," tugon niya bago nagpatuloy sa paglalakad. Wala siyang maisip na dahilan kung bakit hindi siya tinatawagan ng kaibigan. Napasimangot siya. Pero mamaya pa ay napalitan na naman ng pag-aalala ang inis niya. Paano kung may masamang nangyari sa kaibigan? Paano kung na-kidn*pped pala ito? Pero paano naman ito makakatawag sa tiyahin nito kung na-kidn*pped nga? Mga tanong na hindi niya alam kung saan hahanapin ang mga kasagutan. Hanggat hindi niya nakikita ang kaibigan ay hindi siya mapapanatag. Hindi naman nag-report sa mga pulis ang tiyahin ni Joana na nawawala ito dahil nga tumatawag naman daw ito, iyon nga lang ay lagi raw itong nagmamadali, basta't huwag raw mag-alala ang tiyahin dahil ayos lang naman daw ito. Hanggang sa sumapit ang kanilang graduation, walang Joana na nagpakita. Hindi nito na submit ang project at hindi rin ito nakapag-exam kaya gustuhon man ng mga guro na ipasa ito kahit hindi ito makaka-attend ng graduation ay hindi maaari dahil masyadong maraming lesson ang na-missed nito. Tulad ng inaasahan, nakuha ni Lirio ang pinakamataas na karangalan at marami pang mga awards. Proud na proud ang mommy niya. Ito rin ang kasama niya sa graduation. "Congratulations anak! I'm so proud of you!" Sabi nito habang isinusuot sa kaniya ang medalya. "Thank you mom!" sagot niyang niyakap pa ang ina. "This is all because of you and dad," naluluha pang dugtong niya. Pagkatapos ng kanilang graduation ceremony ay nagpaalam siyang magpapa-iwan muna siya para sa kanilang graduation ball. Gaganapin naman iyon pagkatapos na pagkatapos ng graduation ceremony. Umaga ang kanilang ceremony kaya makapananghali ay nagsimula naman ang kasiyahan doon rin mismo sa auditorium ng eskwelahan. Inayos lamang nila ang mga upuan at inilagay sa gilid para magkaroon sila ng dance floor sa gitna. "May I have this dance with you?" Mahinang bulong sa kaniyang taenga mula sa kaniyang likuran. "H-ha?" Lilingunin sana niya ito pero nagulat siya nang muntikan nang magtama ang kanilang mga labi, halos gahibla lamang ang pagitan ng kanilang mga mukha. "Hanz!" Aniya nang makabawi habang inilalayo ang mukha rito. Matagan na niyang crush si Hanz, taga kabilang section ito at team captain ng basketball team ng kanilang eskwelahan. Si Joana lamang ang nakakaalam na may crush siya rito. "Lirio, right?" sabi nitong inilahad ang kanang kamay. "Yeah," aniyang inabot naman ito. Hindi na siya magpapakipot pa, kung manliligaw ito sa kaniya ay sasagutin na niya agad ito! Nasaway niya ang sarili sa tinatakbo ng kaniyang isip. Paano naman manliligaw ito sa kaniya, eh ngayon nga lang ito nakikipag kilala sa kaniya. Ibig sabihin, the whole time na nag-aaral siya dito ay hindi siya nito kilala, samantalang siya, kulang na lang ipa-print niya ang mga picture nito at gawing wallpaer sa kaniyang kuwarto! Bukod sa guwapo kasi si Hanz ay mayaman rin ang angkan nito kaya hindi lang siguro dose-dosena ang babaeng nagkakagusto rito. Pero wala pa naman siyang nababalitang nililigawan nito o nobya sa eskwelahan kaya good boy na good boy ang tingin niya rito. "Can we dance?" Untag nito sa kaniya nang mapansing nakatitig lamang siya rito. "S-sure!" Aniyang biglang nahiya sa sarili. 'Paano ba kumilos ng normal sa harap ng taong nagugustuhan mo', tanong niya sa sarili. Parang panaginip ang mga sumunod na eksena, pansamantala niyang nakalimutan ang kaibigang si Joana. Hawak ni Hanz ang kaliwang kamay niya at hapit nito ang kaniyang beywang habang nakakapit naman siya sa balikat nito. "Gusto kita Lirio," walang pakundangang pahayag nito sa kaniya. Hindi yata nito alam ang salitang 'pasakalye', straight to the point agad. "H-ha? Eh...," hindi niya alam ang isasagot. Ni hindi nga rin niya alam kung paano mag-react sa sinabi nito. "I hope it's okay with you, hindi naman kita pipilitin kung ayaw mo," bulong nito sa kaniya na bahagya pang inilapit ang labi sa kaniyang taenga. Para siyang kinikiliti sa mainit nitong hininga na tumatama sa kaniyang leeg. "H-hanz," aniya sa paos na tinig, pakiramdam niya ay silang dalawa lamang tao sa oras na iyon. Mabuti na lamang at busy rin ang kanilang mga kaklase sa kani-kanilang partner. "Will you be my girlfriend?" Sabi nitong mas pinasingkit pa ang tsinito nitong mga mata. Pakiramdam niya ay nasa cloud nine siya sa mga sandaling iyon. "G-gusto rin kita, p-pero k-kasi," nauutal niyang tugon. Hindi niya kayang labanan ang titig nito sa kaniya kaya nagbaling siya ng tingin. "No buts, that's enough, sinasagot mo na ako hindi ba?" Tanong nito habang sabay pa rin silang sumasayaw sa mabagal na tugtog. "O-oo," tugon niya na muling ibinalik ang tingin dito. Mabilis siyang kinintalan ng halik sa labi bago pa siya makapagprotesta. "Hanz!" Aniyang nag-blush pa. Hindi niya iyon inaasahan. "Sorry, excited lang ako," anitong nakangiti. Tila palagay na ang loob nilang nag-uusap pagkatapos ng unang sayaw at unang halik mula sa unang boyfriend niya. Iyon na yata ang pinakamasayang tatlong minuto sa buhay niya! Mag-a-alas sais na nang matapos ang kanilang graduation ball. Dahil wala siyang sundo ay napilitan siyang maglakad patungo nga gate ng lanilang eskwelahan, medyo malayo rin iyon sa gusali kung saan naganap ang kanilang graduation party. Ihahatid sana siya ni Hanz pero maaga itong sinundo ng kanilang driver dahil na-adjust raw ang flight nito patungong Amerika, bukas na raw ng umaga kaya kailangan na nitong lumuwas ng Maynila ngayong hapon. Maayos ang paalam nito sa kaniya dahil sa Amerika ito mag-aaral. Uuwi naman daw ito kada semestral break at laging tatawag sa kaniya. Hinalikan pa ulit siya nito bago umalis kanina. Pagdating niya sa gate ay walang nakaparadang tricycle doon tulad ng dati, marahil ay inarkila na ng mga naunang umuwing estudyante. Hindi na bale, maghihintay na lamang siya. Mangilan-ngilan na lamang ang mga taong nakikita niya, ang iba ay naglalakad na lang papuntang labasan, hindi na siguro makapaghintay ng tricycle. Nakapagdesisyon siyang maglalakad na lang rin baka sakaling mas maraming dumaraang sasakyan sa labasan. Hindi pa siya gaanong nakalayo sa gate ng eskwelahan nang biglang huminto sa tabi niya ang pamilyar na itim na kotse, mabilis na bumaba nag dalawang lalaki at hinila siya papasok. Nabigla siya kaya para lang siyang manikang ipinasok ng mga ito sa kotse. Ni hindi man lamang siya nakasigaw o nakapanlaban. Pagpasok sa kotse ay sisigaw pa lamang sana siya ngunit sa pag hugot niya ng hininga ay nalanghap niya ang amoy na pumasok pa sa kaniyang lalamunan at tila nalasahan pa niya ang mapait na kung anong nasinghot. Kasabay niyon ay nanikip ang kaniyang dibdib na para bang hindi na siya makahinga. Unti-unting nanlabo ang kaniyang mga mata at nawalan na rin ng lakas ang katawan niyang nagpupumiglas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD