Narinig ni Vittoria ang mahinang pagdaing nito at nabahala, ”Lirena? Anong nangyayari sa iyo?” “Wag kang mag-alala. Sinusubukan kong tanggalin ang inilagay nila sa ating katawan. Kung may mahanapan kang matulis na bagay sa iyong silid ay maari mo ring tanggalin ang iyo. Siguraduhin mong malinis ang pagkatanggal mo ng hindi nila masyadong mahalata na natanggal ito.” Sinubukan rin ni Vittoria na maghanap ng matulis na bagay subalit wala siyang mahanapan kung kaya’t hindi niya sinasabi kay Lirena ay ginamit niya ang kanyang mga kuko kahit hindi ito matulis gawa ng kakakagat niya sa mga ito. Isang daing ang kanyang pilit na pinipigilang kumawala. Sanay na siyang masaktan subalit iba pa rin kung ang iyong sarili mismo ang maghahain ng sakit. Ramdam na ramdam mo ang bawat pagdiin ng hapdi.

