HALOS mauntog si Cleo sa sandalang bahagi ng unang upuan ng kotse nang biglang magpreno si Tatay Celdo. Sa likuran kasi siya nakaupo. Ramdam na ramdam niya ang pag gitgit ng isa pang kotse sa kotseng kinalululanan niya. Huminto ang dalawang kotse matapos ang pangyayaring iyon. Nang masiguro niyang wala kahit anong gasgas na natamo ang driver niya at nang makabawi sa pagka-shock sanhi ng aksidenteng iyon ay tinanggal niya ang suot na seatbelt at bumaba roon. Lumapit siya sa kahihinto pa lamang na isa pang kotse na noon ay bumaba na rin ang isang lalaki na nasiguro niyang driver nito.
"Excuse me, are you aware na nakaaksidente ka, Sir?" pukaw niya sa lalaki na inuna pang i-check ang kotse kaysa sa kanila.
"Im sorry, Ma'am, ang totoo nga po kayo po ang nakasagi sa amin. Kami po ang may damage, oh," itinuro nito ang tagilirang may yupi at gasgas.
"Paano'ng naging kami?"
Lumapit na rin si Mang Celdo sa kanila.
"Hija, ang totoo tayo ang—"
"Tatay Celdo, ramdam ko na tayo ang binangga."
Noon bumaba ang windshield ng kotse. Isang medyo tsinito at mestizong lalaki na may matangos at natural na mapulang labi ang tumambad sa paningin ng dalaga. Seryoso ang anyo nito. Naka-americana suit pa ito. Sa maikling sandali na iyon ay tila agad niyang napag-aralan ang anyo ng lalaking iyon.
“Ayoko ng maraming usap, ibigay mo ang calling card mo sa akin at patatawagan na lang kita sa abogado ko," seryosong wika nito na tila may pagka-arogante.
Sukat sa narinig ay tila tumaas ang dugo ni Cleo. Hindi niya nagustuhan ang narinig na sinabi ng lalaki.
"Hoy, Mister!" Hindi na naituloy ni Cleo ang sasabihin dahil bumaling na ang lalaki sa driver nito at binalewala na siya.
"Kunin mo ang calling card niya at tumawag ka ng susundo sa akin dito," wika ng lalaki. Pagkasabi noon ay muli ng isinara ng lalaki ang windshield ng kotse. Tumalima naman ang lalaking inutusan nito.
Hindi malaman ni Cleo ang magiging reaksyon at sasabihin. Tuluyan na syang nakaramdam ng galit at pagkadismaya.
Hindi nagtagal at may isang kotseng huminto roon at lumipat doon ang aroganteng lalaki. Dahil walang saysay na makipagtalo ay minabuti niyang ipagkatiwala na lang sa driver ng lalaki ang calling card niya. Handa siyang harapin ang lalaki kahit saan mapatunayan lang na nasa tama sila. Hihintayin niya ang tawag ng sinasabi nitong abogado. Hindi siya natatakot.
Pilit na iwinaksi sa isipan ni Cleo ang nangyaring aksidente. Pagdating sa Brillante Mansion ay inihanda na lang niya ang sarili para sa pagkikita nila ng lolo niya. Ito ang unang pagkakataon na magkikita sila at magkakasama ng medyo matagal. Bagaman at hindi ito ang unang beses na nakaharap niya ito. Nakikita na niya ito sa personal noon sa tuwing may mga pagkakataon na hindi sinasadyang nagkukrus ang landas nila sa kung saan-saan.
KABABAKASAN ng karangyaan ang tahanang iyon. Mula sa magarang mansiyon, sa mamahalin at antigong mga kasangkapan at muwebles hanggang sa hindi mabilang na mga taga-silbi na naka-uniform pa. Iyon ang lugar na tinalikuran ng kanyang ina sa ngalan ng pag-ibig sa kanyang ama.
Ilang kasambahay ang sumalubong sa kanya at bumati. Dinala siya ng mga ito sa dining room kung saan naroon ang lolo niya.
Ang inaasahan niya ay isang simpleng lunch lang ang madadatnan niya para sa kanila ng lolo niya o kung meron mang naroon na kasama ay maalin sa mga kapamilya nila ngunit nagkamali siya. Wala doon ang tita at tito niya maging ang mga pinsan niya. Ang tanging Brillante lang na naroon ay siya at ang lolo niya.
Napatigil siya sa paghakbang nang makita ang pamilyar na mukha ng isang lalaki. Hindi siya maaaring magkamali, ang lalaking naroon na kasama ng lolo niya ay ang aroganteng lalaki na lulan ng kotseng naka-aksidente nila kanina.
"Natutuwa ako, hija, at pinagbigyan mo na ang hiling ko na makasalo ka," kita niya ang totoong saya na lumarawan sa mukha ng matanda. Pasensiya ka na kung masyado akong makulit.
"Pasensiya na rin ho kayo kung ngayon ko lang kayo napagbigyan, masyado lang ho kasi akong busy. Ipagpaumanhin nyo rin po kung medyo late ako ngayon. May maliit lang hong aksidenteng nangyari at may na-meet lang ho akong nakakadismayang lalaki kanina. Palihim niyang tinapunan ng tingin ang pinasasaringang lalaki kaya hindi nakaligtas sa paningin niya ang pagtatagis ng bagang nito na tila hindi nagustuhan ang sinabi niya.
"Aksidente ba kamo? Pareho kayo ni Calyx. May isang babaeng mukhang walang pinag-aralan at siga daw siyang na-meet sa kalye kanina," wika ng matanda.
Napalumod laway ang lalaki dahil sa pagbubuko na iyon ng matanda.
"Ah talaga, Lolo? Isang mukhang walang pinag-aralan at sigang babae ang na-meet ni—"
"Hija, siya si Calyx Lee, ang kasalukuyang chairman ng kompanya," pagpapakilala ng lolo niya.
Nagtaka si Cleo sa sinabi ng lolo niya. Ito ang chairman ng kompanya ng mga Brillante. Bakit hindi isa sa mga pinsan niya?
"Calyx, siya ang apo ko, si Cleopatra Marzela, nag-iisa siyang anak ng panganay kong anak na si Stella."
Hindi malaman ni Cleo kung tatanggapin ang inilahad na palad ng lalaki. Pero upang huwag ng bigyan ng alalahanin ang lolo niya ay tinanggap na rin niya ito. Mainit ang palad ng lalaki. Init na nanulay sa tila nanlamig niyang mga palad. Iba ang dampi ng balat nito sa kanya. Parang hindi na siya sanay na may balat ng lalaki na dumadampi sa balat niya. Agad niyang binawi ang kamay niya at hindi na niya ito muli pang tinapunan ng tingin.
Kahit pa halata ang lolo niya sa kasayahang nadarama nito ngayon dahil sa nakasalo siya nito sa isang pananghalian ay hindi iyon masyadong napagtuunan ngbpansin ng dalaga dahil ang hindi maalis sa isip niya ay ang sinabi ng lalaki sa lolo niya at kung paano siya nito ikinuwento rito. Isang babaeng mukhang walang pinag-aralan at siga! Nagpupuyos ang kalooban niya. Hindi siya magagalitin pero bakit nasasagad na yata ang galit niya nang sandaling iyon?
Matapos ang pananghalian na iyon ay agad din namang nagpaalam ang lalaki. Si Cleo naman ay minabuti ng magpaalam na rin sa lolo niya. Kailangan niyang kausapin ang lalaki. Nangako na lang ulit siya sa lolo niya na muli itong dadalawin upang hindi na ito tumutol pa. Nagdahilan na lang siya na may importante pa siyang aasikasuhin na naunawaan naman nito.
Sa garahe niya ito naabutan.
"Calyx Lee!" walang pakundangan niyang tawag rito, sanhi upang lumingon ito sa kanya.
"Huwag kang mag-alala hindi mo na kailangan pang problemahin ang nangyaring aksidente kanina. Wala ka ng dapat pang bayaran, hindi ako magdedemanda tungkol sa naging damage ng kotse ko," wika ng lalaki.
"Natural, wala akong babayaran dahil paninindigan kong hindi namin iyon kasalanan. Babaeng mukhang walang pinag-aralan at siga pala! Wala kang karapatan na ilarawan ako sa ganyang mga salita, alalahanin mo isa akong Brillante," minabuti niyang ipagyabang sa lalaki kung anong pamilya ang pinagmulan niya, bagay na ngayon lang niya ginawa sa buong buhay niya.
Napangisi ang lalaki, bagay na lalong nagdulot ng matinding inis kay Cleo.
"I'll pick you at 8:00 pm, be ready!"
Sa halip na patulan siya ng lalaki ay iyon ang narinig niyang sinabi nito sa kaniya. Naguluhan siya sa sinabi nito.
"Umuwi ka mula sa bookstore nang maaga at siguraduhin mong nasa condo unit mo na ikaw ng ganoong oras!"
Tama ba ang naririnig niya, isang estrangherong lalaki ang nag-uutos at nagdedesisyon para sa kanya. Hindi na siya nakapagsalita pa dahil agad na itong sumakay ng kotse at iniwan siya.
Nais sana niyang bumalik sa loob ng mansyon at itanong sa lolo niya ang tungkol kay Calyx ngunit naisip niyang baka magkaroon pa ng dahilan ang lolo niya para pigilan siya at huwag na munang paalisin ng mansion. Parang kilalang kilala na siya ng lalaki kung makapagsalita ito sa kanya ng ganoon. Ang totoo ngayon nga lang niya ito nakaharap at nakausap at hindi pa maganda ang simula ng kanilang pagkakakilala. Wala naman siguro siyang amnesia para makalimutan niya ang lalaki kung sakaling matagal na niya itong kilala.
Minabuti niyang iwaksi na lang sa isip niya ang tungkol rito dahil tila sumasakit lang ang ulo niya sa pag-iisip. Muli siyang nagpahatid kay Mang Celdo sa bookstore.
LAMPAS alas otso ng gabi nang makauwi siya kinagabihan sa condo unit nila ng Mama niya. Pagpasok niya roon ay isang pamilyar na kaha ng lalaki ang nakita niya. Nakatalikod ito at nananatiling nakamasid lang sa malaking larawan niya na nakasabit sa dingding. Noon lumabas ang Mama niya na may dalang juice.
"Oh, hija, bakit ngayon ka lang dumating? May usapan pala kayo ni Calyx na susunduin ka niya ng alas otso.Alam mo bang kinse minutos na ang nakakalipas?" baling ng mama niya sa kaniya nang mapansin siya nito.
Lumingon ang lalaki sa kaniya na tila hindi napansin ang kaniyang pagdating. Nakita niya ang bahagyang pagsalubong ng mga kilay nito, tanda na hindi ito natutuwa sa nangyari.
"Mama, kilala mo ang lalaking iyan?"
'Teka bakit tila siya lang ang hindi nakakakilala sa lalaki?' wika ng isip niya.
Kinuha ng lalaki ang tatlong paper bag na nakapatong sa mesa at iniabot sa kanya. Hindi naman niya binalak na abutin man lang ito. Ang mama niya ang kumuha noon matapos ilapag ang dalang juice sa mesa.
"Sige na, magbihis ka na, halika at tutulungan na kita," inakay ni Stella patungo sa silid ng dalaga ang anak matapos sandaling magpaalam sa lalaki.
Naguguluhan si Cleo na inalis ang pagkakahawak ng ina sa kamay niya nang dumating sa silid niya.
"Mama, ipaliwanag mo ang lahat sa akin, maraming nangyayari sa akin sa buong maghapon na hindi ko maunawaan."
"Isa kang Brillante at dadalo ka sa anniversary ng Brillante Group of Companies." Inilabas ni Stella mula sa paper bag ang isang eleganteng gown na naroon. Kasama ang isang set ng alahas at isang silver shoes.
"Pero hindi ako kakulangan doon, Mama. Ilang taon na bang nagdiriwang ng anniversary ang kompanya na hindi tayo pumupunta roon. Wala akong alam sa ari-arian ng pamilya. Hindi ko kilala ang mga tao roon at hindi ako komportableng makipagsosyalan sa mga taong puro estranghero at estranghera sa paningin ko."
Narinig niyang bumuntong hininga ang mama niya dahil sa sinabi niya.
"Nasaan ba ang mga pinsan ko at mukhang nasa akin ang atensyon ni Don Zandro Brillante? Saka, Mama, kahit ang mayabang na lalaking iyon ay hindi ko man lang kilala so bakit ako sasama sa kaniya?”
"Mayabang na lalaki?" nakakunot-noong tanong ng mama niya. Tila naguguluhan ito sa pagkakalarawan niya kay Calyx. Mabait at tahimik na bata si Calyx kaya paano siya naging mayabang sa iyo?
"Mama, hindi nyo siya kilala."
"Kilala ko, hija, anak siya ng lalaking nais ipakasal sa akin ng lolo mo. Mabait ang kanyang ama nagkataon lang na talagang ang papa mo ang minahal ko kaya sumuway ako sa kagustuhan ni Papa."
"Muntik ka ng mabiktima ng arranged marriage, Mama?" Hindi makapaniwalang si Cleo.
"Ang ama ni Calyx ay isang Chinese-Korean at ang kaiyang ina ay isang Filipina."
"Mama, wala akong interes sa lahing pinagmulan ng Calyx na iyan!"
"Sige na, anak, minsan na akong naging suwail sa pamilya huwag mo na sana pang ulitin pa. Ayoko ng bigyan pa ng sama ng loob si Papa," pakiusap ni Stella sa anak.
Iyon ang paraan para lumambot ang puso ni Cleo. Sa oras na makiusap na ang kanyang mama ay hindi na niya ito masuway pa. Ganoon niya ito iginagalang at minamahal. Kahit labag sa loob na dumalo sa anniversary ng kompanya ay minabuti niyang dumalo na rin doon. Isinuot na rin niya ang damit, sapatos at alahas na dala ng lalaki.