NAPABALIKWAS ng bangon ang dalaga mula sa pagkakahiga sa kaniyang kama dahil sa halos nagwawalang pagtunog ng alarm clock na nasa mesa na kinapapatungan ng lamp shade niya. Alas sais pa lang ng umaga. Tila gusto niyang magsisi kung bakit nai-set pa niya ang alarm clock. Ang totoo ay ilang oras pa lang siyang nakakatulog dahil sinumpong na naman siya ng kan’yang insomnia. Kung hindi lang may darating na deliver ng mga pocketbooks mula sa supplier niya sa bookstore na pag-aari niya ay hindi siya magse-set nang ganoon kaaga.
Hands-on siya sa pamamahala sa munting negosyo niya na iyon at proud siya sa kaniyang sarili na unti-unti na niya iyong napapalago. Malaki na rin ang naiipon niya sa banko at katunayan ay na-fully paid na rin niya ang unit na tinitirhan niya sa isang class na condominium na maiituturing niyang isang malaking achievement, nila ng kan’yang pinakamamahal na ina.
“Cleopatra Marzela!”
Lalo pang tuluyang nagising ang kan’yang diwa nang marinig ang pagtawag na iyon ng kaniyang mama sa buo niyang pangalan. Kahit hindi pa siya naghihilamos man lang at nagmumumog ay agad niyang tinungo ang pinto ng silid upang buksan iyon.
“Anak, akala ko maaga kang gigising para pumunta sa bookstore,” bungad agad ni Stella sa anak na humihikab pa.
“Ma, heto na ho nakabangon na ako. Gising na gising na ho ako lalo na nang tawagin n’yo ako sa buo kong pangalan,” tugon niya sa ina. Tinungo niya ang bathroom upang maghilamos at mag toothbrush.
“O, ano naman ang masama sa pangalan mo?” natatawang tanong ni Stella sa anak. Sumunod siya rito dahil hindi naman isinara ng dalaga ang bathroom.
“Cleopatra Marzela! Ang ganda-ganda ko, Mama, pero ang pangalan ko ang bantot-bantot,” parang batang nagmamaktol na wika ng dalaga bago tuluyang mag-toothbrush.
Natawa si Stella sa sinabi ng anak.
“Anak, huwag mong kakalimutan na ang mga pangalang iyan ang palatandaan na hindi basta basta ang kinabibilangan mong pamilya. Pangalan iyang ng dalawang reyna sa tahanan ng mga Brillante. Isa kang heredera!” Pagmamalaking wika ni Stella.
Totoo iyon, isa siyang heredera ng isang mayamang pamilya, bagaman at ang karangyaan at glamorosang buhay sa piling ng mga ito ay buong pusong tinalikuran ng kan’yang ina dahil sa pag ibig. Si Cleopatra Brillante ang ina ng kan’yang mama at si Marzela Brillante naman ang ina ng ama ng kaniyang mama. Dalawang babaeng kinilala sa kan’ya-kan’yang panahon.
Si Andrew Rios ang kaniyang ama, bata pa siya nang masawi ito sa isang aksidente. Minahal ito ng kan’yang mama sa kabila ng katayuan nito sa buhay. Isang hamak na magsasaka ang kanyang ama. Nakilala ito ng kaniyang mama nang minsan itong magbakasyon sa Quezon.
“Anak, siyanga pala, tumawag ang lolo mo. Muli na naman niyang tinatanong kung kailan mo raw pagbibigyan ang paanyaya niya na mag-dinner ka man lang sa mansion,” alanganing wika ni Stella.
Napatingin ang dalaga sa ina at bumuntonghininga. Batid niyang ilang beses na rin niyang iniignora ang kahilingan ng lolo niya hindi dahil sa ayaw niya itong makita kung hindi nagtataka siya sa biglaang pagkakaroon nito ng interes na makasama siya.
“Mama, bakit ba gustong-gusto ni Lolo na pumunta ako sa mansiyon? Marami naman siyang ibang apo hindi lang ako. Bakit ba lagi niya kayong kinukulit? Pito kaming mga apo niya bakit hindi na lang sila? Teka, Mama, close na ba ulit kayo ni Lolo? Mukhang madalas na ang pagme-message niya sa inyo. Pinababalik na rin ba niya kayo sa mansyon?” may kuryusidad na tanong ng dalaga sa ina habang nagbibihis.
“Naging pasaway man ako noon kay Papa at umalis sa poder nila hindi naman kami nagkaroon ng hidwaan. Ako ang lumayo sa kanila at kahit hindi nila iyon nagustuhan hindi naman nila ako itinakwil. Oo, mataas ang pride ko at ni minsan hindi ako humingi ng tulong sa kanila o tumanggap ng kahit ano na galing sa pamilya pero paminsan-minsan naman hindi ko lubusang pinutol ang komunikasyon ko sa kanila,” tugon ni Stella sa tanong ng anak. “Anak, ako na ang nakikiusap matanda na ang lolo mo kahit minsan lang huwag mo na siyang biguin.”
Tila naantig naman ang puso ng dalaga sa sinabi ng ina.
“Sige, Mama, pagbibigyan ko si Lolo, ako na lang ang tatawag sa kaniya. Mamayang hapon dadaan ako sa mansyon, pero ayaw mo ba akong samahan, Mama?”
“Anak, gusto ng lolo mo na magkasarilinan kayo. Hindi ka na bata at kaya mo na iyon na hindi ako kasama, saka baka magkaroon pa ng drama sa mansyon kapag napunta ako roon,” may tonong pagbibiro ang sinabing iyon ni Stella.
“Sige na nga, Mama,” nakangiting tugon niya sa ina. Nauunawaan na niya ang ibig sabihin ng kaniyang ina.
Matapos makapagbihis ay magkasabay ng nag-almusal ang mag-ina. Lumaki ang dalaga sa simpleng buhay kasama ang ina kaya kahit lumaki ito sa karangyaan ay hindi sila nagkaroon ng katulong hindi tulad sa mansyon na napakaraming tagasilbi. Matapos ang almusal na iyon ay nagpaalam na ang dalaga sa ina.
Nadat'nan niya sa parking lot na nakatayo sa tabi ng kotse niya ang on-call personal driver niya na si Mang Celdo. Ama ito ng nag-iisa niyang katiwala sa bookstore, secretary at higit sa lahat ay matalik niyang kaibigan mula pa noong high school siya, si Sussy.
Oo, may sarili siyang kotse pero hindi naman siya marunong magmaneho at hindi niya sinubukan man lang na matuto. Mas komportable siya na ipinagmamaneho ng iba.
PAGDATING niya sa bookstore ay nadat’nan na niya si Sussy. Alas siete na noon nang umaga.
“O, akala ko mamaya ka pa. Sabi mo ako na ang bahala sa delivery,” wika ni Sussy pagdating niya.
“Tutulungan na kita. Ayoko namang umagang-umaga ay marugado na agad ang katawan mo,” nakangiti niyang tugon sa kaibigan.
“Ito, kung makasabi ng rugado parang ako yung magpapasan ng kahon-kahong libro na darating. Teka, hindi ka ba nakatulog?”
“Hay naku, Sussy, sinumpong na naman ako ng insomnia ko. Four o’clock na ako nang makatulog tapos alas sais nang magising ako. Halata ba talaga ang eye bag ko?”
“Hm, medyo pero maganda ka pa rin naman. Alam mo, Cleo, mag-jowa ka kaya para gumanda ang tulog mo.”
“Hoy, Susana, ano’ng kinalaman ng pagkakaroon ng jowa sa pagkakaroon ko ng insomnia?”
“Cleopatra, meron po, kapag may jowa ka natural may kakaibang alaga kang matatamo,” may pilyong ngiti na napinta sa mga labi ni Sussy.
“Tigilan mo nga ako! Wala sa isip ko iyan, at hindi ko priority iyan.”
“Sa edad mong iyan hindi mo naiisip? Hindi mo talaga priority? Cleopatra Marzela, trenta y kwatro ka na, malapit na maexpired ang bahay bata mo.”
“Susana, ang sagwa ng bibig mo, ipangalandakan ba ang edad ko.”
Mahinang tawa lang ang itinugon ni Sussy.
“O, siya sige na, mabuti pa magpahinga ka na muna sa loob, maidlip ka roon. Ako na muna ang bahala sa delivery. Seryoso, kailangan mong makabawi ng tulog.”
Sumunod naman si Cleo sa sinabi ng kaibigan. Sa totoo lang ay talagang kailangan niyang madagdagan ang oras ng naging tulog niya kanina. Pumasok siya sa silid pahingahan nila ni Sussy sa loob ng bookstore. Iyon ay exclusive sa kanila lang dalawa ng kaibigan. Kumpleto rin ang silid na iyon. May kama, may sofa at may kainan. Minabuti niyang ipagkatiwala na lang kay Sussy ang pag-receive sa delivery. Nine o’clock pa naman pati ang bukas ng bookstore kaya ayos lang na matulog muna siya kahit kunting oras lalo at nakakaramdam pa rin siya ng antok.
Pasado alas onse na ng umaga nang magising si Cleo mula sa pagkakatulog na iyon. Agad siyang napabalikwas ng bangon nang makitang tanghali na. Nakabawi na rin siya sa puyat at ayos na rin ang pakiramdam niya. Para siyang na-full charge. Agad niyang inayos ang sarili. Palabas na siya ng silid nang biglang bumukas ang pinto at iluwa noon si Sussy, may dala itong boquet of pink roses. Alangan niyang kinuha iyon sa kaibigan at binasa kung kanino galing.
“Zandro Brillante, panay ang panunuyo sa’yo ng lolo mo,” wika ni Sussy.
“Iniimbita niya ako sa isang lunch,” wika ni Cleo.
“O, bakit hindi mo pagbigyan?”
“Pagbibigyan ko naman talaga, sabi niya kasi kay Mama dinner, tapos ngayon lunch na.”
“E, baka miss na miss ka na talaga ng lolo mo, dalawang buwan na rin iyang nanunuyo sa iyo.”
“Mula pagkabata ko ngayon lang niya ninais na makasama ako. Kilala ko siya sigurado ako may hidden agenda ang lolo ko,” duda talaga si Cleo sa ikinikilos ng lolo niya nitong nakaraang dalawang buwan.
“Grabe ka mag-isip, advance! Sige na puntahan mo na ang lolo mo. Ako na ang bahala dito, kaya ko na itong mag-isa. Na-receive ko na rin kanina ang delivery.”
“Thank you, Sussy,” minabuti ni Cleo na pagbigyan na ang hiling ng lolo niya.