Chapter 2: Crazy In Love.
Written By: CDLiNKPh
“ANG KAPAL din naman pala ng mukha ng Jeremy na ‘yan, ano? Ang akala ko pa naman, mabuting lalaki siya, ipinagkatiwala ka pa namin sa kanya, pagkatapos lolokohin ka lang pala!” galit na galit si Ate Lyrica nang marinig niya ang kwento ko tungkol sa nangyaring paghihiwalay namin ni Jeremy.
Sa aming magkapapatid ay siya ang pinakasanay sa lalaki. Siya ang nanloloko ng mga lalaki kaya mukhang iritang-irita siya na nagpaloko ako sa isang lalaki.
“Mabuti na iyang ganyan, Serenity! Mabuti nang nalaman mo habang maaga ang tunay na kulay ng lalaking ‘yan! Naku, kung magkakatuluyan kayo at patuloy ka lang niyang lolokohin e, lalo ka lang masasaktan!” komento naman ni Ate Melody na siyang pinakamahinhin sa aming magkakapatid.
Sa lahat ay siya ang halos almost perfect na. Masunuring anak, matalino at masinop sa bahay. Babaeng-babae ang dating at palaging nasasabihan na magiging mabuting may bahay kapag nag-asawa na.
“Dapat sa animal na ‘yan, pinapatay, e! Salot sa lipunan! Dapat putulan ng ****!” Censored ang sinabi ni Harmony.
Sa lahat naman ay siya ang boyish sa amin. s*****a siya at siga. NBSB siya pero mukhang malaki na kaagad ang hinanakit sa mga lalaki kahit wala pa namang experience.
Apat kaming magkakapatid na babae pero magkakasunod lang ang edad namin kaya magkakasundo rin kami.
Sabi ng iba ay malas daw kapag ultimong parang hagdan ang edad ng mga magkakapatid pero mukhang hindi naman nangyayari iyon sa amin.
Masagana naman kasi ang pamumuhay namin. Isang doktor at may-ari ng ospital ang daddy namin at dati namang sikat na singer ang mommy namin.
Under-de saya ang Daddy Greg sa Mommy Vanessa namin kaya naman sinunod nito ang babae na manggaling sa musika ang lahat ng pangalan naming magkakapatid. Serenity, Harmony, Lyrica at Melody. Pero kahit mayaman kami ay masaya pa rin naman ang pamilya namin. Hindi kami kaisa sa mga madalas mabanggit sa mga telenobela na mayaman nga pero broken family naman.
Kahit may edad na sina mama at papa ay malambing pa rin sila sa isa’t-isa. At sa aming magkakapatid na babae ay hindi kailan man nawala ang bonding. Malalim ang bond namin na halos lahat ng sikreto ng bawat isa ay alam namin. Wala kaming taguan. Lahat ay sinasabi namin.
“Huwag ka namang ganyan, Harmony! Mabait naman si Jeremy, e! Baka talagang na-in-love lang siya sa babae na ‘yun! Baka kapag nagsawa siya sa sawa na ‘yun ay bumalik din siya sa akin. Kailangan lang ng space at ng oras ni Jeremy! Ma-re-realize niya rin na para talaga kami sa isa’t-isa! Hindi man ngayon pero alam ko na darating ang araw na iyon—“ Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko pa sana dahil bigla na akong binatukan ni Ate Lyrica. Ang hustler sa mga lalaki na galit sa mga martir na babae.
“E, tanga-tanga ka rin pala, e! Kaya ka niloloko dahil ang tanga mo! Iniwan ka na nga at pinagpalit sa kung sino'ng babae, hahabulin mo pa rin!” gigil na sabi ni Ate Lyrica.
Doon na ako hindi nakapagpigil ng luha ko. Tumagos sa akin ang sinabi niya.
Oo nga, ang tanga ko nga. Iniwan na ako lahat ni Jeremy pero heto ako at umaasa pa rin na babalikan niya. Tuloy-tuloy lang na umagos ang mga luha sa mata ko. Ang sakit-sakit sa dibdib, parang may kumukurot sa puso ko habang bumabalik sa isipan ko iyong nahuli kong laplapan ni Jeremy at no’ng babaeng mukhang sawa.
“Pero ano'ng gagawin ko? Mahal na mahal ko talaga siya. Hindi ko kayang mawala siya. Pakiramdam ko, mamamatay ako…” Lalo lang lumakas ang atungal ko, lalo lang nairita si Ate Lyrica.
“Pigilan ninyo ako! Lalo kong masasaktan ang babaeng ‘yan!” Nanggigil lalo si Lyrica sa nginangawa ko. Pinigilan naman siya ni Melody at ako naman ay nagtago sa likod ni Harmony para hindi maabot ni Lyrica ang maganda kong buhok.
“Tama na nga ‘yan, Lyrica! Ang gawin na lang natin ay bigyan ng advice itong si Serenity kung ano ang gagawin niya para makalimutan ‘yung tukmol na Jeremy na ‘yun!” Nainis na rin si Melody sa bangayan namin.
Nanahimik naman si Lyrica. Kahit si Lyrica ang panganay ay nakikinig siya sa mas matalino at mas kalmadong si Melody.
Umupo na lang sa isang sulok si Lyrica na masama pa rin ang tingin sa akin.
Yumuko na lang din ako.
“Alam mo ang gawin mo? Ibaling mo ang sarili mo sa ibang bagay. Hindi iyong puro si Jeremy lang ang tumatakbo riyan sa isip mo!” sabi ni Melody.
“’Di ko na naman iniisip si Jeremy, e. Hindi na—“
“Hindi raw pero ano'ng ibig sabihin ng mga ito? Pagtatanggalin ko na, ah—“
“Huwaagg!” Pero huli na dahil bago pa ako makakilos ay tinanggal na isa-isa ni Harmony ang mga pictures namin ni Jeremy na naka-display sa wall ng kwarto ko. “Sabi ng huwag, eh—“ Inagaw ko iyong picture ni Jeremy na hawak niya. Kinulumot niya kasi. Saka ko hinimihimas ang picture na iyon at kinausap na parang aso. Pero ang ginawa ni Melody ay inagaw niya lang ulit mula sa akin.
“Sabihin mo ng kontrabida kami sa buhay mo pero concern lang kami sa ‘yo. Hindi ka ma-ka-ka-get over sa lalaking ‘yan kung patuloy lang na nakabalandra ang pagmumukha niya rito sa kwarto mo. Tigilan mo na ito, Serenity. Just move on, okay? Dahil siya ay hindi ka na inaalala.” Napahinto ako sa sinabi ni Melody. Lalo lang akong nalungkot. Wala na nga kayang pakialam sa akin si Jeremy? Balewala na lang ba talaga para sa kanya lahat ng pinagsamahan namin?
“Alam mo ang dapat gawin mo? Maghanap ka ng bagong lalake. Kapag nabaling ang atensyon mo sa ibang lalaki, mawawala na sa isip mo ‘yang Jeremy na ‘yan. Tapos ang problema.” Nakangisi na si Lyrica. Tiningnan naman ito ng masama ni Melody.
“Lyrica, tigilan mo nga 'yan. Hindi matatama ng pagkakamali ang isa pang pagkakamali. Magiging unfair do’n sa guy kung sasagutin siya ni Serenity kahit hindi naman siya nito mahal,” sabi ni Melody.
“E, ‘di kung ayaw ni Serenity sa lalaki, mambabae na lang siya!” pagbibiro naman ng tomboyin na si Harmony. Natawa tuloy bigla si Lyrica, hanggang maya-maya ay nadamay na rin si Melody. Tawanan na ngayon ang tatlo na nakapag-panting naman sa tenga ko.
“Tama na nga! Wala rin namang naitutulong ang mga advice ninyo, e! Problema ko ito kaya ako na lang ang bahalang lumutas! Magsilabas na kayo!” Napikon na rin ako.
Natahimik na lang ang tatlo. Saka na tumayo at iniwan ako sa kwarto. Alam ko naman na pinakikiramdaman lang nila ako at alam nila na kailangan ko lang talaga ng oras para maglubag ang dibdib ko.
Habang mag-isa ay muli kong tiningnan ang picture naming dalawa ni Jeremy sa camera ng cellphone ko. Sa picture na iyon ay punong-puno pa siya ng pagmamahal sa akin. Doon ay unti-unti na namang nagbalik sa akin ang mga masasayang pinagsamahan namin.
Iyong paulit-ulit niyang sinasabi sa akin noon na mahal na mahal daw niya ako at ako raw ang 'forever' niya. Pero nasaan na ang forever na iyon? Bigla na lang niyang tinapon lahat ng pinagsamahan namin ng dahil lang sa babaeng iyon na parang wala lang nangyari.
Hindi ko maintindihan kung ano'ng nagawa ko at iniwanan niya ako. Malambing naman ako, siya lang talaga ang nanlamig na sa akin. Maganda naman ako, nagpaganda talaga ako alang-ala sa kanya at binago ang sarili ko para lang magustuhan niya.
Hindi ako kasing talino katulad ni Ate Melody pero at least, hindi naman ako kasing bobo ni Lyrica.
Mabait din naman ako. Pero bakit?
Hindi kaya dahil bad breath ako?
Hiningahan ko ang kamay ko para mapunta sa ilong ko ang amoy ng bunganga ko. Hindi naman amoy imburnal. Pero bakeeettt?
Bakit, Jeremy? Bakit mo ako iniwan?
Iyon na lang ang naging tanong ko sa sarili ko. Madali lang para sa iba ang sabihin na kalimutan ko na lang si Jeremy. Madali lang para sa kanila ang sabihin na mag-move on na dapat ako dahil wala na namang katuturan pa ang pagiging martir at katangahan ko. Pero hindi naman kasi gano’n kadaling gawin iyon, e. Hindi naman kasi basta-basta mawawala lang ang feelings ng isang tao purket niloko ka lang nito. Isang taon ko ring naging boyfriend si Jeremy. Siguro nga para sa iba ay hindi pa iyon gano’n katagal pero para sa akin ay katumbas na ng ‘walang hanggan’ ang mga sandaling kasama ko siya.
Pangarap kong lalaki si Jeremy at mahal na mahal ko siya. Ang saya-saya ko noon no’ng naging boyfriend ko siya. Pakiramdam ko noon ay ang swerte-swerte ko dahil sa dami ng babaeng naghahabol sa kanya ay ako ang nagustuhan niya. Hindi naman lingid sa kaalaman ko na nangbababae na si Jeremy noon pa mang kami na. Hindi ko na lang sinasabi sa mga kapatid ko dahil alam ko na magagalit lang sila pero wala naman akong pakialam doon. Dahil alam ko na kahit ano'ng pangbababae ni Jeremy ay in the end, sa akin pa rin ang bagsak niya. Dahil ako pa rin naman ang palagi niyang binabalikan, e.
Ang akala ko, wala nang katapusan ang pangarap ko sa piling niya. Pero dumating sa buhay niya ang sawang babae na iyon na sobra kung makalingkis sa kanya. Iniwan niya ako para sa babaeng iyon. Ako na babaeng ginagawa ang lahat para sa kanya. Ako na babaeng nagtitiis ng mga pangba-babae niya. Iniwan pa rin niya ako sa kabila ng lahat.
Ang sakit-sakit…