Chapter 3: Bagong Kaklase.

1970 Words
Chapter 3: Bagong Kaklase. Written By: CDLiNKPh LUMIPAS ANG ISANG TAON… Sabi nila, ang sugat daw sa puso ng isang tao ay naghihilom din sa paglipas ng panahon. Pero bakit ang sa akin ay hindi? Hanggang ngayon ay baliw na baliw pa rin ako kay Jeremy. Alam kong wala na siyang pakialam sa akin. Masayang-masaya na siya kasama ng hitad niyang girlfriend at halos hindi na nga siguro niya ako kilala. Pero ako, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya makalimutan. Oras-oras, minu-minuto o segu-segundo yata ay tumatakbo siya sa sistema ng katawan ko. Hindi siya matanggal sa isip ko! Nababaliw na yata talaga ako. Masyado ko siyang mahal na hindi ko siya magawang makalimutan. Para akong loka-loka na patuloy pa ring kumakapit sa matamis na ala-ala ng kahapon. Para na nga rin akong stalker dahil sinusundan ko siya ng hindi niya alam, e. Palagi akong nakatanghod sa kanya sa malayo. Palagi pa rin akong pumupunta sa bar at pinapanood siya roong kumakanta sa tuwing may gig siya. Nagseselos pa rin ako kapag may mga babaeng nagsisitilian habang nasa stage siya at alam ko na wala na akong karapatan pero hindi ko pa rin mapigilan. Bakit ba ang hirap-hirap mag-move on? Bakit si Jeremy ay ganoon na lang kadaling nawala ang pagmamahal sa akin? Pero ang pagmamahal ko sa kanya— Kahit isang taon na ang lumipas ay naroon pa rin. Malalim pa rin sa dibdib ko at dama pa rin ng puso ko. “Alam mo, ikaw na lang ang nagpapahirap sa sarili mo, Serenity. Hindi na ako magtataka kung bakit gigil na gigil ang Ate Lyrica mo sa ‘yo. Stalker ka na ni Jeremy. Bawat galaw na lang yata niya ay napapansin mo. Pagkatapos itong ininuman niyang coke in can na iniwan niya rito, kinuha mo pa. Aba, matuto ka namang makaramdam ng kilabot sa sarili mo.” Hindi na nakatiis ang bestfriend kong si Steve. Simula pa noong tumuntong kami ng college ay bestfriend ko na siya. Gwapo naman siya at alam kong may gusto siya sa akin. Noon pa man ay nilinaw ko na sa kanyang hanggang pagkakaibigan lang talaga ang kaya kong ibigay sa kanya. Pumayag naman siya at wala rin naman siyang magagawa dahil ayaw din niya na mawala ako sa kanya. Hindi ko rin naman kayang mawalan ng kaibigan sa school kaya hanggang ngayon ay hinahayaan ko lang siyang dumikit sa akin kahit alam kong may lihim siyang pagnanasa. Kadalasan ay tahimik lang si Steve sa mga kagagahang pinag-ga-ga-gawa ko para kay Jeremy. Palagi siyang nakasuporta kahit noong naging boyfriend ko na si Jeremy. Pero ngayon ay napapansin ko na parang unti-unti ay naiinis na rin siya sa ginagawa ko. Hindi ko naman siya masisisi dahil isang taon na rin simula no'ng mag-break kami ni Jeremy pero heto ako at basang-basa pa rin sa ulan este baliw na baliw pa rin sa kanya. “Pabayaan mo na lang ako, Steve. Alam mo namang dito lang ako nagiging masaya, e,” nakangusong sabi ko habang hinihimas-himas sa pamamagitan ng mukha ko ang coke in can na iniwan ni Jeremy doon sa cafeteria. “Ewan ko sa ‘yo. Sa ginagawa mo, malabong magkaroon ka pa ng boyfriend kung puro Jeremy na lang ang tumatakbo riyan sa isip mo!” Napikon na rin yata si Steve kaya tumayo siya sa kinauupuan namin at nilayasan na ako. “Wait! Sandali naman, Steve! May regla ka ba ngayon? Bakit ang sungit mo?” pagtawag ko sa kanya pero parang hangin lang ang kinausap ko. Hindi naman kasi niya ako pinansin. Humabol ako sa kanya. Napansin ko naman na nagsitinginan ang mga babaeng malanding dinaanan ni Steve. Popular din kasi sa school si Steve kaya hindi ko nga maintindihan kung bakit niya ako niligawan dati. Nagbalik tuloy sa isipan ko ang pagkakakilala namin noon. Pauwi na ako galing sa Sacred Heart Academy noon. Palabas na ako ng gate para puntahan ang driver namin nang mapansin ko ang isang gwapong-gwapo at kumikinang na lalaki sa gate. Kumikinang siya dahil para siyang isang prinsepe na sakay ng isang puting kabayo dahil sa kagwapuhan. Malinis siyang tingnan, matangkad, seryoso, at napakatalino. Leader nga siya ng student council at alam ko na may kaya rin ang pamilya nila. Kaya hindi ko maintindihan noon kung bakit no’ng mga oras na iyon ay nag-iisa siya. Alam ko naman kasi na maraming babaeng naghahabol sa kanya at marami ring lalaki ang gustong maging kaibigan siya. Alam ko dahil sikat siya. Nang makita niya ako ay bigla siyang umayos sa pagkakatayo niya. Nakita ko kasi siya na nakasandal sa pader ng gate ng school. Para ngang napansin ko na bumakas pa ang kaba sa mukha niya nang makita ako. “P-Pwede ba tayong mag-usap?” Bigla niyang tanong nang makalapit ako sa gate. Luminga ako sa paligid. “Ako ba ang kinakausap mo?” Hindi makapaniwalang tanong ko. Pero wala namang ibang tao roon na nasa likuran ko kaya kung pwede lang, huwag akong tanga. “Serenity, matagal na tayong magkaklase pero kahit kailan ay hindi man lang kita nalapitan. Noong first year highschool pa lang tayo ay napapansin na kita. Hindi ko magawang lapitan ka dahil nahihiya ako sa ‘yo. Kapag lumalapit ka na, palagi na akong nawawala sa sarili. Inuunahan ako ng kaba ko, hindi ako mapakali, at malakas ang t***k ng puso ko. Pero ngayong napapansin ko na panay ang kwento mo sa mga kaklase natin kung gaano mong kagusto si Jeremy ay nakakaramdam na ako ng takot. Alam ko na hindi magtatagal ay magugustuhan ka rin niya lalo pa ngayon na binabago mo na ang sarili mo para lang sa kanya. Kaya bago pa man mangyari iyon ay uunahan ko na siya. Mahal kita, Serenity!” Parang bombang sumabog sa pandinig ko ang sinabi ni Steve. Iyon ang unang beses na may nagtapat sa aking lalaki. Paulit-ulit ko pang kinurot ang sarili ko para magising kung nananaginip lang ba ako. Isa sa pinakasikat na lalaki ay nagtapat ng pag-ibig sa isang chakang babaeng katulad ko? Totoo nga ba ang himala? “Ahh—“ “Gusto mo rin ba ako? Ayos lang kung hindi pa. I will do anything for you, Serenity. I love you.” Naging desperado ang boses ni Steve. Na-overwhelm ako sa narinig ko. NBSB ako at matagal ko na ring pinangarap na magka-syota at sa tagal ko sa Sacred Heart Academy ay wala man lang kahit isang lalaking nanligaw sa akin. Hindi naman kasi ako kasing ganda ni Ate Lyrica na ligawin ng mga lalaki, e. Kaya medyo shocking na may nag-confess din sa akin sa awa ng Diyos. Pero masyado nga yata akong baliw kay Jeremy. Siya iyong bad boy type. Marami na akong narinig na bad rumors about him but I don’t care. Sabi ng iba, si Jeremy daw ang tipo ng lalaki na hindi kayang mag-seryoso ng isang babae. Mahilig lang daw itong magpaasa pero wala akong pakialam. Kung magugustuhan ako ni Jeremy ay gagawin ko ang lahat para lang mapanatiling gusto niya ako. Babaguhin ko ang iniisip ng ibang taong masama tungkol sa kanya. Gagawin ko ang lahat para mapasaakin lang siya. “Hindi ka ba talaga nagkakamali? Sa akin ka talaga nagtatapat?” makulit pa ring tanong ko. “Hindi pa ako baliw para kausapin ang sarili ko, Serenity.” Napakamot ako sa ulo ko. Grabe, nagtatapat pero nagawa pa akong barahin. “Pero bakit? I mean— panget ako, e. Maraming mas maganda kaysa sa akin.” “Kailangan ba talaga na palaging panlabas lang ng anyo ang maging basehan para lang magustuhan ka ng isang tao? Ibahin mo ako, Serenity. Hindi ako katulad ng Jeremy mo na masyadong mahilig sa maganda. Hindi ka nga yata magugustuhan no’n ng ganyan kang kapanget.” “Ouch. Ang sakit mo namang magsalita. At may gusto ka pa sa akin sa lagay na ‘yan, ah?” pamimilosopo ko. Natawa tuloy siya. Sobrang tawa na namumuo na ang luha sa gilid ng mata niya. Nahawa rin tuloy ako sa kanya kahit hindi ko naman maintindihan kung ano ang nakakatawa sa sinabi ko. Pinag-ti-tripan lang yata talaga ako ng gwapong bakulaw na ito. “’Yan. Iyan mismo ang dahilan kung bakit gusto kita, Serenity. I love you and I really mean it. I will never leave your side kahit ano pa man ang maging sagot mo sa akin. Hindi mo na ako ma-i-a-alis sa buhay mo kahit na kailan,” magaan ang ngiti ni Steve. Nakakabulag. Nagniningning na naman siya. “Ano ka, bull dog? Magiging sunud-sunuran sa akin, gano’n?” “Yeah. I’m willing to be a dog just for you, Serenity.” “Wow, ha. Parang speech ng mga hero sa pocketbook.” "Ha-ha-ha! You really amazed me, Serenity. I will surely make you love me. Choose me—you will never regret it. Ako ang piliin mo, hindi si Jeremy. Sisiguraduhin ko sa’yo na magiging masaya ka." IYON ang naaalala kong sinabi ni Steve noon. Pero hindi ko siya sinunod. Mas pinairal ko pa rin ang puso ko imbes na ang sinisigaw ng utak ko. Alam ng utak ko na hindi hamak na mas matino si Steve kung ikukumpara kay Jeremy. Parehas lang naman silang gwapo, mayaman at habulin ng chicks pero mas panalo pa rin sa puso ko si Jeremy. Sa huli ay ang puso ko pa rin ang sinunod ko. Hindi bale nang ako na lang ang magbigay ng magbigay sa kanya kaysa naman ako nga ang binibigyan ng pagmamahal pero hindi naman ako masaya. Kay Jeremy ako masaya kaya mas pinili ko ang taong nagpapasaya sa akin. Pero wala, e. Sa huli ay iniwan din ako ng kaligayahan ko... Parang kahapon lang ay natupad ang matagal ko nang pinapangarap pero ngayon ay bigla na lamang iyong naglaho na parang bula… Nagpapasalamat na lang ako dahil naging magkaibigan pa rin kami ni Steve kahit na binasted ko siya dati. Kung minsan nga naiisip ko, hindi kaya kinarma ako dahil nag-take advantage ako sa pagmamahal niya sa akin? Na ginawa ko pa rin siyang kaibigan ko kahit alam ko naman at nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon na naroon pa rin ang lihim niyang pagnanasa? Na nasasaktan pa rin siya sa tuwing bukambibig ko si Jeremy kahit na siya ang kasama ko? Nasasaktan ako ngayon sa nangyari sa amin ni Jeremy. Iniisip ko pa nga na siya ang pinakawalang kwenta, pinaka-gago at pinaka-palikero na lalaki sa buong mundo pero sa kabila ng lahat ay mahal na mahal ko pa rin siya. Nasasaktan ako at iniinda ko pa rin pero ginagawa ko rin naman sa iba. Ginagawa ko rin na saktan si Steve kahit na hindi ko naman sinasadya. Nakakakunsensya naman. Galit yata si Steve dahil nagngingitngit sa selos. Bakit kasi ang ganda ko, e. Patay na patay siya sa ganda ko. Pero hindi ko naman mapigilang hindi banggitin si Jeremy. Iyon ang sigaw ngayon ng feelingera kong isip habang nakatingin na kay Steve na nasa unahan na ng hilera ng mga upuan sa klase habang ako naman ay nasa may bandang likuran. Pagpasok ko kanina sa classroom ay inisnaban niya lang ako. Sa totoo lang ay parang siya pa ang mas babae sa aming dalawa. Ang lakas magmaganda. Bigla nang pumasok ang teacher naming si Ms. Rowena. Nagsipasukan na ang mga estudyanteng pakalat-kalat kanina sa labas. Unang araw pa lang ng klase sa bagong semester ngayong araw ay late na kaagad si Ms. Rowena. Ano ba naman ‘yan. Nanlaki bigla ang mga mata ko nang makita kung sino ang isa sa mga estudyanteng pumasok kasabay ng iba pang mga bagong estudyante. Iyong babaeng kalaplapan ng love of my life na si Jeremy! Iyong babaeng mang-aagaw, kabit, mahadera, hindot, ahas at mukhang manananggal na nakalingkis noon kay Jeremy! Ang nemesis ko! Si Trixie! Kaklase ko siya?! Hindi maaari ito!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD