Maayos na nag-park si Eury sa malawak na parking area ng Dungeon Heights at umibis silang dalawa. Napansin ni Ava ang saglit na paghinto ng mga nakakasalubong nila sa pagdaan ni Eury lalo na ang mga janitor na naglilinis sa pasilyo. Panay rin ang bati ng mga ito sa kanila.
"Apple of the eye ka pala rito, ah. Like a boss?" biro niya kay Eury. Napangiwi naman ito sa sinabi niya.
"Kinda, pero si Kuya pa rin ang may-ari nitong-uh, nevermind." Nagtuloy-tuloy ito sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa elevator. Na-curious siya sa sinabi ni Eury at gusto pa sana niya iyong usisain pero sa tingin niya ay wala rin naman itong balak pang sabihin. Pagdating nila sa 11th floor, huminto si Eury sa tapat ng isang pinto at may pinindot doon.
"Eurydice Llanzares Franco," ani Eury at inilapat ang right tumb sa sensor bago bumukas ang pinto.
"Welcome to Kuya Lian's condo unit!"
Inilibot niya ang paningin doon at hindi niya mapigilang mamangha sa ganda ng interior design ng buong silid.
"Sure ka bang hindi na siya umuuwi rito?" aniya at pinaglandas ang daliri sa kalapit na table. Wala siyang nakitang alikabok.
"Oo. May naglilinis lang talaga dito kaya naaalagaan pa rin. Saan mo gustong mag-room?" tanong nito sa kaniya. Nagtataka naman niya itong tiningnan. Dadalawa lang ang kwarto roon at kay Killian pa ang isa.
"Seryoso ka? Akala ko ba...ahm, share tayo?" nahihiya niyang sabi. Ngumiti lang si Eury sa sinabi niya.
"Kung 'yan ang gusto mo, pwede naman. Pero sabi kasi ni kuya, okay lang naman daw gamitin ang kwarto niya."
"I'm fine with your room, Eury. Thank you," aniya at ngumiti. Sumunod siya sa kaibigan pagpasok nito sa loob ng kwarto. Nagsimula na rin silang mag-ayos ng mga gamit dahil plano pa nilang mamili ng stocks na pagkain para sa isang linggo.
Patapos na sila sa pag-aayos ng mga gamit nang tumunog ang cellphone ni Ava.
"Hello?" Sinenyasan niya si Eury nang makilala kung sino ang tumawag at pinindot ang loud speaker.
"Wanna hang out, girls? Tonight at nine!" ani Riah mula sa kabilang linya. Kasabay rin nila itong magte-take ng exam.
Tumikwas naman ang kilay ni Eury sa narinig at tumingin sa kaniya na wari'y nag-aalangan kung sasama siya. Ngumiti siya rito at siya na rin ang sumagot kay Riah.
"Yeah. Pupunta kami ni Eury. Thanks, Ri!" aniya at nagkibit-balikat nang ibaba ang cellphone.
"Himala! You're really going? Am I not dreaming or-"
"Shut the pretty mouth of yours, Eury. Ngayon lang 'to. Alam kong 'di ka pupunta kung wala ako, so..." Napapangiti namang tumango si Eury.
"Fine, then. Let's get this done."
Nang matapos silang dalawa, hinarap naman nila ang pamimili ng groceries.
PASADO alas-diyes na nang makarating sina Ava sa sinasabing bar ni Riah. Bagong bukas lang daw kasi iyon at may mga celebrity ring nagagawi roon kaya iyon ang napili ng grupo para mag-hang out.
"Ri!" tawag niya sa kaibigan nang mahanap ito sa loob. Maya't maya naman ang paghila ni Ava sa paldang suot niya pababa dahil tumataas iyon tuwing naglalakad siya. Sa iksi niyon ay halos kalahati na lang ng hita niya ang natatakpan. Si Eury kasi ang nagpasuot niyon sa kaniya nang hindi siya makapag-decide kanina.
"Hi, Av! I can't believe you're here. Binyagan na natin 'to!" sigaw ni Riah sa mga kasama. Naghiyawan naman ang mga ito at pinalibutan siya.
"Let's give her a shot!" ani Fiat na nauna nang lumapit sa kaniya. Iiling-iling naman si Eury nang tingnan niya ito.
"Just enjoy the night. Kung malalasing ka, I'll make sure na makakauwi ka nang maayos," ani Eury at tinapik ang balikat niya. Alanganin naman siyang ngumiti bago tinanggap ang shot glass na ibinibigay ni Fiat.
Nilagok niya ang laman niyon at bahagyang napangiwi nang humagod sa lalamunan niya ang alak.
"More!" ani Riah.
Hindi na namalayan ni Ava na nakakarami na siya. Maging si Eury ay abala na rin sa pakikipagkuwentuhan kina Fiat ay mukhang marami na ring naiinom.
Tumayo siya at nagpaalam sa mga kasama na pupunta muna sa restroom. Namumungay na ang mga mata niya habang naglalakad kaya hindi niya mapigilan ang sariling kumapit sa mga nadadaanan niyang table. May mga naririnig pa siyang sipol sa dinaraanan niya pero hindi na lang niya pinagtuunan ng pansin ang mga iyon.
Napangiti siya nang matagpuan kung nasaan ang restroom. Pero dahil sa sobrang kalasingan, hindi na niya alam kung anong napasok niya. Basta't ang alam niya ay restroom iyon. Dire-diretso siya pagpasok at hindi niya napansin ang lalaking kasalubong.
"Damn it!" mahina niyang mura nang tumama ang noo niya sa matigas na dibdib ng kung sinumang nakabangga sa kaniya. Mabuti na lamang at naagapan nito ang baywang niya para hindi siya mabuwal.
"Hin-di k-ka ba m-arunong tumingin sa dinaraanan mo, h-ha?" inis na singhal niya rito. Bahagya niya itong itinulak para makita ang mukha nito.
Nanlamig ang buong katawan niya nang tuluyang mapagmasdan ang mukha ng kaharap. Tila nawala ang kalasingan niya nang mapagtanto kung sino iyon.
"What the hell are you doing here, Avryll?" mariing tanong ni Killian. Gulat naman siyang napatitig dito at kaagad nakaramdam ng matinding hiya.
"U-Uh, r-restroom lang," patay-malisya niyang sagot upang maitago ang kaba.
"Excuse me." Sinikap niyang maglakad nang maayos para di mapahiya sa harap ni Killian. Nagulat siya nang hawakan ng binata ang braso niya.
Nagtataka niya itong hinarap at lalo siyang namutla nang ma-realized kung saan siya papunta.
"You're drunk, woman," iritadong sabi ni Killian. Namula ang pisngi niya at pinilit na makabawi mula sa kahihiyan.
"S-Sorry. A-Ah, p-pasok lang ako sa loob," aniya at walang lingon-likod na pumasok sa restroom ng mga babae.
Nanginginig pa ang mga kamay ni Ava nang maghilamos siya. Bakit kasi gano'n na lang palagi ang kaba niya kapag nakikita si Killian?
Kinalma niya ang sarili at inayos ang suot na damit. Ganoon din ang palda niyang tumaas na naman hanggang sa kalahati ng hita niya. Sigurado siyang nakita iyon ni Killian kanina. Nang masigurong maayos na ang hitsura niya, nagpasya na rin siyang lumabas.
"Done?" Nagulat siya nang makita si Killian na nag-aabang sa labas. Akala niya ay umalis na ito. Maang siyang tumingala rito at hindi kaagad nakapagsalita.
"Where's Eurydice?" masungit nitong tanong. Sa halip na magsalita ay itinuro na lang niya ang pwesto ng mga kaibigan niya. Kaagad din niyang ibinaba ang kamay nang mapansin ang panginginig pa rin niyon.
Nauna na siyang maglakad habang nasa likuran naman niya ang nakapamulsang si Killian. Alam niyang iritado pa rin ito.
Gaya ng inaasahan niya, sermon ang inabot ni Eury sa kuya nito. Nagkaroon pa ng kaunting pagtatalo ang dalawa pero tumahimik na rin ang mga ito nang makapasok na sila sa loob ng kotse. Pareho silang nasa backseat kaya nagmukha pang driver si Killian.
"f**k. I'm so drunk!" ani Eury nang makababa ng kotse. Inalalayan niya ito pero nahihilo rin siya at kumikirot ang ulo.
"Bullshit! I don't want this to happen again, Eurydice," galit na sabi ni Killian at inalalayan silang dalawa hanggang sa makasakay ng elevator.
Napangiwi si Ava pagkagising nang maramdaman ang sakit ng ulo niya. Pinagmasdan niya ang katabing si Eury na mahimbing pa ang tulog. Sinapo niya ang ulo at itinukod ang siko sa tuhod.
"I don't want this to happen again, Eurydice."
Biglang natauhan si Ava nang maalala si Killian.
"Holy s**t! Siya ba talaga 'yong naghatid sa amin kagabi?" hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili. Bumaba siya ng kama at dumiretso sa banyo para maghilamos. Pinagmasdan niya ang sarili sa salamin habang nagsesepilyo. Hindi niya maiwasang mamula nang maalala ang kahihiyan niya kagabi. Saglit pa siyang napatitig sa salamin at pilit inalala kung ano pa ang nagawa niya.
Napailing siya nang mapansing hindi man lang siya nakapagpalit ng damit kagabi. Hinubad niya iyon at itinira ang panloob. Naghanap na lang siya ng over-sized shirt sa mga damit niya saka lumabas ng kwarto para magluto ng almusal nila ni Eury.
Muntik na siyang mapasigaw nang makita si Killian sa kusina. Hawak pa nito ang tasa nang mapansin siya. Napalunok siya nang pagmasdan nito ang hitsura niya mula ulo hanggang paa. Gusto na niyang tumakbo pabalik sa kwarto nang ma-realized kung ano ang suot niya.
"I'm sorry, I thought you-uhh excuse me!" aniya at nagmamadaling bumalik sa kwarto para magpalit ng damit.
"What the hell, Ava?" sermon niya sa sarili habang nagbibihis. Kung nandito lang ang kuya niya, malamang ay sermon din ang inabot niya.
"Good morning!" Napalingon siya kay Eury. Napangiwi siya nang bigla itong bumangon at tumakbo patungong banyo.
"Kukuha lang ako ng tubig!" aniya at nagmamadaling pumunta sa kusina. At least, may dahilan na talaga siya para pumunta ulit doon. Bagamat nagmamadali, napansin pa rin niya ang bahagyang pagtaas ng kilay ni Killian habang tiim-bagang na nagmamasid sa kaniya.
"Is she awake?"
"Y-Yeah. Nagsusuka siya, e."
"Give her warm water instead. And please tell her, we'll talk." Tumango siya at natatarantang kumuha ng maligamgam na tubig.
"Nandito ang kuya mo," aniya nang maiabot ang tubig kay Eury. Namilog naman ang mga mata nito.
"What? Oh, please, Av... That's not a good joke," ani Eury at umirap. Ngali-ngali niya itong batukan.
"Mukha ba akong nagbibiro? Sa tingin mo, paano tayo nakauwi kagabi?" Naweywang siya sa harap nito.
"Hinatid tayo nina Fiat?" alanganin nitong sagot.
"See? You're not even sure kung sino ang naghatid sa 'tin, so, I'm telling you... it's Lian! Magbihis ka na at kakausapin ka raw. Umayos ka, girl!" sermon niya rito.
"Wew! Tapang-tapangan, Ava? Kumusta naman tuhod mo 'pag kaharap ang fafa?" Gusto niyang matawa sa inner thought niyang iyon.
Kunwari'y abala ni Ava sa paghahanda ng breakfast habang kinakausap ni Killian si Eury. Palihim siyang napapangiti kapag sumasagot si Eury na parang batang takot mapagalitan ng ama.
"Stop smiling like an idiot. Ikaw ang pumayag na sumama tayo kina Ri," bulong ni Eury nang matapos mag-usap ang dalawa.
"Pumayag man ako o hindi, sasama ka pa rin di ba? Baka pilitin mo pa ako," nakangising sagot niya. Pinandilatan lang naman siya nito.
"I have some business matters here in Manila. If it's okay with you two, I'm gonna stay here for a couple of weeks," mayamaya'y sabi ni Killian. Natigilan naman si Ava sa pagsasandok ng kanin. Nang lumingon siya sa binata ay nakatitig na ito sa kaniya. Wari'y naghihintay ng isasagot niya.
"A-Ahm, o-okay lang naman sa 'kin. Sa 'yo naman itong unit, so..." sagot niya at patay-malisyang dumaan sa harap ni Killian para ilapag ang bandehado ng kanina.
"Let's eat! Sabay ka na rin, kuya. Okay na ba 'yong isusuot mo sa meeting mamaya? Pwede naman ako magplantsa no'n," presinta ni Eury.
"I can help, too," segunda naman niya. Pakunswelo man lang sana sa pagpapatira nito sa kaniya roon.
Kaagad namang nangunot ang noo ni Killian at parang di nagustuhan ang sinabi nilang dalawa.
"I can do it, myself," masungit nitong sabi bago nagsimulang maglagay ng pagkain sa plato. Tumahimik na rin naman silang dalawa at nagsimula na ring kumain. Paminsan-minsan ay sumusulyap si Ava kay Killian ngunit agad din siyang nagbababa ng tingin kapag nakikitang nakatitig din ito sa kaniya.
Habang kumakain ay laman pa rin ng isip niya ang sinabi ni Killian na mananatili ito roon sa loob ng dalawang linggo. Iniisip niya kung paano papawiin ang awkwardness nilang dalawa sa loob ng 14 days.
KINABUKASAN ay naging busy na rin sina Ava. Nakapag-inquire na sila sa review school na papasukan nila at balak na ring mag-enroll para 'di maubusan ng slot.
"I don't have these books yet, Eury. Maybe we can visit NB para makabili nito. We still have time, though. Ano, tara?" aya niya sa dalaga. Mag-a-alas-tres pa lang naman ng hapon kaya siguradong bukas pa iyon.
"Sure. Pero samahan mo rin ako mag-shopping mamaya," nakangiting sabi ni Eury.
"What? Akala ko ba nagtitipid tayo?"
"Well, I do exceptions, honey. Don't worry, nakapag-save na ako. So, let's go?" Nagkibit-balikat na lang siya sa sinabi ng kaibigan.
Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang mag-stay si Killian sa condo unit nito pero ni minsan ay hindi man lang ito nakausap ni Ava. Gaya nga ng sinabi nito ay business matters ang dahilan kung bakit ito nandoon. Bakit nga ba siya mag-e-expect na kakausapin pa siya nito?