Monica’s Point of View
“JOHN!” tawag ko sa kanya nang saktong makita ko siya papalabas ng kanyang boarding house na tinutuluyan.
Nagtataka siyang napalingon sa akin. Pagkatapos ay napangiti siya nang makita niya ako.
“Nandito ka? Ano’ng meron?” ito ang bungad na tanong ni John sa akin nang makalapit ako sa kanya.
“Saan ka pupunta pala?”
“Bibili ng ulam. Bakit ba?”
“Sakto! ’Wag ka ng bumili, may niluto kami ni Chepai na Adobong Baboy. Dinalhan na lang kita at baka kasi hindi ka pa kumakain.”
“Wow! Ang sweet naman!” Hinipo pa niya ang noo ko upang pakiramdaman kung may sinat ba ako. “May sakit ka ba? Ba’t ang sweet mo ngayon?”
“Wala lang. Masama bang dalhan kita ng pagkain? Ito naman! Para ’di ka na nasanay sa akin,” pagtataray kong sabi kay John at saka ko naman ibinigay sa kanya ’yong tupperware na naglalaman ng kanin at ulam. Inabot naman niya ito pagkatapos.
“Hindi ko kasi ini-expect na dadalhan mo ako ng pagkain dito. Eh, nakipagsosyo na rin ako sa room mate ko na sasali ako sa grupo nila pagdating sa pagkain.”
“Oh, eh, ’di ito muna ang kainin mo. Sayang naman kung hindi mo kakainin, ’di ba? Para mo na ring sinayang ang effort ko sa pagpunta rito para dalhan ka lang ng pagkain.”
“OA mo. Sige na. Kakainin ko ito… para sa iyo,” pa-sweet pa niyang tugon sa akin na ikinanguso ko. Ikinangiti ko iyon pagkatapos.
Maya-maya, bigla na lang bumalot sa pagitan naming dalawa ang katahimikan. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa aming dalawa ni John kasi bigla na lang kaming naubusan ng topic na pag-uusapan.
Hindi sinasadyang nagkatinginan kaming dalawa. Medyo matagal iyon. Nakaramdam tuloy ako ng pagkasaliwa sa kanya, at wala pa rin akong ideya kung bakit gano’n ang nangyayari sa akin.
Mabilis ko tuloy iniwas ang tingin ko kay John. Nahihiya akong napatingin sa baba upang iwasan ang tingin niya. Kasunod niyon ang pagtingin ko sa ibang direksyon para mawala na ’tong nararamdaman kong pagkailang sa kaharap ko.
“Ahm, alis na ako. Bye!” paalam ko pa sa kanya at saka ako dahan-dahan na tumalikod kay John. Hindi ko na hinintay pa ang sasabihin niya sa akin kasi gusto ko ng tumakas sa kinatatayuan ko.
Hindi pa ako nakakaisang hakbang ay naramdaman ko na lang bigla ang kamay niyang humawak sa kaliwa kong kamay.
Napalingon tuloy ako sa likuran kahit pa na sabi ng isip ko ay kailangan ko ng lumayo rito upang makatakas sa nararamdaman kong pagkailang kay John.
“B-Bakit?” bigla akong nautal sa sinabi ko.
“Saan ka pupunta?” tanong naman ni John sa akin.
“Uuwi na. Bakit ba?”
“Teka! ’Wag muna. Tulungan mo muna akong kainin ’tong dala mong pagkain.”
“Ha? Ano ka ba? ’Wag na ’no. Sa iyo naman iyan, eh.”
“Para kang others! Teka, halika rito.” Bigla akong hinila ni John papasok sa nakabukas na gate ng boarding house.
Dinala niya ako sa isang maliit na kubo roon. Pinaupo niya ako at nagpaalam sa akin na maghintay raw ako rito dahil may kukunin lang siya sa loob since hindi naman puwedeng pumasok ang mga babae sa boarding house niya.
Pagbalik niya ay may dala na siyang plato na naglalaman ng kanin. Nilagay niya ito sa isang lamesa na gawa sa kahoy at tinabihan niya ako sa upuan.
“Kumain ka rito. Samahan mo ako,” sabi pa sa akin ni John nang makaupo siya sa tabi ko.
Gustuhin ko mang tumutol, hindi ko iyon nagawa kasi pinipilit niya talaga akong manatili roon. Napakain na lang ako. ’Di bale, nagugutom na rin naman ako, eh.
Habang kumakain kaming dalawa, nagbukas ako ng topic para pag-usapan namin ni John. At para naman hindi maging boring ’yong hapunan namin.
“May ikukuwento nga pala ako sa ’yo. Tungkol sa nangyari sa akin sa palengke kanina,” pagbubukas ko ng pag-uusap.
“Ano ’yon?” sagot ni John habang nginunguya niya ang kinakain niya.
“Pero promise mo sa akin na hindi ka magagalit sa akin,” dagdag ko pa kasi kapag sinabi ko talaga kay John ang tungkol sa nangyari sa akin kanina sa palengke, ini-expect ko na magagalit siya. Napaka-overprotected kasi nitong mokong na ’to pagdating sa akin!
“Ano nga ’yon? Sabihin mo na. Makikinig ako. Hindi ako magagalit.”
Sige. Sasabihin ko na. “Nabiktima ako ng snatcher kanina sa palengke,” pag-amin ko. Hinintay ko ’yong magiging reaksyon niya pagkatapos.
At sabi ko nga, ini-expect ko talaga na magagalit siya. Iyon nga ang nangyari.
“ANO’NG SABI MO!?”
“OA mo ah! Nakakarindi ang boses mo! Puwede bang huwag kang sumigaw. Saka, ’di ba sinabi ko naman sa iyo na huwag kang magagalit sa sasabihin ko,” tugon ko habang ipinagpapatuloy ’yong pag-galaw ko sa pagkain.
Nakatingin si John sa akin habang nakasalubong ang dalawang kilay niya dahil sa inis sa sinabi ko.
“Sino ang hindi magiging OA sa sinabi mo, eh, na-biktima ka ng snatcher. Paano kung nasaksak ka no’n? Paano kung may nangyaring masama sa ’yo!?”
“Relax lang! Eto naman. Wala namang nangyaring masama sa akin. Saka kasama ko naman si Chepai kanina. Hindi ako nag-iisa.”
“Hoy, Monica. Sa susunod, kung may lakad ka, magpapaalam ka sa akin,” saway niya habang nakaduro ang isa niyang hintuturo. Nagmumukha tuloy siyang nakakatandang kapatid kong lalaki na overprotected sa kanyang kapatid na babae—at ako ’yon.
“Bakit naman?”
“Natural! Ibinilin ka sa akin ng nanay at tatay mo. Kapag may nangyari sa iyo, kunsensya ko pa ang hahabol sa akin.”
“Okay po! Masusunod po, Kuya John!” pang-aasar ko sa kanya habang nakangiti ako. Natatawa ako sa hitsura niya kapag nanenermon. Nakaka-appreciate lang kasi sobrang overprotected talaga siya para sa kaligtasan ko.
Akala ko naman matutuwa siya sa pang-aasar ko. Hindi pala. Inirapan niya lang ako at tahimik siyang nagpatuloy sa pagnguya niya ng pagkain.
Katahimikan ang sumunod na bumalot sa aming dalawa, at saka siya nagsalita ng seryoso.
“’Tapos? Ano ang nangyari?” tanong ni John sa akin. Hindi man lang niya ako binalingan. Patuloy pa rin siyang ngumunguya roon.
Bigla tuloy nag-flash back sa isipan ko ang lahat na nangyari kanina sa palengke. At hindi mawawala roon ang matangkad at chinitong lalaking humarang sa snatcher—si Kent.
Napangiti tuloy ako ng hindi sinasadya. ’Di ko alam na tinitingnan na pala ako ni John. Bigla niya akong siniko at nawala sa isipan ko ang mukha ni Kent.
“Aray! Bakit ba?” masungit kong tanong kay John.
“Bingi ka? Sabi ko ano ang sunod na nangyari sa iyo kanina?”
Napanguso ako at inirapan siya. “Ayokong sabihin. Baka magalit ka na naman.”
Walang salitang lumabas sa bibig niya. Seryosong napatingin lang si John sa akin at parang nagbabadya sa inis ang kanyang mata ng mga oras na iyon.
“Joke lang! Ikaw talaga, kahit kelan, sobrang mainitin ’yang ulo mo. Pinaglihi ka ba sa takure?”
“Nagtatanong ako ng maayos, sagutin mo ng maayos,” kalma pa niyang sagot pero alam kong naiinis na ang kumag na ’yan. Pinipilit lang niyang maging kalma para sa akin.
Napabuntong-hininga ako’t hindi na nagpaligoy-ligoy pa. Sinabi ko na kay John ang sunod na nangyari.
“May lalaking humarang sa snatcher. Naharang niya kaya nakuha ko ’yong bag,” pagkukuwento ko at saka ulit lumitaw sa isipan ko ang mukha ng lalaking chinito na ’yon. Muli tuloy akong napangiti ng hindi sinasadya at napansin iyon ni John.
“Ba’t ka nakangiti riyan? Ikaw na nga ’tong nabiktima, nagagawa mo pang ngumiti,” sabat niya sa akin at napangiwi akong binalingan siya.
“Wala. Naalala ko lang ’yong lalaking tumulong sa akin kanina.”
Nang sabihin ko ’yon, may napansin ako bigla sa ikinilos ni John. ’Di ako sigurado sa nakita ko sa kanya. Para siyang natahimik sa tabi ko at nawalan ng gana na makipag-usap sa akin.
“Ano’ng meron sa lalaking ’yon?” tanong naman niya na parang may halong pagka-insecure ang tono ng boses niya nang sabihin iyon.
“Alam mo na, guwapo, matangkad, maputi, saka chinito ’yong lalaking tumulong sa akin. Sana sa SJU rin siya mag-aral para makita ko siya’t mapasalamatan ulit sa ginawa niya kanina. Dahil kung hindi sa kanya, baka nag-iiyak na ako ngayon dahil sa pag-aalala.”
Narinig kong sumagitsit si John sa tabi ko kaya napatingin muli ako sa kanya.
“Baka sabihin mo mas gwapo pa ko ro’n,” mahina niyang sabi habang hinay-hinay niyang ginagalaw ’yong pagkain niya.
“Nagseselos ka ba?” tanong ko.
Ngumuso siya at hindi siya makatingin ng maayos sa akin.
“Ba’t naman ako magseselos? Kung ano ang ginawa ng lalaking iyon sa iyo para matulungan ka sa snatcher kanina, kaya ko rin ’yon. Kaya kung puwede, kung aalis ka, magpaalam ka muna sa akin at sasamahan kita. Wala ng pero-pero. Maliwanag ba?” mala-boss na tugon niya sa akin. Natakot ako sa boses niya kaya napatango na lang ako ng ulo.
“Okay po,” sagot ko na medyo may pagkairita. Napatingin ulit si John sa akin na nang-iinit ang dalawang mata dahil sa inis. Napangiwi lang naman ako.
“Pero mas gwapo siya sa ’yo, ’no?” bulong ko sa sarili ko.
“Ha?”
“Wala,” sagot ko na lang at saka ako nagpatuloy sa pagkain.
Sheila’s Point of View
“YES, Sheila. I’m in.”
Hindi ko mapigilan ang mapangiti nang basahin ko ang text message ni Kent sa akin.
Niyaya ko kasi siyang magpractice ng Taekwondo mamayang alas singko ng hapon. Maga-alas onse pa lang ng umaga, nasa isang coffee shop ako rito sa mall kasama ang mga kaibigan ko na sina Ivy, Hannah, ang berdeng dugo kong frenny na si Lassy, at ang huli ay si Geneva.
Mga college friends ko sila at parehas lang kami ng kursong kinuha sa SJU.
“Shei, iwas-iwasan mo ’yang pagngiti mo diyan. Baka masaktan ka sa huli,” pagbibiro pa sa akin ni Ivy nang makita niya ako masaya habang nakafocus ang tingin ko sa hawak kong cellphone.
Binalingan ko siya ng tingin at napangiwi. “At sino naman ’yang ka-text mo, bakla!?” sabat naman ni Lassy sa akin na katabi ko lang.
Sinubukan niyang tingnan ang cell phone ko pero kaagad ko iyon hinawi para hindi niya makita. “Secret,” nakangiti kong sagot kay Lassy.
“Hoy bruha! Ano’ng akala mo sa akin, aagawin ’yang boylet mo? Hindi ko aagawin ’yan dahil meron na ako,” pang-aasar pa ni Lassy sa akin na ang tinutukoy niyang boyfriend ay ang basketball varsity player ng SJU na si Vincent—isang 3rd year Computer Science student at maituturing na heart throb ng campus.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na napaibig ni Lassy si Vincent na isang straight guy. I don’t know what happened between them. Basta naging sila na lang dalawa before mag-end ang last semester. 1st year pa kami no’n, ah. Sa susunod na pasukan ay 2nd year na kami.
“But kidding aside, Shei, sino ba ’yang ka-text mo? At bakit ang saya yata ng araw mo ngayon?” tanong naman ni Hannah sabay inom ng kape na in-order nito sa coffee shop.
“Like, yeah, she’s got a point, dear. Hindi ka ganyan noon. Ngayon lang kita nakitang ngumiti. ’Wag mo ng patagalin pa. Just spill the tea,” maarteng sabat naman ni Geneva sa usapan.
Napailing na lang ako sa kanila at kumaway. “Wala ’to, ano ba kayo!? Hindi ba puwedeng maging masaya kapag may ka-text ako? Ang issue niyo rin minsan, ah.”
Hindi kasi nila alam ang tungkol kay Kent. Kasi no’ng 1st year pa kami ay hindi ko naiku-kuwento sa kanila ang kababatang nagpapasaya ng buhay ko.
Saka ’di rin kasi sila sa SJU nag-aral no’ng high school kaya wala talaga silang ideya kung sino si Kent. Ayokong sabihin sa kanila kasi baka putakan ako ng mga ito ng tanong.
Matapos kong magsalita, kaagad akong tumayo sa pagkakaupo ko upang makaalis na. Napatigil lang ako nang tawagin ako ni Lassy.
“Hoy, bakla! Saan ka pupunta? Hindi pa tayo tapos sa chika mo!”
“Mauuna na ako sa inyo kasi may gagawin pa ako sa bahay. Magluluto pa ako para sa Papa ko,” sagot ko pa pero pinigilan nila ako.
“Eto naman. The Good Daughter yarn!? Ngayon na nga lang tayo nagkita matapos ang isang buwang bakasyon. ’Tapos aalis ka na kaagad? Para kang others!” sigaw pa ni Ivy sa akin.
“Sorry naman mga, teh! Kailangan ko lang talaga umuwi, okay. May gagawin pa ako.”
“Hay naku, mga bakla! Hayaan niyo na lang ’yang si Sheila. Baka tayo pa ang sisihin niyan kapag ’di ’yan nagka-boyfriend,” pagbibiro na lang ni Lassy sa kadahilanang napatawa ako.
“Bahala nga kayo diyan!” natatawa kong sabi sa kanila at saka ako umalis doon sa coffee shop. Narinig ko na lang silang nagtatawanan nang iwan ko silang apat.
Mabilis akong lumabas ng mall dahil kinakailangan ko ng umuwi upang magpahinga.
May practice pa ako sa Taekwondo mamaya kasama si Kent at siyempre, hindi ko mapigilan na ma-excite kasi makakasama ko na naman siya.
Napabuntong-hininga tuloy ako habang nag-aabang ng bus na masasakyan. Kasi hindi ko mapigilan ang sarili ko na maging masaya sa tuwing maaalala ko siya.
Sa nakalipas na taon na hindi kami nagkita at nagkasama, ngayon lang yata siguro ako na-excite ng ganito kasi nga magkaka-bonding ulit kaming dalawa sa gusto naming hobby noon pa—ang Taekwondo.
At gagawin ko ang lahat para maging masaya ang pagpa-practice naming dalawa mamaya.
Bago ako makasakay ng bus, biglang may sumulpot sa aking isipan.
Nawala ang ngiti ko nang maisip ko iyon. Nabahiran iyon ng takot at pangamba.
Naisip ko kasi… na kung paano kaya ipagtapat ko na kay Kent na may gusto ako sa kanya ngayon?
Ano kaya ang mangyayari kapag nalaman niya ang totoo?