CHAPTER 2

2773 Words
“GUSTO mo ba’ng sumama ako?” tanong ni Jasvin, matapos niyang sabihin dito ang ‘tungkol sa gagawin niyang pagbisita sa islang ibinebenta sa kaniya ng kaibigan niyang si Tyler. Naupo na siya sa kama’t pinailalim na ang ibabang katawan sa kumot, bago sumagot dito, “Hindi na, Vin. Alam ko namang busy ka ngayon sa office, dahil sa dami ng projects na ginagawa niyo. Tatawagan na lang kita kapag na-settled na ang pagbili. Titignan ko lang ang state ng island; kung pupuwede ba talaga para sa bagong project ng company.” “If that’s the case, siguro, maganda kung magsama ka ng architect, para magawan na agad ng plano ang pag-gawa sa mga vacation houses. May isang architect ako na available at puwedeng sumama sa ‘yo bukas, if you want,” suggest nito, habang patuloy pa rin sa pagpapahid ng mga skin care cream products sa mukha nito. Tumango siya. “That’s a good idea. Maganda na rin nga na malaman na rin niya ang itsura ng island, para magawan na agad ng plano,” pagsang-ayon niya. “Okay, then, tatawagan ko na agad si Architect Ronald,” anito, at saka tumayo mula sa pagkakaupo sa harap ng vanity mirror para lumapit sa gawi niya, dahil nasa bedside table ang cellphone nito. “Okay. Thanks, Vin,” aniya, at saka ngumiti sa asawa. Ngumiti rin ito sa kaniya. “Ano ka ba? Kung hindi lang talaga ako busy, sasama rin ako para makita ko rin ang island na sinasabi mo.” Sumimangot ito. “Kaso marami akong paper works na inaasikaso.” Tipid na lamang siyang natawa’t hindi na sumagot pa, dahil kausap na ngayon ng kaniyang asawa ang architect na sinasabi nito. Kaya naman nahiga na siya’t naghanda na para sa pagtulog, dahil maaga pa ang alis nila bukas patungo sa isla. Kaya naman, nang sumapit na ang kinabukasan, maaga siyang nagising. At gaya ng nakasanayan, nauna pa rin ang asawa niya sa pag-gising, dahil nang tumayo siya ay sakto namang paglabas nito mula sa banyo na naka-bathrobe lang at halatang kagagaling lang sa pagligo. “Good morning, Win,” nakangiting bati nito sa kaniya, kasabay ng paglapit sa kaniya para bigyan siya ng morning kiss. “Morning. Sarap naman. Lasang toothpaste,” kapagkuwa’y ngising sambit niya rito, dahilan para mapairap ito. “Tumayo ka na riyan at mag-ayos. Siguradong papunta na si Architect Ronald dito, para sabay na kayong umalis,” utos nito habang naglalakad patungo sa vanity mirror nito. “Yes, Ma’am,” nakangising sagot niya naman, at saka na tumayo’t agad na dumeretso sa banyo para maligo. Nang matapos siya’y agad siyang napangiti nang makitang nakahanda na ang mga damit na susuotin niya sa kama, na malamang ay inihanda na ng kaniyang asawa para sa kaniya. Kaya naman mabilis na siyang kumilos at nagbihis, dahil paniguradong nasa dining na ngayon si Jasvin at ang anak niya’t naghihintay sa kaniya. Nang matapos silang kumain ng breakfast, sakto namang dating ng architect na sinasabi ni Jasvin, na halos kasabayan lang din ng kaibigan niyang si Tyler. “Mag-iingat kayo. Call me, okay?” saad sa kaniya ni Jasvin nang ihatid niya ito sa tapat ng kotse nito. Napagdesisyonan kasi nito na magdala na lamang ng sarili nitong sasakyan papasok sa trabaho, baka raw kasi gabihin siya sa pag-uwi at hindi niya ito masundo, ayaw pa naman nito ng nagpapasundo sa driver. “Of course,” nakangiting sagot niya, at saka ito nilapatan ng halik sa labi. “Mag-iingat ka rin,” kapagkuwa’y sambit niya. Ngumiti lamang ito, at saka na tuluyang binuksan ang pinto ng kotse nito. “I gotta go.” “Okay. Work hard,” huling sambit niya, dahil tuluyan na itong pumasok sa loob ng kotse’t in-start ito, at saka na tuluyang umalis. “Tara na, Darwin,” tawag sa kaniya ni Tyler, kaya naman agad na siyang lumapit sa mga ito’t tuluyan na rin silang umalis. Siya ang nagmamaneho, nasa tabi niya si Tyler, habang si Architect Ronald naman ay mag-isa sa backseat. Habang nasa biyahe sila ay pinag-uusapan na rin nila ang ‘tungkol sa isla, at sa mga vacation houses na planong ipatayo ng kumpanya roon. Nabanggit din ni Tyler na may mga nakatirang tao roon, kaya naman pinag-usapan din nila kung ano’ng gagawin sa mga ito, dahil hindi naman maganda kung paaalisin nila ang mga ito nang basta-basta at biglaan. Nang makarating sila sa isla, papalapit pa lamang ang malaking bangkang sinasakyan nila ay nakikita niya na ang mga taong nakaabang sa pagdating nila. At ang nakatutuwa pa ay ang maaliwalas na ngiti sa mga labi ng mga ito. “Tyler, mabuti’t nakarating kayo nang maayos. Kumusta ang biyahe?” salubong sa kanila ng isang matandang babae nang makababa na sila sa dalampasigan. Inilibot niya ang paningin sa paligid. Namangha siya dahil sa ganda ng lugar. Maputi ang mga buhangin, malinaw ang dagat, maraming mga beach trees, at napakalinis ng paligid. Halatang alagang-alaga ang lugar na ito. “Magandang araw, ‘Nay Delia. Maayos naman po ang naging biyahe namin. Kumusta ho kayo rito?” rinig niyang sagot ni Tyler sa matanda, kaya naman ibinalik niya ang paningin sa mga ito. “Nako, maayos naman kami rito,” nakangiting sagot nito, at saka tumingin sa kanilang dalawa ni Architect Ronald. “Sino naman itong mga guwapong binatang kasama mo?” nakangiting tanong nito habang nakatingin sa kanila, bago muling bumaling kay Tyler. “Sila ba ang bibili rito sa isla?” kapagkuwa’y muling tanong nito sa kaibigan niya. “Oo, ‘Nay.” Inakbayan siya ni Tyler. “Ito nga ho pala ang sinasabi kong kaibigan ko na bibili nitong isla. He’s Darwin Zobel.” “Hello po. Magandang araw po,” magalang na bati niya rito. Matamis itong ngumiti sa kaniya. “Magandang araw din, hijo. Napakaguwapo mong binata.” Napahimas siya sa batok. Napaka-honest talaga ng mga matatanda. Pinigilan niya ang sariling mapangisi. “Salamat po,” at sa halip ay pa-humble na sambit niya na lamang. “Ito naman ho si Architect Ronald,” pagpapakilala naman ni Tyler sa kasama nilang architect, dahilan para maalis na sa kaniya ang tingin ng matanda at malipat sa architect. “Sumama siya rito para makita ang structures at lagay ng isla. Siya ang magtatrabaho sa pagpaplano sa mga vacation house na gagawin dito.” Napatango-tango ang matanda. “Iyon pala ang plano niyo rito sa isla. Gagawin niyo ba itong resort?” tanong ng matanda, dahilan para magkatinginan silang dalawa ni Tyler. Ibinalik ng kaibigan ang tingin sa matanda, at saka ngumiti rito. “’Yan ang pag-uusapan natin, ‘Nay Delia. Pero huwag kayong mag-alala. Mabait ‘tong kaibigan ko.” Kapagkuwa’y kumindat sa matanda. Hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi ni Nanay Delia. “Oo naman. Tiwala naman kaming hindi mo hahayaang mapasama kami, hijo,” puno ng pagtitiwalang sambit ng matanda. Kaya naman napangiti na lamang din siya. *** “MAUPO muna kayo riyan. Ipahahanda ko kayo ng miryenda,” saad ni Nanay Delia, matapos nilang pumasok sa isang may kaliitang bahay na gawa sa kawayan. “Cazandra!” kapagkuwa’y tawag nito sa isang pangalan. “Cazandra! Bumaba ka riyan at may mga bisita tayo!” muling tawag nito sa pangalan. Kasunod n’on ay may narinig siyang kaluskos sa loob ng isa sa dalawang kuwarto na naroon. “Sandali lang po, ‘La!” kapagkuwa’y rinig niyang pasigaw na sagot ng isang boses ng babae. “Bilisan mo!” saad pa ng matanda, bago muling nakangiting bumaling sa kanila. “Maupo muna kayo,” kapagkuwa’y anito. Kaya naman agad na silang naupo sa upuang naroon na gawa rin sa kawayan. At sakto namang pagkaupo nila ay siyang labas naman ng isang dalaga mula sa loob ng kuwarto. Sa hindi niya maipaliwanag na kadahilanan ay tila’y natigilan siya nang dumapo ang paningin niya sa mukha nito; sa napakagandang mukha nito. At kasabay n’on ay ang bahagyang pag-awang ng kaniyang labi. Who is this woman? Kayumanggi ang kulay ng balat nito, pero napakaganda naman ng mukha nito na walang kahit isang kulurete. Napaka-natural ng ganda nito. Napaka-simple ng suot nitong damit: medyo maluwag na t-shirt, at medyo maikli na shorts, kaya naman litaw na litaw ang makinis at magandang korte ng mga binti at hita nito. At ang buhok naman nito ay medyo wavy na umaabot hanggang balikat. Hindi mapula ang mga labi nito, pero manipis at napakaganda ng korte; hindi pointed ang ilong pero matangos; bilugan ang marikit nitong mga mata na may makakapal na pilik mata; at sakto lang sa kapal ang kilay nitong maganda rin ang korte. She’s beautiful… “Magandang araw sa inyo.” Napakurap-kurap siya nang nakangiti sila nitong batiin. Pati boses nito ay ang ganda sa pandinig. She has a sweet loving voice. What the hell?! Ano ba’ng nangyayari sa kaniya? Natauhan lamang siya nang mahina siyang sikuhin ng kaibigan. “Hoy. Ba’t nakatulala ka riyan?” kapagkuwa’y bulong nito, dahilan para muli siyang mapakurap. “Wala. May naalala lang ako,” mabilis na pagdadahilan niya. Baka kung ano pa kasi ang isipin nito. May asawang tao pa naman siya. Napabuntonghininga na lamang siya. Sa tagal nilang nagsasama ni Jasvin, ngayon na lamang niya nagawang tumingin nang ganito sa ibang babae. This is not good… Ibinalik niya ang paningin kay Cazandra na magiliw pa ring nakangiti sa kanila. Napaayos siya ng upo nang tumama ang paningin nito sa kaniya, at saka rin siya matamis na nginitian. s**t! “Ito nga pala ang apo kong si Cazandra. May isa pa ‘kong apo na kapatid nito, kaso ay nasa eskuwela siya ngayon,” pakilala ni Nanay Delia sa babaeng apo nito. Cazandra… Pati pangalan nito ay napakagandang pakinggan; parang napakasarap bigkasin. “Hi, Miss Cazandra,” nakangiting bati ni Architect Ronald sa dalaga. Nahihiyang ngumiti naman si Cazandra dito. “Masyado ka naman pong pormal. Cazandra na lang po, Sir…?” “Siya si Architect Ronald,” si Tyler ang sumagot. “’Tapos ito naman si Darwin. Siya ang bumili sa isla,” kapagkuwa’y pakilala rin nito sa kaniya, dahilan para bumalik ang tingin sa kaniya ng nakangiti pa ring dalaga. “Ahh, ikaw po pala ang nakabili sa isla. Hindi mo naman po kami palalayasin dito, ‘di ba?” anito, dahilan para muli ay bahagyang umawang ang labi niya’t hindi siya agad nakasagot. Medyo nabigla kasi siya sa prangkang tanong nito. Agad naman itong hinampas ng lola nito sa braso, dahilan para mahina itong mapadaing. “Ano ka ba naman?!” kapagkuwa’y suway ng matanda rito, bago nahihiyang tumingin sa kaniya. “Nako, pasensiya ka na, Sir Darwin, dito sa apo ko. May pagkamatabil lang talaga ang dila nito eh,” pagkatapos ay hingi nito ng paumanhin sa kaniya. Nakita niya ang pagnguso ni Cazandra, dahilan para mabilis siyang mag-iwas ng tingin at ngumiti sa matanda. “Wala ho ‘yon. Mabuti pa siguro ay mapag-usapan na natin ang ‘tungkol sa mangyayari sa oras na tuluyan nang maibenta sa ‘kin ‘tong isla. Para ho maalis na ang mga pangamba niyo,” aniya, at saka mabilis na sumulyap kay Cazandra na nakatingin pa rin sa kaniya. Kaya naman mabilis niya ring inalis ang paningin niya rito. “Mabuti pa nga. Sige’t lalabas muna ‘ko para sabihan ang mga tao rito na magtungo sa may kubo, para doon tayo makapag-usap lahat,” anito, at saka muling bumaling sa apo nito. “Ipaghanda mo sila ng miryenda, Cazandra. Lalabas lang ako sandali.” “Okay po.” At saka na mabilis na sinunod ng dalaga ang utos ng lola nito, habang si Nanay Delia naman ay tuluyan na ngang lumabas ng bahay, dahilan para maiwan na silang tatlo rito sa sala. Muli na lamang siyang napabuntonghininga, habang ang paningin niya ay nasa direksiyon kung sa’n nagtungo si Cazandra. This is not good. Is he attracted to that woman? *** “IBIG sabihin ay magpapatayo kayo ng mga bahay bakasyunan dito sa isla? Ano nama’ng mangyayari sa ‘min n’on? Paaalisin niyo na kami rito?” kinakabahang tanong ng isang ginang, matapos nilang ipaliwanag sa mga ito ang plano nilang gawin dito sa isla. Ngumiti siya nang may assurance sa mga ito. “Don’t worry, dahil wala akong planong paalisin kayo rito,” kapagkuwa’y sagot niya, dahilan para agad na makahinga ng maluwag ang mga ito. “Napag-usapan na namin kanina ni Tyler ang gagawin. Sana maging ayos ito sa inyo…” kapagkuwa’y panimula niya sa pagpapaliwanag. Walang sumagot sa mga ito at nagpatuloy lamang sa pakikinig sa kaniya. Kaya nagpatuloy siya sa sinasabi, “Naisip namin na bigyan kayo ng space dito sa isla na mapagtatayuan niyo ng mga panibagong bahay. Don’t worry, dahil tutulungan ko kayo sa mga magiging gastusin sa materyales at sa gagawa. Basta lang ay ang magiging kapalit, ay ang pagpapatuloy niyo sa pagpapanatili ng kalinisan at pag-aalaga rito sa isla.” Tila’y nasiyahan naman ang mga ito sa sinabi niya, dahilan para mas mapangiti siya. Ayaw niyang magkaproblema sa mga ito. At isa pa, ang sabi ni Tyler ay matagal na ang mga ito rito, karamihan pa sa mga ito ay rito na ipinanganak at lumaki. Kaya naman gagawin niya ang lahat para lang sumang-ayon ang kumpanya rito sa ideya niya. “Naku, walang problema ‘yon, Sir Darwin. Buong buhay na naming inaalagaan ang islang ‘to. Kaya madali na lamang ‘yang kondisyon mo,” nakangiting sambit ng isa pang ginang, na mabilis namang sinang-ayunan ng lahat. Kaya naman tuluyan na ring na-settled ang lahat, at tuluyan na ring nasarado ang deal nilang dalawa ni Tyler. Pagkatapos nitong mapirmahan ang lahat ng mga papeles sa pagbili ng kumpanya rito sa isla pagbalik nila sa Hallony, babayaran ito agad, at masusulusyonan na ng kaibigan ang ‘tungkol sa mga utang nito. Kaya naman habang pabalik na sila sa Crimson Wood, na siyang lungsod ng Hallony kung sa’n sila naninirahan, hindi na mawala-wala ang ngiti sa mga labi ng kaibigan niya, at walang tigil ito sa pagpapasalamat sa kaniya. Kaya naman nangingiti at naiiling na lamang siya rito. Sana lang ay magbago na ito ngayon. Tigilan na sana nito ang pagsusugal, para maayos na nito ang buhay nito. “So, settled na ang deal? Tuloy na ang project niyo sa island na ‘yon?” tanong ni Jasvin na patagilid na nakaupo sa hita niya. Kasalukuyan silang narito sa living room ng kanilang bahay at umiinom ng wine. Gabi na at tulog na ang lahat ng tao rito sa bahay, maliban lang sa kanilang dalawa. Gusto niya kasi’ng mag-celebrate para sa successful na pagbili ng kumpanya sa isla, at para na rin sa darating na projects na pagkakaabalahan niya ngayong taon. Kaya naman heto sila’t sinasamahan siya ng kaniyang asawa. Ngumiti siya kay Jasvin. “Yes, tuloy na tuloy na. Nagkaroon na rin ng kasunduan sa mga taong nakatira do’n, kaya naman confident ako na wala nang magiging aberya pa,” kapagkuwa’y sagot niya, dahilan para mapangiti na rin si Jasvin. “Congratulations, my husband. Good luck. And, I’m so proud of you. Cheers?” Ibinunggo niya ang kaniyang wine glass sa hawak nitong wine glass. “Thank you, my wife. I’ll make sure that this project’s will gonna be successful. I’ll make you proud more,” full of confidence na sambit niya, at saka niya ito hinalikan sa labi, na mabilis naman nitong tinugunan. Gamit ang kaniyang kaliwang braso, hinapit niya ito sa baiwang, dahilan para mas magdikit ang kanilang mga katawan. Agad din namang pumaikot ang isang braso nito sa leeg niya, while answering his kisses with same ferocity. “Hmm… I love you…” paungol na sambit ni Jasvin sa gitna ng kanilang halikan. “I love you,” sagot naman niya, kasunod ng pagpaparte ng kanilang mga labi. Nakangiti silang natinginan, habang gahibla pa rin ang layo ng mukha nila sa isa’t isa. Tinitigan niya ang mukha ni Jasvin. Napakaganda talaga ng asawa ko. Napangiti na lamang siya dahil sa sinambit ng kaniyang isipan. Napakasuwerte talaga niya’t siya ang pinakasalan nito. Bukod sa maganda at sexy, mabait, maasikaso, at mapagmahal na ina’t asawa pa itong si Jasvin. Wala na talaga siyang maihihiling pang iba mula rito. Para sa kaniya ay nasa asawa niya na ang lahat. Pero unti-unting nabura ang ngiti sa labi niya nang isang imahe ng napakagandang babae ang bigla na lamang pumasok sa isipan niya. What the hell?! Bakit bigla niya na lamang naalala ang dalagang ‘yon? Talaga ba’ng attracted siya sa ganda nito? This is not good. Dapat siguro ay iwasan niya na ang babaeng ‘yon. Hindi niya gusto ang magkasala sa asawa niya. ©IvyLoud
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD