San ka ba maniniwala?
Sa pangyayaring kathang isip lamang o sa katotohanan?
Sa taong may track record ng pagiging suwail sa lipunan?
Ito ay ang aking kwento matapos ako mahuli ng mga baranggay tanod at police mobile sa huling pagkakataon. Marahil ay kabisado na nila ang aking pangalan dahil sa marami na akong naging kaso sa aming lugar.
Pero ngayong madaling araw... alas-tres ng madaling araw... natagpuan nila ako sa labas ng isang malaking bahay.
Ako si CJ Lacsamana. Isang batang kalye. Solvent boy. Walang kinabukasan. Salot sa lipunan. Gaya ng nabanggit ko ay marami na akong kaso sa baranggay; madalas kasi ako masangkot sa 'di pang karaniwang gawain ng kabataan na kasing edad ko.
Masunurin ang normal na bata; nag-aaral, may galang sa magulang, may takot sa Diyos. Samantala, kasalungat ako nang lahat ng iyan. Madalas akong wala sa bahay at isa akong out of school youth kasi hilig ko ang pagka-cutting classes.
Ilang beses na akong nahuli sa paglabag sa curfew hours at pakikipag-away sa lugar namin, pero mas kilala ako sa pag nanakaw at ang specialty ko ay ang pag aakyat-bahay. Mala-spiderman ako kung umakyat at kumapit sa pader maka-nakaw lang. May mga pagkakataong nakakakuha ako ng gamit sa kung kani-kaninong bahay. Binibenta ko ang lahat ng nakukuha kong gamit tulad ng cellphone at laptop, kung maswerte naman ay pera; lahat ng 'yan ay inilalaan ko sa pag pipiso-net hanggang madaling araw, pang-inum ng redhorse at pangbili ng solvent.
"CJ! CJ! CJ!" malakas na tawag sa akin ng kaibigan kong si Arjan, isa rin siyang nag-aakyat-bahay.
"Oh, boy! Balita?!"
"Nabalitaan mo na ba?" tanong niya.
"Hindi pa. Alam mo boy, bitin ka lagi mag bigay ng impormasyong tangina mo e no. Kita mo ba busy ako mag Facebook."
"Tangina boy, wala na tayong kasuntukan sa kabilang kanto. Alam mo bang nahuli na sila Tato at Sputnik ng baranggay?" balita niya.
Si Tato at Sputnik ay mga kaaway namin na taga-kabilang kanto. Madalas namin sila nakakasuntukan at madalas rin kakumpetensya namin sa pag-aakyat bahay.
"Oh? San sila?" tanong ko.
"Nabaranggay nga. Tangina na neto bingi amputa... Nasa Bahay Pag-Asa na daw" magalak na balita ni Arjan.
Ang Bahay Pag-Asa ay isang juvenile detention center sa lugar namin. Dito dinadala ang mga batang nagkakaroon ng asunto o legal case sa court. Pinagtataka ko pa rin kung bakit hindi pa ako napupunta dito. Balita ko may mangilan-ngilan na nakakatakas dito.
"Tangina kasi boy, tigilan mo na kaka-f*******: mo, di ka syo-syotain ni Monica. Ambaho kasi ng hininga mo gago!" sabi ni Arjan at saka tumawa ng malakas.
Lumabas kami sa pisonet at nag punta sa ilalim ng tulay para tumambay at suminghot ng solvent. Madalas na naming tambayan 'to dahil hindi na ito na sisilip ng mga baranggay.
"Di ka pa hanap sa inyo, boy?" tanong ni Arjan
Sino bang mag-hahanap sa akin? Wala na akong tatay dahil nakakulong siya sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga. Ang nanay ko naman ay busy sa ibang pamilya niya. Hindi ako nakisama doon, parang hindi ko na lugar ang bahay namin, parang hindi na tahanan ang pakiramdam, para akong nakakulong bawat araw na nandun ako dati. Mas okay na dito, mas malaya ako.
Suminghot muna ako nang malalim na malalim para madama ang solvent sa baga at utak ko, "Hindi na boy."
"Kung di ka na hinahanap, boy. May raket ako. Pero atin-atin lang muna to ha. Kingina mo, 'wag ka maingay!" sabi niya.
Inakbayan pa ako ni Arjan na para bang matinding sekreto ang sasabihin niya.
"May raket ako. Alam mo yung Arbortowne Vil? Sa may Gen. T?" sabi niya.
"Oo, bakit?"
Ang Arbortowne Vil ay isang pribadong village na maraming mayaman na nakatira. Marami na rin ang nagtangkang mag akyat-bahay dito pero madalas ay nahuhuli agad, marahil ay malalaki at matatanda na ang nag nanakaw. Pero sa liit, payat at liksi namin, mataas ang tsansa na hindi kami makita at mahuli.
"Oo nga, magaganda bahay don. Tangina, Jakpat tayo don ha" sabi ko.
"Kaya nga. Ano, g, tayo?"
"Sige. Mga anong oras?"
"Alas dose. Okay 'yon sayo?" tanong niya.
"Okay, sige mag kita tayo dito sa may tulay..."
Dumalaw ako sa amin para makita ang lagay ng nanay ko, para na rin makaligo ako at makapagpalit ng damit. Ilang araw na akong hindi umuuwi.
Nagulat ang nanay ko nang makita niya ako sa pintuan.
"Jusmiyo! CJ!" sigaw niya na nag paiyak sa hinehele niyang baby. "Bakit ngayon ka lang nag pakita? Bwisit kang animal ka. Saan ka na naman nag nanggaling?"
"Diyan lang, Ma" sagot ko sa kanya.
"Ilang araw, CJ? Halos isang linggo kang wala sa bahay. Katorse ka palang pero ganyan ka na" sabi niya. "CJ, ano ka ba, ano bang gusto mo? Hindi ka na nag-aaral. Palaboy ka na. Wala ka nang future. Ganyan nalang ba? Gusto mo bang matulad sa tatay mo?"
"Ano bang pakielam mo, Ma?" sabi ko sa kanya.
"Hinahanap ka na naman ng baranggay dito. Hinihanap daw yung mga madalas niyong kaaway sa kabilang kanto. Baka raw may alam ka?"
"Wala akong alam, Ma."
"Siguraduhin mo lang, CJ. Hindi ko na alam gagawin ko sa'yong bwisit ka. Tangina ka, sikat na sikat ka na dito sa lugar natin sa mga kagaguhan mo."
Naligo ako at nagpalit ng damit. Kaya ayoko sa bahay, hindi ko nararamdaman na malaya ako. Mas gugustuhin ko pang mag-nakaw dahil nakakagawa ako ng sarili kong diskarte.
"CJ, gumawa ka naman ng tama..." sabi ng nanay ko bago ako umalis.
Pag sapit ng gabi ay nag kita kami ni Arjan sa may tulay.
"Ano dala mo?" tanong ko sa kanya.
Pinakita niya ang maliit na bag sa bewang niya. Naglalaman ito ng ice pick, screw driver at gunting.
"Ikaw ano dala mo?" tanong niya sa akin.
"Cellphone ko pang flash light" sagot ko.
"Tangina mo talaga e no. Sige okay na yan. Tara na."
Naglakad na kami papunta sa Gen T. hanggang sa marating namin ang Arbortowne. Gumilid kami sa mga pader at umakyat dito para hindi kami makita ng mga guard. Tahimik na ang paligid at halos tulog na rin yata ang mga taong naninirahan dito.
Sinimulan namin maglakad nang dahan-dahan sa damuhan at hanggang maari ay iniiwasan namin ang mga poste ng ilaw, hanggang sa makarating na kami sa bahay sa dulong-dulo. Nakabukod ang bahay na ito kumpara sa ibang mga bahay; kulay berde ang gate nito, nakaharang ang gate sa may garahe. Ang tanging bukas na area na nakikita namin ay ang terrace. Agad kong tinuro ito kay Arjan.
"Doon, doon tayo" sabi ko sa kanya.
"Ready ka na?" tanong niya.
Handa na. Tumango ako sa kanya. May inabot siya sa aking plastic na may solvent. Suminghot ako ng malalim. Pampakalma ng utak.
Madalian lang ako nakaakyat sa terrace, sumunod sa akin si Arjan na sinenyasan kong tumahimik dahil kumaskas ang tsinelas niya sa papag. Wala nang bakas ng bukas na ilaw sa labas, kaya sa tingin namin ay madaliang trabaho ito.
Pinihit ko ang pintuan sa terrace para makapasok kami sa loob ng bahay.
"Tangina. Naka-lock" bulong ko kay Arjan.
"Kaya nga ako may dalang screw driver" sagot niyang pabulong.
Inabot niya sa akin ang screw driver, pinahawak ko sa kanya ang cellphone para siya ang mag ilaw sa akin. Tinutok ko ang ulo ng screw driver sa mismong susi-an at pinalo ko ito, lumagitik ang doorknob. Kinabahan kami pareho dahil medyo may kalakasan ang tunog nito.
Nakapasok kami sa loob. Inilawan ni Arjan ang paligid. Malawak ang 2nd floor ng bahay pero wala kaming gamit na maari namin makuha dito. May dalawang pintuan kaming nakita at agad ko itong tinuro sa kanya. Lumapit kami sa unang pintuan na malapit sa amin. Pinihit ko ang doorknob nang dahan-dahan at mabagal kaming pumasok pero lumangitngit pa rin 'to. Ito ang unang kwarto.
"Tangina mo, maririnig tayo" malakas na bulong ni Arjan.
"Gago, wag ka magulo. Akin na yung ilaw" sagot ko sa kanya.
Inilawan ko ang kwarto gamit ang flashlight ng cellphone. Isa itong kwarto na malawak; puno ng ng poster ng masasabi kong nakakatakot na palabas, may bookshelf, may LED TV, damitan, at cabinet sa tabi ng kama. May mga nakasabit rin na maskara sa pader ng kwartong ito, mga maskarang ginagamit lang pang halloween costume.
Nagtungo ako sa cabinet ng kama. Binuksan ko ito at doon ko nakita ang makapal na wallet at iPhone. Samantala si Arjan naman ay nagpunta sa damitan, nakita niya isang relo. Sa kama naman ay nandoon nakapatong ang isang laptop, kinuha ko ito.
Binulsa ko ang wallet at iPhone habang hawak hawak ko ang laptop. Binulsa rin ni Arjan ang relo.
"Jakpat" sabi ko sa kanya.
Nakangiti siyang sumagot sa akin, "Tara na, alis na tayo."
Lumabas kami ng kwarto. Sabay na kita namin na bumukas ang ilaw sa ibaba, kitang-kita namin ito mula sa hagdanan. Kinabahan kami pareho. Pinatay ko kaagad ang ilaw ng flashlight ng cellphone ko at agad kaming kumaripas ng tago.
Nagtago ako sa pangalawang kwarto at sinarado ko ang pintuan nito, habang si Arjan naman ay nag tago sa unang kwarto. Kumalakabog nang todo ang aking dibdib. Sa mga pag nanakaw ko ay hindi pa ako kinabahan nang ganito.
Paatras ako ng paatras hanggang sa masiksik ko ang aking sarili sa sulok ng kwarto hanggang sa nakarinig ako ng isang mahinang boses.
Sino 'yon? Pagtataka ko.
Binuksan ko ang screen ng cellphone para mailawan nang bahagya kung saan ko narinig ang boses.
Nakita ko ang isang lalakeng nakahiga sa kama, nakatali ang kanyang mga kamay sa bawat poste nito, nakapiring ang mga mata at nakabusal ang bibig. Bumilis lalo ang pag-t***k ng puso ko.
Lumapit ako sa kama at naaninag ko agad ang lalake. Si Tato, ang isa sa madalas namin makaaway ni Arjan sa kabilang kanto namin. Takot at ilap ang reaksyon ng kanyang katawan nang maramdaman niyang papalapit ako.
"Tato" bulong ko sa kanya. "'Wag kang maingay. Si CJ 'to."
Inalis ko ang kanyang piring at busal.
"CJ" basang basa siya ng pawis, bakas sa mga mata ni Tato ang takot, "Anong ginagawa mo dito?"
"Ikaw, anong ginagawa mo dito?" pabalik na tanong ko sa kanya.
"Tol, umalis ka na... hindi mo alam ang inakyat mong bahay" sabi niya at umiyak siya.
"Ha? Bakit?" tanong ko.
"Wala na si Sputnik... kina... kina"
Narinig ko ang kaluskos ng sahig, agad kong binalik ang piring at busal ni Tato. Nag tago ako sa ilalim ng kama kung nasan siya nakatali. Mabuti ay hindi ko naiwan ang laptop na dala ko kung saan mahahalata ako.
Palapit na nang palapit ang yabag ng mga paa. Pinagpapawisan ako. Bumibilis lalo ang pag t***k ng puso ko, lumalakas, at isa ito sa naririnig ko sa kalagitnaan ng katahimikan ng paligid, bukod sa yabag ng mga paa sa sahig.
"Sino yan?!" sigaw ng isang lalake, malalim ang kanyang boses. "Sino nandyan?!" sigaw niya ulit.
Pumasok siya sa kwarto kung na saan ako. Nanlalamig ang buong katawan ko, kabog ng kabog ang dibdib ko.
"Sinong nandyan?!" sigaw niya.
Lumapit siya sa kama at wala na akong kawala, naghahanda na ang katawan at isip ko na makita niya ako sa ilalim ng kama. Nakita ko ang piring at tali ni Tato na lumapag sa sahig.
"May kasama ka dito?!" pasigaw na tanong niya.
"Wala po. Wala po" takot na pag sabi ni Tato. Hinatak niya si Tato papalabas ng kwarto.
"'Wag po. Parang awa niyo na, pakawalan niyo na po ako!" iyak ni Tato. Ngayon ko lang narinig si Tato na ganito dahil isa siya sa pinakamatikas at maangas na lalake na nakilala ko.
Pagkalabas nila ay dahan-dahan akong umalis sa ilalim ng kama. Sumilip ako sa pintuan, hindi ko maaninag ang itsura ng lalake na humahatak kay Tato. Pababa niyang hinatak si Tato sa hagdanan.
Pinuntahan ko kaagad si Arjan sa unang kwarto. Nagulat siya sa akin.
"Tangina mo!" bulong niyang malakas.
"Arjan. Si Tato. Si Sputnik" sabi ko sa kanya.
"Ano?" tanong ni Arjan.
"Wala sila sa Bahay Pag-Asa. Nandito sila" sabi ko.
"Paano nangyari 'yon?"
"Hindi ko alam. Nakita ko si Tato. Nasa kabilang kwarto siya. Dun siya tinago. Pero dinala siya ng isang lalake sa baba" paliwanag ko.
"Tangina, tumakas na tayo..."
"Hindi. Kailangan nila tayo. Tulungan natin" pilit ko kay Arjan.
"Hindi natin alam kung ano ang meron dito, CJ. Umalis na tayo. Nakuha na natin ang pinakay natin" sagot niya sa akin.
"'Wag ka ngang duwag, Arjan" sabi ko. "Tara na. Tulungan natin sila."
Napilit ko rin si Arjan na bumaba.
Dahan-dahan kaming bumaba para hindi kami marinig ng lalake na kumuha kay Tato. Wala siya dito sa kusina pero may napansin kaming mga patak ng dugo sa sahig. Agad namin ito sinundan. Natapos ang mga bakas ng patak sa refrigerator.
Kumakabog ng malakas ang dibdib ko. Gusto ko ito buksan, kahit na pakiramdam ko ay hindi rin makakabuti sa akin na makita ko ito.
Binuksan ko ito, at nandoon sa freezer ang pugot na ulo ni Sputnik.
Hindi ko maipaliwanag ang takot na bumalot sa buong katawan ko nang makita ko ito. Agad akong lumingon kay Arjan, at maging siya ay natakot at natulala.
Ano itong pinasok namin?
Sa ibaba ng freezer, nandoon ang iba pang putol-putol na parte katawan ni Sputnik; kamay, braso, binti, tuhod, at paa. Walang nasabi si Arjan. Kahit ako ay natahimik. Hindi namin alam ang gagawin pero sa hindi mapaliwanag na dahilan ay hindi kami matakbo o makaalis. Para kaming nanigas, nagyeyelo, naging istatwa sa sindak.
"Ano nang gagawin natin?" pabulong na tanong ni Arjan.
"Tumakas ka na Arjan. Mag sabi ka na sa baranggay... Kailangan natin gawin ang tama" sabi ko.
Binigay sa akin ni Arjan ang icepick galing sa bag sa kanyang bewang at sabay umakyat papaalis.
Sinarado ko ang ref. Nakarinig ako bigla ng kaluskos. Pumunta ako doon.
Nakita ko ang lalake na nakaupo sa kainan, nagkalat ang dugo sa damit niyang puti na pang-itaas at puting pantalon. Kinakain niya sa lamesa ang nakahandusay na katawan ni Tato; nakabukas ang tiyan at labas ang bituka na mabuting nginunguya ng lalake.
Lumingon siya sa akin. Nanlilisik ang mga mata niya. Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Hindi ako makakilos at makaisip ng maayos, kumakabog ng mabilis ang t***k ng puso ko.
"Aayain sana kita kumain pero baka busog ka pa" sabi niya at ngumiti siya para ipakita ang ngipin niyang namumula sa dugo.
Agad-agad siyang tumayo at tumakbo papunta sa akin. Sinabayan ko ito ng pag takbo papaakyat sa hagdanan pero nahuli niya ang paa ko at hinahatak niya ako pababa.
"Saan ka pupunta?" nakangiting sabi niya.
Sinipa ko siya ng ilang beses hanggang sa makawala ako sa pagkakahawak niya ng paa ko. Agad akong nag tago sa unang kwarto.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hinahabol ko na ang sarili kong paghinga.
"Hindi kita nakikita pero alam kong nandyan ka!" sigaw ng lalake. Ilang beses niya pinihit ang doorknob pero nasarado ko ito.
Ilang sandali pa ay natigil ang patuloy na pag pihit niya sa doorknob. Naririnig ko ulit ang malakas na t***k ng puso ko. Tinignan ko ang cellphone ko at napansin kong malapit na mag-alas-tres ng madaling araw.
Sinubukan ko ilawan ang paligid gamit ang screen ng cellphone, tinignan ko ang kisame at napansin ko na may espasyo dito papunta sa kabilang pangalawang kwarto.
Baka nakapasok na siya dito sa kwarto, naisip ko.
Napalingon ako agad sa likuran ko, nakapasok na siya. Sinubukan niya akong habulin pero nakalabas ako ng kwarto.
Pag labas ko ay sumagpang siya sa akin. Napadapa ako sa sahig at agad siyang umibabaw sa akin. Binaliktad niya ako sa pwesto ko at hinarap niya ako sa pwesto niya. Aaninag ko ang mukha niya gawa ng liwanag ng cellphone na nalaglag sa tabi ng mukha ko.
Nakakatakot isipin na hindi totoo ang mga halimaw, at ang siyang halimaw na kinukwento natin para matakot tayo sa gabi, ay pwedeng maging ang mga sarili natin... isang normal na tao.
Hinawakan niyang mahigpit ang aking mga braso. Sinubukan kong kuhanin ang icepick na bigay ni Arjan sa bulsa ko pero hindi ko magawa dahil sa lakas niya.
Kakagatin niya ako. Kakainin niya ako ng buhay. Yan lang ang mga naiisip ko.
Ilang sandali pa ay bigla kaming nakarinig ng wang-wang ng police mobile. Agad siyang nagambala. Kinuha ko ang icepick sa bulsa ko at sinaksak ko ito sa kaliwang mata niya.
"AHHH!" sigaw niyang malakas.
Agad akong nakatayo, tumakbo at lumabas sa terrace. Tumalon ako sa terrace, lumipad para makalaya sa bahay na inakyat namin.
At doon ako nahuli ng baranggay at isang police mobile na nakaabang sa labas ng bahay.
Ilang buwan na rin ang lumipas nang mangyari ang lahat. Gumaling na rin ang baling binti ko gawa ng pagtalon ko mula sa terrace.
Wala na akong balita kung na saan man si Arjan. Pero sana nasa mabuting lagay siya. At sana, sana ay tinigil na niya ang gawain namin. At panuto na rin ang landas ng buhay niya.
At sa lalake? Hindi siya natagpuan. Hindi siya nakita ng mga pulis. Kaya sa katagalan ay hindi na nila pinaniwalaan ang kwento at testimonya ko. Bakit ba nila papaniwalaan ang isang bata na nakahit-hit ng solvent? Bakit ba nila papaniwalaan ang isang bata na may maling pag-uugali?
Ang lahat ng nangyari ay iginiit sa akin dahil natagpuan nila ang wallet at cellphone sa bulsa ko. Pati ang pag patay kay Tato at Sputnik. May dapat managot at sa mga taong kasama sa pangyayari ay ako lang ang naiwan.
Pero hindi ako kinulong sa kulungan dahil ako ay katorse palang. Dinala ako sa Bahay Pag-Asa para dito ako manirahan at mag simula muli. Pag sapit ko naman ng labing-walong taon ay ililipat ako sa Boy's Town.
Ilang buwan na pero hindi pa rin maalis sa isip ko ang trauma ng pangyayari. At kada gabi sa loob ng Bahay Pag-Asa, kada makakarinig ako ng kaluskos sa oras ng aking pagtulog, pinapanalangin ko na hindi ako nasundan nung lalakeng nakaputi