Nakatali ako sa isang upuan at nakapiring ang aking mga mata.
"Pakawalan niyo ko!" sigaw ko.
"Pakawalan niyo ako! Please" sumigaw ako nang mas malakas.
May mga naririnig akong mga tao na nag hihiyawan at palakpakan. Nag che-cheer.
"Sino 'yon?! Nasaan ako!"
Wala akong maalala. Wala.
Ilang beses kong sinubukang bumaklas sa mahigpit na pagkakatali sa kamay ko pero walang nangyayari; naramdaman ko lang ang sakit sa aking mga pulsuhan.
"Ano ba..." sabi ng boses lalake. "Kalma ka lang..." hiniwakan niya ang ulo ko at hinimas-himas ang aking buhok.
Tinanggal niya ang piring sa mga mata ko. Nakatayo siya sa harapan ko; isang matangkad na lalake, naka suot sa ulo niya ang paper bag na may cut-out sa bibig at mga mata, at nakangiti siyang titig sa akin, nanlilisik ang mga mata.
Nasa loob kami ng isang abandoned house. Makulimlim ang bawat ilaw na nakasindi, madumi, may marka ng sunog ang bawat pader, sira at puno ng alikabok ang mga gamit dito.
"Sino ka? Na saan ako?" tanong ko sa kanya.
"Masyado kang maraming tanong... tsk, tsk, tsk..." yumuko siya at nilapit niya ang mukha niya, "Ako ang mag tatanong at ikaw ang sasagot."
"Ikaw si James de Castro, hindi ba?" tanong niya
"Oo. Paano mo nalaman ang..." sumuntok siya sa tiyan ko bago ko pa natapos ang tanong ko. Sa sobrang lakas ng suntok niya ay halos hindi ako nakahinga.
"One point. THE INFAMOUS JAMES DE CASTRO!" sabi niya. "Tama ako."
"Ang iyong propesyon ay Pulis, hindi ba?"
"Oo" sagot ko at sinundan na naman ito ng isa pang suntok.
"Two points!!!" Sagot niya... ramdam sa boses niya ang galak sa kanyang ginawa.
"PO2 JAMES DE CASTRO! Haha. James. James. James. Alam mo ba kung sino ka?"
Paulit-ulit niya akong sinuntok sa mukha at sa tiyan hanggang sa maramdaman at malasahan ko ang sarili kong dugo.
Hindi ako makahinga.
Hinahabol ko ang bawat pag hinga ko
"Bakit... bakit mo ginagawa to?" Tanong ko sa kanya. "Please. Pakawalan niyo na ako."
"Bakit ba natin ginagawa ito, PO2? Parang bago sayo ang mga ganitong eksena. Gusto kong makuha ang bagay na kailangan ko sayo..." sagot niya.
"May pera ako... kahit magkano babayaran kita. Pakawalan mo lang ako please... hindi ako magrereport, hindi ako mag sasampa ng kaso."
"Alam kong may pambayad ka, PO2. Mataas ang sweldo mo. Nakaka-angat ka. Taun-taon tinataasan ng gobyernong ito ang sahod niyo para maging proteksyon namin, pero taliwas 'yon sa mga nangyayari... imbis proteksyunan niyo ang mga karaniwang tao tulad namin, nagiging isa kayo sa kinakatakutan namin... mga halimaw, mga hukom-hurado-at-berdugo, mga may kapangyarihan, mga alagad ng batas na hindi nasasakop ng batas."
"Kahit magkano. Sabihin mo lang. Please." Nagmamakaawa ako sa kanya. Nagmamakaawa ako sa sarili kong buhay dahil may pamilya ako. May asawa at anak ako.
"Pera. Ang daming mong mabibili sa pera; pwesto sa lipunan, kasikatan, tao, kalayaan... pero hindi kalayaan ng konsensya"
"SINO KA BA?! TANGINA, SINO KA!" sigaw ko.
"Ako?!" tumaas ang kanyang boses, "Ako ang katarungan! Ako ang paghihiganti! Ako ang katapusan ng kalaayan!" sagot niya.
Binugbog niya ulit ako hanggang sa wala na akong maramdamang sakit at ang tanging meron lang ako ay makita ang bawat pangyayari.
"Pero hindi importante kung sino ako. Ang importanteng tanong ay kung sino ka talaga, PO2. Hindi ba?..." dagdag niya.
"Sino ako?"
"Ano ang 'yong tunay na pagkatao..." tanong niya.
Hindi ko alam.
Wala akong maalala.
Wala akong rekoleksyon ng mga nangyari sa akin nitong mga nakaraang araw.
"Hindi ko alam! Wala akong alam!" sagot ko.
"Hindi pwedeng wala kang alam, PO2. Alam mo sa isang pulis na katulad mo nakakapagtaka na mabilis mo makalimutan ng isang pagkakamali" sabi niya. "Teka, para maalala mo..."
Tumingin siya sa malayo; sa aking likuran at sumenyas.
"Ipasok niyo na yan..." sabi niya.
Narinig ko ang dalawang babaeng nag iiyakan.
Hindi. Hindi maari.
May tinulak na upuan at pinuwesto sa harap ko. Si Jamie, ang anak ko. Si Amy, ang aking asawa.
"Hayop ka! Papatayin kita" sigaw ko sa lalake.
"Papa..." sabi Jamie, ang anak kong 15-years-old.
"James, ano ang nangyayari?" tanong sa akin ng asawa kong si Amy.
Pareho silang umiiyak sa takot. Marahil ay wala rin silang alam sa nangyayari. Hindi rin nila alam kung bakit kami kinidnap at dinala sa lugar na ito. Nakatali sila sa upuan tulad ko.
"Narito na ang asawa at anak mo" nakangiting sabi ng lalake.
"Para saan to?! Sumagot ka!" sigaw ko sa kanya.
May isang tray sa kanan ng lalake kung saan siya nakatayo; may iba't ibang uri ng plies, gunting, martilyo at kutsilyo. Kinuha niya ang plies. Dinampot niya ang isang plies, "Sabi nila, hindi raw epektibo ang torture sa pagkalap ng impormasyon...hindi raw reliable ang impormasyon na nakukuha dahil nakukumbinsi agad ang nag papahirap sa sinasabi ng pinapahirapan, either way, alam kong mag-eenjoy akong mahirapan ka."
Pinalo niya ito sa mukha ni Amy. "HAYOP KA! TANGINA MO!" sigaw ko. Agad dumugo ang gilid ng mata ng asawa ko.
Yumakap siya sa leeg ni Amy, "O baka naman may naalala ka na?" sabi niya. Dinakma niya ang baba at bibig ni Amy at binunot ang isa niyang ngipin. Sumigaw sa sakit Amy, umagos ang maraming dugo sa kanyang bibig at umiyak. Sumabay rin ng iyak sa takot ang anak ko.
"PAPATAYIN KITA!" sabi ko sa kanya, pinipilit kong pumiglas sa mga taling nakapulupot sa kamay ko pero wala akong magawa.
"I'm so sorry, Amy. Mahal ko... makakatakas tayo dito. Makakalabas tayo" sabi ko kay Amy.
"May naalala ka na? PO2?" tanong ng lalake.
"James, ano bang ginawa mo?" tanong ni Amy na halos pinipilit nalang mag salita.
"Hindi ko alam. Hindi ko alam, Amy" umiiyak na sagot ko sa kanya.
Kinuha ng lalake ang martilyo, pinalo niya 'to sa isang tuhod ni Amy nang malakas. Humiyaw siya sa sakit habang natawa ang lalake sa ginawa niya. Naihi ang asawa ko sa kanyang pants. Inulit ito ng lalake sa kabilang tuhod, mas malakas pa kumpara sa una. Hindi mailarawan ang itsura ni Amy sa nangyari.
Wala akong maalala. Kahit anong pilitin kong alalahanin. Hindi ko alam kung paano ako na punta dito. Tinititigan ko si Amy habang patuloy ang pag papahirap ng lalakeng naka-paper bag na maskara sa kanya. Ang hirap. Wala akong magawa.
Nakangiti siyang tumabi sa asawa ko, hinila niya ang buhok gamit ang ulo at hinarap sa akin, "Hindi ka ba naawa sa asawa mo?" Duguan ang bibig ni Amy at hindi maipinta ang mukha habang basa ang mga mata. Sinuntok niya si Amy, sinampal, binugbog, sinabunutan, pinalo ng martilyo sa tuhod.
"Ano bang gusto mong malaman? Sasabihin ko na, please, tigilan mo na ang asawa ko" pag mamakaawa ko sa kanya.
"Clarence. Mag umpisa tayo sa pangalang, Clarence o mas kilala bilang alias Claro" sabi niya.
Pamilyar ang pangalang Claro. Pero hindi ko siya kakilala.
"Ito, pangpa-'Claro' ng iyong isipan, PO2." Binunot niya ang kanyang baril at tinutok sa ulo ni Amy. Pinutok niya ito. At sa isang iglap, tumagos ang bala sa kanyang ulo. Sumigaw si Jamie sa nangyari.
"Hayop ka!" ang tanging nasigaw ko. "Amy... Amy... mahal ko."
"Hindi pa rin? Wala pa rin? O baka naman kailangang kong i-sunod ang anak mo?" tinutok niya ang baril sa noo ni Jamie.
"Bakit... bakit niyo ginagawa to..."
"Pag hihiganti... Katarungan... Dalawang salita na mag kaiba pero halos pareho ang resulta" sagot niya. "Wag ka mag-alala, kung ano man mangyari sa'yo at sa pamilya mo maraming matutuwang tao. Babayaran nila ako ng malaki, mapanood lang 'to."
"Hindi ko maintindihan..." sagot ko.
"Patapos na ang palabas..." nakangiti niyang sagot.
Pinutok niya ang baril ng ilang beses sa ulo ni Jamie. Napigtas ang tali sa mga kamay ko. Tinulak ko siya papalayo at tumalsik ang baril na hawak niya. Kinuha ko ito kaagad. Hindi ko na napigil ang sarili ko sa galit at mga iba pang emosyon na nararamdaman ko. Binaril ko siya ng ilang beses pero walang lumabas na bala.
Humagikgik ang lalake sa tawa habang nasa sahig siya. "SIGE IPUTOK MO!" sigaw niya.
"Tangina mo..." sagot ko sa kanya, pinalo ko sa ulo niya ang kanyang baril. Tinignan ko rin kung may bala pa ang magasin nito.
May bala pa. Nakakapagtakang hindi ito pumutok.
"Anong nangyayari?!" tanong ko sa kanya, sinuntok ko ulit siya pero hindi siya lumaban.
Humahagikgik siyang sinabi na "Tapos na ang palabas..."
Unti-unting nag laho ang lalake sa sahig. Nawala rin ang mga pader ng bahay. Nawala rin ang katawan ng asawa at anak ko. Nawala ang tray na may plies, gunting, at martilyo. Nawala rin ang mga upuan. Nakarinig ako ng malalakas na palakpakan at sigawan ng mga tao.
Unti-unting lumiwanag ang paligid. Unti-unti ko ring nakita ang mga tao na hanggang ngayon ay nag papakalpakan at nag sisigawan... standing ovation. Isang Virtual Reality simulation ang lahat. Hindi totoo. Hindi totoo dahil nasa isa loob ako ng sinehan, nakakulong sa kulungan na gawa sa salamin sa entablado.
"LADIES AND GENTLEMEN!" narinig ko sa isang malakas na microphone. "Your star of tonight's entertainment, POLICE OFFICER II JAMES DE CASTRO!"
"BOOOO!! BOOOO!!!" sigaw ng mga tao.
"Nagustuhan niyo ba ang palabas?" tanong niya sa madla. Nagpalakpakan silang muli at may iba pang nag-iiyakan sa galak.
"August 4, 2044. May batang nag ngangalang Clarence o mas kilala sa pangalang Claro" tumalikod ako at nakita ko sa malaking screen ng sinehan ang letrato ng binatang nakangiti.
Claro. Si Claro.
"Si Claro ay isang mabuting binata, masunurin sa magulang, mahal ng kanyang kapwa kamag-aral at mga kaibigan. Walang misconduct sa loob ng eskwelahan."
Naalala ko na ang lahat.
"Mataas rin ang kanyang grado at pangarap maging pulis katulad mo, PO2 James De Castro" dagdag niya.
Hindi. Ayokong maalala ang gabing iyon. Pinilit ko iyon kalimutan.
"Pero sa gabing iyon ay pinahirapan siya at pinatay" sabi ng host.
Nag flash sa screen ang iba't ibang letrato ni Claro nang matagpuan siya; nakahiga sa sahig, walang buhay, butas ang noo dahil sa bala ng baril, nawawalan ng isang ngipin, at namamaga ang mga tuhod.
"Dahil di umano ay pinagkamalan siyang p****r ng droga sa kanilang lugar" dagdag ng announcer.
"BOO!!!" sigaw ng mga tao.
"Ang rason ng pagpapatay? Nanlaban dahil isa siyang courier ng droga sa kanilang lugar!" sabi ng announcer
"BOO!!!" sigaw ng mga tao.
"Pero alam naman nating hindi siya nanlaban..."
"HINDI!" sigaw ng mga tao.
"Ilang taon na tayong nanonood sa iba't ibang katangahan ng mga opisyal, awtoridad at ahensya ng gobyerno. Pero hindi na tayo tanga para manahimik nalang" sabi ng host.
Napagkamalan lang si Claro. Wala siyang kinalaman sa lahat ng ito. Pinahirapan namin siya at naniwala kami. Walang awa namin siyang pinatay.
"Ngayon ay year 2045... at hindi pa rin namin nakakalimutan ang ganitong pangyayari. Salamat sa malaking advancement technology at mapaparanas namin sa'yo kahit kaunti ang naranasan ni Claro; takot, hirap at sakit" sabi ng host.
Humarap siya sa madla ng sinehan, "Tell your friends, your families. Para masaksihan niyo ang palabas na ito. We'll be running this show as long as kayanin ng utak ni PO2 JAMES..."
Humarap siya sa akin. "PO2 James de Castro, wala kang kalayaan dito."
Unti-unting dumilim ang paligid. "WAG!" sigaw ko. "Pakawalan niyo..."
Nakatali ako sa isang upuan at nakapiring ang aking mga mata.
"Pakawalan niyo ko!" sigaw ko.
"Pakawalan niyo ako! Please" sumigaw ako nang mas malakas.
May mga naririnig akong mga tao na nag hihiyawan at palakpakan. Nag che-cheer.