Kabanata 20: Sa mundo ng mga mortal

3382 Words
Sumikat na ang araw sa siyudad. Si Naeso ay nagising mula sa mga tunog na kaniyang nadinig. Mga tunog na bago at kakaiba sa kaniya, dahil doon kaya may ngiti s'yang bumangon at tinanaw ang bintana. "Nariyan na pala ang araw." sambit n'ya habang may mapungay pang mga mata. Naririnig na niya ang ingay ng mga sasakyan sa labas pati ang mga tao na kanilang kapitbahay na panay na ang tsismisan. "Magandang umaga sa'yo, aking pamangkin!" bati n'ya kay Axus na katabi sa kama, "handa ka na bang makita ang bago nating mundo?" nakangiti n'yang tanong sa sanggol. Si Axus naman ay ngumiti at tila nagalak rin kaya't sumipa nang sumipa habang nakataas pa ang mga kamay at titig lamang sa mga mata ng kaniyang tiyuhin. "Handa ka na nga! Kung gano'n, tayo na't kumilos!" bumangon na si Naeso at inayos muna ang kamang tinulugan nila, pagkatapos at kinalong n'ya si Axus at bumaba na sila ng hagdan. "Good morning, good morning!!" masayang salubong sa kanila ni Mildred na nagkakape pa. "Magandang umaga, Mildred!" nakangiting bati sa kanya ni Naeso, "magandang umaga, mundo ng mga tao!" sambit din naman nito nang makita ang araw sa may pintuan. "Oh, halika, kumain ka muna! Mag-almusal tayo!" aya ni Mildred at pinaupo sa lamesa ang binata. "Pinabili ko lang ng pandesal d'yan sa may panadirya si Lawag! Hintayin lang natin, paniguradong pabalik na 'yon!" "P-pandesal? Pana-dirya?" nauutal na sabi ni Naeso. At dumating na nga si Lawag, may dala itong malaking supot na naglalaman ng mga pandesal at mayroon ring mantikilyang kasama! "Oh ayan na pala, tara na, kumain na tayo!" aya ni Mildred at kinuha muna ang mga bitbit ng kaniyang anak. "Hello kuya Naeso, magandang umaga po!" nakangiting binati ni Lawag si Naeso at umupo sa tabi nito. "Magandang umaga rin sa'yo, Lawag! Natutuwa akong narito ka na!" Naeso "Hi baby! Magandang umaga sa'yo!" hinimas himas ni Lawag ang mga paa ni Axus at tinawanan naman s'ya nito. "Eto na ang almusal!!" masiglang dumalo sa hapag si Mildred na may dalang mga punswelo. Inabot n'ya kay Naeso ang isa na may timplang kape, isa naman kay Lawag na may lamang mainit na tsokolate. Umupo na s'ya at kanilang pinagsaluhan ang isang payak na agahan, na hinaluan pa nila ng iba't ibang kwentuhan. Si Lawag ay talagang namangha sa lahat ng mga kinuwento sa kan'ya ni Naeso; mga lumilipad na nilalang, mga karanasan n'ya sa digmaan at iba't iba pang mahihiwagang bagay na matatagpuan sa Majezenty. Pumasok tuloy sa ng isipan ng bata na "balang-araw, pupunta din ako d'yan!" Sa maikling sandali ay napalapit na kaagad ang loob ni Naeso ka sa mag-ina, sila na kaniyang nang bagong pamilya. Naging komportable agad ang kaniyang pakikitungo sa mga ito at kahit papaano'y nakakakasabay s'ya sa mga sinasabi ng dalawa. Matapos mag-agahan ay pinaghanda muna ni Mildred si Naeso dahil sa araw na ito ay dadalhin na niya ang binata sa kaniyang magiging trabaho! Bago mag alas-osto ay lumabas na sila ng bahay at sa daan palang sa looban ay muli na naman silang pinag-usapan— "Ay ang guwapo naman ng kasama nito ni Mildred oh!" "Sino ba 'yan? Mukhang galing pa yan sa ibang bansa ah?" mga bulong-bulungan. Natatawa nalang silang dinaanan nina Mildred dahil tila sila mga ibong pipit na hindi mapirmi ang mga bunganga, laging may nasasabi. Nagtungo sila sa bayan, sa loob ng palengke at dito muling namangha si Naeso dahil sa dami ng mga tao na kaniyang nakikita! Abala ang lahat at samu't-saring ingay ng bibig ang maririnig sa paligid, dito napaisip ang binata na kahit pala ang mga mortal ay mayroon ring ganitong uri ng kabuhayan. Sa Majezenty kasi ay may mga pamayanan din sa iilang mga bayan na kaniyang nabisita at ganito rin ang sitwasyon, maiingay na mga nilalang, mga iba't ibang uri ng paninda at kung ano-ano pang mga bagay. Nakarating sila sa parteng-gulayan, at sa isang pwesto doon ay pinatuloy sila ni Mildred. "Oh, Naeso?! Ito ang magiging kabuhayan mo — NATIN, dito sa mundo namin!" masayang sabi ni Mildred sa binata at pinakita na dito ang pwesto n'ya sa palengke! Ano pa nga ba, kundi tindahan ng mga gulay. "Wala rin palang pinagkaiba ang mga tao sa amin..." natutuwa ring sambit ni Naeso, "mukhang magiging mabait nga ang mundong ito para sa atin, Axus!" at hinagkan n'ya ang bitbit na sanggol. "Halika, Naeso! Ipapakita ko sa'yo ang mga gagawin mo rito!" pagtawag ni Mildred at di na nga nag-atubiling sumunod sa kaniya si Naeso. Habang pinaliliwanagan n'ya ng mga gagawin ang binata ay napadaan ang isa n'yang kakilala at nagulat ito dahil may kasama s'yang napaka gandang lalaki. "Mildred?! Nag-asawa ka na pala?! Pang-ilan mo na 'yan?" tanong ng ale. "Oy, Conching! Ano ka ba?! Di ko asawa 'to 'no, ikaw — para ka talagang sira eh!" natatawang sagot ni Mildred, "ahmm — kamag-anak ko 'to! Galing probinsya, lumuwas lang dito para — para maghanap buhay! Alam no naman, mahirap na ang kabuhayan ngayon sa probinsya, hehe." pagpapakilala nito kay Naeso. "Ahh, gano'n ba?! Akala ko, nag-asawa ka na eh! 'Yang bata? Anak — nya?!" pag-uusisa pa nitong si Conching. "Oo! Anak sa pagkabinata, hehe!" pagsisinungaling ni Mildred. "Anong sinasabi mo?" pabulong na tanong ni Naeso. "Wala naman, um-oo ka nalang!" "Ang pogi oh?! Anong pangalan mo, utoy?" tanong ni Conching kay Naeso. "Naeso! Naeso ang aking ngalan." sagot naman ng binata. "Ay! Napaka pormal naman magsalita nitong kamag-anak mo, Mildred!" medyo natawa si Conching nang magsalita ng ganoon ni Naeso, "taga-ibang panahon ka ba?" pabiro nitong tanong. "Ako nga pala si Conching!" pag-abot ng ale sa kaniyang kamay. Hinawakan din ito ni Naeso at nag shake-hands sila. "Ay! Ang lambot naman ng kamay mo! Marunong ba talagang magtrabaho ito, Mildred? Nako ha! 'Tong si Naeso ha, anak mayaman ata ito? Hindi magaspang ang palad oh, kakayanin ba talaga nitong magtrabaho?!" "Hahahahaha sira ka talaga! Syempre, marunong 'yan no! Wala namang batugan sa lahi namin, umalis ka na nga, puro ka pangtsi-tsismis kay Naeso eh!" "Osya-sya! Mauna na nga ako, Mildred! Ba-bye na! Bye Naeso?!" paalam nitong si Conching. "Ba-bye?!" bigkas ni Naeso. "Kuya, ang ibig sabihin no'n ay 'paalam!'" bulong ni Lawag. "Ahhh! Babye?! Kakaibang salita!" "Nako, Naeso. 'Wag mo nang pansinin 'yon. Madaldal lang talaga s'ya. Sa ngayon — dito ka mag-focus dahil simula ngayon, ito na ang magiging pangkabuhayan mo dito sa mundo namin!" ... (Majezenty) Sa kaharian ng Goltus "Kumusta na kaya ang pamumuhay ni Naeso sa mundo ng mga mortal?" nababahalang tanong ni Kaxandra sa kaniyang sarili. Kanina pa s'ya palakad-lakad sa silid nila ni Roman at iniisip ang mga kaganapan sa kaniyang kapatid at anak na nasa kabilang mundo. Sa kakaisip n'ya ay sumagi ang isang bagay sa kaniyang isip... "Ang susi—" sambit n'ya at agad na tinungo ang lamesa ni Roman. Binuksan n'ya ang isang kahon at nakita rito ang susi sa lagusan. Agad n'ya itong dinampot at pinagmasdan. Ngumiti s'ya at sinabi sa sariling makikita na ang anak... Ngunit bigla s'yang nakaramdam ng kakaiba, sumakit ang kaniyang tiyan at muling nag-iba ang kulay ng kaniyang mga ugat! "Aghhh — AGHHHH!" hiyaw n'ya. Dali-daling dumating sa silid si Roman at nakita s'yang pinepeste na naman ng sumpa! "Kaxandra!!" agad s'yang inalalayan ng hari at sa mismong paghawak sa kaniya ng hari ay nawalan s'ya ng balanse at lalo pang lumalala ang nararamdaman! "Emprido — ipatawag mo si Talya, ngayon na!" paghangos ni Roman at dinala muna sa higaan si Kaxandra habang patuloy pa rin itong humihiyaw. "Ano na ba'ng nagyayari sa'yo?!" naluluhang tanong ng hari. Mabuti na lang at dumating agad ang mga manggagamot at kanilang napigil ang pag-atake ng sumpa ng reyna, ngunit hindi ito permanente — dahil anumang sandali ay maaari uling dumaing ang reyna dahil lalo nang lumalakas ang itim na sumpang nasa loob nito. Dumungaw muna sa balkonahe si Roman at inisip ang mga bagay na naglalaro sa kaniyang isipan nang bigla s'yang lapitan ni Talya. "Palala na ng palala ang karamdaman ng ating reyna..." malungkot na sabi ng hora, "anong balak natin, mahal na hari?" "Hindi ko alam — hindi ko na alam..." sagot ni Roman na bakas ang labis na pag-aalala sa mga mata. "Maipapayo ko'ng humanap ka na ng kahit na anong lunas, kamahalan. Dahil nararamdaman ko na malapit nang bumigay ang katawan ng mahal na reyna — maaaring sa susunod niyang pag-sumpong ay tuluyan na s'yang mawalan ng buhay." saad ni Talya at napalingon sa kaniya si Roman. "Walanghiyang Balrak 'yan — s'ya ang may kagagawan nito!" sambit nito. ... (Derrohny) "Ano'ng balita sa  ipinapagawa ko sa iyo?" tanong ni Balrak kay Grayda. "Hirap akong makakuha ng pagkakataon panginoon. Sadyang mailap ang batang si Axus — bihira lamang s'yang makita ninuman. Sa wari ko'y iniiwasan ng mag-asawa na malapitan o magalaw ng mga kaaway ang kanilang anak." paliwanag ni Grayda. "Kung gano'n — marahil ay alam na nila ang propesiya ukol rito... HAHAHA!" sambit ng hari. "Ngunit hindi ito nangangahulugang titigil na tayo — gumawa ka ng paraan, Grayda! Kailangan ay manakaw mo ang bata at madala dito sa lalong madaling panahon!" "Makakaasa ka, panginoon! Gagawin ko ang lahat upang makuha si Axus." panunumpa ni Grayda. "Sulong!" At umaatras na ang taga-paglingkod upang lumabas na sa guhong bulwagan. Si Balrak ay tumayo sa kaniyang inuupuan at lumakad patungo sa gitna habang tinitignan ang labis na pinsalang inabot ng kaniyang kaharian. "Pagbabayaran mo lahat ito Roman... Magbabayad ka! — malapit na..." sumpa ng hari at lumakad na rin para lumabas ng bulwagan. ... "Bili na, bili-bili kayo! Bili na!!" pag-tawag ni Naeso sa mga dumadaang tao. Kasulukuyan s'yang tumatao sa tindahan nila dahil si Mildred naman ang nag-aalaga sa kaniyang pamangkin. Sakto namang may bumili, isang matandang lalaki na kumuha ng apat na tali ng okra. Nag-abot ang mamimili ng limampung pisong buo at agad itong tinanggap ni Naeso. "Ahh — Mildred?" lumapit si Naeso kay Mildred. "Oh? Bakit, anong problema?" tanong naman ni Mildred at nakita ang hawak na pera ng binata. "Kumuha s'ya ng tatlong hanay ng gulay sa banda roon, magkano ba iyon?" tanong ni Naeso at tinuro ang kinuhaan ng matanda. "Ahh! Okra? Sampung piso ang isang tali no'n, so bale kumuha s'ya ng tatlo? Edi trenta — o tatlumpu, ngayon ang bayad n'ya sayo ay 50. Gawin mo, bawasan mo lang ng tatlumpu ang limampu, magiging bente nalang." pagpapaliwanag ni Mildred kay Naeso. "Ibig sabihin, bibigyan mo s'ya ng sukli — sukling dalawmpung piso." "Ahhh! Gano'n ba?!" mabuti at naintindihan kaagad ni Naeso ang mga sinabi ni Mildred kaya nagmadali s'yang kumuha ng panukli sa lagayan nila ng pera at may katagalan bago s'ya nakabuo ng bente pesos na panukli. "Heto, maraming salamat sa inyong pag-bili!" agad na inabot ni Naeso ang sukli ng matanda at sinamahan nya pa ito ng ngiti. Nang makaalis ang bumili ay unti-unti ring dumami ang bumibili sa pwesto nila Mildred, kataka-takang dati ay hindi naman ganoon kabilis magkaroon ng mamimili pero noong si Naeso na ang nag-benta ay bigla ngang dumami ang bumibili ng gulay sa kanila. "Mukhang may dalang swerte 'tong si Naeso." pagkahiwaga ni Mildred habang pinapanood ang binata na makisalamuha sa mga tao. "Anak, tulungan mo si kuya Naeso mo doon, hindi mag-kandaugaga o!" Agad namang sinamahan ni Lawag si Naeso at tinulungan itong mag-tinda, kasama na rin ng pagtuturo ng tamang pag kilatis sa pera, pag bilang ng isusukli at pakikipag usap na rin sa mga nabili. Napansin din kasi ng bata na marami ang natatawa kay Naeso dahil napaka lalim nga nitong magsalita. Nang sumapit ang hapon ay nakapag pahinga si Naeso dahil nabawasan ang mga namamalengke, oras kasi ito ng pahinga. Si Mildred naman ang nagbantay at s'ya ang nag-alaga kay Axus. "Nay, oh! Kain po tayo!" dumating si Lawag na may dalang dalawang baso ng halo-halo. "Oh, saan galing ang pambili mo?" takang tanong ni Mildred. "D'yan po — sa bulsa n'yo." sagot ni Lawag at napatawa sa kaniya si Naeso. "Ikaw talagang bata ka! Puro ka pangungupit, hays!" kinutusan ni Mildred ang anak. "Aray, nay! Di ko naman kung saan dinala 'yung pera ah?! Bumili nga ako ng maiinom natin eh!" pagpapaliwanag ng bata. "Oo nga naman, Mildred. Tignan mo't dala s'yang pagkain para sa atin!" pagtatanggol ni Naeso kay Lawag. "Ay nako, kaya nagiging sutil na 'yan eh!" reklamo ni Mildred na panay naman ang kain sa mga sahog ng palamig. "Masarap! Ano'ng klase inumin ito?!" tanong ni Naeso. "Halo-halo po ang tawag d'yan. 'Yan ang the best na meryenda dito sa amin lalo kapag ganitong hapon." sagot ni Lawag. "Mmm, gano'n pala?!" at muli pang kumain si Naeso. Ang mag-inang Mildred at Lawag ay tinitignan s'ya ng palihim dahil dare-daretso kung sya'y ngumuya, tila ba hindi nangingilo ang ngipin nya sa lamig. Nang sumapit ang alas syete imedya ng gabi ay nag-ligpit na sila at isinara ang kanilang tindahan. "Oh, Midred, sarado na?" tanong ng tindera sa katabing pwesto nila. "Oo, mars! Bukas naman, hehe!" "Oh s'ya, mag-iingat kayo pauwi!" "Oo naman! Sige, ba-bye!" At naglakad na sila pauwi dahil malapit lang naman ang bayan sa bahay nila, nagmadali na rin sila upang makapaghanda ng hapunan at makapag-pahinga. ... (Sa Goltus) Hawak ni Roman ang mga kamay ni Kaxandra at simula hapon n'ya pa ito binabantayan, hindi pa rin kasi ito nagkakamalay at nais n'yang sa pagising nito ay s'ya ang makikita. Pumasok sa silid ang dalawang hora na may dalang bandehado. "Heto na ang hapunan, mahal na hari." sambit ng isa. "Maraming salamat, iwan n'yo nalang riyan." saad ni Roman. Nang maibaba na ng mga hora ang pagkain ay nagpaalam na sila at lumabas na kaagad ng silid. Sa pag-sara ng pinto ay bahagyang naalimpungatan ang reyna kung kaya't unti-unti na itong nag-mulat. "Mm—" "Kaxandra?!" "Roman? Ikaw pala?" matamlay na sabi ni Kaxandra nang tuluyan nang magkamalay. Ngumiti ang hari sa kaniya at sumagot, "gabi na, aking mahal. Napatagal ang iyong pag-himbing ah?" biro nito at napangiti rin si Kaxandra. "Kumusta na kaya ang ating anak?" mahinang tanong ng reyna. "Ahm, Kaxandra — hindi ka pa kumakain..." sambit ni Roman, "nagpakuha na ako ng makakain, gusto mo bang kumain?" "Ang ating anak, Roman. Nais kong makita si Axus!" "Hindi mo s'ya mapupuntahan kung ganiyan ang iyong kalagayan. Kailangan mong magpalakas, kaya heto, kumain ka na." Inalalayan ni Roman ang asawa upang makabangon ito, pagkatapos ay kinuha n'ya ang mga pagkain sa lamesa at s'ya ang nagpakain dito. "Anong masasabi mo, masarap ba?" malambing n'yang tanong. "Hmp, oo—" sagot ni Kaxandra. "Damihan mo ang iyong kain, upang makabawi ka na ulit ng lakas." "Si Axus, Roman. Puntahan natin s'ya! Alamin natin ang kalagayan nila ng aking kapatid." pagsamo ng reyna. "Kaxandra — maayos ang kanilang lagay roon. Tinitiyak ko sa'yo iyan! Ang dapat mong unahin ngayon ay ang palakasin ang iyong sarili upang hindi ka tuluyang matalo ng sumpang ipinataw sa iyo ni Balrak." pagpapaliwang ni Roman, "mas matutuwa ang ating anak kung magbabalik sya rito na ayos na ang kaniyang ina. Hindi ba't mas maganda iyon? Sa ngayon, mag-tiis muna tayong dalawa na malayo sa atin si Axus dahil para rin naman sa kaniya ang ginagawa nating ito. Huwag ka ring mag-alala, dahil mamaya ay magsusugo ako ng ilang mga sisne upang tignan sila sa mundo ng mga mortal." "Tunay ba? Gagawin mo iyon?" biglang nabuhayan ng loob si Kaxandra sa mga sinabi ng kaniyang asawa. "Oo, at ibabalita ko sa'yo ang kung ano mang makukuhang mga bagay ng aking uutusang mga alagad mamaya. Kaya kumain ka na, upang sabay natin silang abangan!" Kahit papaano ay natigil sa pangungulit si Kaxandra kaya naman naging matamis ang kanilang hapunan dahil sinabayan na rin s'ya ni Roman at nagkwentuhan sila ukol sa mga bagay-bagay. Nang matapos silang kumain ay pinagpahinga na muna ni Roman ang asawa at bago s'ya lumabas ng silid ay binilinan s'ya nito. "Roman, sina Axus ha? Wag mong kalilimutan!" pagpapaalala ng reyna. "Oo naman! Magpahinga ka na." lumapit si Roman sa asawa at hinagkan ito sa labi, "damhan ad vesperum!" bulong nya. ---------------------------------------------- "Damhan ad vesperum!" - Magandang gabi! ---------------------------------------------- Tinulungan n'yang makahiga si Kaxandra at saka s'ya lumabas ng silid. Dumaresto s'ya sa kusina ng palasyo upang ihabilin ang kanilang mga pinagkainan at nadatnaan n'ya rito si Talya at iba pang mga hora na may kanya-kanyang ginagawa. "Ang mahal na hari!" tinig ni Talya at lahat sila ay nag-bigay galang. "Damhan ad vesperum, amang hari!" pagbati nila "Damhan ad vesperum rin, mga masisipag na hora ng Goltus!" bati sa kanila ni Roman at nagtungo sa linisan ng mga kasangkapan upang ilapag doon ang bandehadong dala n'ya. "Hindi mo na lang ipinadala sa mga hora ninyo iyan kamahalan, nagtungo pa tuloy kayo rito." nahihiyang sabi ni Talya. "Wala namang masama kung ako magdadala rito, hindi ba?" pabirong sagot ng hari, "nais ko rin kayong batiin ng isang napaka gandang gabi!" Napangiti naman ang lahat ng hora dahil mapagbiro talaga ang kanilang hari at marunong makisama, ayan nga't may oras pang tignan sila. "Maraming salamat sa inyong napaka husay na paglilingkod mga hora ng Goltus. Magaling!" pasasalamat ni Roman sa lahat at lumabas na ng kusina. Nakasalubong naman n'ya si Emprido at tamang-tama, dahil may mga nais s'yang isalaysay rito. Matagal tagal na rin kasi noong huli silang makapag-inuman. ... "Nababahala pa rin si Kaxandra sa lagay ng aming anak sa mundo ng mga mortal, paulit ulit n'ya akong hinihikayat na magtungo roon at bisitahin si Naeso. Na hindi naman maaari lalo't may karamdaman pa s'ya..." kwento ni Roman habang naglalakad sila ni Emprido sa pasilyo ng tuktok na bahagi ng palasyo. "Hindi mo talaga maiaalis sa kanya ang mag-alala, dahil isa s'yang ina at tiyak na nasasabik na s'yang makasamang muli ang inyong anak." Emprido "Na hindi nga maaari — hindi maaari hangga't nabubuhay pa ang Balrak na iyan." at huminto si Roman sa balkonahe. "S'ya ang malaking banta sa kaligtasan ng aming anak, at hangga't nabubuhay s'ya ay hindi mawawala ang pangamba ni Kaxandra. Baka kung ano pa ang mangyari kapag patuloy s'yang nabahala para kay Axus." "Kung ganon naman pala — bakit hindi mo na lamang wakasan ang buhay ni Balrak? Hawak mo naman ang anim na hiyas?" tanong ni Emprido. "Hindi ko magagawa 'yan — ayokong pumaslang ng isang ama na naghahanap lang ng hustisya sa sinapit ng kaniyang mga anak." pagsalungat ng hari. "Hustisya? Kung ano man ang nangyari sa kaniya ay kasalanan n'ya rin iyon. Masyado s'yang naging ganid sa kapangyarihan — kaya't ayan, pinarusahan na siya ng ating bantay." Emprido "May pagkakapareho kami ni Balrak..." sambit ni Roman. "—pareho kaming ama..." "Ama na gagawin ang lahat para sa aming mga anak — s'ya ay isang ama na naghahanap ng katarungan, ako naman ay isang ama na pinangangalagaan lamang ang aking mga anak. May magkaiba kaming pananaw sa buhay ngunit naiintindihan ko pa rin kung saan s'ya nanggagaling." paliwanag ni Roman. "Naniniwala s'yang ako ang pumatay sa kaniyang mga anak, kaya't ako ang nilalabanan n'ya." "Kung ganon, bakit hindi mo na lamang ipaliwanag ang iyong panig? Ang katotohanan? Ang mga tunay na naganap?" "Masyado nang makitid ang pang-unawa ni Balrak — wala s'yang pinakikinggan kundi ang sarili n'yang sapantaha. Tingin mo ba'y maniniwala s'ya kung sasabihin kong hindi ako pumatay kay Helad o kay Hanze?" "Iisipin lamang n'yang pinag-ngingitngit ko s'ya, lalo't nasa akin ang mga hiyas na kaniyang inihabalin sa yumao n'yang prinsipe." Napa-buntong hininga na lamang silang dalawa at pinagmasdan ang mga buwan sa kalangitan. "Ang pagtutuunan ko na lamang ng pansin ngayon ay ang paghahanap ng lunas kay Kaxandra... Hindi ko nais na lalo pang lumala ang kaniyang lagay." Narinig nilang dalawa ang mga pagaspas ng pakpak na tiyak nila kung saan nanggagaling! Ang mga sisne! Mga sisne na naglalaro at lumilibot lamang sa buong Goltus. "Magandang gabi mahal na hari! Magandang gabi din sa iyo, Emprido!" pagbati ni Gloris sa dalawa, s'ya ang nagsisilbing pinuno ng mga batang sisne na bago palang natututong lumipad. "Magandang gabi rin sa'yo, Gloris! Mabuti at nakita kita!" nakangiting bati ni Roman sa sisne. "A-ako kamahalan? Bakit naman?" natutuwang tanong ni Gloris at nakita n'yang nagtinginan lang ang hari pati na si Emprido. "Dahil nais kong puntahan mo ang aking anak — sa mundo ng mga mortal? Bisitihan mo s'ya! Sila ni Naeso!" sagot ni Roman. "Tunay ba, kamahalan?" sabik na tanong ni Gloris. "Oo! Sandali? — mga batang sisne ba iyang kasama mo?" tanong ni Roman at tinignan ang iba pang kasama ni Gloris. "Oo kamahalan! Sila ang bagong hanay ng mga sisne na maglilingkod at magbibigay liwanag sa inyo dito sa Goltus!" masayang sagot ng sisne. "Nakakatuwa naman kung gano'n! Tiyak na matutuwa sa kanila si Axus!" sambit ni Roman, "isama mo sila, Gloris. Kayong lahat! Magtungo kayo sa mundo ng mga mortal at hanapin at aliwin n'yo ang aking anak!" "Masusunod, mahal na hari. Ngunit — paano kami makakarating sa sinasabi nyo'ng mundo?" tanong ni Gloris. "Heto..." hinubad ni Roman ang suot n'yang kwintas at iniabot ito sa nilalang. "'Yan ang susi ng lagusan ng Ayralum, doon kayo dumaan at dadalhin kayo nyan sa mundo na aking sinasabi!" "Ngayon din, kamahalan!" pagsunod ni Gloris, "mga sisne, maghanda kayo dahil hindi pa tapos ang inyong pagsasanay!" At mabilis nang sumulong ang mga nilalang na ito upang magtungo na nga sa sinasabing lagusan ni Roman. "Sana lang ay matagpuan nga nila ang aking anak..." panalangin ni Roman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD