Kabanata 49: Ang kaibigan ni Kahlim

3042 Words
Nagbalik sa Derrohny si Lerzia at kita ang pagka-bugnot sa kaniyang mukha. "Ama!!" pagsalubong ng anak nito, si Javar na di hamak na mas lamang lang ng gulang kay Kahlim. "Javar?! Ano't naririto ka? Nasaan ang iyong aria?! Hindi ba't may pag-aaral ka ngayon?" tanong ni Lerzia sa paslit. ------------------------------------------ ARIA - tawag sa mga guro ng Derrohny ------------------------------------------ "Kakatapos lang ng aking aralin, ama. At hinihintay talaga kita dahil nais kong magpaalam." masayang sagot ni Javar. "Magpaalam?" "Magpaalam kung maaari na ba akong lumabas ng kaharian, puro mga bato nalang ng Derrohny ang aking nakikita, ama — nais ko namang makasilay ng bago at kakaibang mga tanawin." sabi ng paslit. "Hindi maaari, Javar! Hindi ba't napag-usapan na natin ito, ilang beses na!? Lubhang mapanganib sa labas na tinutukoy mo, masalimuot at magulo ang Majezenty! Kinakailangan mo munang magsanay ng husto upang maka-tiyak na ako na kakayanin mo ang pamumuhay sa hangganan ng palasyong ito." pagtutol ni Lerzia at lumuhod upang magkaharap sila ng anak. "Ngunit hanggang kailan ba ako mag-aaral ama? Napapagod na akong magbasa ng napakaraming aklat, mag-ensayo buong araw at gugulin ang aking sandali sa pag-aaral sa buong Majezenty. Nais ko naman ng bago ama!" reklamo ni Javar. "Huwag ka nang tumututol Javar... Lahat ng ipinagagawa ko ay para rin sa 'yo. Balang araw ay maiintindihan mo kung bakit kailangan mong magtiis at gawin ang mga ito, kung bakit kailangan mong maging mahusay at hindi nadadaig ninuman!" pagpapaliwanag ng ama. "Paano ko naman mauunawaan ang napaka raming bagay kung punong puno ang aking isipan, hay!" pagdadabog ng bata. "Makinig ka! Hindi ka maaaring lumabas ng Derrohny, naiintindihan mo?!" may diing utos ni Lerzia. "Ako lang ang magpapasya kung kailan ka aalis rito at hangga't wala akong sinasabi ay mananatili kang nag-aaral. Nais kitang maging mahusay anak! Nais kong ikaw ang kilalaning pinaka magaling na sorsero balang araw! Isang sorsero na mamumuno hindi lang sa ating lahi kundi sa buong Majezenty!" "Tutulungan mo akong itaas muli ang Derrohny, Linus. Magtiwala ka sa aking mga sinasabi at i-sa-puso mo ito! MAGIGING MAHUSAY KANG MANDIRIGMA!" "Hindi ka maaaring makita ng iba, dahil gusto kong ika-gulat nila na mayroong Javar — gusto ko silang masindak sila na mayroong ikaw ako na anak, kaya wag mo akong bibiguin Javar, mangako ka!" "P-pangako ama!" pagsang-ayon ng paslit na kita naman ang lungkot sa mga mata at kalabagan sa kalooban. "Ipinapangako ko sa 'yo na muli nating itataguyod ang ating tahanan at ako ang papaslang sa lahat ng iyong mga kalaban, PANGAKO IYAN!" "Mahusay!" sambit ni Lerzia at niyakap na ang anak. Matapos ang sandali nilang mag-ama ay tumayo na ang regium at hinawakan sa ulo ang paslit... "Ngayon ay aalis akong muli. Ikaw, magtungo ka sa iyong flaio, mag-sanay kayo at Javar — huwag mo ang susuwayin ha!? Huwag na huwag kang lalabas ng Derrohny, maliwanag!?" bilin nito. "Opo, ama... Masusunod!" sagot ni Javar. "Magaling, mauna na muna ako." paalam ng ama at lumakad na patungo sa labasan ng kaharian. At itong si Javar ay biglang ngumiti na tila ba may naiisip gawin. Mabilis itong kumuha ng isang roba at ibinalabal, saka palihim na pumuslit palabas ng Derrohny! ... Sa Goltus... "Mahal na hari?!" pagpasok ni Talya sa tanggapan ni Axus at kasama niya si Kahlim. "Oh, Kahlim, anak?!" masayang sambit ng hari at hinarap agad ang mga dumating. "May nais sabihin ang munting prinsipe, kamahalan." sabi ng hora. "At ano ang sasabihin mo, aking regium?" matamis na tanong ni Axus.. "Gusto ko pong lumabas ng kaharian, ama!" pagsasalita ni Kahlim na may kasamang nakatutuwang ngiti. "Nais ko pong lumanghap ng hangin mula sa labas, maaari po ba?!" "Oo naman! Basta't 'wag ka lang lalayo at magpapasaway sa mga hora at kawal na ipapasama ko sa 'yo ha?" pagpayag ng hari. "Makaka-asa po kayo, ama!" sagot ni Kahlim. "Kung gano'n ay sige, magpalit ka na ng gayak at tiyakin mong hindi ka magpapagod Kahlim?!" utos ni Axus. "Masusunod po! Maraming salamat, amang hari!" pasasalamat ng paslit at niyakap ang ama. Hinagkan naman ni Axus sa ulo ang anak at pinasama na ito kay Talya upang makapag-aliw na sa hardin. Nang makalabas ang mga ito ay dumating naman si apram Capaste. "Salutem, haring Axus!" pagbibigay galang nito. "May mga panauhin ngayon sa punong bulwagan — at nais nila kayong makausap." ulat nito at agad na nga silang sumulong. "Narito sila kamahalan..." sabi ni Capaste at binigyang daan ang hari. Dito nakita na nga ni Axus ang sinasabing panauhin raw na mula pa sa malayong bayan. Isang umiiyak na dalaga na nakasuot ng magandang bestida at tila ina nito ang kasama. "S-salutem!? — Ano'ng maipaglilingkod ko sa kanila?!" nangingimi niyang tanong. "Salutem! Kayo po ba ang haring Axus?!" tanong ng kasama no'ng babaeng tumatangis. "Ako nga — ako si Axus." "Ahh, ang kapatid ni regium Verdem?" tanong pa. "—Ahh oo — anong kinalaman ng aking kapatid rito?" tanong ni Axus. "Pinangakuan n'ya ako ng isang kasal! Ngunit nasaan s'ya ngayon!??" galit na bulyaw ng dalaga at si Axus ay talagang nagulat! Napatingin ito kay Capaste at pareho silang nagtaka. "P-paumanhin?! Ngunit, si Verdem? — Tama ba?! — Pinangakuan ka niya ng pag-iisang dibdib?" paglilinaw ng hari. "Oo kamahalan! Ngayon ang itinakdang araw, at lahat sa aming bayan ay nakahanda na!" sagot ng dalaga. "Mabuti nalang at may nakapag-turo sa amin kung saan matatagpuan ang inyong tahanan. Naaawa na kasi ako dito sa anak ko — hindi man lang sinipot ng kasintahan na minsan lang niyang nakwento sa amin." dagdag ng ina. At si Axus ay napahinga nalang nang napaka-lalim at hindi nakasalita, kakaiba rin talaga itong si Verdem, aba. Naalala n'ya tuloy ang mga pagkakataon noong silang mga regium ay mga binata pa lang, kung saan ang kanilang ama pa ang hari ay may mga babae na ring dumudulog sa palasyo upang ireklamo nga itong si Verdem na mapaglaro daw at hilig ang magpaiyak ng babae. Tsk, tsk! "Sandali, majezan... Maaari ko bang malaman kung — may namagitan na ba sa inyo ng aking kapatid? N-nagka-niig na ba kayo?" tanong ni Axus at sa kabutihang palad ay umiling lang ang babae — nangangahulugang wala pang naipupunla rito ang kaniyang kapatid. "Huuu!" mahinang paghinga n'ya at tinabihan siya ng apram. "Ayos ka lang ba, kamahalan?" tanong nito. "Capaste — ipatawag mo si Verdem, papuntahin mo s'ya sa aking tanggapan ngayon din." mahinang utos ni Axus at dali-daling tumalima ang kawal. "Ako na ang humihingi ng tawad sa ginawa ni Verdem sa 'yo, majezan... Maging sa iyong pamilya na rin — lubha akong humihingi ng paumahin. Huwag kayong mag-aalala, kakausapin ko ang aking kapatid sa oras na s'ya ay dumulog na rito." sabi ni Axus sa mga panauhin at ang dalaga ay hindi pa rin tumitigil sa paghikbi. ... (Sa kagubatan) Naglilibot na si prinsipe Kahlim at kasunod n'ya ang kaniyang mga hora, pati na ang maraming kawal na inatasang mag-ingat sa kaniya. Dahil likas na pilyo at mahilig makipaglaro ay tumakas itong paslit nang malinga lang saglit sina Talya, sa isang iglap ay bigla siyang nawala na parang bula! "Sundarava! Ang prinsipe?!! Nasaan si Kahlim?!" gulat na sigaw ni Talya nang makitang wala na sa harapan ang prinsipe. "Mga kawal!? May nakakita ba sa inyo kay Kahlim?" tanong nito kina Lawag. "Hindi Talya, sa paligid kami nagbabantay hindi ba?" sagot ng kawal. "PRANAR! Napaka pilyo talaga ng regium na ito! Mananagot tayo kay haring Axus sa sandaling hindi natin s'ya maibalik sa palasyo!" kinakabahang sabi ni Talya. ------------------------- PRANAR - Pasaway ------------------------- "Ano pang hinihintay natin? Halughugin na natin ang buong kagubatan! Tiyak na hindi pa makakalayo ang anak ng hari." mungkahi ni Lawag. "Mainam pa nga! Maghiwa-hiwalay na tayo upang mabilis natin s'yang mahanap!" pagsang-ayon ni Talya, "mga hora, dito tayo!" At mabilis na nga silang kumilos upang hanapin ang pasaway na paslit. Itong si Kahlim ay lumitaw sa malayong dako ng kagubatan kung saan sila naglalakad-lakad kanina, tawa pa siya nang tawa nang malaman natakasan n'ya nga ang mga kasama n'ya at ngayon ay may sandali na siya upang maglibot mag-isa. "Hahahaha, nakawala rin ako sa inyo!" sabi nito at laking gulat nang biglang may umuntog sa kaniya! "AGHHH!" Isang bata rin ang nakabunggo sa kaniya at pareho silang natumba— "Agh — aray ko!" pagbangon ni Kahlim na hawak ang tinamaan n'yang ulo. "Agh — agh!!" daing rin ni Javar, na siya palang nakabunggo dito sa isa. Pareho pa silang nakasuot ng roba, magka-ibang kulay nga lang ngunit nakatutuwa nang magkaharap silang dalawa dahil mga paslit pa lang at ang suot nila ay may kahabaan. "S-sino ka?!" tanong ni Javar kay Kahlim. "Ikaw ang sino!? At bakit mo ba ako sinaktan?" tanong naman ni Kahlim. "Ahh, pasensya ka na — may tinatakbuhan kasi ako, hehe!" pagngiti ni Javar. "Gano'n ba!? Sino namang tatakbuhan mo? May humahabol ba sa iyo?!" Kahlim "Basta! Mahabang salaysayin, sino ka ba kasi?!" tanong muli ni Javar. "Ahh, ako si Kahlim! Ikaw, sino ka naman?" sagot ng anak ni Axus. "A-ako si JA — Rava! RAVA!" pagsisinungaling ni Javar dahil bigla niyang naalala ang sabi ng kaniyang ama — na wala dapat iba ang makakilala sa kaniya. "Rava ang aking ngalan!" "Ahh! Ang ganda ng pangalan mo, kakaiba!" puri ni Kahlim. "May kasama ka ba? Ano'ng ginagawa mo dito? Hindi ba't mapanganib?!" Javar "Ha? Anong mapanganib? Sabi ng aking ama ay payapa ang Majezenty!" sagot ni Kahlim. "Tunay ba? Sabi kasi ng aking ama sa akin ay... mapanganib nga daw — sandali, sino ba ang iyong mga magulang?" tanong pa ni Javar. Sasagot na sana itong si Kahlim pero bigla niyang natanaw ang mga kawal-sorsero na tinakasan niya! "Hala! Narito na sila!" "Ha? Sino?!" Javar "Ayun si Kahlim!!" sigaw ni Lawag sa mga kasunod n'yang kawal. "Halika, sumama ka sa akin!" sabi ni Kahlim at mabilis na hinawakan si 'Rava' at isinama itong maglaho! "SUNDARAVA!!" sambit ni Lawag nang mahuhuli na sana ang paslit. "May kasama s'ya, apram!" sabi ng isang kawal. Samantala, sa ibang dako ng kagubatan ring iyon ay naglalakad ang mga kawal ng Derrohny, sa pangunguna ni Lerzia at tila may pupuntahan sila. Tahimik lang paligid ngunit bigla silang nagulat nang may dambuhalang asong lobo ang sa kanila'y paparating! "YANNI!" paghabol dito ni Verdem. Biglang huminto ang lobo nang mapatapat sa mga Derronian— "Mga kawal!!" sigaw ni Lerzia upang maghanda ang mga kasama n'ya sakaling umatake itong isa sa mga alagang cerapal ng Goltus. "Yanni! Yanni!!" paglapit ni Verdem at nagulat nang makita ang mga Derronian! "Traydor!?" sambit niya. "Salutem, aking kapatid!" bati ni Lerzia na may kasama pang ngisi. "Tignan mo nga naman at dito pa talaga tayo magtatagpo!?" "Heh — kumusta ang buhay mo, traydor?" nang-iinis na tanong ni Verdem, "tila kinasanayan mo na ang makisama sa mga mababaho mong kadugo!?" "Apmevento!" sambit nitong si Lerzia, "talagang hindi pa rin nagbabago ang tabas n'yang dila mo — masyado pa ring magaspang!" "Ngunit tamang tama, kailangan ko na rin namang mag-ensanyo." pagngising muli nito at hinugot sa likuran ang espada! Ngumisi rin si Verdem at naglabas ng espada!— "Yanni... Tumabi ka muna, matagal-tagal na laban ito." utos nito sa dambuhalang lobo. "Kung napaatras n'yo ang Derrohny noong nakaraang digmaan ay tinitiyak ko na ngayon — ay wala ka nang buhay na uuwi sa iyong kaharian!" palalong sabi ni Lerzia at pumuwesto na. "Tama na ang kayabangan, umpisahan na natin 'to!" aya naman nitong si Verdem. "HAAAAAAGHHHHHHH!" AT SINUGOD NA NILA ANG ISA'T ISA! Mabilis na nagtama ang mga espada nila, pagkatapos ay tumalon itong si Verdem at sa likuran ng kapatid lumipat. Masusugatan na agad sana niya ito pero nakayuko naman si Lerzia at umikot saka s'ya inatake! "AGGHH!" nakaatras si Verdem at nang mapalapit sa mga Derronian ay inambaan ang mga ito na lalabanan din! "WALANG MAKIKIALAM!" sigaw ni Lerzia nang tangka nang lalabanan ng mga kasama n'ya ang kapatid. Muli nang kumilos si Verdem at nag-espadahan sila nang pagkabilis-bilis! Pareho pa namang mahusay ang dalawang ito kaya kitang wala talaga sa kanila ang nais magpadaig. Napapa-atras naman si Lerzia pero hindi nagpapa-sugat, sa inis lang ay mas binilisan nito ang galaw upang maungusan naman ang kalaban! Hanggang sa masusugatan na sana niya ito pero nakayuko lang at tinadyakan s'ya sa tagiliran! "AGHHH!" "Ano, sumusuko ka na?" pawisang tanong ni Verdem. "Jatos!" Hindi nagpatinag itong si Lerzia at muli na namang inatake ang kapatid! ... Sa ibang dako... Lumitaw na muli si Kahlim at kasama na ang kasamang si Rava, doon ay tiyak na wala nang makakahabol pa sa kanila. "'Yan, ligtas na tayo rito — hindi na naman siguro makakaabot pa dito ang mga kawal na 'yon." sambit ni Kahlim. "Bakit ka ba tumatakbo sa kanila?" tanong naman ni Rava. "Dahil gusto ko pa ng mas mahabang sandali upang mag-aliw. Hindi kasi ako makaka-kilos ng maiigi lalo't nakapaligid sila at ang mga hora sa akin." paliwanag ni Kahlim. "Mga hora?! Ibig sabihin, galing ka ng Goltus?! Tama ba!?" pagtatagni ni Rava sa mga bagay-bagay. "Sandali, isa ka bang regium?!" "Ahhm — hindi 'no! Hindi!" pagtanggi nitong isa. "Eh bakit may mga kasama ka pang kawal at hora, 'di ba sabi mo nakapaligid sila sa 'yo?!" Rava "Basta! Basta! Huwag mo nang isipin 'yon! Ang mahalaga, hindi na nila tayo matutunton rito!" pagkakaila ni Kahlim. "Hay, sa bagay... Nais ko rin namang magkaroon ng sandali para makita ang labas — at sa nakikita ko'y ito pala ang Majezenty... NAPAKA GANDA!" natutuwang sabi ni Rava habang tinitingala ang nagtataasang mga puno. "Ha? Sandali, ngayon ka lang ba nakarating dito?" takang tanong naman ni Kahlim. "Oo eh, matagal ko nang ninanais na makalabas mula sa aming kuta pero ayaw akong payagan ng aking ama." sagot ni Rava, "buti nalang ngayon ay lumisan s'ya at nakahanap na ako ng sandali para pumuslit. Hahahahaha!" "HAHAHAHA, pareho naman pala tayo!" pagtawa ni Kahlim, "dahil d'yan, ikaw ay kaibigan ko na!" sabi nito. "Kaibigan?!" "Oo! Bale ikaw ang pinaka una kong kaibigan! — walang masyadong bata sa aming kaharian eh." pabulong na sabi ni Kahlim. "Hahahahaha kung ganu'n ay sige! Ikaw din ay akin nang kaibigan, Kahlim" pagsang-ayon nitong si Rava. "Nakakatuwa namang makatagpo ng isang katulad ko, kaya dahil d'yan ay gagawa ako ng isang pam-paalaala!" at dumampot ito ng mga patay na dahon at saka binulungan. "Anong ginagawa nito?" tanong ni Kahlim sa kaniyang sarili habang nakapikit lang si Rava at dinadasalan ang mga dahon. Biglang nagliwanag ang mga palad nito at saka isinara upang maipit ang mga salamangka, maya-maya rin nang buksan nito ang palad ay mayroon nang dalawang magkawangis na porselas! "Kamangha-mangha!!" tuwang tuwa na sabi ni Kahlim at nakita ang palawit ng mga porselas, mga maliliit na bituin. "Ito ang magsisilbing tanda na tayo ay magkaibigan na, Kahlim." saad ni Rava. "Ang mga ito ang magbibigkis palagi sa atin upang kung sakaling magkahiwalay na tayo ng landas ay matatagpuan pa rin natin ang isa't isa, KAIBIGAN!" Dumampot na agad ng kaniyang nais na porselas ni Kahlim at pinagmasdan ito. "Saan mo ito nais suotin?" tanong n'ya. "Ahh — ako sa binti nalang kasi tiyak na mapapansin ito ni ama kung sa braso ko ilalagay, hehe." sagot ni Rava. "Sige pareho nalang tayo!" sambit ni Kahlim at sabay na nilang dalawa na isinuot ang mga porselas. S'ya ay sa kanan n'ya ito inilagay, at si Rava naman ay sa kaliwang binti. "'Yan, hindi masyadong pansinin! Huwag mong huhubarin 'yan ha?" sambit ni Rava "Oo naman!" pagngiti ni Kahlim at nagdikit pa sila ng kanilang mga daliri. "JAVAR!!" Biglang napalingon ang dalawang paslit at sa malayong dako ay naroroon na ang mga kawal-Derronian, sa pangunguna ni Sebani! "Hala!! Natagpuan na nila ako—" kinakabahang sabi ni Rava. "Sino sila?" tanong ni Kahlim. "JAVAR MAGTUNGO KA NA RITO! ISA!" utos ni Sebani kaya't lalo naaligaga itong si Rava. "A-anong tinawag n'ya sayo?!" Kahlim "Paam na, Kahlim... Kailangan ko nang magbalik sa aming tahanan. Ikinatutuwa kong makilala ka, hanggang sa muli nating pagkikita!" madalian at pabulong na paalam ni Rava sa kakikilalang kaibigan. "Aasahan ko ang muli nating pagtatagpo, kaibigang Rava!" paalam rin ni Kahlim at itong si Javar ay nagtungo na kina Sebani, pagkatapos ay kumaway-kaway ito nang tuluyang lumakad palayo. "Hay... Magkikita pa ba tayo?!" tanong ni Kahlim sa kaniyang isipan at dito na rin s'ya natagpuan ng mga hora. "Regium Kahlim! Narito ka lang pala!" hinihingal na sabi ni Talya, "sa susunod ay maaari bang huwag mo na kaming tatakasan? Kami ang mananagot sa iyong ama eh!" "Hahahahahaha axcedervina, Talya!" sambit ni Kahlim na tawa pa nang tawa. -------------------------------- AXCEDERVINA - Patawad -------------------------------- ... Samantala... Tuloy tuloy pa rin ang labanan ng magkapatid na Verdem at Lerzia, pareho na silang naliligo sa kanilang mga pawis pero wala pa ring nasusugatan. Nag-eespadahan sila nang muntikan nang matamaan ni Lerzia sa hita si Verdem, pero nakaiwas na naman ito! "AGH, APMEVENTO!" sambit ni Lerzia. "Hindi ka makaka-puntos sa akin Lerzia, 'wag ka nang umasa!" pangaasar ni Verdem. "Hambog!" muling gumalaw si Lerzia at nang susugatan na niya ang kapatid ay biglang may palasong dumaplis sa kaniya! Agad s'yang umilag pero nasugatan pa rin s'ya sa balikat!— "AGHHH!" "Ayos ka lang ba kapatid?!" pagdating ni Adro na s'ya palang namana. "Adro?!" pagkagulat ni Lerzia. "Tamang tama pala ang dating ko!?" sambit ni Adro sa mga kapatid. "Magaling, Adro... Ngayon ay pagtulungan na nating tapusin ang traydor na ito." nakangising sabi naman ni Verdem. "Kahit na magkampihan pa kayo ay hindi n'yo ako matatalo!" sambit ni Lerzia at mabilis na inilabas ang hiyas ng dilim! Nagkatinginan agad sina Verdem at Adro — saka pareho din nilang inilabas ang kanilang mga hiyas at pinagtabi ang mga ito! "Tignan natin kung sinong mas malakas, Lerzia!" panghahamon ni Adro. AT INATAKE NA NILA NG ENERHIYA ANG ISA'T-ISA! Lubhang malalakas ang kani-kanilang salamangka at itong si Lerzia ay hindi nagpapatalo kahit na mag-isa lang, pilit n'yang nilalaban ang pinaghalong elemento ng kaniyang mga kapatid!— "AGGGGGHHHHH!!" Sa inis ay buong pwersa na niyang itinaas ni ang kaniyang kamay upang lumihis na ang kani-kanilang mga kapangyarihan!— "Aghhh!" daing ni Verdem, "bakit mo tinigil?! Duwag ka talaga!" bulyaw nito. "Hindi pa ito ang huli nating sagupaan mga jatos, maghanda kayo at iisa-isahin ko kayong burahin dito sa ating daigdig!" pagyayabang ni Lerzia. "Tignan nalang natin — traydor!" sambit naman ni Adro.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD