Kabanata 7: Falcodep laban sa Derrohny

2797 Words
Isang umaga, sa lupain ng Falcodep... "Nabalitaan ko ang nangyari sa Pyronix — kaya't nakikiramay ako..." saad ni Reyna Joviana habang magkasama silang naglalakad ng haring si Roman sa hardin ng kaniyang kaharian. "Tila ito na ang hudyat ng pagsisimula ng gulo dito sa Majezenty... Mga walanghiyang Derronian 'yan." sambit naman ni Roman habang nasa likod ang mga kamay. "Ano nga pala ang iyong sadya rito?" tanong ng reyna. "Nais lang kitang dalawin — at upang bilinan ka na palaging maging alerto sapagkat ito ang nakitang kahinaan ni Balrak sa dalawang kaharian na nauna niyang napabagsak." sagot ni Roman at tumigil sila sa paglalakad. "Huwag kang mag-alala, hindi ko ipagsasa-walang bahala ang iyong mga sinabi, at hindi namin gagayahin ang pagkakamali ng mga Saghar at Pyron. Bagkus ay magiging handa ang aking kaharian sa anumang gulo na maaaring dumating." pagngiti ni Joviana. "Kung ganon, magiging panatag na ang aking kalooban. Nasaan nga pala si — ang iyong sapolar?" tanong ng hari. "Halika, pumasok tayo sa palasyo. Hindi pa tuluyang bumubukas ang bulaklak, ngunit nararamdaman kong malapit na ito." aya ng reyna at nauna nang umapak sa napakarangyang palasyo ng Falcodep. Sa paligid ay dinig ang malumanay na mga musika na likha ng instrumentong kudyapi na tinutugtog ng mga musikero, mayroon ring mga babaylan na nag-sasayawan habang nag-papausok at waring may nagaganap na seremonya sa buong kaharian. "Ano ang kanilang ginagawa?" natutuwang tanong ni Roman. "Isang alay ng pasasalamat — dahil sa masaganang ani ng mga magsasakang Falco." sagot ni Joviana at magkasama nilang pinapanood ang mga nagsasagawa ng ritwal. "Marami pang ibang gawi ang mga Falco, halika, ipapakita ko sa iyo ang iba!" dugsong nito at nagpatuloy na sila sa paglalakad. Buong araw ang ginugol ni Roman sa kahariang iyon kaya't nakita n'ya ang iba't-ibang mga kaugalian at gawi ng mga taga-Falcodep, napagtanto n'ya na sa iilang mga bagay ay may pagkaka-pareho pala ang mga ito sa kanila. ... Sumapit na ang gabi, sa kaniyang silid ay masayang pinagmamasdan ni Joviana ang kaniyang bulaklak na sinapupunan, nagliliwanag na ito, tanda na malapit na nyang isilang ang kaniyang unang anak! Maya-maya pa ay may isang talulot na natuklap! Labis na nagalak si Joviana at napuno ng pagka-sabik ang kaniyang dibdib, hindi na s'ya makapaghintay na makita ang sanggol na magmumula na sapolar. "Tignan mo nga naman anak, ngayong gabi pa kita masisilayan! Bilisan mo na ang iyong paglabas sapagkat nasasabik na akong mayakap ka!" nagagalak na saad ng reyna habang nakangiting pinagmamasdan ang bulaklak na unti-unting nang nagbubukas. Ngunit biglang pumasok ang kakaibang hangin sa kaniyang silid at sya'y inikutan nito na waring bumubulong— Pinakinggang maigi ng reyna ang dalang balita ng hangin at sa agad-agad ay nabalot ng pangamba ang kaniyang mukha— "Hindi maaari!" sambit niya at agad na hinaplos ang sapolar, "may titignan lang ako anak, hintayin mo ako..." Agad s'yang lumabas sa kaniyang silid at nagtungo sa labasan ng palasyo, at mula sa bukana ng Falcodep ay natanaw n'ya ang papasugod na mga Derronian! "Juvaliza Derrohny!!!" sigaw ni Guzma at ito na ang hudyat kaya nagsimula nang kumilos ang napaka raming mga Derronian para salakayin ang nanahimik na kaharian ng mga Falco! "Mga apmevento — sinasabi na nga ba!" bumilis ng t***k ng puso ni Joviana at agad s'yang pumasok sa palasyo, "ISARA ANG LAHAT NG LAGUSAN SA BUONG KAHARIAN!" sigaw n'ya. Humahangos s'yang dinaluhan ng mga kawal at maging ng ibang mga Falco. "Kamahalan, anong nangyayari?" tanong ni Sabrina, ang isa sa mga mandirigma ng reyna. "Sinasalakay tayo ng mga Derronian — tawagin mo ang iba pang mga heneral at sabihing maghanda, ipagtatanggol natin ang Falcodep!" sagot sa kaniya ni Joviana. "Ngayon din, mahal na reyna!" agad na tumakbo si Sabrina upang tipunin ang mga kawal. "Fordemira, mga kawal!" utos ni Joviana, "—parating na sila." ——————————————————————————————————————————————   FORDEMIRA - nangangahulugang "Maghanda!" —————————————————————————————————————————————— Hanggang sa narinig na nga nila ang ingay sa labas at nagsimula na ring may bumuwag sa entrada ng kaharian — nasa labas na ang mga Derronian! Maya-maya pa ay nawasak na nga ng mga apmeventong ito ang pintuan ng Falcodep! Agad na inilabas ni Joviana ang hiyas ng hangin at gumawa s'ya ng alimpuyo upang harangan ang mga papasok na kalaban— "Ilikas n'yo na ang lahat ng mga naririto sa palasyo, madali!" utos niya. Kumilos na ang mga kawal ngunit napansin ng isa ang ibang mga Derronian na nakakapasok na sa loob! "Mahal na reyna, may mga nakapasok na!" sigaw nitong kawal. "Walanghiya—" sambit ni Joviana at agad na pinatalsik ang mga nasa pintuan saka s'ya tumakbo upang labanan ang mga naka-puslit paloob. "Saan nanggaling ang mabagsik na hanging iyon?" tanong ni Helad sa kaniyang ama dahil maging sila ay napuwing nang matamaan ng alimpuyo. "Ang hiyas ng hangin — kung ganon, nasa mga kamay kanilang reyna ang hiyas ng hangin." pag-tatanto ni Balrak, "tayo na! Kailangan nating mahanap kaagad si Joviana!" At pinasok na nga nila ang Falcodep. Nakarating naman si Joviana sa kaniyang silid na nakasuot na siya ng baluti. Agad n'yang tinignan ang kaniyang sapolar... "Mahabaging Zanaa..." sambit n'ya nang masilayan ang isang napakalusog na sanggol! Mabilis n'ya itong kinalong at pinagmasdan... "Kay saya ko't nasilayan rin kita — aking munting prinsipe." reyna at hinaplos ang mukha ng kaniyang anak. Nagliwanag ito at pagkatapos ay hinagkan n'ya sa pisngi. "Ngunit may panganib na nakapasok dito sa ating tahanan — hayaan mo't itataboy ko sila para sa'yo!" wika n'ya sa sanggol. "Sa ngayon ay sulitin mo muna ang iyong paghimbing at pakiusap — huwag kang iiyak anak dahil malalaman nilang narito ka." bulong n'ya sa sanggol at inilabas ang hiyas ng hangin, itinapat n'ya ito sa dibdib ng kaniyang anak at saka ipinasok sa katawan nito. At muli ay hinagkan n'ya ang kaniyang prinsipe saka ito inilapag sa duyan na nakahanda, nagpunas s'ya ng luha at lumabas na sa silid. Nang sumara ang pintuan ay binasbasan n'ya pa ito, nilagyan n'ya ang pintuan ng isang mahika na s'yang magpapanatili ditong nakasara upang walang sinuman ang makapag bukas rito. "Mahal na reyna, napasok na tayo ng mga kalaban!" ulat ng isang kawal. "Tayo na, kailangan natin silang itaboy!" saad ni Joviana at hinigpitan na ang hawak sa kaniyang espada saka tumakbo. "Babalikan kita anak — hintayin mo lang ako." sabi n'ya sa kaniyang isip. ... Nakatungtong na sa Falcodep sina Balrak at kasalukuyan silang nasa punong bulwagan at nakatapat sa trono ng reyna. "Kaawa-awang Falcodep — sa aking mga kamay mawawala ang iyong taglay na ganda." sambit ni Balrak habang tinitingala ang mga naggagandahang ilaw sa kaitaasan. Ngunit bigla na lamang may lumilipad na sandata ang sa kanila'y umatake ngunit hindi sila natamaan dahil nakagawa agad ng panangga si Hanze. "Kaninong sandata iyon?" pagtataka ni Helad. "Kay—" At lumitaw na si Fellian! Sinalo n'ya ang pabalik na sandata at hinawakan ito. "Fellian! — sinasabi na nga ba't ikaw yan!" pagbati ni Balrak at dahan dahang lumapit sa trono ni Joviana. "Hindi pa ba nagwawakas ang pagka-uhaw mo sa kapangyarihan, Balrak? Labis na ang kapangyarihang hawak mo, bakit hindi ka pa tumigil?" tanong ni Fellian. "Hindi ikaw ang makapagdidikta kung kailan ako dapat tumigil, Fellian. Umalis ka na kung ayaw mong madamay!" sagot ni Balrak na may halong pag-babanta. Nagdatingan ang maraming Derronian at pinalibutan ng mga ito si Fellian... "Tignan natin kung anong laban mo sa amin, sinaunang sorsero!" saad ni Hanze na may nagmamataas na tono. Hangganng sa umatake na nga ang mga Derronian para saktan si Fellian, ngunit nag-iisa man ang sorsero ay nagawa silang labanan at talunin nito! Kakaibang galing sa pakikipaglaban ang ipinamalas ni Fellian, mabilis s'yang kumilos at magaling humawak ng sandata! Ito ang nagamit nya upang maubos ang kawal-Derronian na kanina'y nakapalibot sa kaniya. Nang maglaho ang mga kawal ay muli n'yang inihagis ang kaniyang sandata palapit kay Balrak ngunit hindi na naman ito tumama dahil sa ginawang panangga ni Hanze. Bumalik sa kanya ang kaniyang sandata at saka sya nagsalita... "Makuha mo man ang lahat ng kapangyarihan ay hindi parin magiging ganap ang iyong tagumpay." saad nya, "sapagkat sisingilin ka rin sa iyong mga kalapastanganan, Balrak. Lipi kapalit ng kasalanan, humanda ka dahil mas malupit na kapalaran ang iyong matitikman!" Bumilis ang t***k ng mga puso nina Balrak at nang kanyang mga kasama — waring nagbibigay na ng pangitain nya si Fellian. "SANCTE!" sigaw ni Helad at inatake ng enerhiya ang sorsero, ngunit hindi ito tinablan dahil nagkaroon rin ito ng panangga. "Parating na ang isang natatanging pinuno na tatapos sa malupit mong panunungkulan. Isang sorsero na may dugo ng dalawang makapangyarihang lahi ang nakatakdang lumupig sa iyo at sa iyong lipi. S'ya ang tutubos sa mga nilalang na inyong pinaslang at papaslangin pa — at sa kaniyang mga kamay babagsak ang iyong sa matayog na kaharian!" wika ni Fellian. "TUMAHIMIK KA!" sigaw ni Balrak at inatake ng enerhiya si Fellian pero bago pa ito matamaan ay nakapag laho na ang sinaunang sorsero. "Nakakapagtataka — tila isang masamang babala ang kaniyang binitawan, panginoon." nababahalang saad ni Guzma, "dapat ba tayong maniwala sa kaniya?" "SANCTE!" galit na pagtutol ni Balrak, "walang kabuluhan ang mga salita ng dating hari, hanapin si Joviana! Kailangang mapasa-kamay natin ang kaniyang hiyas sa lalong madaling panahon!" At nagmamadali na nilang sinuyod ang buong palasyo para sa pakay nilang reyna. ... (Sa Goltus) "Kamahalan, may panauhin!" ulat ni Emprido na kasamang pumasok sa bulwagan si Kaxandra. "Kaxandra?!" laking tuwa ni Roman at agad na sinalubong ang kaniyang iniibig, hinalikan n'ya ito at saka niyakap ng napaka higpit. "Salutem, haring Roman!" nagagalak na pagbati ni Kaxandra, "may nais akong sabihin sa'yo — isang napaka gandang balita!" Naghawak kamay ang dalawa at naglakad... "May — sanggol na sa aking sinapupunan..." nauutal na bigkas ng prinsesa. Natigilan si Roman at agad na tumitig sa kaniya— "T-tunay ba?—" "Oo... kanina lamang ay nabuo na ang aking sapolar." masayang sagot ni Kaxandra. "NAPAKA GANDANG BALITA!" biglang lakas ng tinig ni haring Roman at bakas sa kaniyang mukha ang labis-labis na tuwa, "MGA KAWAL?! EMPRIDO? MAGKAKAROON NA KAMI NG ANAK NI KAXANDRA!" balita nito sa mga nasa bulwagan. "Tunay ba kamahalan? Kung ganon ay isa itong napaka gandang balita! Binabati ko kayo!" malugod na nilapitan ni Emprido sina Roman. "Maraming salamat, Emprido!" saad ni Kaxandra, "ngunit, tama bang inihayag mo na kaagad sa nakararami ang tungkol sa ating magiging anak?" tanong nito sa hari. "At bakit hindi, aking mahal? Gayong ang batang 'yan..." sagot ni Roman at hinawakan ng mahigpit ang mga kamay ni Kaxandra, "...ang batang ito ang magbubuklod sa dalawang kaharian dito sa Majezenty! Isang bata na may dugong Celestian, at dugong sorsero." nagagalak nitong sabi. "Tunay na napaka ganda ng balitang ito. Salamat sa biyaya, Zanaa!" pasasalamat ni Roman sa kanilang punong bantay, saka na sila nagpatuloy sa paglalakad palabas ng bulwagan. ... (Falcodep) Natambangan ng mga kawal-Derronian si Joviana at ang kawal na kasama n'ya, mabilis silang pinalibutan ng mga ito ngunit kumilos rin sila upang maipagtanggol ang kanilang mga sarili. Kita ang husay ng reyna sa paggamit ng espada, walang palya ang kaniyang mga galaw at tila-hangin sa bilis kung umatake, ni hindi s'ya magawang sugatan ng mga nag-lalakihang kawal ng Derrohny. Nang maubos nila ang mga kalaban ay nag-sanggang-dikit sila ng kasama n'ya at saka pinagmasdang maglaho ang napaslang na katawan ng mga Derronian. "Saan dumadadaan ang mga apmeventong ito?!" pagtataka ni Joviana. "Tila nagawa nilang wasakin ang lahat ng harang sa bawat lagusan, mahal na reyna." sagot ng kawal. "Tayo na, magtungo tayo sa punong bulwagan! Kailangang pangalagaan ang trono ng Falcodep!" utos ng reyna. Patakbo na silang dalawa ngunit biglang may nagpasabog sa daraanan nila kung kaya't nabalot ito ng usok at hindi sila tumuloy. "Kamahalan—" agad na hinarangan ng kawal si Joviana dahil natanaw nila na may paparating. "Salutem, Joviana!" bati ni Helad na nakasuot ng kaakit akit na baluting pandigma at may hawak na dalawang punyal. "Saan kayo patutungo? Tatakasan n'yo kami? Tila naduduwag ata ang reyna ng Falcodep?" nanunuya nitong tanong. "At bakit namin kayo katatakutan, Helad? Gayung mga salot kayo dito sa Majezenty!" saad ni Joviana. "Apmevento! Ikinagagalak ko na ako ang nakahanap sayo lalo't ako lang ang dapat na papaslang sa'yo!" sambit ni Helad na may kasamang pag-ngisi. "Mga kawal — SUGOD!!!" labis din s'yang nainsulto sa mga winika ni Joviana kaya hindi na n'ya pinahaba ang usapan, pinasugod na niya ang napakaraming Derronian na kasama n'ya! Ngunit kagaya ng sa mga nauna ay nagawa paring malabanan nina Joviana ang mga Derronian kahit na dalawa lamang sila ng kawal na kasama n'ya, dahil dito kaya labis na naiinis si Helad sapagkat walang duda na lamang si Joviana ng galing sa pakikipaglaban kumpara sa kan'ya — kaya nang makahanap s'ya ng tyempo ay sinunggaban na niya ang reyna!— "HAGHHH!!" palapit palang s'ya ay nagawa agad ni Joviana'ng dumepensa. Naharang nito ang isa n'yang punyal at nagawa ring lumayo dahil sa isa pa na akma n'yang isasaksak. Lumihis ng direksyon si Joviana at sa ilalim s'ya umatake, ngunit nakaiwas rin si Helad na muntikan na n'yang masugatan sa tagiliran. "Mahusay, Joviana — ngunit hindi ka pa rin makakaisa!" pang-aasar ni Helad. Hanggang sa silang dalawa na nga ang nagtagisan ng husay sa pakikipag laban! ... Nagkakagulo na sa buong kaharian ng Falcodep kaya't minabuti ni Fellian na hanapin ang anak ni Joviana, sakto namang narating n'ya agad ang harap ng silid ng reyna. "Narito ang isa pa sa mga anak ni Roman, kailangan ko s'yang mapangalagaan!" saad ni Fellian at nang hahaplusin n'ya ang pinto ay lumikha ito ng kalasag at nakuryente s'ya. "Anong salamangka ito? Bakit hindi ko mahawakan ang pinto?!" pagtataka n'ya. "Narito ka pa pala?! Akala ko'y tumakas ka na nang tuluyan at nag-sumbong sa mga sorsero?" pagdating ni Hanze, "humanda ka na!" At silang dalawa naman ang naglaban. Tumalapon si Hanze sa pintuan ng silid at nakita ni Fellian na nabasag ang panangga nito. Magandang senyales na iyon upang makuha n'ya ang sanggol! "Hindi mo ako kakayanin, prinsipe ng Derrohny. Ka'y lakas ng loob mong labanan ako!" saad ni Fellian habang tinitignan si Hanze na nanghihina dahil sa lakas ng pwersang dumikit dito mula sa panangga ng silid. Agad niya itong nilukdawan at nilapitan na ang kuna kung saan naroroon ang natutulog na bagong silang na prinsipe. "Kailangan mong mapangalagaan, munting paslit, hayaan mong tulungan kita!" sambit ni Fellian. "Walanghiya ka—" nanlalambot na daing ni Hanze at pilit na tumayo. Hindi namalayan ni Fellian na nasa likod na n'ya ito kaya nagawa ni Hanze na tanggalan s'ya ng malay sa pamamagitan ng pagpalo sa kaniyang ulo! Nawalan kaagad ng ulirat si Fellian at napadapa sa sahig at dito na nilapitan ni Hanze ang kuna. "Isang sanggol?" pagkagulat n'ya, "tila isa kang dugong bughaw?" Akma n'yang hahawakan ang bata nang biglang may malakas na pwersang lumabas mula dito at naging dahilan upang mapatalsik s'ya! "Aghhh! Apmevento!" daing n'ya at muling tumayo, sa pagkakataong ito ay lalo na s'yang nanghina ngunit nilapitan pa rin ang bata. Tangka na naman n'ya itong hahawakan nang muli s'yang tamaan ng malakas na enerhiya! "—arghh... Anong kapangyarihan ang bumabalot sa'yo?" pagkahiwaga ni Hanze sa sanggol, at maya-maya pa ay lumabas sa katawan nito ang asul na hiyas at lumutang habang umiikot! "Apmevento — ang hiyas ng hangin!" laking galak niya sa kaniyang namalas. ANG PAKAY NILANG KAPANGYARIHAN! Unti unting nag-kamalay si Fellian at nakitang palapit si Hanze sa hiyas ng hangin— "Sancte, Derronian!" sambit n'ya at agad na tumayo, "layuan mo ang batang iyan!" "Walanghiya ka, buhay ka pa?" galit tanong ni Hanze at muling inatake si Fellian, ngunit bago n'ya pa ito malapitan ay muli na naman itong nakapaglaho. "Duwag ka talaga Fellian..." sambit ni Hanze at muling ibinaling ang paningin sa hiyas na nasa pangangalaga ng sanggol na nahihimbing. ... (Joviana laban kay Helad) Tumalsik mula sa isa't isa ang dalawang ito, likha iyon ng kanilang mga salamangka na nag-salubong kaya't nagkaroon ng pwersa na s'yang nagpahiwalay sa kanila. "Pabagsak na ang kaharian mo, Joviana. Sumuko ka nalang!" alok ni Helad, na medyo hinahapo na. "Hinding hindi ako susuko sa mga Derronian, Helad. Magkamatayan nalang tayo." saad naman ni Joviana na pawisan lang at may nanlilisik na mga mata. Hanggang sa nagsulputan na naman ang napakaraming Derronian at palapit na ito sa kawal na kasama ng reyna! Agad na inatake ni Joviana si Helad pati ang mga paparating kaya't nalansi sila at nagawang lapitan ni Joviana ang kasama n'ya, "tayo na, kailangan nating alamin ang lagay ng palasyo!" saad n'ya, at nagawa na nilang takasan ang mga manloloob. Sa punong bulwagan sila nagtungo at naroon ang marami pang kawal-Falco at naka-antabay lang habang pinangangalagaan ang trono. "Nariyan ang mahal na reyna!" sigaw ng isang heneral, si Dumagat. "Dumagat, mabuti at ligtas kayo, ano'ng lagay ng Falcodep?" tanong ni Joviana. "Mabilis nilang napasok ang kaharian mahal na reyna, marahil ay dahil ito sa tulong ng mga hiyas na hawak nila. Dumarami na rin sa ating mga kawal at mamamayan ang napapaslang, anong gagawin natin kamahalan? Baka tayo na ang sunod nilang magapi?!" nababahalang ulat ni Dumagat. "Hindi — hindi ako papayag..." saad ni Joviana na bakas sa mukha ang pangamba, lumakad s'ya at tumuntong sa trono. "Lumisan ang kalahati ng hukbo na naririto, ilikas n'yo ang lahat ng ating kalahi!" utos nito, "sa — Goltus, sa Goltus kayo magtungo!" dagdag n'ya. "Sa mga sorsero, mahal na reyna?" tanong ni Dumagat. "Oo, at ipabatid n'yo sa kanilang hari ang nagaganap dito." "Ngayon din kamahalan, kayo — kayo, magmadali!" paghahati ni Dumagat sa mga kawal at lumisan na kaagad ang mga napiling magligtas sa mga Falco na nasa loob pa rin ng palasyo. Bumaba na sa trono si Joviana at pinangunahan ang natira n'yang hukbo. "Pangangalagaan natin ang Falcodep, hindi natin hahayaang mapagbagsak ng mga apmeventong Derronian ang ating tahanan!" Joviana. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD