Kabanata 17: Ang Pagtuklas

1772 Words
... Si Balrak at ang ilang mga Derronian ay naglakad-lakad sa kakayuhan, tahimik at payapa rito, madalang ang mga nagpapakitang hayop at tanging ingay lang ng mga insekto ang maririnig. "Fellian?! Fellian, nasaan ka?! Kung naririnig mo ako'y magpakita ka — nais kong malaman ang ilang mga bagay. FELLIAN?! LUMANTAD KA SA AKIN!" pagsamo ni Balrak habang sinisipat nila ng kaniyang mga kasama ang paligid. Patuloy pa silang naglakad at nagbaka-sakaling magpapakita ang hinahanap nilang nilalang... Ngunit biglang yumanig ang kalupaan at sila'y napatigil!— "Sancte..." utos ni Balrak at kanilang pinakiramdaman ang paligid... At nagpakita sa kanila ang isang napaka laking buwaya! Hindi pangkaraniwan ang laki at wangis nito, higit pa sa isang halimaw kung ikukumpura. May nagbabagang mga mata, nagtatalasang mga balat at sadyang napaka laki talaga. Tila ba kayang kaya silang kaining lahat nang sabay sabay! Nabalot ng takot ang mga Derronian kung kaya't agad silang naghanda at itinutok ang kanilang mga sandata sa buwaya. "Haghhh..." daing ng buwaya na may nakakatakot na itsura. "Anong uri ka ng nilalang at sa'n ka nagmula?" tanong ni Balrak na waring inaaral ang anyo ng hayop, "bakit ka nakaharang sa aming daraanan? Lubayan mo kami!" "Wag kayong matakot — hindi ako isang kalaban." tinig ng buwaya. Nag-iba kaagad ang pinta ng mukha ni Balrak at pinagmasdang maiigi ang nilalang na kanilang kaharap— "Ako si Comba, isang jersatel!" pagpapakilala ng nilalang. --------------------------------------------------------------------------------------------------------- Ang jersatel ay nangangahulugang "bantay", o ang kinikilalang diyos sa mundo ng Majezenty. Makapangyarihan ang mga jersatel, may salamangka silang walang hangganan at may kanya-kanya silang anyo kapag nagpapakita sa mga majezan, kagaya na lamang niyang si Comba na isang dambuhalang buwaya, ngunit may kakayahan rin silang mag-wangis majezan kung iibigin nila dahil iyon rin naman talaga ang kanilang tunay na anyo. --------------------------------------------------------------------------------------------------------- "Isang bantay?! — ibaba n'yo ang inyong mga sandata!" agad na sabi ni Balrak sa kaniyang mga kasama. "Magbigay galang sa mahal na bantay!" utos nito at nagsi-luhod sila sa nagpapakilalang isa raw na 'bantay'. "Kay palad ko't nagpakita ka sa akin, bantay na Comba! Tamang tama, kailangan ko ng inyong tulong!" saad ni Balrak habang s'ya ay nakaluhod. "Batid ko ang iyong pakay Balrak, kaya nga sinalubong kita — dahil nais rin kitang tulungan!" "Talaga ba, bantay? Nais mo akong tulungan??" "Oo, at handa kitang gabayan at pangalagaan KUNG mangangako ka ng isang bagay!" "At ano iyon, bantay? Sabihin mo lang!" "Nais kong ako ang kilalanin n'yong bantay na siyang makapangyayari at maglalalang sa inyo. Isang bantay na inyong sasambahin at pag-uukulan ng buong pananalig, magagawa mo ba iyon Balrak?" tusong tanong ni Comba. "Sapul pa sa aking mga ninuno ay ikaw na at ang jersatel na Devon ang sinasamba ng aming lahi, kaya't manalig ka bantay na Comba — simula ngayon ay ibinibigay ko na sa iyo ang aking buong katapatan at paniniwala! Tulungan mo lamang akong hanapin ang kasagutan sa aking mga tanong at tulungan mo akong maipaghiganti ang nangyari sa aking mga anak! WAGHHH!!" hindi na napigilan ni Balrak ang kaniyang pagtangis. Magkahalong tuwa at pighati ang kaniyang nadama dahil naalala na naman niya ang nangyari sa kaniyang mga anak — ngunit ngayon ay tila makakabawi na s'ya dahil sa malakas na kakampi kaniyang natagpuan! "Magaling kung gano'n — tumayo ka Balrak, at igagawad ko rin sa'yo ang aking pagtanggap!" utos ng bantay. Tumayo nga si Balrak at ibinuka naman ng buwaya ang napaka laki nitong bunganga at tinarak ang isang ngipin sa leeg ng Derronian! Napa-ngiwi sa kirot ang hari at naramdaman n'ya ang kakaibang lason na pumasok sa kaniyang katawan. Bahagya s'yang nanlambot hanggang sa unti-unting manghina at napataob na sa lupa!— "Anong ginawa mo sa akin, jersatel—" huling nasambit ni Balrak at nawalan na s'ya ng malay. "Gamit ang aking lason ay magkakaroon ka ng kakaibang lakas at kapangyarihan — kapangyarihan na magagamit mo bilang mabisang panlaban sa mga hiyas ni Zanaa! HAHAHAHAHA!" saad nitong si Comba at humalaklak ng napaka lakas na madidinig sa kabuuan ng kagubatan, kaya't ang mga hayop sa paligid ay nag-kulasan nang marinig ang atungal n'ya. Nagmulat muli ang mga mata ni Balrak at unti-unti siyang bumangon mula sa pagkakalugmok. "Anong ginawa mo sa akin, jersatel? Bakit kakaiba ang aking nararamdaman?" tanong niya habang hawak ang kaniyang leeg na may marka. "Binigyan lang kita ng isang napaka gandang handog." sagot ni Comba, "mas pinalakas ko ang taal mong kapangyarihang at ngayon ay mayroon ka nang panangga laban sa kapangyarihan ng hiyas ng mga sorsero!" at nagdiwang si Balrak dahil nararamdaman n'ya ang kakaiba ngang lakas na dumadaloy sa kaniyang katawan! "Isa itong napaka.gandang biyaya, jersatel. Maraming salamat! AHAHAHAHA!" pagpupugay ng hari at pinagmasdan ang mga ugat sa kaniyang katawan — nag-iiba ang mga kulay nito, tanda na may makapangyarihang enerhiya na ang dumadaloy sa kaniya! "Ngayon ay sumama ka sa akin, Balrak. Mayroon ka pang kailangang malaman!" utos ng higanteng buwaya at nagsimula nang lumakad. Habang sya'y humahakbang sa lupa ay muling yumanig, at dito na s'ya sinundan ni Balrak at ng mga kawal nito. ... Nagtungo sila sa malayo, liblib at sirang lupain, ang lupain ng Decerva. Dito dinala ni Comba ang bago n'yang alagad at pinahintay nalang sa malayo ang mga kasama nito dahil nais niyang sila lang ni Balrak ang mag-usap. "Hindi na ako mag-aaksaya ng panahon, mahal na bantay. Nais kong itanong sa'yo kung may nalalaman ka ukol sa mga pinahiwatig sa aking kaganapan ni Fellian kailan lang." pasintabi ni Balrak sa jersatel. "Nais kong ituro mo sa akin ang batang sinasabi ng sinaunang sorsero — ang bata na lulupig raw sa aking kaharian. Sino s'ya, bantay? Ipakilala mo s'ya sa akin at nang mapaslang ko na s'ya habang nasa sinapupunan pa siya ng kung sino mang ina!" pagsusumamo ng hari. "Huli ka na 'pagkat ang batang tinutukoy sa propesiya ay narito na sa Majezenty!" sagot ni Comba. "Isinilang na ni Kaxandra si Axus — ang bata na may dugo ng dalawang makapangyarihang lahi." Biglang nag-balik ang mga katagang sinabi ni Fellian kay Balrak at naalala n'ya nga ang tungkol sa sinabi nito na "may dugo ng dalawang makapangyarihang lahi". "Kung ganon — ang katipan ni Roman?? Kanila itong anak?" pagkagulat ni Balrak, "ang anak nila ang tinutukoy ni Fellian?!!" "Oo tama ka d'yan, si Axus ang sinasabing bata sa propesiya na nakatakdang magpabagsak sa iyo!" "Apmevento! Hindi ako makapapayag!" sigaw ni Balrak na may halong takot ang pagkabalisa. "Hindi ang kakasilang pa lamang na sanggol ang makakapaslang sa akin — hindi ang katulad nina Roman ang makakapaslang sa akin!!!" "Tulungan mo ako, mahal na bantay! Bigyan mo ako ng sapat na karunungan at galing upang magawa kong paslangin ang Axus na ito sa lalong madaling panahon! Bago pa s'ya lumaki at bago pa s'ya maging isang ganap na prinsipe!—" nababahalang pagsamo ni Balrak. "Maaari kitang bigyan ng kapangyarihan, Balrak. Kapangyarihan na magagamit mo laban sa iyong mga kaaway!" saad ni Comba. "Kung gano'n ay ibigay mo na ito sa akin ngayon din at nang akin nang masimulan ang muling paghahari dito sa Majezenty!" "AHAHAHAHAHA!" paghalakhak ni Comba at naglabas s'ya ng itim na usok mula sa kaniyang bunganga. Napangiti si Balrak at kaniyang sinalo ang ipinagkakaloob sa kanyang birtud ng masamang bantay! ... (Goltus) Nasa kaniyang silid na si Kaxandra at masayang pinagmamasdan sa kuna ang anak, mahimbing na itong natutulog at tila nananaginip pa. Pumasok si Roman na nakasuot na ng pangtulog, niyakap s'ya nito mula sa kaniyang likuran at hinagkan s'ya sa pisngi. "Malalim na ang gabi, ano't hindi ka pa nagpapahinga?" bulong ng hari. "Hindi ko magawang matulog dahil labis pa rin akong natutuwa dahil sa mga nangyari ngayong araw." masayang sabi ni Kaxandra, "isa pa, hindi ko nais na mawala ang aking paningin sa ating anak. Nais ko s'yang pagmasdan na lamang." "Tila hindi ko maalis ang pagkasabik mo, aking reyna. Ngunit magpahinga ka na muna, may bukas pa at mapagmamasdan mo pa rin naman s'ya. Sa ngayon ay magpahinga ka, lubha kang napagod sa araw na ito." matamis na pakiusap ni Roman. "Sige na nga — ngunit bukas na bukas, ako ang magpapasyal kay Axus sa hardin, maliwanag?" kondisyon ng reyna. "Ikaw ang masusunod, Reyna Kaxandra." sagot ni Roman at hinalikan ang likod ng palad ng kaniyang asawa. "Damhan ad vesperum, aking prinsipe." bulong ng hari sa kaniyang anak at hinagkan ito sa pisngi, pagkatapos ay si Kaxandra naman "gano'n din sayo — eroam inconvanse!" "Mahal na mahal din kita, Roman!" sagot ni Kaxandra at niyakap ng mahigpit ni Roman. ------------------------------------------ Damhan ad vesperum - Magandang gabi! Eroam inconvanse - Mahal kita! ------------------------------------------ Lumabas na ng silid si Roman at sumara ang pinto. "Mauna na kami, mahal na reyna. Mapagpalang gabi!" paalam ng mga hora na nasa silid ni Kaxandra. "Paalam kung ganon at maraming salamat sa paglilingkod n'yo ngayong araw." paalam din ni Kaxandra at nang makalagpas sa kaniya ang mga hora ay bigla s'yang pinasukan sa ilong ng isang itim na usok. "Aghh—" daing n'ya at agad s'yang nanghina, napalingon tuloy ang mga at agad s'yang nilapitan. "Ang mahal na reyna!" napukaw ng mga ito ang atensyon ng lahat kung kaya't nagpasukan sila sa silid, maging si Roman na hindi pa nakakalayo. Nakita n'ya si Kaxandra na nanlalambot at waring sumasakit ang ulo. "Anong nangyayari sa'yo?" nagaalalang tanong ni Roman at s'ya ang umalalay sa reyna. "M-may nalanghap lang akong — mabahong usok..." sagot ni Kaxandra na bahagya pang inuubo. "Mabahong usok? Saan naman manggaling iyon?" pagtataka ni Roman. ... (Derrohny) Itinaas ni Balrak ang kaniyang kaliwang palad at dumapo rito ang isang itim na paru-paro. "Nagawa mo ba ang aking iniuutos?" tanong n'ya. "Magaling! Hahahaha!" "Mahal na hari? Ano ang paru-parong iyan?" pag-uusisa ni Guzma. "Isang alagad. Alagad na aking gagamitin upang unti-unting patayin si Roman." tuso at nakangising sagot ni Balrak at kaniyang pinalipad palayo ang paru-paro. "Sa mga sandaling ito ay marahil kumakalat na ang sumpa sa katawan ni Kaxandra. Sa maikling panahon ay unti-unti s'yang kakainin ng lason na ipinasok ko sa kaniyang katawan at hindi magtataglay — s'ya ay mamamatay!" dugsong ng hari. "Tunay ba, panginoon? Paano n'yo ito nagawa kung ganon?" pagkahiwaga ni Guzma. "Hindi mo na kailangang malaman, Guzma. Hintayin mo nalang ang nalalapit na pagluluksa ng Goltus... at ni Roman HAHAHAHA!" wika ni Balrak at lumakad na palabas sa bulwagan. "Guzma, anong ginagawa mo rito?" pagdating ni Grayda. "Wala naman — paalis na rin ako, ano ang iyong sadya rito?" "Hinahanap ko ang ating panginoon, nasaan s'ya? May kailangan akong ibalita!" "Kakaalis n'ya lamang, ngunit tiyak na masusundan mo pa s'ya." "Magaling, kung ganon ay maiwan na kita, paalam!" saad ni Grayda at tinahak ang kaparehong daan na ginamit ni Balrak sa paglabas. Nakita n'ya sa di kalayuan ang hari at may kinakausap na ilang mga Derronian... "Panginoon!" patakbo na s'yang lumapit at agad na nagbigay galang. "Grayda?! Mabuti't nakita na kita! May dala ka bang magandang balita para sa akin?" nakangising tanong ni Balrak. "Oo, panginoon, isang balita na tinitiyak kong ikatutuwa ninyo!" pagngiti ni Grayda, "sapagkat, alam ko na kung saan nananatili ang sinasabi n'yong bagong silang na sanggol ni reyna Kaxandra!" Bumilog ang mga mata ni Balrak at sya'y napangiti na may kasamang mahinang bungisngis. "Magaling, ngayon mag-salita ka!" At ibinulong na ni Grayda ang lahat ng kaniyang mga nalalaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD