Kabanata 18: Babala

3124 Words
Isang panibagong araw ang sumikat sa Majezenty. Si Kaxandra ay nagising na ngunit nananatili s'yang nakahiga sa kanilang kama ni Roman dahil sa bigat ng kaniyang pakiramdam, tila ba s'ya ay may sakit. "Salutem, Kaxandra! Gising ka na pala?" dumating ang hari at may kasunod itong mga hora. "Tamang tama, heto, mag-agahan ka muna." sabi nito at ipinababa sa kama ang mga pagkain. "Maraming salamat — ngunit, hindi p-pa ako nagugutom." matamlay na sagot ni Kaxandra. "May sakit ka ba? Anong iyong nararamdaman?" agad na nilapitan ni Roman ang kaniyang asawa at hinaplos ito. "Kay init mo, Kaxandra!!" nangangambang sabi ng hari at ipinatawag agad si Talya upang maipatingin ang reyna. "Anong nararamdam mo? Kaya mo bang kumilos? Nais mong ako na lamang ang magpakain sa 'yo?" tanong ni Roman sa kaniyang asawa. Ngumiti lang si Kaxandra at hinawakan ang kaniyang mukha... "Ayos lang ako — napaka palad ko at mayroon akong hari na katulad mo." paglalambing nito. Napangiti din si Roman at inabot ang mga pagkain palapit sa kanila. "Mas mapalad ako dahil pumayag na maging aking reyna." saad nito, "kaya ngayon ay aalagaan kita — heto, hayaan mong pakainin kita." Hindi man magsabi si Kaxandra pero kita na sa kanya na mayroon s'yang iniinda. Matamlay ang kaniyang mukha at maputla ang balat. Tila bagsak rin kaniyang mga mata at halata sa kan'ya na nahihirapan s'yang gumalaw. ... (Derrohny) Nakatanaw lang sa bintana ng kaniyang silid si Balrak, tulala at may malalim na iniisip. "Panginoon!" dumating si Guzma at nag-bigay galang, "narito si Grayda at mayroon s'yang balita." "Papasukin mo." maigsing saad ni Balrak. Pumasok na nga si Grayda at silang tatlo ang nag-usap. "Kadadalaw ko pa lamang kay Reyna Kaxandra kanina at nakikita kong tila tumatalab na ang inyong sumpa, panginoon." ulat nitong si Grayda .Napangiti si Balrak at kita sa kaniyang mga mata ang tuwa... "Hahaha — magaling! Hahahaha!" sambit nito, "sadyang maasahan ang aking bagong alaga!" "Ngayon panginoon, sabihin n'yo — kailan natin isasagawa ang plano?" tanong ni Grayda. "Anong plano?" pag-uusisa ni Guzma. "Hindi mo pa ba batid?" tanong ni Grayda sa kaniya. "Batid ang alin?" "Ang pagpaslang sa anak nina Roman at Kaxandra!" may diin na sabi ni Balrak. "Maghintay lang tayo ng kaunti pang sandali, pagkatapos ay magbababa na ako ng utos..." saad nito at lumakad na palabas, "...bago pa lumaki ang batang sinasabi ni Fellian." dugsong nito pero hindi s'ya gaanong naintindihan ng dalawangg naiwan. Nagbalik na sa Goltus si Grayda at dumaretso s'ya sa silid ng kaniyang alaga, si Lerzia. Dito ay nadatnan n'ya ang munting prinsipe na kasama si Tomzo at tila sila ay nagaaral. "Salutem, Tomzo! Kumusta ang ating alaga?" tanong ni Grayda habang hinuhubad ang roba na suot. "Mabilis matuto ang paslit na ito, tiyak na kapag s'ya'y gumulang na ay gagaling din s'ya sa paghawak ng sandata!" sagot ni Tomzo at hinaplos ang ulo ng bata. "S'yang tunay — ngayon pa lamang ay nakikita ko nang magiging mahusay nating pinuno ang batang 'yan pagdating ng panahon." saad ni Grayda at pinisot naman ang pisngi ni Lerzia. "Maiba ako — ano ang napag-usapan n'yo sa Derrohny?" tanong ni Tomzo. "Pinagpulungan lang namin ang gagawing pagdukot at pagpaslang sa bagong silang na sanggol ni reyna Kaxandra." pabulong na sagot ni Grayda. "Tunay ba? Kailan ito isasagawa?!" "Magbababa pa ng utos si panginoong Balrak, maghintay lang muna tayo." "B-Bal-rak." pagbigkas ni Lerzia. Si Tomzo ay isa ring Derronian, nagbabalat-kayong gire o katulong na lalaki/tagapamahala ng silid-aklatan sa Goltus at sila ni Grayda ang inatasan ni Balrak upang bantayan at gabayan ang apo nito na si Lerzia. Nang lumubog ang araw ay nag-liwanag na ang buong Goltus, dulot ito ang mga ilaw sa loob at labas ng palasyo. Namahinga na ang lahat at ipinasara na rin ang mga entrada dahil hindi na magpapasok ng panauhin. Sa kakaliman ng gabi ay naalimpungatan si Roman sa isang ingit na kaniyang naririnig, agad s'yang nagmulat at bumangon. Si Kaxandra — si Kaxandra ang naririnig n'ya! Umiingit ito na tila nasasaktan at bahagya ring namimilipit, tila ba may kumikirot sa loob ng katawan nito— "Kaxandra... Kaxandra!" pag-tapik ni Roman. "Kaxandra, gumising ka... Kaxandra?!" Hindi nagmumulat si Kaxandra ngunit panay lang s'ya sa pag-ingit at paggalaw. Bumangon na si Roman at lumipat ng pwesto upang mas maasikaso n'ya ang asawa. "Kaxandra?! Kaxandra?! Naririnig mo ba ako?! Anong nararamdaman mo? Gumising ka!" pag-yugyog ng hari kay Kaxandra. "Mmm—" dumadaing lang si Kaxandra at papihit-pihit ang ulo nito. "Kaxandra!! Kaxandra!" lumalakas na ang boses ni Roman kung kaya't nadidinig s'ya sa labas. Bumukas ang pintuan ng kanilang silid at pumasok si Emprido kasama na ang ilang mga kawal. "Kaxandra?! Gumising ka, Kaxandra!" pagtapik ni Roman sa mukha ng reyna. "Anong nangyayari, mahal na hari?" tanong ni Emprido at lumapit na s'ya sa dalawa. Kita sa mukha ni Roman ang labis na pangamba at tila malapit na rin itong mapaluha... "Kaxandra..." Hanggang sa mapaubo si Kaxandra at naglabas s'ya ng itim na usok mula sa bibig, pagkatapos ay biglang namang nagkulay lila ang mga ugat nito sa katawan at waring nalalason s'ya! "Anong — anong nangyayari?!! Kaxandra!!!" sigaw ni Roman at pilit na niyang niyugyog ang asawa. "AGHHH!!" lalong lumakas ang pagdaing ni Kaxandra. "KAXANDRA GUMISING KA!!" sigaw ng hari na talagang takot na takot na. "Roman — may dumadaloy na kung ano sa loob ng kaniyang katawan." puna ni Emprido na pinagmamasdang maigi ang reyna. "Ipatawag mo si Talya — ang mga mangagamot! Ngayon na, madali!" utos ni Roman na bahagya nang tumatangis habang hawak ng mahigpit ang isang kamay ni Kaxandra. Humangos na sina Emprido at kanilang hinanap ang pinunong hora ng Goltus. Nagkagulo sa palasyo dahil mabilis na kumalat ang balita ukol sa naganap sa reyna, dahil doon kaya ang lahat ay nagising at naki-usyoso kahit pa kalaliman na ng gabi. "Paraanin n'yo ako!!" pagpapatabi ni Talya sa mga kawal na nasa labas ng silid. Agad s'yang pumasok at nakita ang mag-asawa... "Kakaiba..." sabi agad ng hora. "Talya, anong nangyayari sa aking asawa? Bakit s'ya nagkakaganito?" tumatangis na tanong ni Roman. "Hayaan mong tignan ko." sagot ni Talya at pinalayo muna ang hari sa reyna saka pumasok ang iba pang manggagamot na titingin kay Kaxandra. Hinaplos kaagad ni Talya ang pulsuhan ng reyna at dinama ang kalooban nito. Lalong umiigting ang kulay ng mga ugat ni Kaxandra at mas lumakas pa ang pag-ingit nito!— "Anong nangyayari?! Bakit s'ya patuloy na umiingit?!" nababahalang tanong ni Roman. "Mayroong kakaibang sumpa ang nakalukob sa kaniya — hindi ito pang karaniwang sumpa..." nangangambang lahad ni Talya. "AGHHHH!!" pagsigaw ng reyna at mas naging agresibo ang pamimilipit nito! "Kaxandra!!" agad nang nilapitan ni Roman ang asawa at hinawakan ang kamay nito, "Kaxandra, gumising ka! KAXANDRA!" "ANO BANG NANGYAYARI?!!" Nagsimula nang magbulung-bulungan ang mga nasa labas at nakiki-usyoso, lahat ay may kanya-kanyang kuro-kuro sa kung ano ba ang tunay na nangyayari sa kanilang reyna. Binitiwan muna ni Roman si Kaxandra at inilabas n'ya ang anim na hiyas, ang lahat tuloy ng nasa silid ay nasilaw dahil sa labis na liwanag ng mga ito, tila ba ipinapakita nila ang tindi ng nararamdaman ng hari. "Nagsusumamo ako sa inyo!! — pigilan n'yo kung ano man ang nararamdaman ng aking asawa! Pagalingin nyo s'ya!!" pagsamo ni Roman. Nagliwanag ng husto ang mga hiyas at nagsimula na ring pumasok ang hangin sa loob ng silid!— ✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨✨ At nagpakawala ng kakaibang enerhiya ang mga hiyas! Si Kaxandra rin ay biglang tumigil sa kaniyang sumpong. Ibinaba kaagad ni Roman ang kaniyang kamay at tinignan ang asawa. "Nakontra ng mga hiyas ang sumpa." saad ni Talya nang mahawakan muli si Kaxandra, "pasamantalang tumigil ang pagdaloy ng lason sa kaniyang katawan ngunit hindi pa rin ito naglalaho. Magpaparamdam itong muli..." Napatingin lang sa kaniya si Roman nang may halong takot sa mga mata. ... (Kinaumagahan) Nasa balkhone si Kaxandra at inaalalayan sya ng mga hora, si Roman ay nasa di kalayuang bahagi at pinagmamasdan s'ya habang kausap sina Maro at Bella. "Dinapuan ng kakaibang sakit si Kaxandra. Dulot ito ng hindi pangkaraniwang salamangka, tila may mas makapangyarihang nasa likod nito." sapantaha ni Maro. "Nakakaawa namang pagmasdan ang mahal na reyna sa ganiyang kalagayan." saad naman ni Bella, "sino naman kung gano'n ang mag-susumpa sa kaniya, tandang Maro?" tanong nito. "Hindi ko batid, ngunit nakatitiyak ako — na may sapat s'yang kaalaman at kapangyarihan sa paggamit ng itim na salamangka. Tignan mo't biglaan nalang naging ganiyan si Kaxandra." sagot ni Maro kung kaya't napaisip na sina Roman at Bella. "Si Balrak..." sambit ng hari. "Kamahalan?" "Maaaring si Balrak ang may kagagawan nito!" saad ni Roman at agad na naglaho. "Saan pupunta ang mahal na hari?" pagtataka nina Maro. Tahimik ang kaharian ang Derrohny... Kasalukuyang kausap ni Balrak sina Guzma at ang ilang mga kawal nang biglang lumitaw sa harapan nila si Roman! "KALABAN!" sigaw agad ni Guzma at pinangalagaan nila ang kanilang hari. Nang bago pa lamang kikilos ang mga nagbabantay ay nagpakawala si Roman ng isang mabagsik na enerhiya! "Roman?! Anong ginagawa mo rito?!" pagkagulat ni Balrak. "Anong ginawa mo kay Kaxandra?!" malamig na tanong ni Roman. "Kay Kaxandra?! Anong mayroon kay Kaxandra?" "'Wag ka nang mag-maang-maangan. Batid kong ikaw lamang ang may motibong gumawa ng masama sa akin at sa mga minamahal ko!" bintang ni Roman. "Hahaha — tila nagkakamali ka ng bintang Roman?! Hindi ko alam ang iyong sinasabi?!" pag-tanggi naman ni Balrak na may kasama pang pag-ngisi. Maya-maya pa ay dumaan sa pagitan nilang dalawa ang itim na paru-paro na alaga ni Balrak— Nanlilisik itong pinagmasdan ni Roman at agad nyang hinuli... "Isang valaris?! Kung gano'n ano 'to?!" pagbaling ni Roman ng tingin kay Balrak at inipit n'ya sa kaniyang palad ang paruparo at tinunaw ito! Nanlaki naman ang mga mata ni Balrak ngunit hindi n'ya ipinakita na sya'y nagulat sa kakaibang kapangyarihan ni Roman. "Ngayon mo sabihining wala kang kinalaman sa mga nangyayari sa aking asawa!" ngitngit ng amang hari, "kaya sumagot ka!! ANONG GINAWA MO KAY KAXANDRA!" "PINASLANG MO ANG AKING ANAK!" sigaw ni Balrak, "PINASLANG MO NANG WALANG KALABAN-LABAN ANG AKING MGA ANAK!! Kayo ng mapagmataas mong lahi ang pumaslang kina Hanze at Helad ko, ngayon ang susugod ka rito na akala mong ikaw ang biktima?! GUMAGANTI LAMANG AKO ROMAN! GUMAGANTI AKO SA LAHAT NG SAKIT NA IDINULOT MO SA AKIN!" "Hindi ako pinaslang ang mga anak mo—" tanging nasambit ni Roman. "SINUNGALING!!!" tumatangis na bulyaw ni Balrak, "KAHIT KAILAN, KAYONG MGA SORSERO AY NAPAKA SINUNGALING! MAPANGGAP AT MANLOLOKO!" "Buhay ang inutang mo, kaya't buhay rin ang ibabayad mo..." "Bakit hindi ako ang parusahan mo?! Ako na sinasabi mong pumaslang sa mga anak mo?!" galit na tanong ni Roman, "bakit si Kaxandra pa?! Wala s'yang laban sa 'yo!" "Masakit mawalan ng minamahal sa buhay Roman. Araw-araw at gabi-gabi akong pinapatay ng labis na kalungkutan! Anong ligaya ang idudulot sa akin kung papatayin kita kaagad? Ano Roman?! ANO!!" malungkot at tumatangis na sagot ni Balrak, "unti-unti akong namamatay sa loob ko! At kagagawan n'yong mga sorsero ito!" "Kaya kagaya ng dinaranas ko — ay hindi rin kita bibigyan ng kalayaang makasama ang mga minamahal mo..." "Tama na..." naluluhang sambit ni Roman. "Sa pamamagitan ni Kaxandra ay maipadadama ko sa'yo ang katumbas na sakit na ipinararanas mo sa akin ngayon! Dahan-dahan kitang papaslangin Roman — DAHAN-DAHAN! Hanggang sa ikaw rin ay mamatay sa kalungkutan dahil ang iyong reyna ay hindi na humihinga!" panunumpa ni Balrak at ngumiti nang may luha sa mga pisngi. "TAMA NA!!" hindi na napigilan ni Roman ang kaniyang damdamin kung kaya't nakapaglabas s'yang muli ng enerhiya! "Hindi mo masasaktan si Kaxandra..." sambit ng hari at itinaas ang kaniyang palad. At lumitaw rito ang mga hiyas! "Tama ang hinala ko — na sa 'yo na nga ang anim na hiyas!" saad ni Balrak. "Nagkakamali sa binibintang mo, Balrak." wika ni Roman at tinignan ang mga hiyas, "naninindigan ako sa harap ng anim na hiyas na ito at maging sa bantay na Zanaa, HINDI AKO ANG PUMASLANG SA MGA ANAK MO!" "Kung nagsisinungaling ako ay ang mga hiyas na ito ang mismong kukuha sa aking buhay — ngunit kung nagsasabi ako ng totoo ay mawawasak ang inyong kaharian, bilang kabayaran ng ginagawa mo sa aking asawa!" sumpa ni Roman at itinapat sa mga Derronian ang hiyas. Nagkatinginan sina Balrak at Guzma na may halo nang pangamba at naghintay sa susunod na mangyayari— Lumutang paitaas ang mga hiyas at sa himpapawid ito nanatili. Maya-maya pa ay bigla nang yumanig ang kalupaan sa buong Derrohny at nag-biyak ang mga ito! Tuwid lang ang tingin si Roman kay Balrak habang nanlilisik ang mga mata— At nagkaroon na ng napaka laking sirkulo sa kalangitan na gawa ng mga hiyas at pababa ito sa Derrohny! "Mawawasak na ang ating kaharian, panginoon! Tumatalab ang sumpa ni Roman!" pangamba ni Guzma. Lumakas na ang pagyanig at unti-unting gumuho ang mga haligi ng palasyo!! "HINDI!! HINDI!!!" sigaw ni Balrak at si Roman ay naglaho na upang iwan sila at hayaang matabunan ng gumuguhong kaharian! "ARGHHHHH!!!" Natanaw sa Goltus ang kakaibang liwanag na nagmumula sa dakong timog at wala namang makapag sabi kung ano iyon. Tanginang si Capaste ang ilang mga kawal lamang ang nakaalam na ito pala ay mula sa gumuguhong Derrohny sapagkat gumamit sila ng teleskopyo at hindi na ipinabatid sa nakakararami ang kanilang mga natuklasan. "Tiyak na may kinalaman rito ang ating hari." nangangambang sabi ni Capaste at nakita n'ya nga si Roman, nakasuot pa ito ng baluti at panandaliang huminto nang magtama ang kanilang mga mata. Nakita n'ya sa hari ang labis na lungkot na marahil ay dulot pa rin ng pag-aalala sa sinapit ni Kaxandra. Tumungo na lamang si Capaste at ibinaling sa balkonahe ang kaniyang paningin, habang si Roman ay nagpatuloy na rin sa paglalakad patungo sa kaniyang silid. ... "Nagngingitngit s'ya sa nangyari sa kaniyang mga anak, Maro. Iniisip n'ya na ako pumaslang kina Hanze at Helad." kwento ni Roman at uminom s'ya ng alak. "Paano naman nakarating sa kaniyang kasinungalingang iyon?" tandang Maro. "Hindi ko batid — at hindi ko na rin nais pang alamin. Ang mahalaga sa akin ngayon ay malunasan ang kung anumang sumpa ang ipinataw ni Balrak sa aking asawa." "Sinabi mong nakakakita ng isang valaris?! Roman, ang paru-parong iyon ay maaaring nanggaling sa isang jersatel kaya't nagtataglay ito ng kakaibang kapangyarihang upang pasakitan ang sinuman." pagpapaliwanag ni Maro. "Kung gano'n ay may kakamping jersatel si Balrak?" pagsali ni Emprido sa usapan. "May malakas na nasa likod n'ya si Balrak, ito ang nagbibigay sa kanya ng tapang upang patuloy tayong labanan." iritang sabi ni Roman, "ngunit sa tingin ko'y hindi muna sila makakagawa ng anumang hakbang laban sa atin." "At paano mo naman nasabi, kamahalan?" tanong ni Emprido. Tumayo sa inuupan n'ya si Roman at tumanaw sa bintana... "Dahil winasak ko na ang kanilang kaharian." malamig nitong sagot, "wala na silang magiging kanlungan kaya't mahihirapan na silang kumilos." Nagkatinginan nalang sina Emprido at Maro, kapwa nila iniisip ang biglaang paggawad ni Roman ng parusa sa mga Derronian. ... (Sa silid ni Kaxandra) Payapang natutulog si Kaxandra habang katabi ang kaniyang anak, bahagya s'yang naalimpungatan at nagkaroon ng simbolo sa kaniyang noo. "Kaxandra?! Kaxandra!" tinig ni Fellian sa kaniyang isipan. "Kaxandra?! Nasa panganib ang buhay ng inyong anak! Pinaghahandaan ng mga kalaban na paslangin si Axus dahil s'ya ang nasasaad sa propesiya na mag-bubuong muli sa Majezenty. Kailangan mo s'yang pangalagaan, Kaxandra. Iligtas mo ang iyong anak!" pagsamo ni Fellian. Biglang nagising si Kaxandra at sya'y napabangon. Nawala na rin ang tinig ni Fellian kaya't agad n'yang tinignan si Axus, na ngayon ay katabi pa rin naman n'ya at payapang nahihimbing. "Anong ibig ipakahulugan ni Fellian? Bakit s'ya nagparamdam sa aking panaginip?" nangangambang tanong ni Kaxandra sa kaniyang sarili. Dahil don kaya hindi na nakatulog pa ang reyna at buong magdamag n'yang hinuha ang mga sinabing babala ni Fellian. Nang sumapit ang liwanag ay nadatnan s'ya ni Roman na nakatayo at binabantayan si Axus na nasa duyan at natutulog pa rin. "Kaxandra?! Gising ka na pala?!" masayang bati ni Roman at hinagkan s'ya sa pisngi. "Magandang umaga!" bulong ng hari. "Magandang umaga rin." bati ng reyna na halatang may iniisip. "Tila hindi maganda ang iyong gising, mahal ko? May bumabagabag ba sa iyo?" tanong ni Roman at niyakap mula sa likuran ang asawa. Sabay nilang pinagmasdan ang kanilang anak na himbing na himbing sa pagtulog. "Nakipag-usap sa akin kagabi si Fellian — at nagbabala s'ya ukol sa ating anak." saad ni Kaxandra na may halong takot. "Babala? A-anong babala?" pagtataka ni Roman at iniharap n'ya sa kaniya si Kaxandra. "Sinabi n'ya na may nagtatangka sa buhay ni Axus at kailangan natin s'yang pangalagaan dahil s'ya ang sinasabi sa propesiya na magsasaayos muli ng ating daigdig." "Sino naman ang magtatangka sa kaniya?" pagtataka ni Roman, "at saka — propesiya? Ano ang propesiya, Kaxandra?" Tulala lang si Kaxandra at iniisip ang kasagutan sa mga tinatanong ng kaniyang asawa... Hanggang sa kumilos s'ya upang kuhanin ang kaniyang roba at dagli itong isinuot. "Sandali, Kaxandra! Saan ka patutungo?" tanong ni Roman habang ang asawa ay nagmamadali nang lumabas sa silid nang hindi man lang nag-bitiw ng paalam. "Kakaiba — anong meron sa inyong mahal na reyna?" nagtatakang tanong ni Roman sa mga hora na kasama ni Kaxandra sa silid. S'ya na lamang tuloy ang nagbantay kay Axus hanggang sa ito ay magising. Si Kaxandra ay nagtungo sa kagubatan kasama ang ilang mga kawal-Goltian dahil balak n'yang kausapin si Fellian. Mabilis n'yang natagpuan ang tahanan nito at inutusan n'ya ang mga kawal na magbantay na lamang sa paligid at s'ya na ang makikipag-usap sa sinunang sorsero. "Salutem, Fellian!" pagbati ni Kaxandra at hinubad ang talukbong n'ya. Agad s'yang hinawakan sa pulso ni Fellian at pinakarimdaman. "Lumalala ang lason na nasa katawan mo, Kaxandra. Unti-unti na nitong kinakain ang lakas at lamang loob mo." nababahalang sabi ni Fellian at humarap sa kaniyang kawa. "Hindi ako naparito dahil sa aking karamdaman, kundi dahil sa mga sinabi mo sa akin kagabi." saad ni Kaxandra, "ano ang propesiyang tinutukoy mo at sino ang kalabang nagtatangka sa buhay ng aking anak?" daretsuhang tanong nito. "Halika, tignan mo." sagot ni Fellian at ipinasilip kay Kaxandra ang mga nais n'yang kasagutan. Mula sa mahiwagang kawa ay nasilayan ni Kaxandra ang mga bagay na magaganap sa darating na mga panahon! Ang panahon kung saan malaki na ang anak n'yang si Axus at kung paano ito mamumuhay bilang isang mahusay at makatarungang pinuno! Napangiti ang reyna sa kaniyang mga nakita dahil tila ba si Axus na ang susunod sa yapak ni Roman. Bagamat hindi n'ya nakita ang pisikal na wangis ng anak ay natuwa pa rin s'ya at nasabik sa magiging kapalaran ng anak. "Si Axus ang nakatakdang magpabagsak sa malupit na panunungkulan ni Balrak at maging sa kaharian din ng Derrohny." paliwanag ni Fellian "S'ya ang magbabalik sa ayos ng mga bagay na nagsisimula palang masira sa ngayon." "Kung ganon, si Balrak..." pagtatanto ni Kaxandra, "si Balrak ang tinutukoy mong kalaban na nagtatangka sa buhay ng aking anak, Fellian?" "Oo tama 'yon, lalo't ngayon ay kumikilos na sila upang isakatuparan ang pagpaslang sa iyong anak. Uunahan ng Derronian si Axus, bago pa man s'ya nito mapaslang." paglalahad ni Fellian, "kaya minabuti kong sabihan ka na, dahil hindi ko nais na mawala ang natitirang pag-asa ng magulong mundo na ito." Titig lang si Kaxandra sa mga mata ni Fellian at unti-unti nang pumapasok sa isipan n'ya ang mga bagay na dapat gawin upang mapangalagaan ng anak. "Hindi ako papayag na may mangyayaring masama kay Axus! Maraming salamat sa mga inilahad mo, Fellian. Alam ko na kung ano ang gagawin!" saad ni Kaxandra at nagbigay galang. "Gawin n'yo ni Roman ang lahat upang hindi magtagumpay si Balrak sa kaniyang masasamang layunin." pakiusap ng sinaunang sorsero. "Makakaasa ka! Maraming salamat muli, paalam." wika ni Kaxandra at nagmadali nang makabalik sa Goltus upang masabi sa asawa ang mga nalaman n'ya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD