“Wa-wala..." ani Kiara na tila naubusan ng dugo sa tanong niya. “Wala kang dapat malaman maliban sa kung anong klaseng lalaki si Sir Dyrroth. Pasensya ka na kung medyo hindi maganda yung dating ko sa'yo. Nag-aalala lang ako sa'yo bilang nanay mo."
Kumunot ang noo ni Ruthie sa kakaibang inaakto ng ina. Kanina lang ay namumula ito sa galit, pero biglang namuti ang kulay ng mukha nito nang tanungin niya kung may dapat ba siyang malaman tungkol kay Dyrroth.
Noon pa man, hindi na normal ang pagtingin ng ina sa anak ng amo nila. Katulad ng ilang trabahador dito, iwas na iwas si Kiara kay Dyrroth, animo'y may nakakahawa itong sakit. Bukod sa pinagbabawalan siya na makipagkaibigan dito, wala siyang narinig na kahit isang magandang salita mula sa ina tungkol sa binata.
Hangga't maaari, ayaw ng ina niya na nababanggit ang pangalan ni Dyrroth, pero sa mga pagkakataon na hindi maiwasan na maging laman ito ng pag-uusap nila, palaging madilim ang mukha nito. Bilang lang din sa daliri ang mga pagkakataon na nakita niyang nasa iisang silid ang dalawa. Hindi niya maintindihan ang ina noon, ngunit matapos ang lahat ng nangyari, unti-unti nang lumilinaw sa kaniya kung bakit.
May matinding takot ang kaniyang ina sa pamilya Hales. Iyong klase ng takot na unti-unting kumakain ng pag-iisip hanggang sa lamunin nito ang lahat ng kapayapaan mayroon sa puso ng isang tao. Iyong klase ng takot na mag-iiwan sa iyong gising gabi-gabi at nakabantay sa kung ano mang bagay ang nagtatago sa dilim.
Ngunit bakit?
“Ma, hindi na ako bata," may diin niyang sabi. “Kung ano man yung linilihim mo sa'kin tungkol sa pamilya Hales, pwede mo nang sabihin sa akin ngayon. Kakayanin ko kahit anong klaseng sikreto pa 'yan."
Mahinang umiling ang ina at hinawakan ang parehong kamay niya.
“Wala akong linilihim sa'yo. Nakapagsalita lang ako ng ganoon dahil naaalala ko ang sarili ko sa'yo. Minsan na akong naloko, anak. Ayoko lang na mangyari 'yon sa'yo kaya medyo apektado ako sa relasyon mo kay Sir Dyrroth."
“Si Papa ba yung tinutukoy mo?"
“Oo," may pait itong ngumiti. “Alam mo naman kung ano nangyari sa akin, 'diba? Matapos akong mabuntis, hindi na nagparamdam ang hayop na lalaki na iyon. Kaya mag-ingat ka sa mga taong pakikisamahan mo. Hindi lahat ng ipinapakita nila sa iyo ay totoo. Sasabihin nila ang lahat ng gusto mong marinig para makuha ang gusto nila. At kapag hindi ka naging mabusisi, ikaw ang magiging talunan at umiiyak sa huli."
Hindi niya napigilang mapaluha muli sa sinabi nito. Yinakap siya ng kaniyang ina habang hinahaplos nito ang likod niya para kumalma siya.
“Sorry... Hindi ako nakinig sa'yo..." tumatangis niyang saad.
“I'm sorry din, Ruthie. Hindi kita maprotektahan."
Bumitaw ito sa pagkakayakap at tinuyo ang basang pisngi niya dahil sa mga luha.
“Halika. Ihahatid na kita sa kwarto mo."
Her mother escorted her to her room and comforted her. Hindi pa rin niya nasabi rito ang buong nangyari sa kanila ni Dyrroth sa jacuzzi nito. Ayaw niyang mag-alala pa ito.
Lumipas na ang dalawang araw. Tinupad naman ni Dyrroth ang pangako nito sa kaniya na hindi siya nito gagambalain. Kahit ang anino nito ay hindi niya nakita na nagpakirot sa puso niya. Kahit papano ay malalim ang pinagsamahan nila ng binata. Napakasakit isipin na matatapos ang pagkakaibigan nila ng ganito lang.
She should have seen this coming. Saan ba siya nagkamali? Bakit ba hindi niya napansin na iba na pala ang pagtingin ni Dyrroth sa kaniya? Kung hindi siya nagpakamanhid, baka may nagawa pa siya tungkol sa kanilang dalawa at hindi sila umabot sa ganito. Hindi niya mapigilang sisihin ang sarili.
Tuluyan nang naubos ang mga kaibigan niya. Ang ina at sarili na lang ang kakampi niya, pero pakiramdam niya hindi iyon sapat.
Pagkatapos nang mahabang oras na pag-iisip, napagdesisyunan ni Ruthie na pumunta sa burol ni Carlos. Tutol ang kaniyang ina pero hindi siya nagpapigil. Sinuot niya ang nag-iisang itim na bestida na mayroon siya at umalis ng walang paalam.
Siya lang ang tanging saksi sa tunay na nangyari kay Carlos. Hindi niya ito natulungan ng gabing iyon. Wala siyang nagawa para iligtas ang lalaking nagbigay ng isa sa pinakamasayang gabi sa buhay niya, at dahil doon, inuusig siya ng kaniyang konsensya. Attending his funeral and praying for his soul is the least she can do for him. Ngunit hindi pa siya nakakalapit sa kabaong nito ay naramdaman niyang may malakas na humila ng buhok niya dahilan para sumalampak siya sa sahig.
“MANGKUKULAM!" buong lakas na sigaw ng babaeng sumabunot sa kaniya.
Sa sobrang gulat niya ay hindi agad siya nakapagsalita at namimilog ang mga matang tiningala ang babae habang nakaupo siya sa sementong sahig na puno ng pagtataka. May dalawang lalaki na agad lumapit at inawat ang nagwawalang babae, pero hindi ito tumigil sa kasisigaw.
“Ikaw! Ikaw na impaktang mangkukulam ka! Ang kapal din ng mukha mong magpakita rito!" anitong dumuduro sa kaniya. “Ikaw ang pumatay sa anak ko! Kung hindi mo s'ya ginayuma, buhay pa sana si Carlos ngayon!"
A-anak?
“Tita, kumalma kayo," anang lalaki na umaawat dito.
“Hindi! Bitawan ninyo ako! Kakalbuhin ko 'yang babaeng 'yan!"
Hindi na nakabawi pa si Ruthie sa sobrang pagkagulat at nanigas sa kinauupuan. Awang ang mga labi niyang hindi makaporma ng kahit anong salita habang natulala sa ina ni Carlos na napakadilim ng mukha sa kaniya.
Matapos ang ilang segundo ay nanlulumo ang ina ni Carlos na napaluhod sa lupa at malakas na umiyak na parang wala nang bukas. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong klaseng pagluluksa at pagtangis sa buong buhay niya. Ang bawat ngawa nito ay puno ng pinaghalong sakit at galit.
“Binalaan ko ang anak ko na huwag lumapit sa'yo dahil may sumpa ka, pero hindi s'ya nakinig! Hindi ko s'ya napigilan... Ako ang nanay n'ya pero hindi ko s'ya napigilang umalis ng gabing 'yon... Dahil sa'yo... hindi ko na ulit makikita ang anak ko..." puno ng pighati nitong saad habang hinahampas ang dibdib.
Nanginginig ang mga labi ni Ruthie na pinilit magsalita. May iilang butil din ng luha ang tumulo sa kaniyang mga mata. Ang gusto lang naman niya ay magpaalam kay Carlos at makita ito sa huling pagkakataon. Bakit kailangan na humantong sa ganito?
“P-pa-patawad po... H-hindi ko gustong ma-mawala si Carlos..." aniya.
Mariin niyang tinikom ang bibig at tinipon ang lahat ng lakas ng loob niya para tignan ito ng diretso sa mata. Gusto niyang ipakita rito kung gaano siya kasinsero sa pagpunta sa burol ng anak nito. Ngunit lalong nanlisik ang mga mata ng ina ni Carlos. Dahil walang kahit anong salita ang magpapakalma sa isang ina na namatayan ng anak sa ganoong kabrutal na paraan.
“SINUNGALING! Sinungaling kang halimaw ka!" sigaw nitong may nakamamatay na tingin sa kaniya.
Nagtipon ang lahat ng taong naroon para usisain kung anong komosyon ang nangyayari. Everybody's eyes are on them and it is suffocating her.
“Lahat ng tao dito sa baryo alam na may sa demonyo ka!" patuloy nitong sigaw na naririnig ng lahat. “Lahat ng mapapalapit sa'yo namamatay! Isa kang sugo ng kadiliman! Ilang tao na ba ang nabiktima mo ha? Kailan ka makukuntento?! Ilan pa bang tao ang kailangan mong kunin para matigil ka?! O baka naman wala kang plano tumigil?"
Pagak itong tumawa na tila nasisiraan na ng bait. Tumayo ito at humarap sa mga taong nagtipon para maki-usosyo sa gulo nila.
“Mga kabaryo, narinig niyo ako! Tama ako hindi ba? Alam ninyong lahat ang nakaraan ng babaeng ito! Hindi naniwala ang anak kong si Carlos dahil mga tsismis lang daw iyon. Pero tignan ninyo kung anong nangyari! Ilang mga tao pa ba ang misteryosong mawawala at mamamatay dahil lang lumapit sa babaeng ito? Ano pa bang patunay ang gusto ninyo para maniwala kayo na kampon siya ng demonyo?!"
Lumapit ito ng ilang hakbang at tinignan siya ng ilang segundo na puno ng poot. Pagkatapos ay humarap na itong muli sa mga taong nakapalibot sa kanila at tumuro sa kaniya.
“Tignan ninyo siya mabuti! Itsurang anghel... Pero alam naman natin kung gaano mapanlinlang ang mga diablo. Nakasisiguro akong inaagnas ang loob niya at walang kasing itim ang kaluluwa niya. Saka ano ba ang malay natin kung isa ba talaga siyang tao?! Paano kung hindi lang siya basta isang mangkukulam? Alam ninyo ang kondisyon ng bangkay ni Carlos nang matagpuan s'ya. Isang halimaw lang ang may kayang gumawa ng ganoong bagay... Isang aswang!"
The people loudly gasped at the woman's last words. Ruthie can hear everyone's whisper and sharp gaze toward her. A chill went down her spine, and her sweats became cold. But Carlos's mother is not yet done with her.
“Kung ako sa inyo, tapusin na natin ang babaeng ito bago pa s'ya ulit makapambiktima! Tulungan ninyo akong patayin ang kampon ni Satanas kung ayaw ninyong matulad sa mga naging biktima niya noon! SUNUGIN S'YA NG BUHAY!"