Chapter 2

2439 Words
Dalawang linggo ang mabilis na lumipas mula nung nakakahiyang engkwentrong iyon ni Nalah kay Hakeem, pero parang mapaglaro ang tadhana at ang geography ng Barangay San Roque. Ang daan patungo sa iba pang mga kabahayan sa pinakadulo at pinakamataas na bahagi ng barangay na hawak ni Nalah ay tanging ang kalsada lang na dumadaan mismo sa tapat ng mansion ni Hakeem ang pwedeng lakaran. Walang ibang alternatibong daan maliban kung gusto niyang dumaan sa talahiban na puno ng mga ahas at insekto. Kaya naman, halos araw-araw sa nakalipas na isang linggo pa, nakikita niya ang lalaki sa iba't ibang pagkakataon, kahit na sinabi nitong huwag na siyang magpapakita. Minsan, nakatayo si Hakeem sa may malawak na terrace sa ikalawang palapag ng mansyon, may hawak na puting tasa ng kape habang nakatitig sa malayo, tila nag-iisip ng kanyang mga bagong design. Minsan naman, nakikita niya itong lumalabas sa maliit na pinto ng gate para kumuha ng mga pagkain mula sa delivery rider. Lagi itong naka-hoodie kahit mainit ang panahon, at laging seryoso ang mukha na parang may pasan na daigdig. Sa tuwing magkakatagpo ang kanilang mga mata mula sa malayo, simpleng tango lang ang ibinibigay ni Nalah bilang paggalang at tanda ng kanyang pagiging professional sabay lakad nang mabilis dahil parang kakainin siya nito nang buhay, habang si Hakeem naman ay tumititig lang sa kanya nang malamig, walang emosyon, bago tuluyang tatalikod at papasok sa loob. "Pinaglihi ba siya sa galit na toro? Tss." Isang Huwebes ng hapon, bandang alas tres, medyo napasarap ang interview ni Nalah sa isang malaking pamilya sa itaas na bahagi ng subdivision. Marami silang napag-kwentuhan tungkol sa kalagayan ng kanilang kabuhayan, na bahagi rin ng socioeconomic questions ng census. Nang pababa na siya sa matarik na kalsada, biglang nagbago ang ihip ng hangin at mabilis na nagdilim ang kalangitan. Ang maayos at nakakatunaw na sikat ng araw kaninang umaga ay mabilis na napalitan ng dambuhalang maiitim na ulap na tila nagbabadya ng isang malakas na bagyo. "Naku naman, huwag muna ngayon, please," kaba niyang sabi sa sarili habang binibilisan ang hakbang na halos tumatakbo na siya pababa. Ang mga gamit niya, lalo na ang tablet ng gobyerno at ang mga papel na tracking forms ay nakalagay lang sa isang ordinaryong bag na tela na walang proteksyon sa tubig. Kapag nabasa ang mga ito at nasira ang system, hindi lang siya mapapagalitan, baka pagbayarin pa siya ng PSA sa halaga ng gadget. Ngunit hindi talaga nakisama ang panahon sa kanyang hiling. Isang malakas na kulog ang gumuhit sa kalangitan, na sinundan ng biglang pagbuhos ng napakalakas na ulan, 'yong uri ng ulan na sa unang segundo pa lang ay basang-basa ka na agad. Walang kahit anong puno o waiting shed na pwedeng masilungan sa bahaging iyon ng kalsada, yung isang pamilyar na structure na may malaking concrete overhang. Wala nang oras para sa pride o pag-aalinlangan. Tumakbo nang mabilis si Nalah habang yakap-yakap ang kanyang bag sa kanyang dibdib, sinusubukang gamitin ang sariling katawan para protektahan ang mga dokumento at ang tablet. Basang-basa na ang kanyang asul na vest, ang kanyang puting t-shirt sa loob, at ang kanyang maong na pantalon nang sa wakas ay makarating siya sa shed ng gate ng mansion ni Hakeem. Sumiksik siya sa maliit na space sa ilalim ng concrete roof ng gate, nanginginig sa lamig habang ang hangin ay sumasabay sa hampas ng ulan. "Jusko, 'yung mga papel ko, sana hindi nabasa nang husto," nag-aalala niyang binuksan ang bag gamit ang nanginginig na mga kamay. Ligtas naman ang tablet dahil nasa pinakailalim, pero ang ilang piraso ng tracking forms ay may basang gilid na at unti-unti nang kumakalat ang tinta ng ballpen. Habang pinupunasan niya ang screen ng tablet gamit ang tuyong bahagi ng kanyang t-shirt sa may bandang tiyan na hindi masyadong nabasa ay biglang narinig niya ang tunog ng pag-unlock ng pinto ng gate. Bumukas ang maliit na pinto at nakatayo doon si Hakeem. Hawak nito ang isang malaking itim na payong, at sa pagkakataong ito, wala itong suot na hoodie, kundi isang simpleng gray na t-shirt na nagpapakita ng kanyang gwapong mukha at bulto ng katawan na halatang hindi naman kapayatan kahit laging nakaupo sa tapat ng computer. Tumingin ito sa kanya mula ulo hanggang paa, walang kakurap-kurap. Kitang-kita ang bakas ng tubig-ulan na tumutulo mula sa mahaba-habang buhok ni Nalah patungo sa kanyang mga balikat at pisngi. Ang basang t-shirt nito ay medyo bumakat sa kanyang katawan dahil sa tindi ng pagkaka-basa, dahilan para mapaiwas ng tingin si Hakeem sa unang segundo, isang bihirang reaksyon mula sa isang seryosong lalaki, bago muling ibinalik ang malamig ngunit mas malalim na titig sa mukha ng dalaga. "You're making a mess outside my gate, Nalah," bungad nito, ang boses ay kailangang itaas nang kaunti para marinig sa kabila ng ingay ng ulan. Napasimangot si Nalah, kahit na nanginginig ang kanyang mga labi sa lamig na unti-unting pumapasok sa kanyang mga buto. "Sorry po, Mr. Takahashi. Nakisukob lang muna ako sandali habang malakas pa ang ulan. Hindi ko po kasi inaasahan na bubuhos ito nang ganito kabilis. Aalis din po ako kapag humina nang kaunti, promise po." Tumingala si Hakeem sa langit, pinag-aralan ang makapal na ulap na parang walang planong tumigil sa pag-iyak anumang oras ngayong hapon. Lumingon ito sa malawak at malinis na driveway sa loob ng bakuran, pagkatapos ay muling tumingin kay Nalah, na ngayon ay nakayakap na sa sarili niyang mga braso para kumuha ng kaunting init. "Get inside," maikli ngunit may awtoridad nitong utos. "Ha? Huwag na po, nakakahiya naman po sa inyo, baka marumihan ko lang ang sahig niyo—" "I don't like repeating myself, Miss Psych Student. Pasok. Kung magkakasakit ka o hihimatayin ka rito sa tapat ng bahay ko, ako pa ang sisisihin ng mga kapitbahay at ng employer mo," anito sa masungit na tono. Ngunit bago pa man makahakbang o makahindi si Nalah ay hinawakan na ni Hakeem ang kanyang braso. Marahan iyon ngunit mahigpit at hinila siya sa ilalim ng malaking itim na payong. Ang init ng malaking palad ni Hakeem na dumikit sa malamig at basang balat ng kanyang braso ay nagdulot ng isang kakaibang kaba kay Nalah, isang boltahe ng init na tila lumaban sa lamig ng ulan. Tahimik siyang sumunod, halos sumasabay sa malalaking hakbang ng lalaki habang naglalakad sila patungo sa dambuhalang main door ng mansyon. Pagpasok sa loob, bahagyang napasinghap si Nalah sa ganda at laki ng space ng bahay ni Hakeem. Napakalaki ng sala, isang modern design na pinuno ng mga kulay gray, puti, at itim, na nagpapakita ng personality ng may-ari—malinis, maayos, ngunit walang masyadong kulay ng emosyon. May isang malaking abstract painting sa pader na mukhang gawa sa digital brush at ipina-print sa canvas. Sa kabilang sulok naman ay matatagpuan ang isang dambuhalang workstation na may tatlong monitors na may mga kumplikadong graphic lines, mga mamahaling drawing tablets, at mga nakasabit na headphones. "Maupo ka riyan sa tabi ng pinto. Huwag kang gagalaw o maglalakad sa carpet, kukuha lang ako ng tuwalya," utos ni Hakeem bago mabilis na umakyat sa malaking hagdanan patungo sa ikalawang palapag. Naupo si Nalah sa gilid ng isang leather bench malapit sa entrance, maingat na huwag masyadong patuluin ang tubig sa sahig na gawa sa makintab na semento. Ilang minuto lang ang lumipas ay bumalik si Hakeem, may dalang isang malaking puting tuwalya na mukhang napakalambot, at isang malaking kulay itim na t-shirt na may logo ng isang sikat na gaming brand. "Salamat po," mahinang sabi ni Nalah, mabilis na binalot ang tuwalya sa kanyang nanginginig na mga balikat. Ang amoy ng tuwalya ay katulad ng amoy ng lalaki, malinis at nakakarelax. "You can change in the restroom over there, sa dulo ng hallway," turo ni Hakeem sa isang pinto malapit sa modernong kusina. "You're shivering like a wet cat. Dry yourself up before you catch pneumonia." Hindi na nagmatigas o nag-inarte pa si Nalah dahil nararamdaman na rin niya ang bigat ng kanyang basang damit. Pumunta siya sa banyo at mabilis na nagpalit ng suot. Ang t-shirt ni Hakeem ay abot hanggang kalagitnaan ng hita niya dahil sa laki nito, at sa tuwing humihinga siya, amoy na amoy niya ang pabango ng lalaki na nakadikit sa tela. Paglabas niya, nakita niyang may dalawang tasa ng mainit na tsaa na umuusok sa ibabaw ng coffee table sa sala. Nakaupo naman si Hakeem sa tapat ng kanyang tatlong monitors, mukhang bumalik na agad sa pagtatrabaho na tila walang bisita sa loob ng bahay niya. Nang lumingon ang lalaki sa kanya ay parang tumigil ang mundo nito. Ramdam na ramdam ni Nalah ang titig ni Hakeem at kita niya kung paano ito napalunok. Sa pagtataka ay kanyang tinanong, "Ayos ka lang, Sir?" Hindi ito sumagot saka muling bumalik sa mga monitors. "Inumin mo 'yan habang mainit pa. Baka lagnatin ka, hindi ka makapasok sa klase mo mamayang gabi at masayang ang tuition mo," wika nito habang hindi umaalis ang tingin sa screen kung saan may ginuguhit itong isang madilim, detalyado, at mistikal na karakter na may hawak na espada. "And, you're not wearing your bra. Just saying, in case you forgot that you're in a man's house." Napaanga si Nalah. Agad niyang tiningnan ang kanyang sarili at agad na tumambad ang kanyang dibdib na bumabakat at nagpapataasan sa kanyang paningin. "Hala sorry po! Sorry po!" sabi niya saka kumaripas ng takbo pabalik ng banyo. Mariing napalunok si Hakeem at sa unang pagkakataon ay lihim itong napangiti sa harap ng monitors. Mayamaya ay tahimik na bumalik si Nalah mula sa banyo. Kitang-kitang sa kilos niya ang matinding hiya. "Ehem," tikhim niya. Hindi siya nilingon ni Hakeem na busy pa rin sa kanyang mga monitors. "Your tea," ulit nito. Lumapit si Nalah at dahan-dahang naupo sa sofa, hawak ang mainit na tasa gamit ang dalawa niyang kamay. Ang init ng tsaa ay unti-unting nagpapakalma sa kanyang nanginginig na katawan at nagbabalik ng kulay sa kanyang mga pisngi. Pinanood niya ang likod ng lalaki habang nagtatrabaho. Ang lapad ng balikat nito, ang pokus sa bawat galaw ng kanyang stylus pen sa ibabaw ng tablet, at ang seryosong aura na bumabalot dito. "Pasensya na ulit at salamat po talaga, Sir." Hindi na naman siya sinagot ng binata. Para pagaanin ang atmosphere sa pagitan nila ay muli siyang umimik. "Akala ko talaga kanina ay hahayaan niyo lang akong maging estatwa sa lamig doon sa labas ng gate ninyo." "I actually considered leaving you there," walang emosyong sagot ng lalaki, ngunit may bahagyang kislap sa gilid ng kanyang mga mata na mabilis niyang itinago sa pamamagitan ng pag-click sa mouse. "But then again, that would involve police investigations and government forms if something bad happened to you on my property, and that completely disrupts my drawing schedule. I don't have time for bureaucracy." Natawa nang bahagya si Nalah, napagtatanto na ang lalaking ito ay may kakaibang uri ng dry humor sa kabila ng pagiging masungit. "Ang galing niyo palang mag-drawing, Sir. Para sa isang laro ba 'yan? Parang nakita ko na 'yung ganyang istilo sa mga sikat na laro ngayon." "Oo. Isang malaking game studio sa Canada ang client ko para sa proyektong ito," sagot ni Hakeem. Binitawan nito ang kanyang stylus pen, isinandal ang likod sa kanyang swivel chair, at dahan-dahang lumingon sa kaniya, pinagmamasdan si Nalah na suot ang kanyang oversized na t-shirt. "Bakit mo ba pinipilit ang mag-field work kahit ganito ang panahon? Pwede mo naman sigurong ipagpalit ang schedule mo o kaya ay huwag pumasok kapag makulimlim." "Hindi po ganoon kadali 'yon, Sir," buntong-hininga ni Nalah at dahan-dahang iniikot ang tasa ng tsaa. "May strict deadline po kami. At tsaka, kailangan ko talaga ang trabahong ito kahit part-time lang ng tatlong buwan. Ang sahod ko rito ay malaking tulong para sa tuition ko sa susunod na semester. Ayaw ko namang iasa lahat kay Mama, dahil mag-isa lang din siyang nagtataguyod sa amin mula nung bata ako. Kung hindi ako magtitiyaga, walang mangyayari sa pangarap ko." Tinitigan siya ni Hakeem nang matagal, ang kanyang mga madidilim na mata ay tila binabasa ang bawat linya sa mukha ng dalaga. May kung anong emosyon ang dumaan sa mukha ng lalaki na parang isang bahagyang paghanga sa determinasyon nito, o kaya naman ay may naalala itong bahagi ng sarili nitong nakaraan na pilit niyang ibinaon sa limot. Ngunit mabilis din itong naglaho at napalitan ng dati nitong lamig at distansya. "People exert too much effort for things that are ultimately temporary," bulong ni Hakeem, ang kanyang boses ay tila lumayo, may mas malalim na kahulugan na hindi kayang maabot ng isang simpleng pag-uusap. "Ang pag-aaral ko at ang mga pangarap ko, hindi po 'yon temporary. Para sa kinabukasan ko 'to, Sir," sagot naman ni Nalah, medyo naging seryoso ang tono dahil ramdam niya ang tila pagka-pesimistiko ng lalaki. Humalukipkip si Hakeem, tumingin muli sa monitor bago ibinalik ang tingin sa dalaga. "Everything is temporary, Nalah. Education, jobs, success... and especially people. Lalo na ang mga tao sa paligid mo. Papasok sila sa buhay mo, magpapakita ng interes, pagkatapos ay aalis din kapag nakahanap ng mas mabuti o kapag napagod na sila sa'yo. Sinasayang mo lang ang emosyon at lakas mo sa pagpapahalaga sa mga bagay o tao na pwedeng mawala sa isang iglap nang walang pasabi." Napakunot ang noo ni Nalah. Bilang isang psychology student, ang mga salitang iyon ay hindi lang simpleng opinyon; ito ay malinaw na defense mechanism, isang matinding rejection o abandonment issue na naging core belief na ng lalaking ito. "May pinanghahawakan ka po yatang matinding galit o sakit, Sir Hakeem," malumanay na sabi ni Nalah. Ang kanyang boses ay naging malambot at ang professional tone niya ay tuluyang napalitan ng natural niyang pagiging empathetic at mapag-alaga. "Hindi naman po lahat ng tao sa mundo ay may planong mang-iwan o manakit sa'yo." Isang mapait at tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Hakeem, isang ngiting walang kahit anong saya. Tumayo ito mula sa kanyang upuan, lumapit sa may malaking bintana, at pinanood ang patuloy na paghampas ng ulan sa labas. "You don't know anything about real life, schoolgirl. Magpatuyo ka na lang diyan at ubusin mo ang tsaa mo. Kapag tumigil ang ulan, pwede ka nang umalis sa bahay ko." Natahimik si Nalah, ramdam na ramdam ang pader na muling itinayo ni Hakeem sa paligid nito. Isa iyong pader na napakatigas, napakataas, at napakalamig na parang walang sinumang pinapayagang makapasok. Ngunit imbes na matakot o mairita, may kung anong bahagi sa puso ni Nalah ang nakaramdam ng matinding curiousity, at isang hindi maipaliwanag na pagnanais na makita kung ano ang nasa likod ng pader na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD