MABIGAT para kay Anna ang naging akusasyon ng kaibigan sa kanya. Pero hindi iyon dahilan para saktan niya rin si Danna. Masyadong mababaw ang dahilan para gawin niya iyon. Pinanghahawakan niya lang talaga na hindi siya ang dahilan kung bakit kumalat ang pinakatago-tago nilang sekreto. Subalit sino ang may pakana ng lahat?
"Danna, wala akong alam sa post. Swear!" wika ni Anna, hindi alam kung maniniwala ang kaibigan sa kanya.
"Paano mo mapapatunayan na hindi ikaw 'yon. Ikaw lang naman ang pinagsabihan ko tungkol sa. . ." Hindi nagawang ituloy ni Danna ang sasabihin. Paano'y masakit pa rin sa kalooban nito ang pagtanggi ni Sir Pineda sa batang dinadala niya.
"Sigurado akong may iba pang tao roon bukod sa akin. Pero promise, hindi talaga ako ang nagsabi sa ASF ng tungkol sa inyo ni Sir Pineda," giit niya, "lalong-lalo na sa batang dinadala mo," dagdag pa niya ngunit sa mas mababang boses.
Nilingon pa ni Anna ang paligid upang makasigurado na walang nakarinig sa usapan nila.
"Hangga't hindi mo napapatunayan na hindi ikaw ang nagsabi, hinding-hindi kita kakausapin," pagmamatigas ni Danna. Pinunasan nito ang luha sa mata bago umalis.
Naiwang mag-isa si Anna. Tuliro at hindi alam ang gagawin. Paano niya magagawang patunayan iyon sa kaibigan? Wala siyang alam na paraan maliban sa isang bagay — ang CCTV sa parking area.
Kaya lang, masyadong delikado kung papasukin niya ang security room. Mahigpit ang seguridad sa Amadeus Academy. Mahihirapan siyang makapasok sa loob lalo na't hindi sila pinapayagang makalapit roon. Bago pa man kasi pumasok sa paaralang iyon si Anna, nauna na niyang nabasa sa handbook na hindi nila maaaring pasukin ang mga private facilities ng lugar — kasama na roon ang security room ng buong campus.
Kaya habang kumakain siya, napansin ng amang si Elias ang pagiging tulala niya. "Oh, Anna. Tulala ka yata. May nangyari ba sa sa school mo?" tanong nito.
Nagising bigla ang diwa ni Anna. "Ah, wala po. May iniisip lang," saad niya.
"Siya nga pala. 'Yong kaibigan mong si Danna, bakit pinaalis mo kaagad? Dapat, dito mo na siya pinaghapunan," singit naman ng kanyang ina.
Sa pagkakataong iyon, kailangan niya ulit umisip ng alibi para hindi mahalata ng mga magulang ang nangyari kanina.
"May bumisita sa iyo kanina?" segunda ng ama.
"Ah, opo. Hiniram niya lang ang notes ko para bukas. Nagmamadali nga pong umalis, sinabi ko nga po na dito na kumain pero tinanggihan ako."
Unang itinuro sa kanya ng mga magulang na huwag magsinungaling. Pero sapat ang dahilan niya para paglihiman ang ama't ina. Hindi niya kayang makita na nag-aalala ang mga ito sa kanya kaya mas mabuting iyon na lang ang sabihin.
"Gano'n ba? Sayang naman," may panghihinayang na sambit ni Aida.
Pinagpatuloy na lang nila ang pagkain hanggang sa matapos. Nang umakyat si Anna sa kanyang kuwarto, dumiretso siya sa bintana na malapit sa mga puno. Doon, nilanggap niya ang sariwang hanggin. Tanging iyon lang ang makakapagpakalma sa kanya sa araw na iyon. Subalit kahit ano'ng pigil niya sa sarili, hinfi niya maiwasang tingnan ang post mula sa Amadeus Secret Files.
Sino kaya ang nagpakalat nito?
💀💀💀
KUNG sakaling maging epektibo man ang pagkuha niya ng CCTV footage ng parking area, saka lamang mabubunutan ng tinik sa dibdib si Anna. Pero hangga't hindi nangyayari iyon, mananatili ang poot na nararamdaman ni Danna sa kanya.
"Danna," tawag niya sa pangalan ng kaibigan. Bagama't nilingon siya nito ay hindi man lang ito ngumiti sa kanya. Muli nitong iniyuko ang ulo pagkatapos siyang saglit na sulyapan.
Dismayado siya sa nangyari. Subalit wala siyang magagawa kung talagang buo ang desisyon ng kaibigan na huwag siyang kausapin hangga't hindi niya napapatunayan na wala siyang kinalaman sa kumalalat na blind item.
Wala pa umanong nakakaalam ng tungkol sa kung sino ang estudyanteng tinutukoy sa post. Subalit alam niya na si tungkol iyon kay Danna.
Naupo na lang siya sa dulong bahagi kung saan malapit sa bintana ang desk. Baka sakaling saglit niyang makalimutan ang lahat kung titingnan niya lang ang kalangitan at mga ulap. Kaya lang, hindi pa rin niya maiwasang isipin ang gagawin kung paano siya makapapasok sa security room ng paaralan.
"Good morning, class," bati ni Sir Pineda na tila umaarteng walang alam sa nangyayari. Nasa harapan niya lamang si Danna subalit kung balewalain niya ito, parang wala silang relasyon.
"Good morning, Sir Pineda!" sabay-sabay silang tumayo at bumati sa unang guro nila sa klaseng iyon.
Ngunit hindi pa man nakakaupo ang lahat, napansin ni Anna na tila hindi mapakali sa kinauupuan si Danna.
"Excuse me po, sir. Kailangan ko lang pong magpunta ng comfort room." Hindi pa man pumapayag si Sir Pineda ay kaagad na lumabas si Danna. Hawak nito ang bibig at tyan, sa hinuha niya, mukhang maduduwal siya.
Sa labis na pag-aalala sa kaibigan, hinabol niya ito. Tama nga ang hinala niya, mula sa labas ng banyo ay dinig na dinig niya ang pagduwal ni Danna.
"Danna, okay ka lang?" tanong niya.
"Bakit ka nandito?" tanong ni Danna.
Hindi niya sinagot iyon. Sa halip, tinulungan niya si Danna na maiduwal ang lahat. Kailangan nito ng kaibigan ngayon. Kaya kahit halos ipagtabuyan na siya ni Anna, hindi siya umaalis sa tabi nito.
"Bitawan mo nga 'ko! Ilang beses ko bang sasabihin na huwag mo akong kakausapin?" sigaw ni Danna.
"Hindi ako aalis dito hangga't hindi ko napapatunayan sa iyo na wala akong kinalaman sa nangyari!" giit niya.
"Tingin mo, magagawa mo 'yon?"
"Oo!" Malakas ang loob ni Anna na sabihin iyon. "Sumama ka sa akin!" Hinila niya ang kamay ni Danna. Halos madapa na nga ito sa pagtako kila.
"Anong ginagawa natin—"
"Shh. . ." saway ni Anna. Natahimik na lang din si Danna sa ginawa niya. "Gusto mong patunayan ko na wala akong kinalaman rito, 'di ba?" Itinuro niya ang post mula sa Amadeus Secet Files.
"Oh, eh, bakit tayo nandito?" tanong ni Danna.
"Gusto kong ipakita sa iyo na hindi lang ako ang nasa parking lot noong mga oras na iyon. Kaya tayo nandito ay para tingnan ang CCTV footage at para malaman kung sino pa ang nakakaalam tungkol sa usapan natin."
Muhang mahihirapan silang gawin ang bagay na iyon. Mapagtagumpayan kaya nilang makuha ang CCTV footage? Maniniwala ba si Danna na hindi siya ang may kinalaman sa pagkalat ng balita?