Chapter 5

1073 Words
NAGHIHINTAY lamang sina Anna at Danna na magbukas ang pinto ng security room. Iisa lamang ang bantay sa kuwartong iyon. Mahihirapan silang makapasok pero kailangan nilang subukan. "Sigurado ka ba sa ginagawa natin?" tanong ni Danna. "Oo. Ito lang 'yong paraan para ma-prove ko sa iyo na hindi lang ako ang nasa parking area noong mga oras na iyon." Buo ang loob ni Anna sa mga binitiwan niyang salita. Kita naman sa mga mata ang pagkapursigido niya. "Oo na. Naniniwala na akong hindi ikaw ang nagpakalat ng sekreto ko. Pero paano natin malalaman kung sino iyon?" Sa wakas, naniwala na rin si Danna sa kanya. "Kaya nga tayo nandito para malaman kung sino ang nagpakalat noon," sambit niya. Nagkukubli ang dalawa sa kahon ng mga nakatambak na katapat lang ng security room. Sumisilip-silip sila paminsan-minsan para malaman kung may lumabas na ba sa kuwartong iyon. Pero trenta minutos na ang nakalilipas, wala pa ring lumalabas. "Ano ba 'yan? Paano ba tayo makakapasok sa loob?" tanong ni Anna sa sarili. Kanina pa rin siya nag-iisip ng plano kung paano sila makapupuslit papasok pero wala kahit isang ideya ang pumasok sa kanyang isipan. Hindi pa rin niya masyadong gamay ang lugar lalo pa't bago lang siya sa Amadeus Academy. "Maghintay ka lang. Lalabas din ang nagbabatay sa loob," anunsyo ni Danna. Ilang sadali lang ay may lumabas na lalaki na medyo malaki ang tiyan, may hawak na donut, at nakaputing uniform. Wala silang ideya kung ano ang puwedeng mangyari pagkatapos ng lahat. Subalit kung magagawa man nilang matuklasan ang kasagutan sa tanong mula sa kanilang isipan, iyon lamang ang naiisip nilang tanginng paraan. Nagawa nilang pumuslit papasok sa loob. Sampung minuto lang ang kailangan nilang bunuin bago bumalik ang tagabantay. Dahil kung hindi, maaaring iyon na ang huling araw nila sa Amadeus Academy bilang mga mag-aaral. Agad na tinungo ni Anna ang security monitor. Sinubukan niyang hanapin ang video ng parking area kung saan makikita ang pagtatalo ni Sir Pineda at ng kaibigan niyang si Danna. Nagtagumpay naman siyang mahanap ito. Tulad ng nangyari kahapon, nakapaloob sa video ang pag-uusap ng dalawa hanggang sa makaalis ang sasakyan ng kanilang guro. Subalit laking gulat na lang nila nang makita ang pamilyar na mukha ng tatlong babae, na lumitaw pa sa video, matapos ang sandaling yayain niya si Danna na pag-usapan ang mga bumabagabag dito. "Oh, my God!" Napatakip si Anna ng bibig sa pagkagulat. "No. Hindi nila puwedeng malaman 'to." Sa lahat ng puwedeng makaalam sa lihim niya, sina Jannica pa at ang dalawa nitong kaibigan ang nakatuklas ng lahat. Hindi nila inakala na naroon ang tatlo sa parking area, at halata naman sa recorded video na napanood nila na narinig ng mga ito ang usapan nila. "Hindi puwede 'to." Mabilis na naglakad palabas ng security room si Anna. Nagulat naman si Danna sa inasal niya. "Anna, saan ka pupunta?" Patakbong siyang sinundan ni Danna. Matalim ang tingin ni Anna. Bumanaag sa mga mata nito ang galit. Sa classroom nila natagpuan sina Jannica at ang dalawa pa nitong kaibigan. Nasa kalagitnaan sila ng pagkukuwentuhan tungkol sa mga bansang napuntahan na nila noong bakasyon ang tatlo nang biglang hinampas ni Anna ang mesa ni Jannica. "Bawiin mo ang sinabi mo sa ASF!" galit na saad ni Anna. "Ano bang sinasabi mo? Wala akong alam sa post sa ASF!" giit ni Jannica pero hindi naniniwala si Anna na wala itong kinalaman sa nangyari. "Sinungaling ka! Alam na naming nasa parking lot kayo at narinig ninyo ang lahat!" walang patumanggang saad ni Anna. Sa mga salitang binibitiwan niya, halatang hinding-hindi niya lulubayan si Jannica hangga't hindi ito nagsasabi ng totoo. Awtomatikong umangat ang kabilang dulo ng labi ni Jannica. Kasabay noon ang pagtaas ng isa nitong kilay. Sa ipinakita nitong ekspresyon, sigurado siyang may alam ito tungkol sa nagaganap. "You mean, Danna and Sir Pineda really had an affair. And worst. . ." Dumako ang tingin ni Jannica kay Danna na noon ay kapapasok lang, "buntis si Danna at si Sir Pineda ang ama," dagdag pa nito. Nagulat ang lahat sa narinig mula sa kanya. Napasinghap pa ang karamihan sa natuklasan. Si Danna naman ay hindi magawang makatingin nang diretso sa mga mata ng mga kaklase. Yumuko lang din ito tulad ng nakasanayan. Marahil ay dulot na rin ng kahihiyan. "Bawiin mo ang sinabi mo!" wika ni Anna. "Hindi mo dapat pinanghihimasukan ang buhay ng iba! Wala kang alam sa katotohanan!" "Oh, are you sure 'bout that?" Kinuha ni Jannica ang phone at may pinakitang video sa kanya. "Eh, ano 'to?" saad niya. Nakapaloob sa video ang usapan nina Danna at Sir Pineda tungkol sa pagbubuntis nito, at kung paano tinanggihan ng kanilang guro ang pagiging ama nito sa sanggol na nasa sinapupinan ng kaibigan. Nai-record din pala ni Jannica ang tungkol doon na lingid sa kanilang kaalaman. "Burahin mo 'yan!" "It's too late, girl. Napanood na ng lahat ang video." Tiningnan niya ang paligid. Ilan sa mga kaklase nila ang nagbubulungan na at nakatingin kay Danna ang mga mapanghusgang mga mata ng mga ito. "Danna!" Biglang nagtatakbo si Danna palabas ng classroom. Hinabol niya kaagad ito at nang masundan ay mabilis na hinawakan sa braso. Umiiyak ang kaibigan at halos hindi magawang tingnan siya sa mga mata. "Bitawan mo 'ko!" Humihikbi at halos basa ng luha ang mukha nito nang maabutan niya. "Hindi mo na dapat ginawa 'yon. Tingin mo ba, titigilan na nila 'ko pagkatapos ng lahat? Ako ngayon ang nagmukhang kahiya-hiya sa harap nila!" Mali nga sigurong nagpadalos-dalos siya sa ginawa. Pero kung hindi siya gagawa ng aksyon, mas lalong aapihin nina Jannica at ng mga kaibigan nito si Danna. Hindi niya hahayang mangyari ang bagay na iyon. "Pero, Dannica, hindi mo sila puwedeng hayaang masanay na ginagano'n ka na lang palagi!" giit ni Anna. "Tingin mo ba, titigilan nila ako pagkatapos nito? Hindi!" "Danna, alam mo namang—" Naputol sa ere ang sasabihin ni Anna nang sabay-sabay nag-vibrate ang cellphone nila at bumungad ang panibagong post mula sa Amadeus Secret Files. Amadeus Secret Files: NEWS FLASH: Mr. Pineda impregnated one of Amadeusians. And it is Miss Diana Melendrez. Panibagong kahihiyan na naman ito para kay Danna. Sa pagkakataong iyon, wala na itong mukhang maihaharap pa sa mga estudyanteng pumapasok sa Amadeus Academy. "Danna! Sandali!" Nagmamadaling tumakbo si Danna. Nakayuko pa rin ito at ayaw ipakita ang mukha sa mga dumadaan. Wala namang nagawa si Anna dahil mabilis na nakawala sa kanyang paningin ang kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD