THE WEIGHT OF FOREVER
Apoy.
Sigawan.
Ang nakasusulasok na amoy ng lumang papel na natutupok at ang malapot na amoy ng tuyong dugo.
Ito ang eksenang paulit-ulit na gumigising kay Amari sa bawat dantaon na lumilipas. Sa tuwing ipipikit niya ang kanyang mga mata, doon niya naririnig ang huling hininga ng unang lalaking nangahas na humawak sa kanyang kamay-isang mandirigma mula sa panahong bago pa man dumating ang mga dayuhan sa lupain.
Nararamdaman pa rin ng kanyang balat ang init ng umaapoy na barong, kasabay ng pagsabog ng dugo nito sa kanyang mukha.
Matapos ang trahedyang iyon, ang mukha ng pag-ibig ay paulit-ulit na nagbago kasabay ng pag-ikot ng gulong ng panahon.
Naalala niya ang sumunod. Isang makata noong panahon ng Kastila, nakangiti habang marahang isinasayaw siya sa ilalim ng biglang buhos ng ulan sa gitna ng kalsada.
Ang tamis ng mga ngiti nito ay napalitan ng pait nang unti-unti itong manghina sa isang malamig na higaan sa ospital, habang hawak ang kamay niya hanggang sa malagutan ng hininga.
At ang sumunod pa... isang ginoo noong dekada kwarenta na nangako sa kanya ng walang hanggan sa ilalim ng sikat ng buwan.
Ngunit bago pa man matupad ang pangakong iyon, tuluyan na itong nilamon ng isang hindi maipaliwanag na karamdaman, iniwan siyang mag-isa sa dilim.
Isa-isa silang humahawak sa kanyang pisngi.
Isa-isa silang nangangako ng pag-ibig.
At isa-isa rin silang naglalaho, nagiging alabok na tinatangay ng hangin habang si Amari ay nananatiling nakatayo-blangko, sugatan ang kaluluwa, ngunit buo ang katawan sa gitna ng kawalan.
Walang galos.
Walang kulubot sa balat. Hindi namamatay. Nananatiling maganda sa kabila ng dantaong nagdaan.
"Amari... bakit hindi ka sumasama sa amin? Bakit hinahayaan mo kaming mauna?"
bulong ng mga boses sa dilim, tila mga multo ng nakaraan na pilit siyang hinahatak pababa sa hukay.
"Hindi!"
Napasigaw si Amari sa kanyang isip sabay mulat ng kanyang mga mata.
Hingal na hingal siya, mabilis ang kabog ng kanyang dibdib na tila ba galing siya sa isang mahabang takbuhan.
Puno ng malamig na pawis ang kanyang noo, at ang kanyang mga talukap ay nanginginig pa. Agad niyang itinaas ang kanyang mga kamay sa ilalim ng madilim na silid, hinahayaan ang mahinang liwanag na dumaan sa mga daliri niya.
Makinis.
Walang gasgas.
Walang kulubot.
Walang kahit anong bakas ng daan-daang taong pagdurusa at saksing kamatayan.
Nakatira siya sa isang maliit, lumang apartment kung saan ang tanging liwanag ay ang sikat ng buwan na lumulusot sa maruming bintana.
Bumangon siya nang walang emosyon, na tila sanay na sa ganitong uri ng gabi, at hinarap ang basag na salamin sa sulok ng silid.
Doon ay sumalubong sa kanya ang sarili niyang repleksyon. Isang mukhang hindi kailanman ginalaw ng panahon.
Maganda. Maputi, may mahaba at bouncy na buhok na bumabagay sa kanyang hugis-pusong mukha, at may natural na mapupulang kissable lips.
Ngunit sa likod ng perpektong mukhang iyon, ang mapupungay niyang mata ay may dalang lalim at lungkot-isang uri ng pighati na tila sementado na roon, dinala mula pa sa mga nakaraang buhay na pilit niyang ibinabaon sa limot.
Ito ang buhay niya gabi-gabi. Isang sumpa na walang katapusan, kung saan ang pinakamatinding parusa ay ang hindi kakayahang makalimot habang ang mundo sa paligid niya ay patuloy na nagabagbago.
Alas-siyete ng umaga.
Suot ang isang malaking, kupas na jacket na tila nagsisilbing baluti niya laban sa ingay at ganda ng mundo, lumabas si Amari ng apartment.
Sa makipot na hagdanan, nakasalubong niya ang kanyang matandang kasera na si Lola Melba.
May dala itong mangkok kung saan umuusok pa ang mainit at mabangong champorado.
"Amari, anak, mukhang puyat ka na naman. May itim na naman sa ilalim ng mga mata mo,"
malambing at may pag-aalalang tawag ng matanda.
"Kumain ka muna bago ka pumasok sa unibersidad. Masama ang nagpapalipas ng gutom."
"Salamat na lang po, Lola.
Sa opisina na ako kakain," tipid at malamig na sagot ni Amari. Hindi man lang gumalaw ang kanyang mga labi para ngumiti, isang pader na pilit niyang itinataas para sa sinumang sumusubok mapalapit sa kanya.
"Ate Amari! Tingnan mo 'tong drawing ko! Inayos ko 'to kagabi!"
Biglang sumulpot mula sa likod ng daster ni Lola Melba ang walong taong gulang na apo nitong si Toby.
Itinataas ng bata ang isang lukot na papel na may drawing ng isang pamilyang magkakahawak-kamay.
Tiningnan lang iyon ni Amari nang ilang segundo. May kung anong kirot sa kanyang dibdib, ngunit mabilis niya itong pinatay.
"Maganda, Toby. Pumasok ka na sa school para hindi ka mahuli," mekanikal niyang sagot.
Nagpatuloy siya sa pagbaba ng hagdan nang hindi nililingon ang maglola.
Ayaw niyang lumingon. Pinagbawalan niya ang sarili na huwag maging malapit sa kanila. Dahil alam niya ang katotohanan
-isang araw, darating ang oras na panonoorin niya rin silang humantong sa huling hantungan, tatanda, magkakasakit, at mawawala, habang siya ay mananatiling ganito: walang pinagbago, walang kamatayan.
Sumakay siya ng bus patungo sa unibersidad. Sa loob ng siksikang sasakyan, kung saan halo-halo ang amoy ng pabango, pawis, at usok, isinuot niya ang kanyang malalaking earphones.
Walang tugtog na tumutugtog doon. Katahimikan lang. Gusto lang niyang takpan ang ingay ng mga taong abala sa kani-kanilang maikli, walang saysay, at mabilis na buhay.
Nakatitig lang siya sa bintana, pinapanood ang mga naglalakihang billboard at nagtataasang mga gusali ng siyudad-isang lugar na natatandaan niyang dati ay tahimik at malawak na kapatagan lang noong kabataan niya, daan-daang taon na ang nakalilipas.
Pagdating sa University Library, hindi siya sumabay sa agos ng mga estudyanteng maingay na naglalakad sa hallway.
Dumeretso agad siya sa pinakataluktok at madilim na bahagi ng lumang gusali-ang
*Archives and Rare Books Section*.
Dito, bihira ang estudyante. Amoy luma, tahimik, napapaligiran ng mga librong unti-unti nang inaamag ang mga pahina, at walang nang-iistorbo.
Dito siya ligtas. Dito, pakiramdam niya ay kabilang siya sa mga bagay na nilimot na rin ng panahon.
"Amari! Buti naman at dumating ka na. Kanina pa kita hihintay,"
bungad ni Rhea, ang nag-iisang katrabaho niya roon na may sapat na lakas ng loob at kakapalan ng mukha para kausapin siya araw-araw.
"Iniwan ng Head Librarian 'tong mga bagong microfilms at lumang transcripts ng unibersidad. Kailangan daw i-catalog at i-encode lahat sa system ngayon."
"Akin na. Ako na ang mag-aayos,"
walang kabuhay-buhay na sagot ni Amari. Ibinaba niya ang kanyang jacket, naupo sa kanyang lumang upuan, at agad na pinindot ang keyboard nang hindi man lang tinitingnan ang kasama.
"Grabe ka naman, Biyernes ngayon oh. Hindi ka ba excited na mag-weekend?"
pagbibiro ni Rhea, sumasandal sa gilid ng lamesa ni Amari habang sinusubukang basagin ang makapal na pader nito.
"Yung mga taga-sports department, may pa-drinks mamaya sa Eastwood. Sama ka naman sa akin? Kahit saglit lang! Para naman makita nilang may magandang working student pala rito sa library at hindi ka lang basta multo na nagpapakita rito."
Hinarap siya ni Amari. Ibinaba niya nang bahagya ang kanyang earphones at tinitigan si Rhea gamit ang mapupungay ngunit nakapangingilabot sa lamig na mga mata.
"Rhea, nandito ako sa unibersidad para magtrabaho at mag-ayos ng mga lumang records, hindi para maghanap ng kaibigan o makipag-inuman,"
seryoso at may pinal na tono sa kanyang boses.
"Kung gusto mong pumunta, sige lang. Pero huwag mo na akong isama."
Natahimik si Rhea, tila napaso sa lamig ng pakikitungo ni Amari. Napabuntong-hininga na lang ito, sanay naman sa mailap na ugali ng kasama, bago marahang bumalik sa sarili nitong lamesa.
Ibinalik ni Amari ang kanyang earphones. Sa katahimikan ng madilim na sulok na iyon, binuksan niya ang pinakabagong folder ng mga estudyanteng nangangailangan ng clearance-
mga graduating student-athletes na kailangang i-verify bago ang huling laro ng season.
Ipinasok niya ang unang digital profile sa system.
*Clack.*
Sa pagpindot niya sa 'Enter', isang pamilyar ngunit estrangherong mukha ang biglang sumabog sa kanyang monitor. Kasama ng isang malinaw at de-kalidad na litrato, lumabas ang mga detalye:
Name:Liam Garrett Vance
Status:** Graduating Student-Athlete (BS Tourism Management major in Heritage and Cultural Tourism)
Position: Basketball Team Captain / Season MVP
Napatitig si Amari sa litrato sa monitor. Ang lalaki sa screen ay matangkad, may pilyo ngunit nakatutunaw na ngiti, at may aura ng isang sikat at hot na MVP-ang uri ng lalaki na alam mong sanay makuha ang lahat ng hilingin niya sa isang pitik lang ng daliri. Siya ang tipo ng lalaking pinagkakaguluhan, tinitilian, at pinapangarap ng lahat ng kababaihan sa campus.
Ngunit hindi ang katanyagan nito ang nakakuha sa atensyon ni Amari.
Biglang natigil ang mga daliri ni Amari sa ibabaw ng keyboard. Parang may kung anong kuryente ang dumaan sa kanyang mga ugat na matagal nang natutulog. Wala siyang maintindihang dahilan, pero napatitig siya nang matagal-masyadong matagal-sa mga mata ng lalaki sa monitor.
May kung ano sa hugis ng mga mata nito, sa gilid ng pilyo nitong ngiti, at sa paraan ng pagtingin nito sa camera na tila ba may hinahanap... bagay na pamilyar na pamilyar sa kanyang memorya ngunit hindi niya matandaan kung saang siglo o dantaon niya huling nakita. Isang pamilyar na spark na biglang nagpatibok sa puso niyang matagal nang selyado ng yelo.
Bumilis ang kanyang hininga. Ang mga mata ni Liam sa screen ay tila nangungusap, tila pilit binabasag ang katahimikan ng library archives.
Mabilis na ipinihit ni Amari ang kanyang tingin, ipinikit nang mariin ang kanyang mga mata, at huminga nang malalim para pakalmahin ang sarili. *Hindi maaari. Imposible,* saing ng isang bahagi ng kanyang utak.
Gamit ang nanginginig na mga daliri, mabilis niyang itinuon ang mouse at rinefresh ang tab para lumipat sa susunod na profile ng estudyante, pilit itinatago ang kakaibang kaba. Para sa kanya, isa lang itong ordinaryong mortal. Isang estudyanteng dadaan, gagamit ng library, tatapos ng pag-aaral, at tulad ng lahat ng nauna rito... tatanda at maglalaho rin sa mundo pagkalipas ng ilang mabilis na taon.
Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng isang siglo, hindi na maalis ni Amari ang mukha ng isang lalaki sa kanyang isip.