Tahimik lang ako habang nagmamamaneho ito. Napansin ko rin ang panaka-naka niyang tingin sa akin.
Maya maya ay nagsalita ito habang ang mga mata nito ay nakatutok pa rin sa daan.
"Ihatid na kita sa bahay mo," malumanay na wika nito.
Napatingin ako rito ngunit wala kahit na ano mang salita ang lumabas sa aking bibig. Hindi ko namalayan habang nakatingin pa rin ako rito na nasa tapat na pala kami ng bahay ko. Ganoon na ba katagal akong nakatitig sa kaniya? Bakit hindi ko man lang namalayan kung hindi pa tumigil ang sasakyan niya. Nakapagtataka lang kung paano nito nalaman kung nasaan ako nakatira ng hindi man lang nito itinanong sa akin?
"Paano mo nalaman na rito ako nakatira?" bulalas kong tanong sa kaniya.
"Naitanong ko sa kasamahan mo," ani nito saka umibis na sa kaniyang sasakyan habang ako hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyayari ngayong gabi lang.
Napansin ko kaagad ang dalawa kong kapatid na lumabas sa bahay ng kaibigan kong si Myrna at patakbong pumunta rito sa sasakyan, kung kaya't nagmadali akong bumaba.
"Wow, ate, ang ganda ng sasakyan puwede ba kami sumakay riyan?" manghang-mangha na wika ng kapatid kong si Jimboy habang nakahawak sa sasakyan.
Akmang magsasalita na ako nang biglang magsalita ang may-ari ng sasakyan na ito.
"Oo naman, puwede kayong sumakay," nakangiting wika niya rito.
"Talaga po, kuya?" nagniningning ang mata na wika ng kapatid ko.
"Jimboy, 'wag na! At isa pa gabi na kailangan niya ng umuwi," saway ko sa aking kapatid.
"Kuya, babalik pa naman kayo 'di ba?" tanong naman ni Jimboy sa kaniya.
Lumapit ito kay Jimboy at hinawakan nito ang ulo at ginulo ang buhok. "Oo naman, gusto mo bukas mag-joy ride tayo?"
"Ano po ang joy ride, kuya?" inosenteng tanong ng kapatid ko rito.
Ngumiti ito sa kapatid ko. "Isasakay kita, tapos magda-drive tayo kahit saan mo gusto."
"Ate, narinig mo 'yon? Sasama ka ate, ha?" tuwang-tuwa na wika ng kapatid ko.
Para wala ng madaming tanong ito pumayag na lang ako dahil hindi ito titigil hangga't hindi ako papayag. At isa pa first time nila ang sumakay sa mamahaling sasakyan kung kaya't excited ito. Madalas kasi sa jeep at tricycle lang sila nakakasakay. Gusto ko mang ipiranas sa kanila ang magandang buhay ngunit paano? Lalo pa at salat kami sa kahirapan minsan kulang pa ang kinikita ko sa bar pero kailangan kong kumayod para maiahon ko sila at maibigay ang gusto nila.
"Yehey!" Nagtatalon sa tuwa ang kapatid ko dahil pumayag ako na sumama sa joy ride ng mga ito.
Ipinagdadasal ko na lang na sana hindi matuloy itong pumunta rito sa bahay bukas lalo pa at hindi pa naman namin kilala ang isa't isa.
"Jimboy, pumasok na kayo ni Jenny sa loob," utos ko sa kapatid ko dahil alam kong hindi mauubusan ng katanungan ito.
"Sige po, ate." Sabay hawak nito sa kamay ni Jenny ang bunsong kapatid namin na babae. "Basta kuya, ang sinabi mo po."
"Oo naman, pangako 'yan." Nakipag-fist bump pa ito sa kapatid ko na animo'y close na close ang mga ito sa isa't isa.
Nang maka-alis na ang dalawa kong kapatid saka ulit ito nagsalita. "Sorry about earlier pero ang sinabi ko na gusto kita, totoo 'yon. At seryoso rin ako na ligawan ka until you said yes to me."
"What if kung ayaw ko?" taas kilay na tanong ko rito.
"Liligawan pa rin kita, hindi ako titigil hangga't hindi kita napa-oo," seryoso nitong wika habang nakatingin sa aking mga mata.
"Umuwi ka na baka hinahanap ka na sa inyo," pag-iiba ko ng aming usapan. "Salamat!" nasabi ko na lamang dito ngunit hindi ko alam kung para saan ang pasasalamat kong iyon basta na lamang lumabas iyon sa bibig ko.
Akmang tatalikod na ako rito nang hablutin nito ang kamay ko kung kaya't napatigil ako sa paghakbang.
"Thank you also," anito na bahagyang pinipisil ang kamay ko na agad naman nitong binitiwan. "Wait lang, ang mga pagkain bago pa makalimutan." Binuksan nito ang pinto ng sasakyan sa back seat at kinuha niya ang mga pagkain sa loob.
Hindi agad ako nakakilos nang bitbitin nito papasok sa loob ng bahay. May ilang segundo akong napatulala bago ko ito sinundan. Huli na rin para palabasin ko ito sa loob ng bahay dahil nailapag na nito ang dalang pagkain sa lamesa na agad namang dinaluhan ng mga kapatid ko.
"Wow! Kuya, ang dami mong pagkain na dala," anas ni Jimboy at agad na tiningnan nila ni Jenny ang laman ng mga nakasupot na pagkain.
Nakatingin lang ako sa mga ito habang pinipigilan ko ang pag-init ng aking mga mata, dahil first time rin ng mga kapatid ko makatikim ng mga pagkain na masasarap, madalas sardinas at tuyo lang. Minsan kapag walang-wala na talaga mantika, toyo at asin. Minsan nakakatikim ako ng mga pagkain na sakto lang katulad ng mga menudo at afritada kapag nasa bar ako dahil madalas bigay lang din sa akin ng mga kasamahan ko. Minsan naman inuuwi ko para sa mga kapatid ko para matikman din nila.
Hindi ko namalayan na may iilang butil ng luha ang bumagsak sa aking pisngi kung kaya't kaagad ko itong pinunasan. Nakita ko ang saya sa mga mata ng aking mga kapatid habang isinasalin nila ang pagkain sa mga lalagyan. Kumuha na rin ang mga ito ng plato.
"Ate, daming pagkain na dala si kuya. Ate, kain na tayo!" Nakangiting saad ng kapatid ko at agad na pumuwesto ito sa upuan na kahoy na mahaba katabi ni Jenny habang nakatayo lang ang lalaking ito na nakatingin sa akin.
"Puwede ba akong kumain dito?" tanong nito habang nakatingin sa akin.
"Oo naman kuya, kayo po kaya may dala ng pagkain kaya dapat lang na kumain kayo rito," nakangiting wika ni Jimboy rito. Ayoko naman ipagkait ang saya ng mga kapatid ko kung kaya't pumayag na rin ako na sumabay itong kumain sa amin. Nakakahiya naman kung ipagtatabuyan ko pa siya lalo na at siya pa ang may dala ng mga pagkain.
"Ate, halika na gutom na kami," reklamo ni Jimboy dahil hindi pa rin ako umaalis sa aking kinakatayuan.
Umupo na rin ang lalaking ito sa isa pang upuan na kahoy na mahaba at kasyang umupo ang tatlong tao. Humakbang na rin ako palapit sa mga ito at tumabi ng upo rito, dahil wala naman na kaming ibang upuan kun'di itong dalawang mahaba lamang. Umupo ako sa may bandang dulo upang may distansiya pa rin sa pagitan naming dalawa. Muli akong tumayo para maghugas ng kamay sumunod din ang dalawa kong kapatid samantalang nakaupo pa rin ito.
Dahil sanay kaming magkakapatid na nagkakamay sa tuwing kami ay kumakain kaya naman nagtaka ito at nagpalipat-lipat ng tingin sa aming tatlo. Dahil napansin kong mukhang hindi ito marunong magkamay habang kumakain kung kaya't tumayo ako upang kuhanan ito ng kutsara at tinidor. Ngunit bago pa man ako naka-alis sa kinauupuan ko ng pigilan niya ang aking kamay.
"Ako na," anito sabay tayo. Ang buong akala ko ay kukuha ito ng kutsara at tinidor ngunit dumiretso ito sa munti naming lababo na gawa sa kawayan upang maghugas ng kaniyang kamay. Pagkatpos nito saka ito umupo at nagsalin ng pagkain sa plato niya at nag-umpisang kumain ng nakakamay. Halatang hindi ito sanay kung kaya't lumulusot ang pagkain sa pagitan ng mga daliri niya. Hindi ko rin mapigilan ang mapangiti ng lihim dito dahil mukhang hindi ito sanay sa buhay mahirap. Ngunit hindi ko naman nakitaan ito ng pandidiri o panlalait kahit na nakatira lang kami sa bahay na yari sa kahoy at kawayan.
Tila napansin din ni Jimboy na nahihirapan itong kumain ng nakakamay kung kaya't tumawa ito na kaagad ko namang sinaway.
"Kuya, ganito po kasi dapat gumamit ng kamay kapag kumakain." Bahagyang itinaas ni Jimboy ang kaniyang kamay upang turuan ito kung paano dumampot ng pagkain na hindi lumulusot sa pagitan ng kaniyang mga daliri.
Kaagad naman nito natutuhan kung paano magkamay habang kumakain.
"Kuya, ano nga po pangalan po ninyo?" tanong ni Jimboy rito habang ngumunguya.
"Jimboy, ano nga sabi ni ate?" Pinandilatan ko ito ng aking mga mata.
"Don't talk when your mouth is full," biglang sabat naman ni Jenny habang nakatingin sa akin.
Kung si Jimboy maingay, si Jenny naman napakatahimik. Masasabi ko rin na matalinong bata dahil saka lang siya iimik kapag hindi makasagot ang kapatid niya.
"Sorry, ate," hinging paumanhin naman ni Jimboy sa akin at muling tumahimik ito habang kumakain.
"Jimboy, 'di ba tinatanong mo ang pangalan ko?" tanong naman ng lalaki sa kapatid ko na agad naman itong tumango. "Ako si Dexter Montecillo, puwede mo akong tawaging Kuya Dexter o 'di kaya ay Kuya Dex na lang."
Dexter Montecillo? Ka-anu-ano niya kaya ang may-ari ng Montecillo Group of Companies? Isa kasi ang Montecillo Group of Companies sa mga kompanyang pinagbabalakan kong applyan kapag nakatapos na ako ng aking pag-aaral.
"Kuya Dex, girlfriend niyo po ba si ate?" tanong ni Jimboy rito nang malunok na nito ang pagkain na nasa kaniyang bibig.
Muntik ko namang maibuga ang pagkain na aking nginunguya.
"Jimboy!?" saway ko rito at sabay na pinandilatan ko rin ito ng mata.
Napansin ko namang nakangiti itong nagpakilalang Dexter sa aking tabi. Akmang magsasalita ulit ako ngunit naunahan ako nito.
"Kung papayag ang ate mo na maging girlfriend ko," ani nito sa kapatid ko ngunit sa akin ito nakatingin.
Tila na-conscious ako sa mga titig nito at pakiramdam ko lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko mabuti na lang at biglang pumasok si Myrna ang kaibigan ko na palagi kong hinahabilinan ng dalawa kong kapatid.
"Uy, may bisita pala kayo," nakangiting wika nito habang palapit sa amin.
"Bessy, kain ka ha, ikuha kita ng plato rito ka na umupo sa tabi ko." Akmang tatayo na ako ng pigilan ako nito sa balikat.
"Bessy, ako na kukuha alam ko naman kung saan nakalagay eh," pangiti-ngiti nitong wika.
Nang makakauha na ito kaagad na bumalik ito at tumabi sa akin, tuloy naipit ako sa pagitan nilang dalawa ni Dexter na lalong ikinalakas ng kabog ng dibdib ko nang magdikit ang mga balat namin.
"Bessy, puwede lumipat ka sa tabi ni Jimboy at Jenny maluwag doon," bulong ko rito.
"Dito na lang ako bessy, ayoko na lumipat saka maganda rito sa puwesto ko." Humagikhik pa ito. "Baka puwede niyong ipakikilala sa akin ang inyong panauhin?" ani nito habang nakatingin kay Dexter.
Matagal bago may umimik kung kaya't nagpalipat-lipat ng tingin si Myrna sa amin.
"Ate, siya si Kuya Dexter, hinatid niya si ate saka may dala pa siyang pagkain," ani ni Jimboy kay Myrna.
Bumaling ulit ng tingin si Myrna kay Dexter sabay lahad ng kamay rito. "Hi, I'm Myrna, kaibigan ko si Bernadette."
Tumango lang ito kay Myrna imbes na tanggapin nito ang kamay nitong nakalahad sa kaniya.
"Guwapo sana kaya lang suplado," muling bulong nito sa aking tainga sabay bawi ng kaniyang kamay na nakalahad dito.
Napapailing na lang ako rito.