Nang matapos kumain nagmamadaling umalis si Myrna dahil palabas na ang inaabangan nitong teleserye sa television habang nililigpit ko naman ang aming pinagkainan.
"Let me help you," ani ni Dexter mula sa aking likuran habang pinagpapatong-patong ko ang mga plato upang dalhin sa sira naming lababo.
"Hindi na, kaya ko na 'to," sabi ko rito ng hindi ko ito nilingon.
"Ate, kami na ni Jenny maghugas po niyan," ani ni Jimboy habang pinupunasan nito ang lamesa.
"Ako na maghuhugas nito. Maghugas na kayo ng inyong mga katawan bago matulog," utos ko sa mga ito at agad na dinala ko sa lababo ang mga plato.
Agad na tumalima rin si Jimboy at Jenny habang nakasunod pa rin si Dexter sa akin. Tila nakaramdam ako ng hiya rito dahil sa sitwasyon ng aming pamumuhay na halos sira-sira na ang tinitirhan naming bahay pero hindi ko man lang siya nakikitaan ng kahit na ano mang pagka disgusto. Habang naghuhugas ako tahimik lang din itong nakamasid sa akin kung kaya't humarap ako rito.
"Hindi ka ba naiilang dito sa amin o mandidiri man lang?" tanong ko rito.
"Bakit naman ako maiilang at mandidiri? Hindi naman ang bahay ang liligawan ko... ikaw ang liligawan ko," anito at unti-unting lumalapit sa akin.
Tila naging abnormal ang t***k ng dibdib ko habang nakatitig ako rito. Bigla naman akong napalunok ng dumako ang mga mata nito sa aking dibdib. Pakiramdam ko may sampung kabayo na naghahabulan sa loob nito lalo na nang iangat nito ang kaniyang kamay.
"May kanin," ani nito ng matanggal na nito ang kanin na nakapatong sa itaas ng aking dibdib. Pakiramdam ko nakukuryente ako sa simpleng pagdampi ng kamay nito sa dibdib ko, kung kaya't tumalikod din kaagad ako rito at ipinagpatuloy ang paghuhugas.
Hanggang sa matapos akong maghugas nakamasid lang ito sa akin ngunit ang t***k ng puso ko ayaw pa rin magpaawat. Mabuti na lang at lumapit si Jimboy sa amin.
"Kuya, salamat po sa masarap na hapunan," sabi ni Jimboy rito. "Saka kuya, 'yong sinabi mo po kanina na joyride?"
"Oo naman, hindi ko nakalimutan 'yon. Malakas ka kaya sa akin," sabi nito sa kapatid ko habang ginugulo niya ang buhok ni Jimboy.
"Kuya, salamat po ulit. Good night na po." Abot hanggang tainga ang ngiti nito. "Ate, good night."
"Good night, Jimboy," ani niya rito at nag-fist bump pa ang mga ito. "Bukas maaga tayong aalis." Pagpapaalala pa niya sa kapatid ko.
"Opo, kuya. Masusuot ko na rin ang binili ni ate sa akin na sapatos at damit." Tuwang-tuwa na wika ng aking kapatid.
"Sige na, pumasok ka na samahan mo na si Jenny matulog," utos ko rito.
Kaagad na tumalikod ito at pumasok sa kuwarto namin na tanging kurtina lang ang nagsilbing pinto.
Dahil napaaga ang uwi ko, kung kaya't magkakasama kaming magkakapatid na matulog ngayong gabi. Madalas kasi sa bahay na ito ni Myrna natutulog lalo na at gabi na ako kung umuwi.
Muling bumaling sa akin si Dexter.
"Thank you for tonight," sabi nito habang nakatingin ito sa aking mga mata. "Bukas ulit. I have to go."
Seryoso ba talaga siya sa joyride na sinabi niya sa kapatid ko? At seryoso ba talaga siya sa panliligaw niya sa akin? Parang ang bilis naman yata ng pangyayari? Kanina lang kami nagkita parang ang pakiramdam ko matagal niya na akong kilala, samantalang wala akong kaalam-alam tungkol sa kaniya.
Nang wala itong makuhang sagot sa akin kaagad na lumabas na ito sa bahay at humakbang papunta sa kaniyang sasakyan. Parang ang bastos ko naman kung hindi ko man lang ito kakausapin kahit na hindi maganda ang unang pagkikita namin ngayong araw. Kahit papaano napansin ko naman na kahit suplado at medyo bastos ito pero mukhang may tinatagong kabaitan naman.
"Sandali..." tawag ko rito bago pa ito pumasok sa kaniyang sasakyan. "Salamat!"
Huminto agad ito at bumaling sa akin.
"I should be the one saying that. Don't you know how happy I am right now? Lalo pa at hinabol mo pa ako just to say thank you." Bahagya itong ngumiti.
Muli nitong isinarado ang pinto ng kaniyang sasakyan bago lumapit sa akin.
"Dexter Montecillo nga pala." Inilahad nito ang kaniyang kamay sa akin habang nakatitig sa aking mga mata.
Napatingin naman ako sa kaniyang kamay bago ko ito tinanggap.
"Bernadette Robles," mahinang sambit ko na saktong lang sa pandinig niya.
"Nice meeting you, Bernadette." Bahagyang pinisil pa nito ang aking kamay bago nito binitawan.
Hindi ako sumagot dito bagkus tumango lang ako at bahagya ko itong nginitian.
"Alam mo ba na... you are more beautiful when you smile?" ani nitong titig na titig sa akin.
Kibit-balikat lang ang sagot ko rito dahil hindi ko naman alam ang isasagot ko talaga sa kaniya at isa pa kakakilala lang namin. Ayoko rin masiyadong magpapaniwala rito baka lokohin lang ako nito kahit na mabait ang ipinapakita nito sa akin at sa mga kapatid ko. Kailangan ko pa rin na kilalanin ito ng mabuti baka isa lang ito sa mga lalaking nagmamagandang loob at pagdating ng araw at nakuha niya na ang tiwala ko ay saka naman niya ako lolokohin. At isa pa, focus muna ako sa aking pag-aaral at sa mga kapatid ko dahil kapag natapos ko na ito at nakahanap na ako ng magandang trabaho, ay mai-aahon ko na ang aking mga kapatid sa kahirapan at mai-aalis ko na sila rito sa sira-sira naming bahay. Dalawang taon na lang at matatapos ko na rin ang aking pag-aaral.
"Okay ka lang ba?" untag nitong tanong sa akin.
Tumango lang ako rito.
Tumango rin ito bago sumakay sa kaniyang sasakyan.
"I'll go ahead. I'll be back tomorrow." Kaagad na pinaandar nito ang kaniyang sasakyan at maya maya ay umalis na ito.
Saka lang ako tumalikod nang hindi ko na matanaw ang kaniyang sasakyan. Nagulat pa ako ng biglang sumulpot si Myrna sa aking harapan.
"Bessy, umamin ka nga boyfriend mo ba 'yon?" tila nang-uusig na tanong nito sa akin.
"Hindi, ah!" defensive na sagot ko rito.
"Eh, bakit, hinatid ka rito tapos may dala pang pagkain? At take note, dito pa kumain. Sige nga, sabihin mo kung hindi gawain ng boyfriend 'yon?" nanlalaki ang mga mata nitong tanong.
"Bakit boyfriend lang ba ang gumagawa no'n, bessy? Hindi ba puwedeng nagmagandang loob lang ako na pakainin siya rito sa bahay dahil siya naman ang may dala ng pagkain?"
"Ibig sabihin niyan tiwalang-tiwala ka na agad sa kaniya? What if, gawan ka ng hindi maganda?"
"Hindi naman siguro, bessy. At isa pa customer namin 'yon sa bar at kilala siya ni Mamang Sandra." Palusot ko na lang dito para wala na maraming katanungan.
Mukhang naimpluwensiyahan nito ang kapatid ko sa pagiging imbestigador sa dami ng tanong. Sabagay kung tutuusin may point naman siya na hindi dapat ako agad-agad na magtitiwala lalo pa at hindi ko pa gaanong kilala ang tao.
"Pinapapaalalahanan lang kita, bessy. Baka mamaya niyan kinukuha niya lang ang loob mo at iba ang motibo niya sa'yo, mahirap na."
"Thank you, bessy. Promise hindi ako magiging marupok at isa pa may mga pangarap pa ako gusto ko pang makapagtapos ng aking pag-aaral." Ngumiti ako rito.
"Iyan ang bessy ko, na sana paninindigan niya ang sinabi niya na hindi siya maging marupok," wika nito sabay tawa.
"Trust issue, bessy?" natatawang wika ko rin dito. "Pero bessy, sobrang maraming thank you talaga at nandiyan ka kahit papaano panatag ang loob ko na maiwan ang mga kapatid ko rito. Balang-araw makakabayad din ako sa'yo bessy, sa lahat ng naitulong mo sa akin at sa mga kapatid ko." Pinipigilan ko ang pamamasa ng aking mga mata.
"Alam mo bessy, ang drama mo." Tumawa ito na pilit pinapagaan ang usapan namin. "Ano pa at naging magkaibigan tayo? At isa pa, kayo na lang ang mayro'n ako, 'no. Pareho tayong iniwanan na ng mga magulang natin," wika nito sabay punas sa kaniyang mata gamit ang likod ng kaniyang palad na parang bata.
"Ako raw itong ma-drama pero siya ang unang umiyak," sabi ko rito sabay yakap sa kaniya.
Sabay rin kaming nagkatawanan nang humiwalay ito ng yakap sa akin.
Halos magkakapareho ang kapalaran namin ni Myrna na halos ulila na sa magulang. Ngunit ang pagkakaiba lang namin, buhay pa ang kaniyang ama pero hindi niya ito nakilala simula noong bata pa siya at naiwan na lang siya sa kaniyang ina, ngunit kalaunan ay iniwanan din siya nito dahil namatay ito nang dapuan ito ng sakit na cancer. Hindi rin naipagamot dahil na rin sa kahirapan at ayaw nito magpagamot sapagkat magastos lang daw iyon, kaya naman nirespeto rin iyon ng nanay ko dahil isa rin iyon sa kahilingan ng nanay niya. Ginawa na lang ng nanay ko ang abot ng kaniyang makakaya upang tulungan ang nanay niya na nanghihina na, hanggang sa bawian na nga ito ng buhay.
Bestfriend ng nanay ko ang nanay niya at kilala rin ng nanay ko ang tatay niya ngunit ayaw nilang sabihin kung sino ito. At kabilin-bilinan din ng nanay niya sa nanay ko na huwag sasabihin kahit kanino o kahit sa kaniya, kung sino talaga ang tatay niya bago ito bawian ng buhay. Halos magka-edad lang kami ni Myrna. Sabay kaming nag-aral at nakapagtapos ng elementarya at high school. Ilang buwan bago matapos ang graduation namin bago namatay ang nanay niya. At noong nakaraang taon sumunod din ang parents ko, namatay naman sila sa isang aksidente. Halos hindi ko matanggap ang pangyayaring iyon lalo na at hindi ko alam kung paano ko bubuhayin ang aking mga kapatid. Ganoon pa man, naghanap pa rin ako ng paraan para lang mabuhay kaming magkakapatid.
Pagkatapos na pagkatapos mailibing ang parents ko, kaagad akong naghanap ng trabaho at mapalad na tinanggap ako ni Mamang Sandra sa bar niya. Kahit papaano ang kikitain ko sa bar maibili ko ng pagkain namin at iba pang pangangailangan sa bahay. Masuwerte na lang din at nami-maintain ko pa rin ang aking mataas na grado kahit minsan ay wala akong pahinga dahil pagkagaling ko ng school diretso kaagad ako sa bar. Madalas pag-uwi ko tulog na ang mga kapatid ko sa bahay ni Myrna at ayaw naman nito na kukuhanin ko pa ang mga ito para lumipat sa bahay, kung kaya't hinahayaan ko na lang din ito na ro'n sila matulog. Kinaumagahan naman bago ako umalis ng bahay sinisigurado ko na may sinaing na at ulam kahit na ginisang sardinas, minsan piniritong tuyo o 'di kaya ay noodles na may itlog.
Malaki ang pasasalamat ko at nandiyan si Myrna upang tumingin sa mga kapatid ko. Hindi na kasi ulit ito nag-enroll pa sa college simula ng bumagsak ito sa entrance exam. Bagkus nagtayo na lang ito ng maliit na tindahan sa bahay niya upang may pagkakitaan siya gamit ang naiwang pera ng kaniyang ina, na dapat sa pag-aaral niya sa kolehiyo na hindi naman ginamit ng nanay niya pampagamot para sa sarili niya.
Samantalang itinuloy ko pa rin ang aking pag-aaral sa kolehiyo dahil sa tulong ng scholarship program na inilunsad ng eskuwelahan. Pinalad naman akong makapasa sa exam kung kaya't nagtuloy-tuloy ako kahit na noon ay gusto ko nang sumuko dahil sa pagkamatay ng mga magulang ko. Mabuti na lang at pinilit ako ni Myrna na lumaban katulad niya, kung kaya't ipinagpatuloy ko iyon kahit na mahirap ang sitwasyon ko bilang tumatayong ina't ama ng aking mga kapatid.