Humiwalay lang ang mga labi namin nang biglang may tumikhim.
Ano ba ang pumasok sa kukute ko at bigla na lang ako pumatol sa lalaking hindi ko kilala?
Pinamulahanan ako ng mukha ng makita ko si Brenda na nakangiti habang nakatingin sa aming dalawa, kung kaya't naitulak ko ang lalaki at muntikan pa itong mahulog sa kinauupuan nito dahil napalakas ang pagtulak ko sa kaniya.
"Ay, may mukbang agad?" ngumiti ito ng makahulugan habang nagpalipat-lipat ng tingin sa aming dalawa.
Pinandilatan ko ito ng aking mga mata ngunit lalo pa itong ngumisi.
"Sir, ito na po pala ang order ninyong drinks para sa girlfriend po ninyo," malandi nitong wika.
Ang sarap sampalin ng baklang ito. Anong girlfriend na pinagsasabi nito.
"Bakla, ang bibig mo pasmado. Gusto mo dagdagan ko ang pagkapasmado niyan?" mahina ngunit mariin kong wika rito habang pinandidilatan ko ito ng aking mga mata.
Subalit hindi naman nakalagpas sa paningin ko ang pagkabuo ng ngiti ng lalaking katabi ko. In fairness guwapo siya.
"Kung papayag siya na maging girlfriend ko," ani naman nito na ikinabigla ko.
Hindi ko alam ang sasabihin ko at parang bigla na lang umurong ang dila ko.
"Iyon naman pala, eh. Girl, sagutin mo na kaagad si sir, naghihintay siya," malandi nitong wika. "O siya, iwan ko na ulit kayo para matuloy ang naudlot na laplapan."
Nang makalayo na si Brenda, lalong nagulat ako sa ginawa nito dahil bigla nitong ipinatong ang kamay nito sa hita ko at dahan-dahan na pinipisil-pisil niya iyon. Panay ang paglunok ko ng aking laway at biglang nasamid ako dahilan upang maubo ako.
"Are you okay?" tanong nito at agad na tinanggal ang kamay nito sa aking hita saka hinagod nito ang aking likod.
Tumango lang ako, pakiramdam ko kasi naumid ang dila ko lalo pa at ramdam ko ang mainit na palad nito sa likod ko. Feeling ko rin hindi gumagana ang utak ko.
Lalo pa itong lumapit sa akin at idinikit ang katawan na lalong nagpabilis ng kabog ng dibdib ko. Naaamoy ko ang pinaghalong pabango nito at alak na lalong nakakawala sa aking katinuan. Nagulat na lang ako ng bigla nitong hilahin ang kamay ko palabas ng bar at dinala ako nito sa kaniyang sasakyan. At hindi ko rin namalayan na nakapasok na ako sa loob ng sasakyan niya.
"Saan mo ako dadalhin?" tanong ko rito ng paandarin na nito ang sasakyan. Ngayon lang din ako nahismasan sa kahibangan niya.
"Seatbelt," sabi nito habang ikinakabit din nito ang seatbelt niya bago ito lumingon sa akin. Naisipan kong bumaba sana hangga't hindi pa naman nito pinapatakbo ang sasakyan habang may pagkakataon pa na tumakas, ngunit maagap ito at napigilan ako nito sa aking baywang. Bahagyang nakayakap ito sa akin at halos magkadikit na ang aming mukha. Isang maling kilos ko lang muling magdidikit na naman ang aming mga labi, kung kaya't hindi na ako kumilos at hindi na rin ako kumibo pa. Hanggang sa naramdaman ko ang kamay nito sa tagiliran ko at saka hinagilap nito ang seatbelt at ito na rin mismo ang nagkabit sa akin.
"Saan mo ba kasi ako dadalhin?" tanong ko rito.
"Dadalhin kita sa lugar na alam ko," sagot nito saka pinaharurot ang sasakyan.
"Hoy! Ibalik mo ako may trabaho pa ako!" sigaw ko rito.
"No turning back," sabi na lang nito na hindi man lang lumingon sa akin.
"Anong no turning back na pinagsasasabi mo?" Hindi ko na mapigilan ang pagtaas ng boses ko. "Ibalik mo ako sabi, eh!" Hinampas ko ito sa kaniyang braso ngunit hindi man lang ito natinag.
Maya maya pa ay tumigil ito sa tapat ng isang mamahaling restaurant.
"Ano ang gagawin natin dito?" tanong ko rito.
Hindi niya naman siguro ako dadalhin dito kung hindi kami kakain, 'di ba?
Tumingin lang ito sa akin ngunit hindi nito sinagot ang tanong ko. Kaagad na kinalas nito ang kaniyang seatbelt bago bumaba. Umikot naman ito sa passenger seat at pinagbuksan ako ng pinto.
"Ayoko!" madiin kong sambit ng hindi nakatingin dito.
"Kakain lang tayo, pagkatapos ihahatid na kita pauwi," wika nitong nakalahad ang kamay sa akin.
Tumingala ako rito at nakita ko ang mapang-akit na mga mata nito. Hindi ko maintindihan ang sarili ko dahil bigla na lang kumabog ang dibdib ko habang diretso akong nakatingin sa mga mata nito. Tila na hipnotismo ako sa mga titig nito. Hanggang sa natagpuan ko na lang ang sarili ko na inaabot ko ang nakalahad nitong kamay sa akin at naramdaman ko ang init ng mga palad niya na humahawak sa kamay ko.
I can't explain exactly how I feel. Basta na lang ako sumama rito ng hindi pa kami nagkakakilala o 'di kaya ay ako lang ang hindi nakakakilala sa kaniya? He's a total stranger to me, ngunit heto ako at sumama pa rin sa kaniya.
Nagpatianod na lamang ako rito habang magkadaupang ang aming mga palad papasok sa loob ng mamahaling restaurant. Tila natauhan naman ako ng makapasok kami sa loob dahil ang pakiramdam ko ay naiiba ako sa mga taong narito, sapagkat napaka elegante nilang tingnan samantalang ako naka t-shirt at pantalon na kupas at naka sapatos nga pero sira naman at idagdag pa ang magulo kong buhok. Pakiramdam ko ay pinagtitinginan ako ng mga taong nandito sa loob ng restaurant. Samantalang ang lalaking ito parang walang pakialam sa paligid niya, at tuloy-tuloy lang ito sa paglalakad habang hila-hila nito ang aking kamay, hanggang sa makarating kami sa bakanteng lamesa na nasa isang sulok ng restaurant.
Ipinaghila ako nito ng upuan bago ito umupo sa katapat ko na upuan.
"Order what you want," anito habang nakatingin sa menu list.
Nakatitig lamang ako sa menu list na iyon at hindi ko man lang ito binuklat.
"Don't you like it here?" mahinang wika nito at agad na isinarado nito ang menu list at tumingin sa akin. "If you're not comfortable, let's just order then we will bring the food to your house. How about that?"
Napatingin ako sa kaniya at pakiramdam ko hinaplos ang puso ko dahil sa sinabi nito. Nakita ko naman sa mga mata nito na mukhang sinsero ito sa kaniyang sinabi. Ang hindi ko lang maintindihan kung bakit niya ginagawa ito.
"Ano ang kailangan mo sa akin, bakit mo ginagawa ito?" mahina kong tanong sa kaniya.
Diretso itong tumingin sa aking mga mata.
"I already told you that I liked you. That's it!" walang kagatul-gatol naman nitong sagot.
Hindi pa rin ako makapaniwala na seryoso nga ito sa sinasabi nitong gusto niya ako. Tila naumid na naman ang dila ko, kung kaya't hindi ko matugunan ang sagot nito.
"May tanong ka pa ba?" Muli niya akong tiningnan sa aking mga mata hanggang sa natagpuan ko na lang ang aking sarili na umiiling.
Dahil wala itong nakuhang sagot mula sa akin, tinawag na lang nito ang crew ng restaurant at nag-order ito ng pagkain.
Mukhang harmless naman ito kaya hindi na ulit ako nagtanong. Sino ba naman ang aayaw kung ito na mismo ang nag-alok?
Siguradong matutuwa ang mga kapatid ko lalo pa at ibang pagkain ang matitikman nila. Hindi palaging sardinas, toyo, mantika at asin. Isa rin sa mga rason kung bakit ayaw kong kumain dito dahil naiisip ko ang mga kapatid ko, lalo na at matagal na nilang hinihiling sa akin ang makapasok o makakain man lamang sana sa mga ganitong mamahaling restaurant. Ngunit hindi ko naman kayang ibigay iyon sa kanila lalo na at hikahos kami sa buhay at umaasa lang din ako sa scholarship program sa pinapasukan kong University. Minsan naman kapag may natitirang pera sa sahod ko sa bar, saka lang kami nakakatikim ng ulam na masarap katulad ng lechon manok o fried chicken sa kanto.
Maya maya ay dumating na ang mga in-order nitong pagkain na sobra kong ikinagulat dahil napakadami iyon.