Napagpasyahan ko munang bumisita kina mama pagkatapos ng trabaho ko. Tutol pa rin sila sa desisyon kong pagbalik sa bahay ni Kyle ngunit nakiusap ako sa kanila na bigyan lang nila ako ng limampung araw. Pagkatapos no’n magdedesisyon na ako kung ano nga bang gusto kong gawin para sa sarili ko.
"Anak?" gulat na bulalas ni mama pagpasok ko pa lang sa loob ng bahay. Lumapit siya sa akin at niyakap ako. "Kumusta ka na?"
"Mabuti naman po, ma. Miss ko na kayo," ginantihan ko siya ng yakap.
"Miss na miss ka na rin namin,” ani mama nang magbitiw kami sa yakap. "Umuwi ka na dito, anak…"
Napaiwas ako ng tingin sa sinabi niya.
“Kumakain ka ba ng maayos? Hindi ba siya malupit sa ‘yo? Mabuti naman ba ang trato niya sa ‘yo?” sunud-sunod na tanong ni mama at hinila ako patungong sala.
"O-opo, ma…” napakagat ako sa ibabang labi at nilaro ang aking mga daliri.
“Sa tono mo pa lang, ‘nak, alam kong hindi ka na maayos…”
Napayuko ako para hindi makita ni mama ang namumuong sakit sa mukha ko. Kahit naman anong sabihin ko sa kanila, kumbinsido sila na hindi maganda ang pakikitungo ni Kyle sa akin. Ako lang naman kasi ang nagpumilit na bumalik sa kanya. Lahat sila ay hindi sang-ayon sa ideyang pagbalik ko kay Kyle. Ito na lang kasi ang nakikita kong paraan para mabuo ulit ang relasyon namin.
Siguro nga’y martir na ako kung maituturing. Pero gano’n naman talaga kapag nagmamahal, ‘di ba? Ipaglalaban mo ang taong mahal na mahal mo. Hahanap ka ng paraan para maging maayos ulit ang lahat sa inyo. Hangga’t kaya mong lumaban, hindi mo siya susukuan.
“Ayos lang talaga ako, ma,” nag-angat ako ng tingin at binigyan siya ng matamis na ngiti.
"At ‘yang nasa leeg mo? Siya ang may gawa n’yan, hindi ba?”
Mabilis akong umiling sabay hawak sa leeg ko. "H-hindi po. Nakagat p-po ito ng lamok.”
Hinwakan ni mama ang magkabilang balikat ko. "Hindi ka talaga magaling magsinungaling, Yssabelle,” buntong hininga niya. "Bakit ba kasi pinipilit mo pa ang sarili mo sa kanya?” may halong hinanakit sa tono niya.
“Ma, ayos lang po talaga ako. Maganda ang—“
Niyakap ako ng mahigpit ni mama na siyang ikinagulat ko. "A-anak, tama na... tigilan mo na siya. H-hindi pa ba sapat na dahilan a-ang mga ginagawa niya sa ‘yo para iwan at sukuan mo na siya?"
Hindi ko na napigilan pa ang pagtulo ng mga luha. Totoong hindi naman talaga maayos ang pakikitungo ni Kyle sa akin, pero hindi ko ‘yon kayang aminin kahit kanino. Gusto ko siyang bigyan ng pagkakataon dahil naniniwala ako na magbabago siya. Naniniwala ako na lalambot ulit ang puso niya at tatanggapin ako ng buong-buo.
"Ma, mahal ko po siya. M-mahal na mahal..." humihikbing sagot ko. Kahit hindi ko man sabihin, alam kong alam na ni mama kung anuman ang tumatakbo sa isip ko.
"Alam ko anak kung gaano mo siya kamahal… nakikita ko ‘yun. P-pero sana naman alam kung kailan ka na d-dapat bumitaw," mukhang hindi na rin napigilan pa ni mama ang sarili niyang emosyon dahil umiyak na rin siya sa balikat ko.
"H-hindi ko kaya, ma…"
"W-wala naman siyang ginagawa para maging ayos kayo. Ikaw lang ang lumalaban para sa inyong dalawa. T-tigilan mo na siya, Yssabelle… pakiusap."
Hindi na ako sumagot pa. Hinigpitan ko na lang ang yakap kay mama. Hindi kami tumigil sa pag-iyak hanggang sa mailabas na namin lahat ng lungkot at sakit. Ilang sandali pa ay bumitiw na sa yakap si mama. Hinawakan niya ang pisngi ko at pinunasan ang mga luha kong patuloy pa rin sa pagtulo.
"B-basta anak, ito na ang huli. Pag nasaktan ka ulit, hindi na kami papayag na balikan mo pa siya."
Tumango na lang ako bilang sagot.
Inaya ako ni mama na dito na maghapunan. Hindi ako tumanggi dahil miss ko na talaga sila. Gusto ko ring makita si papa at ang bunso kong kapatid na si Annie. Lumipat si papa sa ibang kumpanya pagkatapos niyang mag-resign sa kumpanya nila Kyle. Si Annie naman ay nagta-trabaho bilang isang call center agent.
"Ate?" napatingin ako sa pintuan nang sabay na pumasok si papa ate Annie. Lumapit ang kapatid ko sa akin at niyakap ako ng mahigpit. “Miss na kita!”
“Miss na rin kita. Kumusta ka na?”
"Mabuti naman. Ikaw?” bumitiw si Annie sa yakap at hinawakan ako sa magkabilang braso. “Pumayat ka, ate?"
"Pagod lang sa trabaho."
Napatingin ako kay papa na nakatayo sa likuran ni Annie. May halong lungkot at galit ang paraan ng pagtitig niya sa ‘kin.
“Mabuti naman at naisipan mong dumalaw,” aniya.
Nagpaalam muna si Annie na magbibihis. Naiwan kaming dalawa ni papa sa sala. Si mama naman ay abala sa paghahanda ng hapunan namin.
Mabahang katahimikan ang bumalot sa pagitan ni papa. Gusto kong magsalita at kausapin siya ng maayos pero hindi ko mahanap ang boses ko. Nakayuko lang ako, hindi ko siya magawang tingnan ng diretso sa mga mata. Ramdam ko naman kasi ang pagtatampo niya sa ‘kin simula nang umalis ako dito sa bahay para balikan si Kyle.
"Kailan mo balak umuwi?" basag ni papa sa katahimikan.
"H-hindi ko pa po alam."
"Gustong gusto mo talaga ang nahihirapan, ‘no?" bakas ang galit sa boses niya. "Hindi ko alam kung ano bang pagkukulang namin ng mama mo para lang magkaganyan ka sa isang lalaki."
Hindi ako makapagsalita. Kahit anong sabihin ko, hindi nila maiintindihan ang rason ko kung bakit ko piniling bumalik kay Kyle. Tanga nga siguro ako sa paningin nila. Pero ayokong palagpasin ang pagkakataon ay may pagsisihan sa huli.
Tinawag na kami ni mama para sa hapunan. Tahimik kaming lahat habang kumakain. Walang nag-iimikan sa amin. Ang paggalaw ng mga kutsara’t tinidor ay siya lamang nagsisilbing ingay. Lahat kami ay tila tinatantya ang galawa ng isa’t isa.
Natapos kaming kumain na wala man lang kumikibo ni isa sa amin. Pakiramdam ko, ito na ang pinakamatagal na hapunan ng buhay ko. Tumayo na si papa, ako naman ay tinulungang magligpit si mama ng pinagkainan namin. Si Annie naman ay nagpunta na sa kwarto niya para makapagpahinga.
Pasado alas nuebe nan g gabi nang mapagpasyahan kong umuwi na. Nagpaalam na ako kay Annie. Si mama at papa na lang ang naghatid sa akin sa labas ng bahay.
"Sigurado ka bang ayaw mong magpahatid?" nag aalalang tanong ni mama.
"Opo."
"Oh, sige. Basta mag iingat ka, ha?"
"Opo, ma," niyakap ko siyang muli. Nang magbitiw kami ay si papa naman ang hinarap ko. "Pa, alis na po ako.”
Tango lang sagot niya sa ‘kin. Nalungkot ako do’n, kaya naman tumalikod na ako. Maglalakad na sana ako palayo ngunit naglat ako nang tawagin ni papa ang pangalan ko.
“Yssabelle…”
"P-po?" humarap ulit ako sa kanila.
Lumapit siya sa akin. “Ipangako mo na kapag sinaktan ka niya ulit, hinding hindi ka na babalik pa sa kanya,” aniya sabay yakap ng mahigpit sa ‘kin.
"Opo, papa," muli na naman akong napahikbi.
Madilim na ang paligid nang makadating ako sa bahay ni Kyle. Sarado ang lahat ng ilaw kaya ang akala ko'y wala pa si Kyle. Ngunit nang buksan ko ang ilaw sa sala, bumungad kaagad sa akin ang matalim na tingin niya. Nakaupo siya sa sofa at naka-krus ang mga braso. Mukhang kanina pa niya ako hinihintay. Napalunok ako sa pagusbong ng takot sa aking dibdib.
"Saan ka galing at ba’t ngayon ka lang umuwi?" madiin at diretsong tanong niya.
"B-inisita ko sina mama," sagot ko. Hindi ko maigalaw ang aking katawan dahil sa kabang nararamdaman ko ngayon. Nanatili lang akong nakatayo sa may pintuan.
Tumayo si Kyle na siyang mas ikinatakot ko. Gusto ko sanang umurong ngunit huli na dahil marahas na niyang nahablot ang aking braso. “Huwag mo nga akong pinaglololoko! Sabihin mo… saan ka galing?!”
“Nagsasabi ako ng t-totoo, Kyle… sa bahay ako galing. Kahit itanong mo—“ himigpit ang hawak niya sa ‘kin kaya hindi ko naituloy ang sasabihin ko. "Aray. N-nasasaktan ako."
"Sabihin mo ang totoo!" mas hinigpitan pa niya ang hawak sa akin. Parang madudurong ang braso ko.
"N-nagsasabi ako n-ng totoo…"
"Ano?!" sigaw niya sa mukha ko. "Galing ka ba sa lalaki mo, ha?!"
"W-wala akong lalaki, p-please. Nasasaktan ako." Umiiyak na ako at hindi ko alam kung dahil ba ito sa sakit ng pagkakahawak niya o dahil sa masasakit na salitang binibitawan niya.
"Huwag mo nga akong gawing tanga!" isinandal niya ako sa pader. Napangiwi ako dahil sa lakas ng pagkakatama ng likod ko. “Kasama mo ba ‘yung lalaking kasama mo sa coffee shop? Oh baka naman… may iba pa?!”
"M-maniwala ka. W-wala akong lalaki. Ikaw lang…" humihikbing sabi ko.
"Ako lang?” binitawan ni Kyle ang braso ko. “’Yan ba ang sinasabi mo sa lahat ng lalaki mo para mahuthutan sila ng maraming pera?"
Mas lalo akong naiyak sa sinabi niya. Talaga bang ganyan ang tingin niya sa akin?
Natigilan lang ako sa pag iyak nang maramdaman ang mainit na palad ni Kyle na pumipisil sa dibdib ko. Ramdam na ramdam ko ang init niya na tumatagos sa tela ng damit ko. “Akin ka lang. Naiintindihan mo?!” hindi ko na siya nagawang sagutin pa dahil nagsimula na siyang halikan ang leeg ko.