Candid
Celeste's POV
Mukhang nagbakasyon ang universe nang isang linggo o baka ako lang talaga ang nawala sa sarili kong mundo.
Anuman doon, natapos na rin ang sunod-sunod na kakaibang pagkakataong parang may sariling agenda sa buhay ko. Bumalik na lang ang lahat sa dati tulad ng mga klase, requirements, deadlines, at lahat ng bagay na mas may karapatang kunin ang atensyon ko.
Ang mga sumunod na araw ay nilamon ng pagtatapos ng semester. Buti na lang, tapos na ang exams. Pero hindi ibig sabihin noon na tapos na rin ang stress. May revisions pa ng mga project, final submissions, paperwork sa department, at mga group chat na ayaw mamatay kahit naipasa na namin ang kailangan ipasa.
Nakakapagod.
Parang pare-pareho na lang ang bawat araw.
Umaga, nasa library ako. Hapon, nasa classroom o kung saan may available na mauupuan para mag-aral. Gabi, sinusubukan kong kumbinsihin ang sarili ko na may nagagawa ako kahit minsan dalawampung minuto na akong nakatitig sa isang paragraph na wala naman akong naiintindihan.
Sa pagtatapos ng araw, ang gusto ko na lang ay matulog, at iyon ang sinasabi ko sa sarili ko. Kasi minsan, sa mga sandaling hindi ako busy, may kung anong biglang sumisingit sa isip ko.
Isang bookstore.
Isang cafe.
Isang estrangherong nakakainis dahil ang dali niyang ngumiti na parang wala siyang problema sa buhay, at bago pa ako tuluyang mapaisip tungkol doon, itinataboy ko na agad ang idea.
Isang linggo na.
Wala na dapat iyon.
Pero pagsapit ng Huwebes, napansin kong nagkaroon na ako ng kakaibang attachment sa kape at color-coded sticky notes. Hindi ko alam kung nakakabilib ba iyon o nakakaalarma...siguro pareho.
Kahit gaano kapuno ang schedule ko, may mga maliliit na bagay pa ring nakakasingit.
Isang bookstore.
Isang itim na hoodie.
Isang estrangherong nakikipagtalo tungkol sa librong hindi ko naman dapat pinakikinggan.
Nakakainis.
Wala naman talaga siyang dahilan para manatili sa isip ko. Pagsapit ng Biyernes ng hapon, nasa university library ako para ibalik ang Filipino 102 reference book na halos dalawang linggo nang nakatambay sa loob ng tote bag ko. Pareho pa rin ang vibe ng library ang tahimik, malamig, at puno ng mga estudyanteng mukhang isang requirement na lang ang layo bago tuluyang sumuko.
Mahina ang tunog ng air-conditioning sa taas. Nandoon pa rin ang amoy ng lumang papel, tinta ng printer, at mga librong matagal nang nasa estante.
Sa circulation desk, tahimik na inaasikaso ng librarian ang mga ibinabalik na libro habang ang ibang estudyante ay nakakalat sa mga mesa, abala sa kani-kanilang laban sa semester.
Iniabot ko ang libro at hindi agad umalis. Ayoko lang munang bumalik sa labas. Nakakatawa kung iisipin, pero minsan mas nakakagaan pa tumayo sa pagitan ng mga libro kaysa harapin ang mga bagay na naghihintay sa'yo. Dahan-dahan kong hinagod ng daliri ang gilid ng mga librong nasa estante habang binabasa ang mga pamagat mga librong mukhang may sagot daw sa buhay kahit ilang pahina lang naman ang laman.
Lumipat ako sa kabilang aisle, walang balak talagang humiram. Naghahanap lang ako ng paraan para patagalin ang pag-alis. Hanggang sa may isang pamagat na nagpahinto sa akin.
The Architecture of Human Attachment.
Napataas ang kilay ko, medyo Psychology-coded. Hinila ko nang kaunti ang libro mula sa estante at binuksan ang unang pahina. Doon ko narinig ang mga boses mula sa kabilang aisle.
Isang grupo ng mga estudyante. Hindi ko naman sila pinansin agad. Mga pira-pirasong salita lang ang naririnig ko habang nagbabasa, iyong tipong dumadaan sa tenga pero hindi talaga pinoproseso ng utak.
"...submission natin mamaya..."
"...bro, hindi pa tapos 'yung edit..."
"...Media Arts people really live dangerously."
Napangiti ako nang bahagya sa huling narinig ko bago muling ibinalik ang tingin ko sa libro. Hanggang sa may isang tanong na biglang nagpahinto sa akin.
"Diego, duty ka sa café mamaya?"
Boses ng babae.
Hindi ko alam kung bakit, pero biglang nanigas ang kamay ko sa hawak kong libro. Sa unang segundo, hindi ko agad naintindihan kung bakit ako napahinto. Pagkatapos, saka ko lang na-process.
Diego.
Dahan-dahang bumalik ang atensyon ko mula sa pahina.
"Yeah," sagot ng isang pamilyar na boses mula sa kabilang bahagi ng estante at medyo distracted ang tono niya.
"Three hanggang closing."
Hindi ko alam kung bakit, pero may kung anong maliit na reaksyon ang nangyari sa loob ko.
Nakakainis.
Kasi isang pangalan lang naman iyon... Diego. Maraming Diego sa mundo. Hindi ibig sabihin na kapag narinig ko iyon, siya agad.
Iyon ang dapat kong isipin.
Inayos ko ang hawak ko sa libro at bahagyang sumilip sana sa pagitan ng mga estante nang biglang may isang librong kumawala mula sa gilid ko pero bumagsak iyon sa sahig. Sa katahimikan ng library, parang nagawa ko ang pinakamalaking kasalanan na puwedeng gawin.
"Shoot."
Mabilis akong yumuko para pulutin iyon bago pa may librarian na biglang lumitaw mula sa kung saan at tingnan ako nang may tahimik na pagkadismaya.
Napailing ako sa sarili ko.
Seriously, Celeste?
Library lang 'to.
Hindi naman ako nasa isang action movie na kailangang magtago sa likod ng mga libro. Pagkaayos ko ng hawak ko sa libro, naghintay ako ng ilang segundo bago muling lumabas mula sa aisle, pero huli na.
Wala na ang grupo.
Huminto ako sa dulo ng aisle at hindi ko maiwasang tumingin sa paligid.
Para saan?
Hindi ko rin alam.
Parang may inaasahan akong makikita. Isang pamilyar na mukha, isang itim na hoodie, isang taong hindi ko naman dapat hinahanap... pero wala. Ang nakita ko lang ay mga estante ng libro, mga estudyanteng tahimik na nag-aaral, at ang parehong library na parang walang nangyari.
Napabuntong-hininga ako at hinigpitan ang hawak ko sa librong dala ko. University campus ito maraming Diego rito, siguro dose-dosena, siguro higit pa. Hindi naman imposible na may isa pang Diego na nagtatrabaho sa café. Hindi naman lahat ng Diego ay... napahinto ako sa iniisip ko.
Kasi bakit nga ba ako gumagawa ng listahan? Bakit ko kailangang patunayan sa sarili ko na hindi siya? At mas nakakainis na tanong—bakit ko gustong patunayan na siya?
Napangiwi ako.
Ano ba talaga, Celeste?
Kailan pa ako nagsimulang bumuo ng buong pagkatao ng isang tao na halos hindi ko naman nakakausap? Ang alam ko lang tungkol sa kanya ay nagtatrabaho siya sa café, mahilig siyang gumawa ng latte art na mukhang hindi niya rin lubos na pinagkakatiwalaan, at may ngiting nakakainis dahil parang laging may alam na hindi niya sinasabi. Kahit iyon, masyado nang marami para sa isang taong hindi ko naman kilala.
Nakakatawa.
Isang linggo lang ang lumipas, pero parang ang dali niyang bumalik sa isip ko. Muli kong inayos ang hawak ko sa libro bago tuluyang tumalikod papunta sa exit ng library. May deadlines pa ako, may readings pa akong kailangang tapusin, may tatlong academic responsibilities akong tahimik na naghihintay para sirain ang natitirang oras ko ngayong hapon. Wala akong oras para sa isang bookstore boy na magulo ang buhok, palpak gumawa ng latte art, at may ngiting hindi ko dapat napapansin.
Iyon ang desisyon ko at determinado akong panindigan iyon. Kaya lumabas ako ng library nang medyo mas mabilis kaysa sa kailangan. Hindi dahil may hinahanap ako. Hindi dahil umaasa akong makikita ko siya. Hindi dahil may maliit na parte sa akin na ayaw pang sumuko sa posibilidad.
Hindi!
Habang naglalakad ako palayo, may isang tanong pa ring ayaw manahimik sa isip ko.
What if it really was him?
end of chapter three part 1