continuation,
Diego's POV
Sa pagitan ng mga maling pangalan na naisusulat ko sa mga paper cup at ng araw-araw na pagpapanggap na kabisado ko na ang lahat sa likod ng espresso machine, may isang bagay na unti-unting namuo nang hindi ko namamalayan.
Noong una, hindi ko iyon pinansin.
Normal lang naman.
Palaging puno ang café. May mga estudyanteng kayang umupo nang ilang oras habang salitan ang tingin sa laptop, sa cellphone, at sa assignment na mukhang wala na ring balak tapusin. May mga magkakaibigang walang tigil sa kuwentuhan. May mga tahimik lang na umiinom ng kape habang nakatanaw sa bintana.
Natural lang namang mapatingin ang mga tao sa isa't isa dahil araw-araw ko iyong nasasaksihan sa café. May mga tinging saglit lang at mayroon ding walang anumang ibig sabihin. Kaya wala sanang dahilan para isipin kong may kakaiba roon. Iyon ang paulit-ulit kong ipinapaalala sa sarili. Pero may mga bagay talagang hindi nadadaan sa pangangatwiran. Kahit anong kumbinsi ko sa sarili, bumabalik pa rin ang pakiramdam na may kung anong hindi ko maipaliwanag.
Hindi naman ito iyong tipong bigla kang mapapatigil o mapapaisip. Tahimik lang. Parang laging nasa gilid ng isip ko. Katulad ng isang kantang ilang beses mo nang narinig kaso hindi mo namalayang kabisado mo na pala.
Isang hapon, habang kumukuha ako ng order, napadako ang tingin ko sa dining area. Doon ko siya muling nakita, nakaupo sa mesa sa tabi ng bintana kasama ang kaibigan niya. Maluwag ang pagkakahawak niya sa baso ng iced drink habang tahimik na nakikinig sa kuwento ng kasama. Paminsan-minsan ay tumatango siya, sapat para magmukhang nakatutok ang buong atensyon niya sa usapan.
Almost,
Dahil maya't maya, lumilihis ang tingin niya. Papunta sa counter, papunta sa direksyon ko. Hindi iyon sapat para mapansin ng ibang tao. Pero sapat para mapansin ko.
Napangiwi ako.
Nag-a-assume lang ba ako?
Pero sa tuwing muntik na kaming magkatagpo ng tingin, agad siyang umiilag na para bang nahuli siyang may ginagawang kalokohan. Bigla na lang siyang titingin kung saan-saan, na para bang biglang naging napaka-interesante ng menu board sa likod ko.
Napayuko ako at kunwaring abala sa receipt printer, pilit na pinipigilan ang ngiting gustong kumawala.
Ano ba 'to?
Hindi dahil tumitingin siya. Normal lang namang mapatingin ang mga tao sa isa't isa, ang hindi normal, ako. Noong una ko siyang makita, isa lang siyang customer. Pagkatapos, siya na iyong babaeng nakita ko sa bookstore. Hanggang sa naging siya na rin iyong babaeng laging may notebook na abot-kamay at mukhang laging may kung anong iniisip. Hindi ko na lang namalayan na kabisado ko na pala ang maliliit na bagay tungkol sa kanya kahit hindi ko naman talaga siya kilala, at doon ko lang napagtanto na may mali.
Kasi nagsimula ko na pala siyang hanapin. Hindi naman sinasadya o baka gusto ko lang talagang paniwalaan na hindi. May mga pagkakataong bumubukas ang pinto ng café at kusang napapatingin agad ako bago pa makapag-isip. May mga pagkakataon ding iniikot ko ang tingin sa bawat mesa, saka ko lang mare-realize kung sino ba talaga ang hinahanap ng mga mata ko.
Iyon ang bahaging hindi ko maipaliwanag.
Hindi naman kasi agad nagiging mahalaga ang isang tao. Dahan-dahan lang iyon. Minsan nagsisimula sa isang pagkakataon, isang maikling usapan, o ilang simpleng pagtatagpong sa una ay parang walang ibig sabihin. Hanggang sa isang araw, mapapansin mo na lang na iba na ang pakiramdam kapag wala sila.
Hindi ko alam kung kailan eksaktong nangyari.
Basta isang araw, hindi na lang siya basta customer. Hindi pa rin naman kami magkakilala. Pero hindi ko na rin siya maituturing na estranghero.
"Sorry," I said quickly. "What can I get for you?"
Hindi nagtagal, dumagsa na ang maraming tao. Sunod-sunod ang takeout orders. Halos hindi na huminto ang receipt printer sa paglalabas ng resibo, at bago ko pa maubos ang isang stack ng paper cups, may panibago na namang kailangang ihanda. May isang customer na nagpabago ng order habang ginagawa ko na, habang ang isa naman ay gusto ng oat milk, extra caramel, at eksaktong tatlong pumps ng vanilla. Hindi ko alam kung bakit, pero parang may mga taong nakasalalay ang buong araw sa tamang dami ng syrup.
Sa loob ng ilang minuto, halos nilamon ako ng trabaho.
Kumuha ako ng panibagong milk pitcher, nag-singaw ng gatas, saka ibinuhos ang espresso. Sandali akong naglakas-loob na subukang gumawa ng latte art.
Heart shape sana ang balak ko.
Ang lumabas mukhang kung anong abstract art na kahit ako hindi ko maipaliwanag.
Napatitig ako sa tasa.
"Seriously?"
Napatawa na lang ako nang mahina bago iniharap iyon sa customer.
"Good enough," bulong ko sa sarili.
Paglingon ko ulit sa mesa sa tabi ng bintana, parang may kung anong kumirot sa dibdib ko.
Nakatayo na sila.
Nakasukbit na sa balikat ng kaibigan niya ang bag nito habang siya naman ay inaayos ang manggas ng cardigan bago pulutin ang mga gamit.
Paalis na.
Hindi ko alam kung bakit, pero parang mas mabilis pa sa dapat ang naging reaksyon ko. Bago pa ako tuluyang makapag-isip, nakalabas na ako sa likod ng counter habang pinupunasan ang mga kamay ko sa apron.
Okay.
Kaya ko ba?
Isang tanong lang naman e,
"Hey, ikaw 'yung sa bookstore kagabi, 'di ba?"
tapos!
Dalawang hakbang pa lang ang naigagalaw ko nang may tumawag.
"Diego!"
Napahinto ako.
Nasa may hallway papunta sa stockroom ang manager namin.
"Extra hands sa stockroom. Now."
Awtomatiko akong napalingon sa mesa nila.
Pero wala na sila.
Mabilis akong tumingin sa pinto ng café, na para bang may pag-asang maaabutan ko pa sila kung sapat lang ang bilis ng paglingon ko. Ang tanging nakita ko ay ang unti-unting pagsara nito.
Sh*t!
Nakaalis na sila.
Napabuntong-hininga ako at isinuksok ang dalawang kamay sa bulsa ng apron, bahagyang natatawa sa sarili kong reaksiyon.
Seriously?
Hindi ko nga alam kung ano ba talaga ang gusto kong mangyari. Isang tanong lang naman sana. Isang simpleng pagkilala. Pero heto ako, nakatayo sa gitna ng café na parang may nawalang pagkakataon na hindi ko naman dapat pinanghawakan.
Salitan kong tinignan ang stockroom at ang pintuan kung saan siya huling dumaan, na para bang may magbabago kung titigan ko iyon nang matagal o mainis ako nang sapat.
Pero wala.
Napailing na lang ako habang naglalakad papunta sa likod, pilit na ibinabalik ang atensyon ko sa trabaho.
Hindi ko alam kung bakit parang mas nakakainis pa ang katotohanang muntik ko siyang makausap kaysa sa katotohanang hindi ko siya nakausap, at habang papalayo ako, napabuntong-hininga na lang ako at napailing.
"Universe, if this is your plan, ang pangit ng execution mo."
end of chapter two