continuation,
Celeste's POV
Umupo ako sa tabi ng bintana kung saan malayang pumapasok ang sinag ng araw, dahan-dahang dumadampi sa mesa at nagbibigay ng gintong kulay sa ibabaw nito. Unti-unting dumudulas ang mga patak ng tubig sa plastik na baso ng iced drink ko, habang sa labas ay tuloy lang ang agos ng mga sasakyan sa kalsada. Pero sa loob ng café, parang mas mabagal ang takbo ng oras. Naghahalo ang mahihinang usapan ng mga tao sa paulit-ulit na tunog ng espresso machine at sa indie playlist na marahang umaalingawngaw mula sa mga speaker.
Mahigit limang minuto nang nagsasalita si Sofia.
Tungkol yata sa kaklase namin o baka sa professor o baka pareho.
Sa totoo lang, hindi ko na sigurado.
Paminsan-minsan lang akong tumatango sa mga sandaling pakiramdam ko ay iyon ang tamang reaksyon. Habang wala sa loob kong hinahalo ang iced coffee sa harap ko, unti-unti namang lumilihis ang atensyon ko sa direksyong hindi ko dapat tinitingnan.
Sa kabilang bahagi ng café...
Sa likod ng counter...
Abala ang barista.
Hindi sa paraang pilit magpapa-impress. Hindi rin gaya ng mga taong alam na alam nilang pinagmamasdan sila.
Natural lang.
Tahimik.
Nakatuon sa ginagawa.
Parang buong-buo siyang naroon sa bawat kilos.
Ibang-iba sa lalaking nakilala ko kagabi.
Agad akong umiwas ng tingin.
Pero ilang segundo lang...
napatingin ulit ako.
Hindi siya iyon.
Mabilis na sumingit ang isip kong tila gustong kumbinsihin ang sarili.
Pero hindi yata sang-ayon ang mga mata ko.
Kahit paulit-ulit sabihin ng lohika na imposible, may kung ano sa paraan ng pagtayo niya. Sa bahagyang paglingon niya tuwing
tinatawag ang order ng customer. Sa paraan ng pagkilos niyang parang hindi niya alam na may mga matang maaaring nakatingin sa kanya. Nakakainis dahil masyado iyong pamilyar.
Nakatupi pa rin ang manggas niya hanggang bisig, at may bahagyang bakas ng coffee powder sa may pulsuhan niya. Palipat-lipat siya ng hawak sa mga paper cup, milk pitcher, at resibo na para bang ilang araw pa lang siyang nagtatrabaho roon, pero ayaw niyang mahalata ng kahit sino.
Mas humigpit ang hawak ko sa malamig na basong inorder ni Sofia para sa akin.
Siya kaya ang gumawa nito?
Bigla na lang sumulpot ang tanong sa isip ko.
Napakawalang-kuwentang tanong at wala ring kinalaman sa kahit ano.
Pero...
Hindi ko napigilang sumimsim ng kaunti.
Kape lang.
Normal na kape.
Walang himalang nangyari.
Walang background music.
Walang dramatic realization, at gayon pa man...
Napasulyap na naman ako sa counter.
Sandali lang.
Nakayuko siya habang may isinusulat sa paper cup. Paulit-ulit na nalalaglag ang buhok niya sa noo at dalawang beses ko nang nakita kung paano niya iyon itinutulak pabalik gamit ang gilid ng pulsuhan dahil parehong abala ang mga kamay niya.
Napakasimpleng kilos pero nakakainis kung bakit parang pamilyar na pamilyar iyon sa akin.
"Okay..."
Naputol ang takbo ng isip ko nang magsalita si Sofia. Mabagal ang pagkakabigkas niya sa salitang iyon, may halong pagdududa at pilyang ngiti, na para bang may napansin siyang matagal ko nang sinusubukang itago.
Napakurap ako at napabalik sa kasalukuyan.
Pagharap ko kay Sofia, nadatnan ko siyang nakatingin sa akin sa ibabaw ng baso niya. Bahagyang nakataas ang isang kilay at nakapikit nang kaunti ang mga mata, gaya ng tinging matagal ko nang kilala. Iyong tipong wala kang maitatago sa taong ilang taon mo nang best friend.
"Ano?" tanong ko, pilit na kaswal ang boses.
"You’re doing the thing." Napakunot-noo ako.
"Anong thing?" Sumandal siya sa upuan at itiniklop ang mga braso sa dibdib, parang detective na ilang segundo na lang ay maglalabas na ng ebidensya.
"Yung present ka rito physically pero yung utak mo nasa ibang storyline na." Muntik na akong mapapikit.
"Uy, nakikinig naman ako."
"Talaga?" Humalukipkip siya. "Sige nga. Ano'ng sinasabi ko?"
Tumahimik ako.
Binuka ko ang bibig ko.
Tapos isinara rin agad.
Napasinghap siya nang malakas.
"Aha!"
"Oh my God," mahina kong bulong.
"Hindi ka nakikinig!"
"Hoy, nakikinig kaya ako."
"Sinungaling." Napabuntong-hininga ako at sumandal sa upuan habang walang saysay na iniikot ang straw sa baso ko.
"Okay fine," sabi ko. "Sorry. Medyo pagod lang."
Pagod kakaisip kung...
Hindi ko na tinuloy ang isip na iyon.
Hindi agad nagsalita si Sofia.
Pinagmasdan niya lang ako, na para bang sinusubukan niyang basahin ang nasa likod ng mukha ko.
"Pagod?" dahan-dahan niyang ulit.
Tumango ako.
"Mhm."
Sumimsim ako ng kaunti sa kape, hindi dahil nauuhaw ako kundi dahil kailangan kong may ginagawa ang mga kamay ko.
At bakit ba ako kinakabahan?
Hindi naman ako tingin nang tingin sa counter.
Nagkataon lang.
Normal lang namang lumibot ang mata mo sa café kapag wala kang ginagawa.
Normal.
"O..." Bahagyang naningkit ang mga mata ni Sofia habang nakatitig sa akin. "May iniisip ka?"
Napalunok ako.
Naku.
Kilala ko ang tono niyang iyon.
Kapag ganiyan siya magsalita, ibig sabihin ay may nahuli na siyang hindi ko pa inaaming nahuli niya.
"Wala," mabilis kong sagot habang pinipilit kong manatiling normal ang mukha ko.
Masyadong mabilis.
Agad niya akong tinuro gamit ang daliri.
"Suspicious."
Nagkunwari akong mas interesado sa tanawin sa labas ng bintana.
"Celeste."
"Hindi nga."
Mas lumambot ang boses niya, pero hindi niya inalis ang tingin sa akin.
"Wala nga, Sofia."
"Talaga?" Napangiti siya.
"Eh bakit halos every ten seconds tumitingin ka sa counter?"Parang may maliit na bagay na bumagsak sa tiyan ko.
"Huh?"
"Huwag kang magkunwari. Tatlong beses mo nang nililingon si Kuya Diego."
Kuya... Diego?
Halos mabilaukan ako kahit wala naman akong iniinom.
Diego.
Iyon pala ang pangalan niya.
Hindi ko alam kung alin ang mas ikinagulat ko. Ang pangalan niya o ang katotohanang hindi ko namalayang gusto ko pala itong malaman.
"Hindi kaya," mabilis kong depensa.
Masyadong mabilis na naman.
Masyadong defensive.
Hindi naman intentional na napapatingin ako roon.
Nagkataon lang.
Kapag umiikot ang tingin ko sa café, doon lang talaga napupunta.
Magkaiba iyon.
Siguro.
"Oo kaya!" medyo napalakas na sabi ni Sofia.
Agad ko siyang sinaway.
"Pwede bang hinaan mo?"
Baka marinig ka niya.
Naputol ako.
Hindi ko na itinuloy ang nasa isip ko.
Lumaki ang mga mata ni Sofia.
"Oh my God."
Mahina niyang tinapik ang mesa.
"Tumingin ka nga talaga!"
"Hindi!"
"Oo!"
"Hindi nga!"
"Girl..."
Kinuha ko ang baso niya at sumimsim kahit hindi ko naman iyon inorder.
Nakakahiya.
Dahil hindi naman talaga siya mali.
Pero...
Nakakainis kung gaano siya kalapit sa katotohanan.
Bago ko pa mapigilan ang sarili ko, kusang napunta ulit ang tingin ko sa counter.
Naroon siya.
Abala sa pagtanggap ng orders habang sabay na nag-i-steam ng gatas. Nakapatong lang sa gilid ng machine ang order slip at paminsan-minsan ay sinusulyapan niya iyon.
Bahagyang gumalaw ang manggas ng apron niya habang inaabot ang isang paper cup sa itaas.
Napansin kong bahagyang kumunot ang noo niya.
Tapos maingat niyang ibinuhos ang foam sa ibabaw ng latte. Mukhang sinusubukan niyang gumawa ng latte art, puso yata o kung ano mang dapat maging puso.
Mula sa kinauupuan ko, hindi ko masyadong makita. Pero base sa ekspresyon niya ilang segundo ang lumipas...
Mukhang pumalpak.
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya.
Napakagat siya sa loob ng pisngi, saka marahang umiling na para bang naiinis siya sa sarili niyang gawa.
Ilang segundo niyang tinitigan ang tasa.
Pagkatapos ay napatawa siya nang mahina.
Halos hindi marinig.
Mas nakita ko pa kaysa narinig, at sa hindi ko maipaliwanag na dahilan...
Bigla siyang naging...
Cute.
Hindi sa nakakatawang paraan.
Kundi sa paraang para siyang batang nainis dahil hindi naging perpekto ang isang simpleng bagay.
Natural lang, at nakakatuwang panoorin.
Inabot pa rin niya ang latte sa customer na parang walang nangyari.
Hindi ko namalayang bahagyang umangat ang sulok ng labi ko.
Hindi pala siya magaling sa lahat.
Good to know.
"Oh!"
Mahina pero madiing tinapik ni Sofia ang mesa.
"Ngumiti ka."
"Hindi ah."
"Ngumiti ka sa kanya!"
"Hindi ako ngumiti sa kanya."
"Eh bakit ka kinikilig na parang bida sa romcom?"
"Hindi ako..." Naputol ako.
Dahil sa mismong sandaling iyon...
Nag-angat siya ng tingin.
Diretso sa direksiyon namin.
Isang segundo lang.
Baka nga wala pang isang segundo, pero sapat na iyon.
Sapat para may kung anong bahagyang kumabog sa dibdib ko.
Ako ang unang umiwas ng tingin.
Masyadong mabilis.
Nagkunwari akong inaayos ang strap ng bag ko kahit wala namang kailangang ayusin.
Hindi siya iyon.
Muling bumulong ang isip ko.
Parang pilit akong pinoprotektahan.
Pero sa pagkakataong iyon...
Pakiramdam ko, unti-unti nang humihina ang boses ng lohika.
Dahil kahit paulit-ulit nitong sabihin na imposible...
May kung ano sa paraan ng pagtayo niya.
Sa paraan ng pagkilos niya sa gitna ng mga tao na parang wala siyang kailangang patunayan at sa paraan ng pagbalik ng tingin niya sa direksiyon namin paminsan-minsan...
...na naging napakadaling mapansin, at mas mahirap nang balewalain.
"Bes." Napatingin ako sa kanya.
"Seriously," sabi niya habang pinag-aaralan ang mukha ko.
"Okay ka lang ba talaga?" Sandali akong natigilan.
"Okay lang ako."
"Mhm."
"Promise."
"Sure?"
"Sofia." Napangiti siya at bahagyang itinaas ang dalawang kamay na parang sumusuko.
"Okay, okay. Naniniwala na ako." Pero kitang-kita sa mukha niya na hindi.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik siya sa pagkukuwento. Tungkol sa mga requirements naming kailangang ipasa, sa isang kaklase raw na halos puro ChatGPT ang laman ng paper, sa grades, sa caffeine addiction naming dalawa, at kung anu-ano pa.
Paminsan-minsan ay tumatawa ako.
Pero sa totoo lang...
Hindi ko na rin alam kung gaano karami ang talagang narinig ko.
Sa paligid namin, tuloy lang ang buhay.
May mga estudyanteng abalang nagre-review. May isang grupo sa kabilang mesa na napalakas ang tawa bago agad humingi ng paumanhin sa ibang customers. Sunod-sunod ang pagtawag ng orders mula sa counter, kasabay ng paulit-ulit na pagsingaw ng espresso machine at ng mahinang tunog ng mga tasang maingat na isinasalansan.
Patuloy ding sumasayaw ang sinag ng araw sa mesa namin. Unti-unti nang natutunaw ang yelo sa baso ko, at ang maliliit na patak ng tubig ay dahan-dahang dumudulas pababa na parang maliliit na ilog na walang patutunguhan.
Normal ang lahat at marahil iyon ang pinakanakakainis.
Bakit paulit-ulit pa ring bumabalik ang atensyon ko sa iisang direksyon?
Hindi ko naman sinasadya!
Pero kahit anong pilit kong ituon ang sarili ko sa kuwento ni Sofia, may isang bahagi ng isip kong nananatiling aware sa counter.
Aware sa itim na apron niyang bahagyang nakatagilid, na para bang nagmamadali niya lang iyong isinuot kaninang umaga.
Aware sa manggas niyang nakatupi hanggang bisig, at sa manipis na bakas ng coffee powder sa may pulsuhan niya na tila ebidensya ng ilang oras na pakikipaglaban sa trabaho.
Aware rin ako sa paulit-ulit niyang pagtulak sa buhok niya gamit ang likod ng pulsuhan kapag abala ang dalawang kamay niya, para lamang bumagsak ulit ang parehong hibla makalipas ang ilang minuto na parang wala itong balak makisama.
At higit sa lahat...
Napansin ko kung paano siya mag-concentrate.
Bahagyang nagsasalubong ang kilay niya habang binabasa ang order slips.
May maliit na kunot sa noo niya kapag may hindi lumalabas sa gusto niyang resulta at bago niya iabot ang bawat tasa sa customer, laging may isang segundong paghinto, na para bang tinatanong niya muna ang sarili kung sapat na ba ang ginawa niya bago niya ito pakawalan.
Hindi ko dapat napapansin ang mga ganoong detalye.
Barista lang naman siya, at customer lang naman ako.
"Bes, tara na." Naputol ang isip ko sa boses ni Sofia.
Unti-unti akong bumalik sa realidad.
Isinuot ko ang bag sa balikat ko at awtomatikong inayos ang cardigan ko kahit wala namang kailangang ayusin.
Siguro kailangan ko lang ng isa pang segundo bago tuluyang umalis.
Napasulyap ako sa counter.
Naroon pa rin siya.
Hindi siya direktang nakatingin sa akin. Pero sapat ang distansya para maramdaman kong may kung anong tahimik na kamalayang namamagitan sa amin.
May bahagyang kumirot sa dibdib ko.
Hindi sapat para bigyan ng pangalan.
Pero sapat para mapansin.
"Tara na," mahina kong sabi.
Tuluyan na kaming lumabas ng café.
Iniwan ko ang mainit na ilaw, ang amoy ng bagong timplang kape, at ang mahinang musika na patuloy na umaalingawngaw sa loob.
Pero nakakainis mang aminin, parang may maliit na bahagi ng atensyon ko ang naiwan doon at ayaw pa nitong sumunod sa akin palabas.
end of chapter two part 2